EZEKIEL
[Pinalalakas ng Diyos].
Anak ni Buzi, isang saserdote. Kabilang siya sa mga bihag na dinala ni Nabucodonosor sa Babilonya kasama ni Jehoiakin noong 617 B.C.E. Ang kaniyang unang mga pangitaing mula sa Diyos ay dumating sa kaniya nang “ikatatlumpung taon, nang ikaapat na buwan, noong ikalimang araw ng buwan,” noong “ikalimang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin.” Nanghula siya sa mga Judio na nakatira sa tabi ng ilog ng Kebar, na pinaniniwalaan ng ilang makabagong iskolar na isa sa malalaking kanal ng Babilonya. Ang “ikatatlumpung taon” ay waring tumutukoy sa edad ni Ezekiel. Sinimulan niyang gampanan ang kaniyang mga tungkulin bilang propeta noong panahong iyon.—Eze 1:1-3.
Palibhasa’y nagmula siya sa isang makasaserdoteng pamilya, tiyak na mayroon siyang lubos na kabatiran sa templo, sa kaayusan nito, at sa lahat ng gawaing isinasagawa roon at bihasa rin siya sa Kautusan. Malamang na mayroon ding lubos na kabatiran si Ezekiel tungkol kay Jeremias at sa mga hula nito, dahil si Jeremias ay isang propeta sa Jerusalem noong panahon ng kabataan ni Ezekiel. Naging bentaha rin kay Ezekiel ang paninirahan sa Juda nang ilang panahon noong naghahari ang matuwid na si Haring Josias, na nagwasak ng mga altar ni Baal at ng mga nililok na imahen, nagsimulang magkumpuni ng templo, at higit pang nagpasidhi ng reporma nito sa Juda alang-alang sa dalisay na pagsamba nang ang aklat ng Kautusan (lumilitaw na isang orihinal na isinulat ni Moises) ay masumpungan sa templo.—2Cr 34.
Bago wasakin ng Babilonya ang Jerusalem, saang mga estratehikong lokasyon inilagay ni Jehova ang kaniyang mga propeta?
Ang buhay ni Ezekiel bilang propeta ay kapanahon niyaong kina Jeremias at Daniel. Si Jeremias ay naglingkod bilang propeta ng Diyos sa mga Judio sa Jerusalem at Juda, anupat nagkaroon siya ng pakikipag-ugnayan sa tiwaling mga hari ng Juda. Si Daniel, na nasa korte ng Babilonya at nang maglaon ay nasa korte ng Medo-Persia, ay binigyan ng mga hula may kinalaman sa sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig at sa pagkatalo ng mga ito sa mga kamay ng Kaharian ng Diyos. Si Ezekiel ay naglingkod sa Babilonia sa gitna ng mga Judio at ng kanilang mga pangulo at ipinagpatuloy niya roon ang gawain ng mga propeta. Kaya bagaman tinatamasa ng mga Judio sa Jerusalem ang kapakinabangang dulot ng templo pati na ng mataas na saserdote nito at ng saserdoteng propeta na si Jeremias, yaong mga nasa Babilonya ay hindi naman pinabayaan ni Jehova. Si Ezekiel ang propeta ng Diyos sa kanila, at bagaman hindi siya naghahain bilang paglilingkod, naroon siya bilang tagapayo at tagapagturo ng kautusan ng Diyos.
Nagkaroon din ng malapit na kaugnayan ang gawaing panghuhula nina Jeremias at Ezekiel, anupat kapuwa nila pinabulaanan at pinagsikapang pawiin sa isipan ng mga Judio sa Jerusalem at sa Babilonia ang ideya na wawakasan kaagad ng Diyos ang pamumuno ng Babilonya at na hindi babagsak ang Jerusalem. Aktuwal na nagpadala si Jeremias ng liham sa mga bihag sa lupain ng Babilonia, na sinasabi sa kanila na mamayan at maging payapa sa Babilonya dahil kailangan munang lumipas ang 70 taon bago sila tubusin. Tiyak na narinig ni Ezekiel ang mga salita ng liham na ito. Gayundin, maaaring narinig niya ang pagbasa ng aklat na nang maglaon ay ipinadala ni Jeremias na humuhula tungkol sa pagbagsak ng Babilonya.—Jer 29; 51:59-64.
Humula sa “Mapagmatigas” na Bayan. Ang mga bihag sa Babilonia ay may mas mabuting katayuan sa harap ni Jehova kaysa sa mga Judiong natira sa Juda, gaya ng inilalarawan ng mga basket ng mabubuti at masasamang igos na nakita ni Jeremias. (Jer 24) Magkagayunman, hindi madali ang atas na nasa harap ni Ezekiel, dahil ang mga bihag na Israelita ay bahagi rin ng mapaghimagsik na sambahayan. Gaya ng sinabi kay Ezekiel, iyon ay sa gitna ng ‘mga mapagmatigas at mga bagay na tumutusok sa iyo at tumatahan ka sa gitna ng mga alakdan.’ (Eze 2:6) Sa utos ni Jehova ay nanahanan siya sa gitna ng mga tapon sa Tel-abib sa tabi ng ilog ng Kebar. (Eze 3:4, 15) Bagaman ang mga Judio ay mga tapon, naninirahan sila sa sarili nilang mga bahay. (Jer 29:5) Sa paanuman ay nakapananatili silang organisado sa relihiyon. Ang matatandang lalaki ng Juda ay nakadalaw kay Ezekiel nang ilang ulit. (Eze 8:1; 14:1; 20:1) Maging nang dumating ang panahon para sa pagsasauli sa mga Judio sa pagwawakas ng 70 taon, marami sa kanila ang ayaw umalis ng Babilonya.
Maaaring ang isang dahilan kung bakit ayaw bumalik ng ilan sa mga Judio na nasa Babilonya ay materyalismo. Ang mga artsibo ng isang malaking bahay-kalakalan, ang “Murashu and Sons,” ay nahukay ng isang ekspedisyon ng mga Amerikano sa kinaroroonan ng isang kanal ng Eufrates na malapit sa Nippur, na pinaniniwalaan ng ilang iskolar na malapit sa Kebar. Ang mga inskripsiyong nakita roon ay nagtataglay ng maraming pangalang Judio na nagpapahiwatig na talagang naging matatag ang kabuhayan ng mga Israelita roon at na marami sa kanila ang nagpakaabala sa mga gawaing pangangalakal sa Babilonya.
Pagkamatay ng Asawa. Sinasabi ni Ezekiel na tinanggap niya ang kaniyang atas sa tabi ng ilog ng Kebar noong ikalimang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin (o noong 613 B.C.E.). Nanghula siya nang di-kukulangin sa 22 taon hanggang noong mga 591 B.C.E., anupat ang kaniyang huling hula na may petsa ay noong ika-27 taon ng pagkatapon. (Eze 29:17) Lumilitaw na maligaya ang buhay may-asawa ni Ezekiel. Pagkatapos ay sinabi sa kaniya ni Jehova: “Anak ng tao, narito, aalisin ko sa iyo ang bagay na kanais-nais sa iyong mga mata sa pamamagitan ng isang hampas.” (Eze 24:16) Maaaring ang asawa niya ay naging di-tapat sa kaniya o kay Jehova, ngunit anuman ang dahilan ng pagkamatay nito, inutusan si Ezekiel na huwag tumangis, kundi magbuntunghininga nang walang salita. Sinabihan si Ezekiel na isuot ang kaniyang putong at huwag magpakita ng anumang tanda o katibayan ng pagdadalamhati. Sa katunayan, ang lahat ng ito ay magiging isang tanda sa mga Israelitang bihag sa Babilonya upang ipakitang lalapastanganin ni Jehova ang kaniyang santuwaryo na lubhang ipinagmamapuri ng mga Israelita, at na kabaligtaran ng kanilang mga inaasahan, ang Jerusalem ay wawasakin.—Eze 24:17-27.
Isang “Bantay.” Tinanggap ni Ezekiel ang kaniyang atas na manghula sa paraang katulad niyaong kay Isaias. Sa isang kasindak-sindak na pangitain, nakita niya si Jehova na nasa kaniyang trono at pinaglilingkuran ng mga nilalang na buháy na may apat na mukha at pakpak, na sinasabayan ng mga gulong na nasa loob ng mga gulong na kumikilos kasabay ng mga nilalang na buháy. Pagkatapos ay nagsalita si Jehova, anupat tinawag si Ezekiel na “anak ng tao,” upang ipaalaala sa propeta na siya ay isang makalupang tao lamang. (Eze kab 1, 2; ihambing ang Isa 6.) Isinugo siya bilang isang bantay sa sambahayan ng Israel upang babalaan sila hinggil sa kanilang balakyot na lakad. Bagaman magiging napakatigas ng kanilang puso, kinailangan pa rin silang babalaan upang malaman nila na si Jehova ay nagkaroon ng isang propeta sa gitna nila. Bagaman tatanggi silang makinig, kung hindi niya sila bababalaan hinggil sa mga salitang ibinigay ni Jehova sa kaniya ay papananagutin siya sa buhay ng mga ito—magkakasala siya sa dugo.—Eze 3:7, 17, 18; 2:4, 5; 33:2-9.
Mga Pagsasalarawan at mga Ilustrasyon. Malimit humula si Ezekiel sa pamamagitan ng mga pagsasalarawan, pagtatanghal ng makasagisag na mga pagkilos, at sa pamamagitan ng mga pangitain, mga alegoriya, o mga talinghaga. Ang isang namumukod-tanging pagsasalarawan ay hinggil sa 390- at 40-araw na pagkubkob sa Jerusalem, na nagtataglay ng mahalagang hula tungkol sa panahon. Kinailangan ni Ezekiel ang pagkamasunurin, pagkamatiisin, at malaking pananampalataya upang maisagawa ang makalarawang babalang ito sa isang walang-pananampalataya at mapanuyang bayan. Noong panahon ng pagkubkob sa Jerusalem, ibinaling ni Ezekiel ang kaniyang panghuhula sa mga bansang pagano na napopoot sa Israel anupat makikibahagi at magsasaya sila sa pagbagsak ng Israel; inilarawan niya ang kaparusahang pasasapitin ni Jehova sa mga ito. Pagkaraan ng pagbagsak ng Jerusalem, ang himig ng panghuhula ni Ezekiel ay nagbago. Pagkatapos ng matinding paghatol sa sakim na mga pastol ng Israel at ng Seir, ang kaniyang mga gawaing panghuhula ay itinuon niya sa pagpapatibay ng pananampalataya sa pangako ng Diyos na ang Israel ay panunumbalikin, muling titipunin, at pagkakaisahin, at na pagpapalain sila ng maluwalhating pagpapastol ng “lingkod [ni Jehova] na si David” hanggang sa panahong walang takda sa ilalim ng isang tipan ng kapayapaan. (Eze 37) Sumunod ay nagbigay si Ezekiel ng isang detalyadong paglalarawan ng muling-itinayong templo, na iginawa ni Jehova ng “blueprint” para sa kaniya. Ang templong ito sa pangitain ay isang hula hinggil sa isang bagay sa malayong hinaharap, sapagkat walang gayong templo ang aktuwal na itinayo kailanman.—Eze 40-48.
Mga Pagkakatulad sa Gawain ni Jesu-Kristo. May mga pagkakatulad ang gawaing ginampanan ni Ezekiel at ni Jesus. Kapuwa kinailangan nina Ezekiel at Jesus na sumalungat sa isang bayang mapagwalang-bahala at matigas ang puso taglay ang isang mensahe ng kahatulan, na may kalakip na mensahe ng pag-asa para sa mga tatalikod sa kanilang balakyot na landasin. Sinabihan si Ezekiel na ang mga tao ay darating at makikinig sa kaniyang mga salita, ngunit ang mga puso ng mga ito ay hindi tutugon. (Eze 33:30-32) Sa katulad na paraan, maraming pulutong ang lumabas upang marinig si Jesus, ngunit kakaunti ang tumugon nang may pagpapahalaga sa kaniyang mga turo. Nangaral si Ezekiel sa mga bihag sa Babilonia. Sinabi ni Jesus na inatasan siyang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag; (Luc 4:18) malinaw niyang ipinaliwanag sa mga Judio na sila ay nasa espirituwal na pagkaalipin at nangangailangan ng pagpapalaya, anupat isinugo siya sa kanila upang ilaan ito. (Ju 8:31-36) Tulad ni Ezekiel, hindi siya kailanman kumilos bilang tagasaway sa mga Judio sa pamamagitan ng sarili niyang mga salita, kundi sinalita niya kung ano ang sinabi ni Jehova na kaniyang sasabihin.—Ju 5:19, 30.
Ang Pag-asa ni Ezekiel. Si Ezekiel ay naging tapat sa Diyos, anupat isinagawa ang bawat utos na ibinigay, mahirap man ang kaniyang atas. Kabilang siya sa mga propeta na nagbata sa pamamagitan ng pananampalataya at na ‘umaabot sa isang mas mabuting dako, samakatuwid nga, yaong nauukol sa langit.’ (Heb 11:16) Bagaman hindi kabilang sa uri na bumubuo sa Kaharian ng langit (Mat 11:11), inasahan ni Ezekiel ang panahon ng pagtatatag ng Kaharian ng Mesiyas at sa takdang panahon ay tatanggapin niya, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, ang katuparan ng pangako ng Diyos at ang pagpapala ng Mesiyanikong pamamahala. (Heb 11:39, 40) Namumukod-tangi si Ezekiel sa sigla, lakas ng loob, pagkamasunurin, at sigasig sa pagsamba sa Diyos.