“Kanilang Makikilala na Ako ay Si Jehova”
“Hindi ko na hahayaang malapastangan pa ang aking banal na pangalan; at makikilala ng mga bansa na ako ay si Jehova.”—EZEKIEL 39:7.
1, 2. Paano natin nalalaman na hindi papayagan ni Jehova ang walang-hanggang paglapastangan sa kaniyang banal na pangalan?
ANG banal na pangalan ni Jehova ay nilapastangan ng sinaunang mga Israelita. Ito’y niliwanag ng aklat ng Ezekiel. Subalit ang mga tao sa Sangkakristiyanuhan ay lumalapastangan din sa pangalan ng Diyos na kanilang ipinamamarali na kanilang sinasamba.
2 Pababayaan pa kaya ng Pansansinukob na Soberano ang walang-hanggang paglapastangan sa kaniyang pangalan? Hindi, sapagkat kaniyang ipinahayag: “Hindi ko na hahayaang malapastangan pa ang aking banal na pangalan; at makikilala ng mga bansa na ako ay si Jehova.” (Ezekiel 39:7; tingnan din ang Ezekiel 38:23.) Ano ba ang kabuluhan nito? At anong mga aral ang matututuhan natin sa mga huling kabanata sa aklat ng Ezekiel?
Mga Hula Laban sa Iba
3. (a) Paano gumawi ang mga ibang bansa sa pagdurusa ng Juda? (b) Dahil sa anong espiritu kung kaya inalis ang “hari” ng Tiro, at paano tayo dapat maapektuhan nito?
3 Pagkatapos mapuksa ang Jerusalem, ang Amon ay isinumpa dahil sa ipinakitang labis na katuwaan sa pagdurusa ng Juda, at ang Moab dahil sa paghamak sa Juda. Ang Edom ay nagkasala ng pagkakaroon ng masamang hangarin, at ang saloobin ng mga Filisteo ng paghihiganti ay humila ng “mabangis na mga pagsaway” buhat sa Diyos. (Ezekiel 25:1-17; Kawikaan 24:17, 18) Dahilan sa katuwaan sa kapahamakan na sumapit sa Jerusalem, ang lunsod ng Tiro ay masasakop ni Nabucodonosor, o Nebuchadrezzar (isang baybay na mas malapit sa Babiloniko). (Ezekiel 26:1-21) Siya’y mistulang isang barkong tiyak na lulubog. (Ezekiel 27:1-36) At ang “hari” (marahil ang kaniyang hanay ng mga tagapamahala) ng Tiro ay inalis dahil sa pagkakaroon ng isang mapagmataas na espiritung tulad ng kay Satanas. (Ezekiel 28:1-26) Tiyak, kung gayon, dapat nating iwasan ang makasalanang pagmamataas na maaaring humila sa atin na lapastanganin ang pangalan ni Jehova.—Awit 138:6; Kawikaan 21:4.
4. Ano ang hula tungkol kay Faraon at sa Ehipto?
4 Si Ezekiel ay humula tungkol sa isang 40-taóng pagkailang ng Ehipto. Ang kaniyang kayamanan ay ibabayad kay Nabucodonosor kapalit ng serbisyong militar na ibinigay nito sa pagpapatupad ng kahatulan ni Jehova sa Tiro. (Ezekiel 29:1-21) Nang makita ng Diyos na nagsipangalat ang mga Ehipsiyo, ‘kanilang makikilala na siya’y si Jehova.’ (Ezekiel 30:1-26) Bilang kumakatawan sa Ehipto, ang hambog na si Faraon ay inihalintulad sa isang matayog na punong sedro na puputulin. (Ezekiel 31:1-18) Sa wakas, si Ezekiel ay nanaghoy tungkol kay Faraon at sa pagbababa ng Ehipto sa Sheol.—Ezekiel 32:1-32.
Ang Tungkulin ng Bantay
5. (a) Sa ilalim ng ano lamang mga kalagayan sinasang-ayunan ng Diyos ang isang espirituwal na bantay? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘paglakad sa mismong mga batas ng buhay’?
5 Ipinaalaala kay Ezekiel ang kaniyang tungkulin bilang isang bantay. (Ezekiel 33:1-7) Mangyari pa, sinasang-ayunan ng Diyos ang isang espirituwal na bantay tangi lamang kung ginagawa niya ang kaniyang tungkulin at siya’y nagbababala sa balakyot. (Basahin ang Ezekiel 33:8, 9.) Kung gayon, tulad ni Ezekiel ang uring pinahirang “bantay” ay naghahayag ng mga babala ng Diyos. Yamang hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng balakyot, ang kanilang nakaraang mga pagkakasala ay hindi niya sisingilin sa kanila kung sila’y makikinig sa mga babala at ‘lalakad sa mismong mga batas ng buhay.’ Noong kaarawan ni Ezekiel, ang paglakad sa mga batas na iyon ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kautusan, subalit ngayon ay nangangahulugan iyon ng pagtanggap sa pantubos na inihandog ni Kristo at pagiging kaniyang tagasunod. (1 Pedro 2:21) Walang anumang kalikuan tungkol sa paraan ng pagpaparusa o pagbibigay-gantimpala ng Diyos sa mga tao, at ang kaligtasan sa “malaking kapighatian” ay depende sa pagsunod sa kaniyang mga batas.—Ezekiel 33:10-20; Mateo 24:21.
6. Sa ngayon, paanong marami ang katulad ng mga Judiong bihag noong panahon ni Ezekiel?
6 Nang malapit na sa dulo ng 607 B.C.E., isang takas ang nagbalita ng pagkawasak ng Jerusalem, at muli na namang sinalita ni Ezekiel ang mensahe ni Jehova. (Ezekiel 33:21-29) Paano ba ang naging reaksiyon ng mga bihag? (Basahin ang Ezekiel 33:30-33.) Sa ngayon, marami ang katulad na mga Judiong bihag na para sa kanila si Ezekiel ay isang mang-aawit ng ‘isang masayang awitin ng pag-ibig.’ Pagka ang pinahirang mga nalabi at ang kanilang mga kasamahan ay nagbabahay-bahay, natutuwa ang mga taong ito sa himig ng mensahe ng Kaharian subalit hindi naman nila sinusunod ito. Para sa kanila, ito ay katulad ng isang malambing na awitin ng pag-ibig, subalit sila’y hindi nag-aalay ng sarili kay Jehova, at hindi makaliligtas sa “malaking kapighatian.”
“Isang Pastol” ni Jehova
7. Anong mga ginawa ni Jehova sa panahon natin ang kahalintulad ng pakikitungo niya sa kaniyang mga tupa noong kaarawan ni Ezekiel?
7 Sa isang mensahe kay Ezekiel pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem, isinumpa ni Jehova ang mga lumalapastangan sa kaniyang banal na pangalan, ang tagapamahalang “mga pastol ng Israel.” Anong pagkaangkop-angkop ngang kumakapit ang mga salitang iyon sa mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan! (Basahin ang Ezekiel 34:1-6.) Di-tulad ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ang pulitikal na mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan ay nagpapataba ng kanilang mga sarili sa materyal na paraan sa pamamagitan ng pagsasamantala sa “mga tupa.” (Juan 10:9-15) Subalit tulad ng iligtas ng Diyos ang kaniyang mga tupa nang ang mapag-imbot na mga pastol ay bawian niya ng pamamahala nang mailáng ang Juda, ganoon din muli niyang ililigtas ang kaniyang mga tupa sa mga pinuno ng Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng pagbawi ng kanilang awtoridad sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 16:14-16; 19:11-21) Si Jehova ay nagpakita ng pag-ibig sa kaniyang tulad-tupang mga lingkod nang kaniyang palayain sila buhat sa Babilonya noong 537 B.C.E., gaya rin ng kung paanong ipinamalas niya ang katangiang iyon nang gamitin niya ang Lalong-Dakilang Ciro, si Jesu-Kristo, upang ang nalabi ng espirituwal na Israel ay palayain buhat sa pagkabilanggo sa Babilonyang Dakila noong 1919 C.E.—Ezekiel 34:7-14.
8. Ano ang gagawin ni Jehova kung isang ‘matabang tupa’ ang maniniil sa kawan, at paano dapat makitungo sa mga tupa ang katulong na mga pastol na Kristiyano?
8 Malumanay na pangangalaga ang ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga tupa. (Basahin ang Ezekiel 34:15, 16.) Kung isang ‘matabang tupa’ ang maniniil sa kawan ng Diyos ngayon, siya’y “pakakainin” ni Jehova ng pagtitiwalag sa ngayon at pagkalipol sa “malaking kapighatian.” Noong 1914 sa pinahirang nalabi ay nilagay ni Jehova ang “isang pastol,” si Jesu-Kristo. Sapol noong 1935 ay kaniyang pinapatnubayan ang pagtitipon sa isang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa,” na ngayo’y naglilingkod na kasama ng pinahirang ‘mga tupa sa pastulan ni Jehova.’ Tulad ng Diyos at ni Kristo, ang katulong na mga pastol ay kailangan ding malumanay na makitungo sa lahat ng mga ito.—Ezekiel 34:17-31; Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; Awit 23:1-4; Gawa 20:28-30.
Isang “Halamanan ng Eden”!
9. Yamang ipinasiya ni Jehova na ang lupain ng Juda at Israel ay dapat mangilin ng sabbath, ano ang kaniyang ginawa?
9 Isaalang-alang muli ang iláng na lupain ng Juda at Israel. Yamang ipinasiya ng Diyos na ito’y dapat mangilin ng sabbath sa pamamagitan ng pananatiling walang nananahan sa loob ng 70 taon, siya’y kumilos upang hadlangan ang Edom at ang mga iba pang bansa sa pagsakop sa teritoryo niyaon. (2 Cronica 36:19-21: Daniel 9:2) Sa katunayan, ang Edom at ang mga kabundukan nito ng Seir ay nailáng din, gaya ng inihula, sapagkat nasakop ng mga Babiloniko noong 602-601 B.C.E.—Ezekiel 35:1–36:5; Jeremias 25:15-26.
10. Ang pagbabalik ng isang nalabi sa Juda noong 537 B.C.E. ay lumalarawan sa anong mga pangyayari sa kaarawan natin?
10 Ang pagbabalik ng isang nalabi sa Juda noong 537 B.C.E. ay lumalarawan sa nakagagalak na mga pangyayari sa kaarawan natin. Noong 1919 “ang mga bundok ng Israel,” o ang espirituwal na lupain ng pinahirang mga saksi ni Jehova, ay nagsimulang muling panirahan ng isang nalabi na muling nabuhay sa espirituwal. (Ezekiel 36:6-15) Sila’y nilinis ng Diyos buhat sa relihiyosong karumihan at nilagyan ng “isang bagong espiritu” kung kaya’t nakapamunga sila ng mga bunga ng kaniyang banal na espiritu. (Galacia 5:22, 23) At upang ang pangalan ni Jehova ay huwag malapastangan ng mga makasanlibutan dahil sa kaniyang dinisiplina ang kaniyang bayan, kaniyang saganang pinagpala ang nalabi.—Ezekiel 36:16-32.
11. Kasuwato ng Ezekiel 36:33-36, ano ang ginawa ng Diyos sa espirituwal na lupain ng pinahirang nalabi?
11 Pagkatapos na isang nalabi ang bumalik sa Juda, ang nailáng na lupaing iyon ay nabago at naging isang mabungang “halamanan ng Eden.” (Basahin ang Ezekiel 36:33-36.) Sa katulad na paraan, sapol noong 1919 ang dating iláng na lupain ng pinahirang nalabi ay binago ni Jehova at naging isang mabungang espirituwal na paraiso, ngayo’y kasama na nila rito ang “malaking pulutong.” Yamang sa espirituwal na paraisong ito ay mga taong banal ang naninirahan, bawat nag-alay na Kristiyano ay masikap na ito’y panatilihing malinis.—Ezekiel 36:37, 38.
Nang Isauli ang Pagkakaisa
12. Paanong ang muling pagkabuhay ng sinaunang bansang Judio ay ipinaghahalimbawa sa Ezekiel 37:1-14, at ano ang modernong-panahong kahalintulad nito?
12 Noong sila’y bihag sa Babilonya, ang mga Judio ay halos isang bansang patay, mistulang mga buto na lamang sa isang bukid. (Ezekiel 37:1-4) Subalit ano ba ang susunod na nakita ni Ezekiel? (Basahin ang Ezekiel 37:5-10.) Ang mga butong iyon ay muling sinangkapan ng mga litid, laman, at balat, at sila’y muling nabuhay sa pamamagitan ng paglalagay doon ng hininga ng buhay. (Ezekiel 37:11-14) Muling binuhay ng Diyos ang bansang Judio nang 42,360 katao sa lahat ng tribo ng Israel at mga 7,500 na di-Israelita ang nagsamantala ng kanilang pagkakataon na muling tumahan sa Juda, muling itayo ang Jerusalem at ang templo niyaon, at ipanumbalik sa kanilang lupain ang tunay na pagsamba. (Ezra 1:1-4; 2:64, 65) Sa katulad na paraan, noong 1918 ang pinag-usig na nalabi ng espirituwal na Israel ay naging kagaya niyaong mga tuyong butong iyon—patay kung tungkol sa kanilang pangmadlang gawaing pagpapatotoo. Subalit noong 1919 sila’y muling binuhay ni Jehova bilang tagapagbalita ng Kaharian. (Apocalipsis 11:7-12) Ang ganitong pagkakahawig ay dapat magpatibay sa ating pagtitiwala na ang mga pinahirang ito at ang kanilang mga kasamahan ang bumubuo ng makalupang organisasyon na ginagamit ni Jehova sa ngayon.—Tingnan ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 87-125.
13. Paanong ang pagsasauli ng pagkakaisa ng organisasyon sa gitna ng sinaunang bayan ni Jehova ay ipinaghalimbawa sa Ezekiel 37:15-20, at ano ang kahalintulad nito?
13 Paanong ipinaghalimbawa ang pagsasauli ng pagkakaisa ng organisasyon sa gitna ng sinaunang bayan ni Jehova? (Basahin ang Ezekiel 37:15-20.) Mayroong modernong kahalintulad ang pagsasama ng dalawang tungkod (isa para sa dalawang-tribong kaharian ng Juda, at iyong isa naman ay para sa sampung-tribong Israel). Noong Digmaang Pandaigdig I, sinikap ng ambisyosong mga tao na sirain ang pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos, subalit noong 1919 ang tapat na mga pinahiran ay pinagkaisa sa ilalim ni Kristo, ang kanilang “iisang hari” at “iisang pastol.” Isa pa, tulad ng mahigit na 7,500 di-Israelita na bumalik sa Juda, yaong mga nasa “malaking pulutong” ay kaisa na ngayon ng pinahirang nalabi. Anong laking kagalakan na ikaw ay nasa espirituwal na paraiso, naglilingkod kay Jehova nang may pagkakaisa sa ilalim ng ating “iisang hari”!—Ezekiel 37:21-28.
Umaatake si Gog!
14. Sino si Gog ng Magog, at anong pagkilos ang gagawin niya? (Ezekiel 38:1-17)
14 Pagkatapos, isang dramatikong pangyayari ang inihula. Sa pag-asang malapastangan ang pangalan ng Diyos at malipol ang kaniyang bayan, si Gog ng Magog ay aatake sa nalabi ng espirituwal na Israel, na kumakatawan sa “babae,” o makalangit na organisasyon ni Jehova. (Apocalipsis 12:1-17) Si Gog “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo. Tinanggap niya ang pangalang Gog pagkatapos na siya’y palayasin sa langit, nang maipanganak na ang Kaharian noong 1914 (Juan 12:31) “Ang lupain ng Magog” ang dako na kung saan naroroon si Gog at ang kaniyang mga demonyo sa kapaligiran ng lupa. Pagkatapos na ang Sangkakristiyanuhan at ang natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila ay lipulin ng mga puwersang antirelihiyoso, pangyayarihin ni Jehova na atakihin ni Gog ang waring walang laban na nalabi ng espirituwal na Israel at ang kanilang nag-alay na mga kasamahan.—Ezekiel 38:1-17; Apocalipsis 17:12-14.
15. Ano ang mangyayari pagka inatake ni Gog ang mga Saksi ni Jehova?
15 Ano ang mangyayari pagka inatake na ni Gog ang mga Saksi ni Jehova? (Basahin ang Ezekiel 38:18-23.) Ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan! Ang kaniyang gagamiting pinakaarmas ay ang dumadagsang baha, malalaking graniso, naglalagablab na apoy, nagngangalit na salot. Sa kalituhan, ang mga hukbo ni Gog ay magpapatayan sa isa’t isa ng kanilang mga tabak. Subalit bago sila tuluyang lipulin ng Diyos, ‘kanilang makikilala na siya ay si Jehova.’
16. (a) Ano ang mangyayari sa “lupain ng Magog”? (b) Paano tayo dapat maapektuhan ng pagkaalam sa inihulang mga pangyayari tungkol kay Gog?
16 Pagka si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibulid na sa kalaliman, “ang lupain ng Magog,” ang kalalagyan nila sa mababang kalagayan sa lupa, ay mapaparam na magpakailanman. (Apocalipsis 20:1-3) Pagkalawak-lawak ng kasangkapan ni Gog sa digmaan kung kaya’t mangangailangan ng matagal-tagal na panahon upang mailigpit ito. Mga ibon at mga mailap na hayop ang manginginain sa naghambalang na mga bangkay ng mga alipores ni Gog. Paano tayo dapat maapektuhan ng pagkaalam ng lahat ng ito? Aba, sa pagkaalam na napipinto na ang pag-atake ni Gog subalit ililigtas ni Jehova ang Kaniyang bayan ay dapat makaragdag pa sa ating pananampalataya at pagalakin tayo na ang gayong mga pangyayari ay magbubunga ng pagbabangong-puri ng malaon nang nilalapastangang pangalan ng Diyos!—Ezekiel 39:1-29.
Malasin ang Santuwaryo ni Jehova!
17. (a) Anong pangitain ang ibinigay kay Ezekiel noong 593 B.C.E.? (b) Ang pag-iral ng templo sa pangitain ay patotoo ng ano?
17 Noong 539 B.C.E., ang ika-14 na taon pagkawasak ng templo sa Jerusalem, si Ezekiel ay binigyan ng pangitain ng isang bagong santuwaryo para sa pagsamba kay Jehova. Ayon sa pagkasukat ng anghel na nagsilbing giya ng propeta, iyon ay napakalaki. (Ezekiel 40:1–48:35) Ang templong ito ay lumarawan sa “tunay na tabernakulo, na itinayo ni Jehova,” at iyon ay may mga bagay na “lumarawan sa mga bagay sa langit.” Si Jesu-Kristo ay pumasok sa dako nito na Kabanal-banalan, ang “langit mismo,” noong 33 C.E. upang ipresenta sa Diyos ang bisa ng kaniyang inihandog na haing pantubos. (Hebreo 8:2; 9:23, 24) Ang templo sa pangitain ay nagpapatunay na ang dalisay na pagsamba ay makakaligtas pagkatapos na atakihin ito ni Gog. Anong laking kaaliwan para sa mga umiibig sa pangalan ni Jehova!
18. Ano ang ilan sa naiulat na mga bahagi ng templo sa pangitain?
18 Ang templo ay maraming bahagi. Halimbawa, mayroon itong anim na mga pintuang daan sa mga pader nito sa labas at sa loob. (Ezekiel 40:6-35) Mayroon itong tatlumpung silid-kainan (marahil para sa mga tao na kakain ng mga hain ukol sa kapayapaan) ang nasa looban sa gawing labas. (40:17) Ang dambana ng handog na susunugin ay nasa looban sa gawing loob. (43:13-17) Isang dambanang kahoy, marahil para sa susunuging kamangyan, ang nasa unang silid ng templo. (41:21, 22) Ang Kabanal-banalan ay 20 siko kuwadrado, at ang pader sa palibot ng templo ay 500 tambo (1,600 metro) sa bawat panig. Anong pagkalaki-laking bahay na puno ng kaluwalhatian ng Diyos!—Ezekiel 41:4; 42:16-20; 43:1-7.
19. Paano tayo dapat maapektuhan ng mga detalye ng templo at ng bagay na yaong mga naglilingkod doon ay kailangang makatugon sa mga pamantayan ng Diyos?
19 Ang maraming detalye ng templo, mga hain, handog, at mga kapistahan ay dapat magturo sa atin na kailangan nating sumunod nang maingat sa mga tagubilin ng organisasyon ng Diyos, anupa’t ginagawa ang lahat ng pagsisikap na dakilain si Jehova at ang pagsamba sa kaniya. (Ezekiel 45:13-25; 46:12-20) Yaong mga naglilingkod sa templo ay kailangang makatugon sa matataas na pamantayan ng Diyos, at sila’y magtuturo sa bayan ng ‘pagkakaiba ng banal na bagay at ng di banal na mga bagay.’ (Ezekiel 44:15, 16, 23) Ito’y dapat mag-udyok sa atin na manatiling banal bilang bayan ni Jehova.—Efeso 1:3, 4.
20. (a) Sa ano sumasagisag ang tubig na umaagos buhat sa templo sa pangitain? (b) Ang simbolikong tubig na ito ay magkakaroon ng anong epekto?
20 Buhat sa templo ay umaagos ang isang ilog na nagpapagaling, o nagpapatamis, sa maalat na tubig ng Dagat na Patay, kung kaya’t doo’y totoong napakaraming isda. (Ezekiel 47:1-11) Ang tubig na ito ay sumasagisag sa paglalaan ng Diyos ukol sa buhay na walang-hanggan, kasali na ang hain na inihandog ni Jesus, na sapat para sa mga makaliligtas sa pag-atake ni Gog at sa mga iba pa, kasali na yaong mga bubuhaying muli. (Juan 5:28, 29; 1 Juan 2:2; Apocalipsis 22:1, 2) Ang Dagat na Patay ay kumakatawan sa elemento na kung saan umiiral ang sangkatauhan—ang isinumpang kalagayan dahilan sa minanang kasalanan at kamatayan at gayundin dahil sa pamamahala ni Satanas. Tulad ng napakaraming isda sa tumamis na tubig ng Dagat na Patay, ang tinubos na sangkatauhan ay mananagana sa ilalim ng nagpapagaling na mga kalagayan ng Mesianikong paghahari.
21. Ang Ezekiel 47:12 ay nagpapakita na ang masunuring sangkatauhan ay magtatamasa ng ano sa bagong sanlibutan?
21 Ang paggaling ay iniuugnay din sa mga punungkahoy na tumutubo sa tabi ng ilog sa pangitain. (Basahin ang Ezekiel 47:12.) Sa bagong sanlibutan, ang masunuring sangkatauhan ay magtatamasa ng sakdal na pisikal at espirituwal na kalusugan. At bakit hindi? Ang mga dahon ng nasa pangitain na mga punungkahoy ay mayroong mga katangian na patuloy na magpagaling. Anong daming pagpapala para sa mga taong nakakakilala at naglilingkod kay Jehova!
Kung Magkagayo’y Kanilang Makikilala!
22. Ano ang nagpapakita na ilalagay ng Diyos ang mga tao kung saanman niya magalingin sa Paraiso?
22 Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa organisasyon ni Jehova ngayon, tayo’y makapagpapaunlad ng mga katangian na tutulong sa atin na makipagtulungan pagka ang mga tao’y inilagay ng Diyos kung saan man niya magalingin sa makalupang Paraiso. Na magkakaroon ng gayong paglalagay sa mga tao ay ipinahihiwatig ng bagay na nag-atas sa mga tribo na ilalagay sa gawing hilaga at sa gawing timog na bahagi ng lugar para doon sa nakita ni Ezekiel sa pangitain. Sa tatlong-bahaging “iniabuloy” na lupain ay kasali ang isang parte para sa mga Levitang di-saserdote at isang bahagi para sa mga saserdote na kinaroroonan ng templo na nakita sa pangitain. Sa sentro ng timugang parte ay naroon ang isang lunsod na may hukbo ng mga manggagawa na galing sa mga tribo at nasa ilalim ng isang “puno” na binubuo ng marami, ang mga prinsipeng kinatawan ng Mesiyas sa “bagong lupa.”—Ezekiel 47:13–48:34; 2 Pedro 3:13; Awit 45:16.
23. Upang maging bahagi ng tinubos na sangkatauhan na namumuhay sa Paraiso, anong kailangang gawin natin ngayon?
23 Nakaluklok sa kaniyang makalangit na santuwaryo, pagpapalain ng Diyos ang simbolikong lunsod na nakita ni Ezekiel. (Basahin ang Ezekiel 48:35.) Ang makalupang luklukang iyan ng pamamahala ay panganganlan na Jehovah-Shammah, o “Si Jehova Mismo Ay Naroon.” Patuloy na ipamalas ang walang pagkabisalang pag-ibig sa Diyos, at ikaw ay maaaring maging bahagi ng tinubos na sangkatauhan na namumuhay sa Paraiso, pagsapit ng panahon na walang sinuman sa lupa ang mapapasa-espirituwal na kadiliman datapuwat ang lahat ay makakikilala na si Jehova ang kaisa-isang buháy at tunay na Diyos. (Habacuc 2:14) Iwasan na mahikayat kang itakwil ang pangalan ng Diyos laban sa iyong kalooban pagka ang mga balakyot ay nilipol na. Patuloy na lumakad sa pananampalataya, na nagpapakitang umaasa kang makakasali ka sa mga makaliligtas pagka kaniyang tinupad ang mga salitang: “Makikilala ng mga bansa na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 36:23.
Ano ba ang Iyong Kasagutan?
◻ Sa ilalim lamang ng anong mga kalagayan sumasang-ayon si Jehova sa isang espirituwal na bantay?
◻ Paano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga tupa, at paano dapat makitungo sa kanila ang mga pastol na Kristiyano?
◻ Paano ipinaghalimbawa ang muling pagkabuhay ng bansang Judio? (Ezekiel 37:1-14) Ano ba ang modernong kahalintulad nito?
◻ Sino si Gog ng Magog, at ano ang mangyayari pagka siya’y umatake sa mga Saksi ni Jehova?
◻ Ano ang isinasagisag ng tubig na umaagos buhat sa templo sa pangitain?
[Mapa/Larawan sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang banal na abuloy at mga iniatas na dako sa mga tribo
THE GREAT SEA
ENTERING IN TO HAMATH
DAN
ASHER
NAPHTALI
MANASSEH
EPHRAIM
REUBEN
JUDAH
THE CHIEFTAIN
Holy Contribution
En-Eglaim
BENJAMIN
SIMEON
En-gedi
ISSACHAR
ZEBULUN
Tamar
GAD
Meribath-Kadesh
Salt Sea
Jordan River
Sea of Galilee
[Larawan sa pahina 23]
Binibigyan ni Jehova ng malumanay na pangangalaga ang kaniyang mga tupa, gaya rin ng sinaunang mga pastol. Kaya kailangan para sa mga pastol na Kristiyano na makitungo nang malumanay sa kawan ng Diyos