Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—II
DISYEMBRE 609 B.C.E. noon. Sinimulan ng hari ng Babilonya ang kaniyang huling pagkubkob sa Jerusalem. Sa simula, ang mensahe ni Ezekiel sa mga tapon sa Babilonya ay nakasentro sa iisang tema: ang pagbagsak at pagkawasak ng kanilang mahal na lunsod, ang Jerusalem. Pero ngayon, ang paksa ng mga hula ni Ezekiel ay ibinaling sa pagkawasak ng mga bansang pagano na magsasaya sa pagkapahamak ng bayan ng Diyos. Makalipas ang isa’t kalahating taon, bumagsak ang Jerusalem at muling nagkaroon ng panibagong tema ang mensahe ni Ezekiel: ang maluwalhating pagsasauli sa tunay na pagsamba.
Ang Ezekiel 25:1–48:35 ay may mga hula hinggil sa mga bansang nakapalibot sa Israel at sa pagliligtas sa bayan ng Diyos.a Ang ulat ay pinagsunud-sunod ayon sa kronolohiya at sa tema maliban sa Ezekiel 29:17-20. Gayunman, ang apat na talatang ito ay inayos ayon sa tema. Bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan, ang aklat ng Ezekiel ay may mensaheng “buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
‘ANG LUPAING IYON AY MAGIGING TULAD NG HARDIN NG EDEN’
Inudyukan ni Jehova si Ezekiel na manghula laban sa Ammon, Moab, Edom, Filistia, Tiro, at Sidon yamang nakikita na Niya ang magiging reaksiyon ng mga bansang ito sa pagbagsak ng Jerusalem. Ang Ehipto ay sasamsaman. Si ‘Paraon na hari ng Ehipto at ang kaniyang pulutong’ ay inihalintulad sa sedro na puputulin ng “tabak ng hari ng Babilonya.”—Ezekiel 31:2, 3, 12; 32:11, 12.
Mga anim na buwan matapos ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., isang takas ang pumaroon kay Ezekiel at nag-ulat: “Ang lunsod ay ibinagsak!” Ang propeta ay ‘hindi na pipi’ sa mga tapon. (Ezekiel 33:21, 22) May ipahahayag siyang mga hula ng pagsasauli. Si Jehova ay ‘magbabangon sa kanila ng isang pastol, ang kaniyang lingkod na si David.’ (Ezekiel 34:23) Ititiwangwang ang Edom, subalit “ang lupaing iyon,” ang Juda, ay magiging “tulad ng hardin ng Eden.” (Ezekiel 36:35) Nangako si Jehova na ipagsasanggalang niya ang kaniyang isinauling bayan laban sa pagsalakay ni “Gog.”—Ezekiel 38:2.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
29:8-12—Kailan naganap ang 40-taóng pagkatiwangwang ng Ehipto? Nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., tumakas patungong Ehipto ang nalabi ng Juda sa kabila ng babala ni propeta Jeremias. (Jeremias 24:1, 8-10; 42:7-22) Ngunit hindi pa rin sila naging ligtas doon dahil nilupig ni Nabucodonosor ang Ehipto. Marahil matapos ang paglupig na iyon, nagsimula ang 40-taóng pagkatiwangwang ng Ehipto. Bagaman walang ebidensiyang iniulat ang sekular na kasaysayan hinggil sa pagkatiwangwang na ito, makapagtitiwala tayo na nangyari ito dahil si Jehova ang Tagatupad ng hula.—Isaias 55:11.
29:18—Paano nangyaring “ang bawat ulo ay nakalbo, at ang bawat balikat ay natalupan”? Ang pagkubkob sa pangunahing bahagi ng lunsod ng Tiro ay puspusan at napakahirap anupat ang mga ulo ng hukbo ni Nabucodonosor ay nakalbo dahil nagagasgas ito ng kanilang helmet at ang kanilang mga balikat ay natalupan dahil sa kapapasan ng mga materyales na gagamitin sa pagtatayo ng mga tore at mga kuta.—Ezekiel 26:7-12.
Mga Aral Para sa Atin:
29:19, 20. Yamang dala ng mga taga-Tiro ang karamihan ng kanilang kayamanan nang tumakas sila patungo sa kanilang pulong-lunsod, kakaunti lamang ang nasamsam ni Haring Nabucodonosor sa Tiro. Bagaman si Nabucodonosor ay isang paganong tagapamahala na mapagmapuri at makasarili, sinuklian ni Jehova ang kaniyang paglilingkod—ibinigay Niya kay Nabucodonosor ang Ehipto bilang “kabayaran para sa kaniyang hukbong militar.” Hindi ba’t dapat nating tularan ang tunay na Diyos sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis sa pamahalaan para sa mga serbisyo nila alang-alang sa atin? Anuman ang iginagawi ng sekular na awtoridad o saanman nila ginagamit ang buwis, obligasyon pa rin natin na magbayad ng buwis.—Roma 13:4-7.
33:7-9. Ang makabagong-panahong uring bantay—ang pinahirang nalabi—at ang mga kasamahan nito ay hindi dapat mag-atubiling ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at babalaan ang mga tao hinggil sa dumarating na “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21.
33:10-20. Maliligtas tayo kung iiwan natin ang ating masasamang lakad at susundin natin ang hinihiling ng Diyos. Tunay nga, ang daan ni Jehova ay “nakaayos nang wasto.”
36:20, 21. Nilapastangan ng mga Israelita ang pangalan ng Diyos sa gitna ng mga bansa dahil hindi nila tinupad ang mga kahilingan sa kanila bilang “bayan ni Jehova.” Dapat tayong maging mga mananamba ni Jehova hindi sa pangalan lamang.
36:25, 37, 38. “Isang kawan ng mga banal” ang bumubuo sa espirituwal na paraiso na umiiral sa gitna natin ngayon. Kaya kailangan nating magsikap na panatilihin itong malinis.
38:1-23. Nakapagpapatibay ngang malaman na ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagsalakay ni Gog ng lupain ng Magog! Gog ang ipinangalan sa “tagapamahala ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo, matapos siyang palayasin sa langit. Ang lupain ng Magog ay tumutukoy sa kapaligiran ng lupa, kung saan hindi na makaaalis pa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo.—Juan 12:31; Apocalipsis 12:7-12.
“ITUON MO ANG IYONG PUSO SA LAHAT NG IPINAKIKITA KO SA IYO”
Ito ang ika-14 na taon matapos pabagsakin ang lunsod ng Jerusalem. (Ezekiel 40:1) May natitira pang 56 na taon ng pagkatapon. (Jeremias 29:10) Kulang-kulang 50 anyos na si Ezekiel. Sa pangitain, dinala siya sa lupain ng Israel. Sinabi sa kaniya: “Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, at dinggin mo ng iyong mga tainga, at ituon mo ang iyong puso sa lahat ng ipinakikita ko sa iyo.” (Ezekiel 40:2-4) Tiyak na sabik na sabik na si Ezekiel na matanggap ang pangitain hinggil sa bagong templo!
Ang maluwalhating templo na nakita ni Ezekiel ay may 6 na pintuang-daan, 30 silid-kainan, may dakong Banal, Kabanal-banalan, isang altar na kahoy, at isang altar para sa mga handog na sinusunog. Mula sa templo ay may “lumalabas” na tubig na naging ilog. (Ezekiel 47:1) Tumanggap din si Ezekiel ng pangitain tungkol sa manang lupain ng mga tribo—bawat takdang bahagi mula sa silangan hanggang sa kanluran at isang seksiyon para sa mga tagapangasiwa sa pagitan ng takdang bahagi ng Juda at Benjamin. Nasa seksiyong ito “ang santuwaryo ni Jehova” at “ang lunsod” na pinanganlang Si Jehova Mismo ay Naroroon.—Ezekiel 48:9, 10, 15, 35.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
40:3–47:12—Saan lumalarawan ang templo sa pangitain ni Ezekiel? Ang pagkalaki-laking templong ito na nakita ni Ezekiel sa pangitain ay hindi aktuwal na itinayo. Lumalarawan ito sa espirituwal na templo ng Diyos—ang kaniyang tulad-templong kaayusan para sa dalisay na pagsamba sa ating panahon. (Ezekiel 40:2; Mikas 4:1; Hebreo 8:2; 9:23, 24) Natupad ang pangitain tungkol sa templo sa “mga huling araw,” nang dalisayin ang pagkasaserdote. (2 Timoteo 3:1; Ezekiel 44:10-16; Malakias 3:1-3) Gayunman, may pangwakas na katuparan ito sa Paraiso. Ang templo sa pangitain ay nagsisilbing pangako sa mga Judiong tapon na isasauli ang dalisay na pagsamba at ang bawat pamilyang Judio ay magkakaroon ng mana sa lupain.
40:3–43:17—Ano ang kahulugan ng pagsukat sa templo? Ang pagsukat sa templo ay tanda na tiyak na matutupad ang layunin ni Jehova hinggil sa dalisay na pagsamba.
43:2-4, 7, 9—Ano ang tinutukoy na “mga bangkay ng kanilang mga hari” na kailangang alisin sa templo? Ang mga bangkay ay maliwanag na tumutukoy sa mga idolo. Ang templo ng Diyos ay narumhan nang maglagay ang bayan ng Jerusalem at ang mga tagapamahala nito ng mga idolo sa templo—sa diwa ay ginawa nilang kanilang mga hari ang mga ito.
43:13-20—Saan sumasagisag ang altar na nakita ni Ezekiel sa pangitain? Ang makasagisag na altar ay ang kalooban ng Diyos may kaugnayan sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Dahil sa haing pantubos, ang mga pinahiran ay ipinahayag na matuwid at ang “malaking pulutong” naman ay naging malinis at dalisay sa mata ng Diyos. (Apocalipsis 7:9-14; Roma 5:1, 2) Marahil iyan ang dahilan kung bakit ang “binubong dagat” sa templo ni Solomon—isang malaking hugasan para sa mga saserdote—ay wala na sa templo sa pangitain.—1 Hari 7:23-26.
44:10-16—Kanino kumakatawan ang uring saserdote? Ang uring saserdote ay kumakatawan sa grupo ng mga pinahirang Kristiyano sa panahon natin sa ngayon. Ang pagdadalisay sa kanila ay naganap noong 1918 nang umupo si Jehova bilang “tagapagdalisay at tagapaglinis” sa kaniyang espirituwal na templo. (Malakias 3:1-5) Ang mga taong malinis o nagsisi ay maaaring magpatuloy sa kanilang pribilehiyo ng paglilingkod. Pagkatapos nito, kailangan nilang magpunyagi upang manatiling “walang batik mula sa sanlibutan,” sa gayon ay magsilbing halimbawa sa “malaking pulutong,” na kinakatawan ng mga tribong hindi kabilang sa uring saserdote.—Santiago 1:27; Apocalipsis 7:9, 10.
45:1; 47:13–48:29—Saan lumalarawan “ang lupain” at ang paghahati-hati rito? Ang lupain ay lumalarawan sa larangan ng gawain ng bayan ng Diyos. Saanman naroroon ang mananamba ni Jehova, ang isang iyon ay nasa isinauling lupain hangga’t itinataguyod niya ang tunay na pagsamba. Ang paghahati-hati ng lupain ay magkakaroon ng pangwakas na katuparan sa bagong sanlibutan kapag mamanahin na ng bawat tapat na indibiduwal ang kanilang dako.—Isaias 65:17, 21.
45:7, 16—Saan lumalarawan ang abuloy ng bayan para sa mga saserdote at sa pinuno? Sa espirituwal na templo, ito ay pangunahin nang tumutukoy sa espirituwal na suporta—pag-alalay at pakikipagtulungan.
47:1-5—Saan lumalarawan ang tubig ng ilog sa pangitain ni Ezekiel? Ang tubig ay lumalarawan sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova para sa buhay, kasama na rito ang haing pantubos ni Kristo Jesus at ang kaalaman sa Diyos na masusumpungan sa Bibliya. (Jeremias 2:13; Juan 4:7-26; Efeso 5:25-27) Unti-unting lumalaki ang ilog para sa mga baguhang dumaragsa sa tunay na pagsamba. (Isaias 60:22) Ang tubig na dadaloy sa ilog ay ang pinakamabisang tubig ng buhay sa panahon ng Milenyo, at kasama sa tubig na ito ang malalim na unawa na makukuha mula sa “mga balumbon” na bubuksan sa panahong iyon.—Apocalipsis 20:12; 22:1, 2.
47:12—Saan kumakatawan ang namumungang mga punungkahoy? Ang makasagisag na mga punungkahoy ay lumalarawan sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos para isauli ang sangkatauhan sa kasakdalan.
48:15-19, 30-35—Saan kumakatawan ang lunsod sa pangitain ni Ezekiel? “Ang lunsod” ay nasa “di-banal” na lupain, kaya tiyak na kumakatawan ito sa isang bagay na makalupa. Waring ang lunsod ay lumalarawan sa makalupang pamamahala na magdudulot ng pagpapala sa mga kabilang sa matuwid na “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Yamang mayroon itong pintuang-daan sa magkabilang panig, ipinahihiwatig nito na madaling makapapasok dito. Ang mga tagapangasiwa sa bayan ng Diyos ay dapat na madaling lapitan.
Mga Aral Para sa Atin:
40:14, 16, 22, 26. Ipinahihiwatig ng mga inukit na puno ng palma sa pader sa mga pasukang-daan ng templo na ang papapasukin lamang ay mga taong matuwid sa moral. (Awit 92:12) Itinuturo nito sa atin na magiging kaayaaya lamang kay Jehova ang ating pagsamba kung tayo ay matuwid.
44:23. Laking pasasalamat natin sa paglilingkod ng makabagong-panahong uring-saserdote! Pinangangasiwaan ng “tapat at maingat na alipin” ang paglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain na tumutulong sa atin na maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng marumi at malinis sa mata ni Jehova.—Mateo 24:45.
47:9, 11. Sa panahon natin, kamangha-mangha ang pagpapagaling na nagagawa ng kaalaman—isang napakahalagang katangian ng makasagisag na tubig. Ang lahat ng tao na umiinom nito saanmang panig ng daigdig ay nabubuhay, o sumisigla, sa espirituwal. (Juan 17:3) Sa kabilang dako, ang tumatanggi sa nagbibigay-buhay na tubig ay ‘ibibigay sa asin’—lubusang pupuksain. Napakahalaga ngang ‘gawin natin ang ating buong makakaya na gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan’!—2 Timoteo 2:15.
“Tiyak na Pababanalin Ko ang Aking Dakilang Pangalan”
Matapos alisin ang huling hari sa angkan ni David, pinalipas ng tunay na Diyos ang mahabang panahon bago dumating ang Isa na “may legal na karapatan” sa pagkahari. Gayunman, hindi kinaligtaan ng Diyos ang kaniyang tipan kay David. (Ezekiel 21:27; 2 Samuel 7:11-16) May binanggit sa hula ni Ezekiel na “aking lingkod na si David,” na magiging isang “pastol” at isang “hari.” (Ezekiel 34:23, 24; 37:22, 24, 25) Ang isang ito ay walang iba kundi si Jesu-Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. (Apocalipsis 11:15) “Pababanalin [ni Jehova ang kaniyang] dakilang pangalan” sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian.—Ezekiel 36:23.
Napakalapit nang puksain ang lahat ng lumalapastangan sa banal na pangalan ng Diyos. Subalit ang mga nagpapabanal sa pangalang iyan sa pamamagitan ng pagsamba kay Jehova sa kaayaayang paraan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Kaya lubusan nating samantalahin ang tubig ng buhay na saganang dumadaloy sa ating panahon at gawin nating pangunahin sa ating buhay ang tunay na pagsamba.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay sa Ezekiel 1:1–24:27, tingnan ang “Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—I,” sa Hulyo 1, 2007, isyu ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 9]
Ang maluwalhating templo sa pangitain ni Ezekiel
[Larawan sa pahina 10]
Saan sumasagisag ang ilog ng buhay sa pangitain ni Ezekiel?
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.