Kabanata 19—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang Nalalapit na “Digmaan ng Dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”
1. (a) Ano ang malapit nang obligahin ng mga bansa na isulat ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa “aklat ng mga Pakikipagbaka ni Jehova,” at ano ang aklat na iyan? (b) Sa anong digmaan sasapitin ng aklat ang isang ganap na wakas?
SA WAKAS ang mga bansa ay sumapit na sa panahon kapag kanilang oobligahin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na isulat ang ganap na wakas sa “aklat ng mga Pakikipagbaka ni Jehova.” (Bilang 21:14) Ang literal na aklat na iyan ay isang talaan ng mga digmaan na ipinakipagdigma ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan. Maliwanag na binasa ito ni Moises. Ang aklat ay malamang na nagsimula sa matagumpay na pakikipagbaka ni Abraham laban sa mga hari na bumihag kay Lot, kung saan si Jehova ay nakipagbaka para kay Abraham. (Genesis 14:1-16, 20) Hindi na magtatagal, “ang aklat ng mga Pakikipagbaka ni Jehova” ay sasapit sa isang ganap na wakas na may karagdagan bagong kabanata—ang ulat ng kaniyang pinakamaluwalhating tagumpay. Yaon ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon, ang wakas kung tungkol sa sistemang ito ng mga bagay. (Apocalipsis 16:14, 16) Ipakikita ng buong “aklat” na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi kailanman natalo sa isang pakikipagbaka, o digmaan.
2, 3. (a) Mula sa pasimula ng Kristiyanismo, ano ang totoo kung tungkol sa pagkikipagdigma ni Jehova sa “mga digmaang” militar? (b) Ano ang pupukaw o mag-uudyok kay Jehova na makipagbaka para sa kaniyang mga lingkod sa ating panahon?
2 Totoo, mula sa pasimula ng Kristiyanismo hanggang sa ngayon, iningatan ni Jehova ang kaniyang bayan hindi sa pamamagitan ng mga digmaang militar. Hindi kailanman nakipagbaka si Jehova para sa kaniyang mga saksing Kristiyano na gaya ng ginawa niya sa Israel sa ilalim ng Batas Mosaiko. Subalit darating ang panahon sa malapit na hinaharap na siya ay militar na makikipagbaka para sa kaniyang debotadong mga lingkod sa modernong panahon. Ano ang pupukaw o mag-uudyok sa pakikipagbakang iyon sa Armagedon?
3 Bago ang pagsiklab ng digmaan ng Diyos, ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, sa panahong iyon ay nalipol na. Ikagagalit ni Satanas na Diyablo at ng hindi relihiyosong pulitikal na mga tagapagwasak ng Babilonyang Dakila ang bagay na ang mga Saksi ni Jehova lamang ang relihiyosong grupo na makaliligtas. Sa panahong iyon hindi matatamo ng mga pinuno ng daigdig ang kanilang tunguhin na isang walang diyos na sanlibutan. Kaya, ngayon, sulong sa lubusang pagsalakay sa mga mananamba ni Jehova, na ang pansansinukob na pagkasoberano ay kanilang tinatanggihan at sinasalansang! Kaya’t sa panahong iyon sila ay aktuwal na makikipagbaka laban sa Diyos.—Apocalipsis 17:14, 16; ihambing ang Gawa 5:39.
Ipinagpapatuloy ni “Jehova ng mga Hukbo” ang mga Gawaing Militar
4. (a) Paano tumutugon si Jehova sa pagsalakay ni Gog? (b) Ano ang patutunayan ng tugon na iyan, kasuwato ng pangalang “si Jehova ng mga hukbo”?
4 Si Satanas na Diyablo, ang simbolikong Gog ng Magog, ang siyang magiging utak ng pagsalakay na ito sa bayan ni Jehova. Kapag ginamit ni Gog ang kaniyang ateistikong mga kampon upang salakayin ang bayan ni Jehova, upang dambungin at puksain sila, papasok si Jehova at makikipagbaka alang-alang sa kaniyang bayan, gaya ng inihula sa Ezekiel 38:2, 12, 18-20. Ang pagtugon ni Jehova ay inihula rin sa Zacarias 14:3: “Kung magkagayo’y lalabas si Jehova at makikipaglaban sa mga bansang yaon, gaya ng siya’y makipaglaban, sa araw ng pagbabaka.” Sa ganitong paraan ang Diyos ng Bibliya ay magbibigay ng isang patotoo sa lahat ng makabagong mga bansa na siya pa rin ay isang Diyos na Mandirigma, na gaya noong mga kaarawan ng sinaunang Israel, nang, gaya ng iniulat sa Hebreong Kasulatan, siya ay inilarawan bilang “si Jehova ng mga hukbo” ng 260 beses.—Awit 24:10; 84:12.
5, 6. (a) Anong digmaan ang sisiklab ngayon, at sino ang nangunguna sa makalangit na mga hukbo tungo sa pakikipagbaka? (b) Anong ulat ang ibinibigay ni apostol Juan tungkol sa pakikidigma ng makalangit na mga hukbo?
5 Pagdating ng “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ito ang magiging panahon para sa “digmaan” na magtatanda sa araw na iyon. Bibigyan-hudyat ni Jehova ang kaniyang Mariskal ng Hukbo, si Jesu-Kristo. Sa pangalan ni Jehova, siya at ang makalangit ng mga hukbo ng angaw-angaw na mga anghel ay susugod sa digmaan, na parang nakasakay sa mga kabayong pandigma. (Judas 14, 15) Gaya ng isang kabalitaan sa digmaan, si apostol Juan ay nagbibigay sa atin ng patiunang pag-uulat ng kahanga-hangang tagumpay na tatamuhin ng Mariskal ng Hukbo ni Jehova sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”:
6 “At nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong maputi. At yaong nakasakay rito ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya’y humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran. Ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy at sa kaniyang ulo ay maraming diadema . . . At, ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga kabayong maputi, at sila’y nadaramtan ng maputing, malinis, na pinong lino. At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito’y hambalusin niya ang mga bansa, at kaniyang papastulin sila ng tungkod na bakal. At niyuyurakan din niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. At sa kaniyang panlabas na kasuotan, hanggang sa kaniyang hita, siya’y may pangalang nakasulat, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”—Apocalipsis 19:11-16.
7. Ano ang inilalarawan ng pagyurak sa simbolikong pisaan ng ubas ng galit ng Diyos para sa mga bansa?
7 Ang maharlikang Mariskal ng Hukbo, si Jesu-Kristo, ay nangunguna sa makalangit na mga hukbo sa isang matagumpay na pagsalakay laban sa lahat ng pinagsamang mga kaaway sa Armagedon. Ang larangan ng labanang iyon ay kaniyang ginagawang isang pagkalaki-laking pisaan ng ubas! Yamang ang Hari ng mga hari ay “niyuyurakan din ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ito’y nangangahulugan na ang mga bansa ay lubusang malilipol. Ang mga ito ay itatambak na gaya ng mga hinog na ubas sa pagkalaki-laking “pisaan ng ubas,” kung saan “ang kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay pasasapitin sa kanila na dudurog sa kanila. Ang makalangit na mga hukbo ay makikisama sa pagyurak sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”—Apocalipsis 14:18-20.
8. Paano inilalarawan ni Jehova ang kaniyang mga taktika sa pakikipagbaka?
8 Ang mga Saksi ni Jehova sa lupa ay hindi magtataas ng “tabak” laban sa mga kampon ni Gog, kundi si Jehova ang gagawa nito. Ito ay kaniyang pakikipagbaka! At ngayon sa wakas ay makikita siya ng mga bansa ng daigdig na ito na adelantado sa siyensiya na makikipagbaka! Pakinggan habang inilalarawan niya ang kaniyang mga taktika sa pakikidigma: “‘Aking tatawagin sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kaniya [kay Gog],’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. ‘Ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kaniyang kapatid. At aking parurusahan siya, sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at pauulanan ko siya at ang kaniyang mga pulutong at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking graniso, ng apoy at ng asupre. At tiyak na aking luluwalhatiin ang aking sarili at pakababanalin ang aking sarili at aking ipakikilala ang aking sarili sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.’”—Ezekiel 38:21-23.
Mga Sandatang Gagamitin ng Diyos Laban sa Kaaway
9. Ano ang ilan sa mga sandata sa pakikipagbaka na gagamitin ni Jehova laban sa kaniyang mga kaaway?
9 Bilang mga sandata ng pakikidigma, gagamitin ni Jehova ang mga puwersa ng paglalang: napakalakas na ulan, nakamamatay na pagkalalaking mga graniso, napakalakas na ulan ng apoy at asupre, pagbuga ng tubig mula sa ilalim ng lupa, at gumuguhit na mga kidlat. Sa pagkislap ng pamuksa ng Diyos sa kaniyang mga kaaway, ang liwanag ay magiging napakatindi sa araw at sa gabi anupa’t ang likas na araw at buwan ay para bang hindi kakailanganin. Para bang ang mga ito ay tumigil, hindi kumikilos bilang mga tagapagdala ng liwanag kundi hinayaan ang maningning na mga missile ni Jehova ay magtanghal ng kaliwanagan. (Habacuc 3:10, 11) Si Jehova ay may saganang likas na di pangkaraniwang bagay o kababalaghan na magagamit niya sa pakikipagbaka.—Josue 10:11; Job 38:22, 23, 29.
10. Sang-ayon sa Zacarias 14:12, ano pa ang gagamitin ni Jehova sa dumarating na “araw ng pagbabaka”?
10 Sa dumarating na “araw ng pagbabaka,” gagamitin din ni Jehova ang peste at “ang salot.” Ang propeta Zacarias ay sumulat tungkol dito: “Ito ang salot na ipananalot ni Jehova sa lahat ng bayan na makikipagdigma laban sa Jerusalem: Ang kanilang laman ay matutunaw, samantalang sila’y nangakatayo sa kanilang mga paa; at ang kanilang mga mata’y mangatutunaw sa kanilang ukit, at ang kanilang dila ay matutunaw sa kanilang bibig.”—Zacarias 14:12.
11. Ano ang mangyayari kapag “ang salot” ay sumapit sa mga mandirigma na sumasalakay sa bayan ni Jehova?
11 Kung baga “ang salot” ay magiging literal o hindi, patatahimikin nito ang mga bibig na nagsasalita ng kakila-kilabot na mga pagbabanta! Ang mga dila ay matutunaw! Ang mga kapangyarihan ng paningin ay maglalaho, anupa’t ang mabalasik-matang mga mananalakay ay sasala sa paghampas. Ang mga mata ay matutunaw! Ang mga kalamnan ng makapangyarihang mga mandirigma ay mawawalan ng lakas samantalang sila’y nakatayo sa kanilang mga paa—hindi kapag sila ay nakahiga sa lupa bilang mga bangkay. Ang mga laman na tumatakip sa kanilang mga kalansay ay matutunaw!—Ihambing ang Habacuc 3:5.
12. Paano maaapektuhan ng “salot” ang mga kampo at mga kagamitang militar?
12 “Ang salot” ay sasapit na bigla sa kanilang mga kampong militar. Ang umaandar na mga kagamitan para sa pagsalakay ay hindi kikilos! (Zacarias 14:15; ihambing ang Exodo 14:24, 25.) Ipinakikita kung paano magiging walang saysay ang kanilang mga kagamitang militar ay ang mga salita ng Zacarias 14:6: “At mangyayaring sa araw na yaon na hindi magkakaroon ng liwanag—at ang mga bagay ay mamumuo.” Walang makalangit na liwanag ng pagsang-ayon ng Diyos ang sisikat sa kanila. Hindi maaalis ng artipisyal na mga liwanag ng makabagong siyensiya ang kadiliman ng hindi pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga bagay na umaandar ay hindi kikilos, para bang tumigas dahil sa lamig—namuo.
13. Ano ang makadaragdag sa sindak na pangyayarihin ni Jehova sa gitna ng mga mananalakay?
13 Lahat ng ito ay totoong nakatatakot! Subalit nakadaragdag pa sa sindak ang kalituhan na pupukawin o pangyayarihin ng Diyos sa gitna ng mga mananalakay. Ang kanilang nagkakaisang pagkilos laban sa mga Saksi ni Jehova ay masisira. Tulad ng mga gladiator na may nakabubulag na helmet sa kanilang mga ulo sa isang Romanong arena, sila’y walang paningin na maghahampasan sa isa’t isa. Ang nakamamatay na kalituhan ay magiging malaganap habang sila ay nagsasagawa ng pagpapatayan sa isa’t isa.—Zacarias 14:13.
14. (a) Gaano kalawak ang pagpatay sa panahong iyon, at paanong ang mga ibon at mga hayop ay makikibahagi sa mga pakinabang ng tagumpay ni Jehova? (b) Anong saloobin ang tataglayin ng mga makaliligtas doon sa “mga mapapatay ni Jehova”?
14 Ang lansakang pagpatay sa araw ng mga araw na iyon ay magiging kakila-kilabot, sapagkat ang mga hukbong nakalinya sa panig ni Gog sa digmaang iyon ay magiging pagkarami-rami. (Apocalipsis 19:19-21) Tiyak na iyan ay magiging isang pangglobong labanan, sapagkat walang panig sa lupa ang makaliligtas sa pagkapuksa. Higit pa riyan, yaong mga mapapatay sa Armagedon ay hindi ililibing na may mga lapida upang alalahanin sila. Ang mga ibon ng lahat ng uri at mga hayop sa parang ay makikibahagi sa mga pakinabang ng tagumpay ng Diyos at, kasabay nito, tutulong sa paglilinis sa lupa ng maraming mga bangkay na ikakalat sa lupa na parang mga pataba, hindi tatangisan, hindi ililibing, kasusuklaman ng mga makaliligtas. (Ezekiel 39:1-5, 17-20; Apocalipsis 19:17, 18) Tatanggapin ng “mga mapapatay ni Jehova” ang walang hanggang kabuktutan para sa kanilang sarili.—Jeremias 25:32, 33; Isaias 66:23, 24.
Ang Pangalan ni Jehova ay Luluwalhatiin
15. Anong namumukod-tanging pangyayari ang magaganap sa panahong iyon, at taglay ang anong epekto sa pangalan ni Jehova?
15 Sa gayon, si “Jehova ng mga hukbo” sa pamamagitan ng kaniyang Mariskal ng Hukbo, si Jesu-Kristo, ay magkakamit ng walang hanggang kaluwalhatian para sa kaniyang sarili. Sa panahong iyon ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng sansinukob ay naganap na—ang pagbabangong-puri sa pansansinukob na pagkasoberano ni Jehova at ang pagpapakabanal sa kaniyang banal na pangalan. (Ezekiel 38:23; 39:6, 7) Si Jehova ay gagawa ng isang pangalan para sa kaniyang sarili na mahihigitan ang lahat ng inilarawan sa “aklat ng mga Pakikipagbaka ni Jehova” at sa Hebreong Kasulatan ng Banal na Bibliya. (Ihambing ang Isaias 63:12-14.) Anong ganda ng pangalang gagawin ni Jehova para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang kasindak-sindak na tagumpay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”! Sa panahong iyon masayang pupurihin ito magpakailanman ng lahat ng umiibig sa pangalang iyon, inaawit ang mga papuri nito!
16. Dahilan sa dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” anong panalangin ang inihahandog alang-alang sa “malaking pulutong”?
16 Kung gayon, sulong sa pakikidigma, Oh Jehova ng mga hukbo, kasama ng iyong maharlikang Anak na si Jesu-Kristo sa iyong tabi! (Awit 110:5, 6) Hayaang ang iyong tapat na mga saksi sa lupa ay maging maligayang mga saksi ng iyong walang katulad na tagumpay sa pamamagitan ng iyong Haring si Jesu-Kristo sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Hayaang ang “malaking pulutong” na masayang “nanggaling mula sa malaking kapighatian” ay maging iyong makalupang mga saksi magpakailanman. (Apocalipsis 7:14) Sa ilalim ng iyong maibiging pangangalaga, makaligtas nawa sila tungo sa walang digmaang Milenyong Paghahari ng iyong matagumpay na “Prinsipe ng Kapayapaan.” Nawa’y maging isang nakikitang patotoo sila sa bubuhaying-muling mga patay bilang pagbabangong-puri sa pagkasoberano na nauukol sa inyo sa buong sansinukob. Salamat sa pagsulat ng ganap na wakas sa “aklat ng mga Pakikipagbaka ni Jehova.” Hanggang sa walang hanggan, harinawang manatili ang ulat na ito ng iyong walang katulad na tagumpay sa mga rekord ng kasaysayan ng sansinukob!