PAWIS
Halumigmig o likido ng katawan na lumalabas sa mga glandula ng pawis at dumaraan sa maliliit na butas sa balat. Ang karaniwang mga sanhi ng pawis ay ang pagtatrabaho (halimbawa, kapag gumagawa ng mabigat na gawain), emosyon (gaya ng kabalisahan), init, at iba pa.
Pagkatapos na magkasala si Adan, kinailangan niyang maghanap ng ikabubuhay mula sa isinumpang lupa sa labas ng hardin ng Eden, anupat ginagawa iyon sa pamamagitan ng nakapapawis na pagpapagal sa gitna ng mga tinik at mga dawag. Sa isang bahagi ay sinabi sa kaniya ni Jehova: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha.”—Gen 3:17-19.
Habang nakikita ni Ezekiel ang pangitain tungkol sa templo, sinabi ni Jehova na ang mga saserdoteng naglilingkod doon ay dapat magbihis ng mga linong kasuutan at na “walang lana ang dadaiti sa kanila.” Hindi sila dapat magbigkis sa kanilang sarili ng lana o ng anumang “nakapagpapapawis.” Marahil ito ay upang maiwasan ang anumang karumihang lilikhain ng pawis, o baka dahil sa pawis ay maging di-kasiya-siya ang kanilang paglilingkod sa halip na nakagagalak, yamang ang pawis ay nagpapahiwatig ng pagpapagal o pagkapagod, gaya sa kaso ni Adan.—Eze 44:15-18.
Si Jesus sa Getsemani. May kinalaman kay Jesu-Kristo nang siya ay nasa Getsemani noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sinabi ng Lucas 22:44: “Ngunit nang mapasamatinding paghihirap ay nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” Hindi sinasabi ng manunulat na nahaluan ng dugo ang pawis ni Jesus. Maaaring gumagawa lamang siya ng isang paghahambing, anupat marahil ay ipinahihiwatig niya na ang pawis ni Kristo ay namuong tulad ng mga patak ng dugo o inilalarawan niya kung paanong ang pagtulo ng pawis ni Jesus ay kahawig ng sunud-sunod na pagpatak ng dugo mula sa isang sugat. Sa kabilang dako naman, maaaring lumabas ang dugo ni Jesus sa kaniyang balat, anupat napahalo sa kaniyang pawis. Ayon sa ulat, nangyari ang pamamawis nang may dugo sa ilang kaso ng matinding kabagabagan ng isip. Sa kalagayang tinatawag na diapedesis, ang dugo o ang mga elemento nito ay tumatagas sa walang-punit na mga ugat na dinadaluyan ng dugo, at sa hematidrosis naman, ang inilalabas ay pawis na nabahiran ng sangkap na pangkulay ng dugo o ng mismong dugo, o ng fluido ng katawan na nahaluan ng dugo, sa gayon ay nagiging dahilan ng ‘pagpapawis ng dugo.’ Sabihin pa, mga mungkahi lamang ang mga ito tungkol sa kung ano ang posibleng nangyari kay Jesus.
Ang Lucas 22:43, 44 ay wala sa Vatican Manuscript No. 1209, sa Alexandrine Manuscript, sa Syriac Sinaitic codex, at sa iwinastong salin ng Sinaitic Manuscript. Gayunman, lumilitaw ang mga talatang ito sa orihinal na Sinaitic Manuscript, sa Codex Bezae, sa Latin na Vulgate, sa Curetonian Syriac, at sa Syriac na Peshitta.