Gresya—Ang Ikalimang Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig
Tulad ng isang mabilis, at may pakpak na leopardo, si Alejandro ay nanggaling sa Gresya upang sakupin ang Asia Minor (modernong-panahong Turkey), Palestina, Ehipto, at ang Medo-Persianong imperyo tuluy-tuloy hanggang sa gilid ng India. Ibig mo ba ng higit na kaalaman tungkol sa pambihirang mananakop na ito at sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya?
SA EDAD na 20 anyos lamang, minana ng may kabataang si Alejandro ang trono ng Macedon. Makalipas ang dalawang taon, sa pagpapatupad ng plano ng kaniyang amang si Felipe, si Alejandro ay humayo upang magsagawa ng isang digmaan ng paghihiganti laban sa makapangyarihang mga Persiano, na ang imperyo ay nasa gawing silangan. Bago siya huminto, nasakop na ni Alejandro ang daigdig noong kaniyang kaarawan.
Ang magiting na kabataang estratehistang ito ng militar ay nanakop hanggang sa Asia Minor, Siria, Palestina, Ehipto, Babilonya, at sa buong imperyo ng Medo-Persia hanggang sa may pinaka-pintuan ng sinaunang India! Ibinibilang na marahil siyang pinakadakilang heneral noong sinaunang panahon, siya’y kilala sa ngayon bilang si Alejandrong Dakila.
Kataka-taka nga at sa loob ng maikling panahon, ang Gresya ay naging ang ikalima sa dakilang mga kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya—higit na malaki kaysa anuman na nauna rito. Paano nga nangyari ang gayong bagay? Paanong may kaugnayan ito sa Salita ng Diyos? Ano ang kahulugan nito sa iyo?
Inihula ng Bibliya
Dalawang daang taon bago ng panahon ni Alejandro, nang ang Babilonya ang namamayani pa at hindi pa nagiging kapangyarihan ng daigdig ang mga Medo at ang mga Persiano, ang propeta ni Jehova na si Daniel ay binigyan ng dalawang dakilang makahulang pangitain na nagsilbing balangkas ng kasaysayan ng daigdig sa hinaharap. At, pagkatapos bumagsak ang Babilonya, kaniyang tinanggap ang ikatlong hula tungkol sa mga bagay na magaganap matagal pa pagkalipas ng kaniyang panahon. Ito’y isinulat ni Daniel. Ang mga hulang ito, na hindi nagsimulang matupad kundi pagkatapos lamang ng mga dalawang siglo, ay may espisipikong impormasyon tungkol sa mga bagay na mangyayari kay Alejandro at sa kaniyang kaharian.
Ano ba ang isiniwalat kay Daniel? Makikita mo ang mga hula sa Bibliya sa aklat ni Daniel, isinulat humigit-kumulang noong taóng 536 B.C.E. Sa maikli, ito ang mga bagay na kaniyang nakita may kaugnayan sa ikalimang kapangyarihan sa daigdig, ang Gresya:
Sa unang makahulang pangitain, ang Gresya ay isinasagisag ng isang leopardo na sinangkapan para sa maliksing pagkilos. “Ito’y mayroon sa likod nito ng apat na pakpak ng ibon. . . . At binigyan nga ito ng kapangyarihang maghari.”—Daniel 7:6.
Sa ikalawang pangitaing makahula, isang kambing na lalaki ang nakitang “nagmumula sa lubugan ng araw [ang kanluran] sa ibabaw ng buong lupa,” na anupa’t pagkabilis-bilis ang lipad kung kaya’t “ito’y hindi sumasayad sa lupa.” Sa malayong nalakbayan nito ay dumating ito sa dalawang-sungay na tupang lalaki na ang sabi ng anghel ay “kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia.” Ang kambing na lalaki ay “humayo upang saktan ang tupa at baliin ang dalawang sungay niyaon.” Kay Daniel ay sinabi: “Ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya.”—Daniel 8:5-8, 20, 21.
Sa ikatlong pangitain, sinabi kay Daniel na isang hari ng “Persia . . . ang babangon upang pakilusin ang lahat laban sa kaharian ng Gresya. At isang makapangyarihang hari ang tunay na tatayo at magpupuno nang may malaking kapangyarihan at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.”—Daniel 11:2, 3.
Ano ba ang kahulugan ng mga simbolismong ito? Nangyari ba ang mga bagay na ito ayon sa pagkasabi kay Daniel na mangyayari? Tingnan natin.
Natupad ang mga Hula
Noong tagsibol ng taóng 334 B.C.E., si Alejandro ay pumasok sa Asia at sa Dardanelles (ang sinaunang Hellespont) kasama ang mga 30,000 mga naglalakad na kawal at 5,000 mga kawal na nangangabayo. Taglay ang bilis ng isang simbolikong leopardong may apat na pakpak o ng isang kambing na waring hindi sumasayad ang paa sa lupa, siya’y lumusob sa lupaing nasasakupan ng imperyong Persiano—50 beses ang laki kaysa kaniyang sariling kaharian! Siya kaya ay “magpupuno na may malaking kapangyarihan at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban”? Ang kasaysayan ang sumasagot.
Sa Ilog Granicus sa hilagang-kanlurang sulok ng Asia Minor (modernong Turkey) natamo ni Alejandro ang kaniyang unang pakikipagbaka laban sa mga Persiano. Nang taglamig na iyon kaniyang nasakop ang kanlurang Asia Minor. Nang sumunod na taglagas sa Issus sa timog-silangang sulok ng Asia Minor, lubusang nagapi niya ang isang hukbong Persiano na tinatayang may kalahating milyong mga kawal, at ang dakilang hari, si Dario III ng Persia, ay tumakas, anupa’t ang kaniyang pamilya ay iniwang abandonado sa mga kamay ni Alejandro.
Imbis na tugisin ang tumatakas na mga Persiano, si Alejandro ay pumatimog na namamaybay sa baybaying Mediterraneo, at sinakop ang mga base na ginamit ng makapangyarihang plotang Persiano. Ang pulóng-lunsod ng Tiro ay pitong buwan na lumaban. Sa wakas, ginamit ni Alejandro ang mga eskombro ng dating lunsod sa kontinente na winasak ni Nabucodonosor upang gumawa ng isang tawiran patungo sa pulóng-lunsod. Makikita pa hanggang ngayon ang mga labi ng tawirang iyon, na nagpapatunay ng katuparan ng hula ni Ezekiel na ang alabok ng Tiro ay ihahagis sa dagat.—Ezekiel 26:4, 12.
Hindi ginalaw ni Alejandro ang Jerusalem, na sumuko sa kaniya, at siya’y pumatimog, sinakop ang Gaza at pinalawak pa ang kaniyang “malaking kapangyarihan” at siya’y gumawa “ayon sa kaniyang kalooban” sa Ehipto, na kung saan siya’y sinalubong na gaya ng isang tagapagligtas. Sa Memphis siya’y nagsakripisyo sa torong Apis, at ikinatuwa ito ng mga paring Ehipsiyo. Siya rin ang nagtatag ng lunsod ng Alexandria, na noong malaunan naging karibal ng Athenas bilang isang sentro ng karunungan at taglay pa rin hanggang ngayon ang kaniyang pangalan.
Lahat ng mga layunin ng plano ni Felipe ay natupad at nalampasan pa nga, subalit iyon ay hindi pa ang lahat kay Alejandro. Gaya ng isang mabilis-kumilos na lalaking kambing, siya’y bumalik patungong hilagang-silangan, bumagtas sa Palestina at nagpatuloy paitaas patungo sa Ilog Tigris. Doon, noong taong 331 B.C.E., kaniyang nakasagupa ang mga Persiano sa Gaugamela, hindi kalayuan sa gumuguhong mga kagibaan ng dating kabiserang Asirio, ang Nineve. Nagapi nang 47,000 na mga kawal ni Alejandro ang isang reorganisadong hukbong Persiano na may 1,000,000 kawal. Si Dario III ay tumakas at nang malaunan ay pinaslang ng kaniyang sariling mga mamamayan.
Sa bugso ng katuwaan sa tagumpay, si Alejandro ay bumaling sa timog at binihag ang kabiserang pantaglamig ng Persia, ang Babilonya. Kaniya ring sinakop ang mga kabisera sa Susa at Persepolis, sinamsam ang malawak na kabang-yaman ng Persia at sinunog ang dakilang palasyo ni Jerjes. Sa wakas, ang kabisera sa Ecbatana ay nabihag niya. Pagkatapos ay sinupil ng mabilis na konkistador na ito ang nalalabi pang bahagi ng nasasakupang lupain ng Persia, nakarating siya hanggang sa silangan sa Ilog Indus na nasa modernong Pakistan. Walang alinlangan, ang Gresya ang naging ikalima sa dakilang mga kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya.
Ang pananakop ni Alejandro ay nagpalaganap din sa wika at kulturang Griego sa buong malawak na imperyong ito. Palibhasa’y matatag na ang mga kolonyang Griego sa nasakop na mga lupain, ang karaniwang Griegong Koiné ang naging internasyonal na wika noong panahong iyon. Iyon ang wika na ginamit nang malaunan upang maisulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bibliya.
Nagkabaha-bahagi ang Kaharian ni Alejandro
Nais ni Alejandro na muling maitayo ang Babilonya bilang kabisera ng kaniyang imperyo. Subalit ito’y hindi itinakda na mangyari. Sa mga hula ay inilarawan ang mabalahibong kambing na lalaki bilang may malaking nag-iisang sungay, at tungkol dito ay sinabi kay Daniel:
“Ang lalaking kambing, sa ganang sarili, ay labis na nagmalaki; subalit nang sandaling lumakas iyon, ang malaking sungay ay nabali, at kahalili niyao’y kitang-kitang lumitaw ang apat na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit. . . . Ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at kung tungkol naman sa malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata niyaon, iyon ay kumakatawan sa unang hari. At tungkol sa nabali, sa dakong tinayuan ng apat, apat na kaharian ang magbabangon mula sa kaniyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.—Daniel 8:8, 21, 22.
“Pagka siya’y tumayo na, ang kaniyang kaharian ay magigiba at magkakabaha-bahagi sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kaniyang inapo at hindi ayon sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno; sapagkat ang kaniyang kaharian ay mabubunot, para sa mga iba bukod sa mga ito.”—Daniel 11:4.
Gaya ng hula ng Bibliya, ang pagtatamasa ni Alejandro ng paghawak ng kapangyarihan ng pagpupuno sa daigdig ay panandalian lamang. Sa mismong sukdulan ng kaniyang matagumpay na karera, sa edad na 32 anyos lamang, ang walang patumanggang pananakop ni Alejandro ay nagwakas. Bagaman siya’y nilalagnat na likha ng sakit na malaria siya’y nagpatuloy ng pagsasaya hanggang sa kalasingan at biglang-biglang namatay sa Babilonya noong 323 B.C.E. Ang kaniyang bangkay ay dinala sa Ehipto at inilibing sa Alexandria. “Ang malaking sungay” na “kumakatawan sa unang hari” ay nabali. Nang magkagayo’y ano ang nangyari sa kaniyang imperyo?
Sang-ayon sa hula ang kaniyang kaharian ay magkakabaha-bahagi “ngunit hindi sa kaniyang inapo.” Ang walang kakayahang kapatid ni Alejandro na si Felipe Arrhidaeus ay namahala nang maikling panahon ngunit pinaslang. Ganoon din ang tunay na anak ni Alejandro na si Alejandro (Allou) at ang kaniyang di-tunay na anak na si Heracles (Hercules). Ganoon nalipol ang angkan ni Alejandrong Dakila, ang malupit na tagapagbubo ng dugo.
Inihula rin na “may apat na kaharian ang magbabangon mula sa kaniyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan” at na ang kaniyang kapangyarihan ay “magkakabaha-bahagi sa apat na hangin ng langit, ngunit . . . hindi ayon sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno.” Nangyari ba rin ito?
Sa paglakad ng panahon, ang malawak na imperyo ni Alejandro ay nagkabaha-bahagi sa apat na mga heneral niya: (1) Heneral Cassander—Macedonia at Gresya. (2) Heneral Lysimachus—Asia Minor at Thrace ng Europa. (3) Heneral Seleucus Nicator—Babilonya, Media, Sirya, Persia at ang silanganing mga lalawigan hanggang sa Ilog Indus. (4) Heneral Ptolemy Lagus—Ehipto, Libya, at Palestina. Gaya ng inihula, buhat sa malawak na kaharian ni Alejandro bumangon ang apat na Hellenico, o Gresyanong, mga kaharian.a
Ang pinakamatagal na umiral sa mga ito ay ang kaharian ni Ptolemy sa Ehipto. Ito’y nasakop ng Roma noong 30 B.C.E., at nang magkagayon ang Roma ang humalili sa Gresya at naging ang ikaanim na dakilang kapangyarihan sa daigdig.
Magandang Kinabukasan Para sa Sangkatauhan
Ang manlulupig na mga kapangyarihan ng daigdig ay magpapatuloy baga na hali-halili magpahanggang sa kailanman? Hindi, sapagkat sinasabi sa atin ng Bibliya na tayo’y nabubuhay malapit na sa katapusan ng pinakahuli ng mga ito.—Apocalipsis 17:10.
Pagkatapos na makita sa pangitain ang tulad-hayop na mga pamahalaang ito ng tao, si Daniel ay nakakita ng isang bagay na naiiba. Siya’y binigyan ng isang natatanging pangitain ng mismong kalangitan, na kung saan nakita niya “ang Matanda sa mga Araw,” ang Diyos mismo, na ibinibigay ang kaharian, hindi sa isang panghinaharap na taong lider na may kasakiman, kundi sa “isang gaya ng Anak ng tao”—sa binuhay-muli, makalangit na si Jesu-Kristo!—Daniel 7:9, 10, 13.
Anong laking pagkakaiba! Ibang-iba ang makalangit na Kahariang iyan at ang pamamahala ay manggagaling sa dating nagdidigma-digmaang mga haring tao sa lupa. Ganito ang sabi ni Daniel tungkol sa itinaas na makalangit na “Anak ng tao” na ito: “Binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang-hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:14) Iyon ay magiging isang Kaharian ng kapayapaan at katuwiran.—Isaias 9:6, 7.
Pagka nililingon natin ang kasakiman at karahasan ng pamamahala ng tao, maliligayahan tayo na malaman na ang makalangit na Kahariang na ito ay napatatag na at na ang matuwid na pambuong lupang pamamahala nito ay malapit na!—Apocalipsis 12:10, 12.
“Sapagkat ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali sa pagtatapos, at hindi magbubulaan. Bagaman nagluluwat ay patuloy na hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating. Hindi magtatagal.”—Habakuk 2:3.
[Talababa]
a Ang maligalig na mga pangyayari na naganap pagkatapos na magkabaha-bahagi ang imperyo ni Alejandro ay bahagi ng hula tungkol sa “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog.” Ang hulang ito, na nakasulat sa Daniel kabanata 11, ay detalyadong tinatalakay sa mga pahina 229-48 ng aklat na “Your Will Be Done on Earth,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lawak ng sakop ni Alejandro
Pella
Sardis
Issus
Damascus
Tyre
Jerusalem
Alexandria
Memphis
Thebes
Euphrates River
Tigris River
Babylon
Ecbatana
Shushan
Persepolis
Alexandria Eschate
Taxila
Indus River
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pagkakawatak-watak ng imperyo ni Alejandro
Great Sea
CASSANDER
Pella
LYSIMACHUS
Lysimachia
PTOLEMY LAGUS
Alexandria
SELEUCUS NICATOR
Antioch
Selucia
[Larawan sa pahina 24]
Baybayin-dagat malapit sa Alexandria sa ngayon
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.