Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa anong diwa naging “pipi” si Ezekiel noong panahon ng pagkubkob at pagwasak sa Jerusalem?
Sa pangunahing diwa na wala na siyang maidaragdag pa sa makahulang mensahe ni Jehova na naipabatid na niya.
Nagsimulang maglingkod si propeta Ezekiel bilang tapat na bantay ng mga tapong Israelita sa Babilonya noong “ikalimang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin,” samakatuwid nga, noong 613 B.C.E. (Ezekiel 1:2, 3) Noong ikasampung araw ng ikasampung lunar na buwan ng 609 B.C.E., ipinaalam sa kaniya sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos ang simula ng pagkubkob ng mga taga-Babilonya sa Jerusalem. (Ezekiel 24:1, 2) Ano ang kalalabasan ng pagkubkob? Makaligtas kaya ang Jerusalem at ang walang-pananampalatayang mga tumatahan dito? Bilang bantay, naipabatid na ni Ezekiel ang maliwanag na mensahe ni Jehova ng kapahamakan, at hindi na ito kailangan pang dagdagan ng anuman ni Ezekiel, na para bang magiging mas nakakakumbinsi pa ang mensahe. Naging pipi si Ezekiel sa anumang may kinalaman pa sa pagkubkob sa Jerusalem.—Ezekiel 24:25-27.
Mga anim na buwan pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ibinalita ng isang takas kay Ezekiel sa Babilonya ang pagkatiwangwang ng banal na lunsod. Noong kinagabihan bago dumating ang takas, “ibinuka [ni Jehova] ang . . . bibig [ni Ezekiel] . . . , at hindi na [siya] pipi.” (Ezekiel 33:22) Iyon ang nagwakas sa pagkapipi ni Ezekiel.
Literal bang naging pipi si Ezekiel nang panahong iyon? Maliwanag na hindi sapagkat kahit na pagkatapos niyang maging “pipi,” bumigkas siya ng mga hulang pangunahin nang para sa nakapaligid na mga bansang nagsaya sa pagbagsak ng Jerusalem. (Ezekiel, kabanata 25-32) Sa pasimula ng karera ni Ezekiel bilang propeta at bantay, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang iyo mismong dila ay padidikitin ko sa ngalangala ng iyong bibig, at ikaw ay tiyak na mapipipi, at sa kanila ay hindi ka magiging isang lalaking naglalapat ng pagsaway, sapagkat sila ay isang mapaghimagsik na sambahayan. At kapag nakipag-usap ako sa iyo ay ibubuka ko ang iyong bibig.” (Ezekiel 3:26, 27) Kapag walang mensahe si Jehova para sa Israel, mananatiling pipi si Ezekiel may kinalaman sa bansang iyon. Sasabihin lamang ni Ezekiel kung ano ang nais ni Jehova na sabihin niya sa panahong nais ipasabi sa kaniya ni Jehova. Ang pagkapipi ni Ezekiel ay nagpahiwatig na naging pipi siya may kinalaman sa pagbigkas ng mga salitang may makahulang kahulugan para sa mga Israelita.
Ang makabagong-panahong uring bantay, ang pinahirang mga Kristiyano, ay nagbababala hinggil sa kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan, ang antitipikong Jerusalem. Kapag sumapit na ang “malaking kapighatian” at pinuksa ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, wala nang kakailanganin pang sabihin ang pinahirang uring Ezekiel hinggil sa wakas ng Sangkakristiyanuhan, na bumubuo sa malaking bahagi ng imperyong iyon.—Mateo 24:21; Apocalipsis 17:1, 2, 5.
Oo, darating ang araw na magiging pipi ang pinahirang mga nalabi at ang kanilang mga kasama, anupat wala nang maipababatid pa sa Sangkakristiyanuhan. Mangyayari iyan kapag ginawang wasak at hubad ng “sampung sungay” at ng “mabangis na hayop” ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 17:16) Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na magiging pipi sa literal na diwa ang mga Kristiyano. Gaya ng ginagawa nila ngayon, pupurihin nila si Jehova at babanggitin siya araw-araw at “sa lahat ng mga salinlahing darating.”—Awit 45:17; 145:2.