-
Ang Pagpapala ni Jehova sa Ating “Lupain”Ang Bantayan—1999 | Marso 1
-
-
12. (a) Bakit nakapamumunga nang gayon na lamang ang mga punungkahoy sa pangitain ni Ezekiel? (b) Ano ang inilalarawan ng mabubungang punungkahoy na ito sa mga huling araw?
12 Ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay nagdudulot ng buhay at kalusugan. Nang mapag-alaman ni Ezekiel ang tungkol sa mga punungkahoy na tutubo sa tabi ng ilog, sinabihan siya: “Ang dahon niyaon ay hindi malalanta, ni mauubos man ang bunga nito. . . . At ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pampagaling.” Bakit namumunga ang mga punungkahoy na ito sa ganitong kagila-gilalas na paraan? “Sapagkat ang tubig para sa mga ito—ito ay lumalabas mula sa mismong santuwaryo.” (Ezekiel 47:12b) Ang makasagisag na mga punungkahoy na ito ay lumalarawan sa lahat ng mga paglalaan ng Diyos upang isauli sa kasakdalan ang sangkatauhan salig sa haing pantubos ni Jesus. Sa lupa sa panahong ito, nangunguna ang pinahirang nalabi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain at pagpapagaling. Kapag natanggap na ng lahat ng 144,000 ang kanilang makalangit na gantimpala, ang mga pakinabang mula sa kanilang makasaserdoteng paglilingkod bilang kasamang tagapamahala ni Kristo ay aabot pa sa hinaharap, na sa wakas ay hahantong sa lubusang pagdaig sa Adanikong kamatayan.—Apocalipsis 5:9, 10; 21:2-4.
-
-
Ang Pagpapala ni Jehova sa Ating “Lupain”Ang Bantayan—1999 | Marso 1
-
-
17, 18. (a) Paano inilalarawan sa Apocalipsis 22:1, 2 ang nagbibigay-buhay na ilog, at kailan ang pangunahing katuparan ng pangitaing iyan? (b) Sa Paraiso, bakit magkakaroon ng sukdulang paglawak ang ilog ng tubig ng buhay?
17 Sa diwa, ang ilog na nakita ni Ezekiel ay aagos sa panahong iyon taglay ang pinakamabisang tubig ng buhay. Ito ang panahon ng pangunahing katuparan ng hulang nakaulat sa Apocalipsis 22:1, 2: “Ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan nito. At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.”
18 Sa panahon ng Milenyo, ang lahat ng karamdaman—sa pisikal, mental, at emosyonal—ay pagagalingin. Ito’y mainam na inilalarawan ng “pagpapagaling sa mga bansa” sa pamamagitan ng makasagisag na mga punungkahoy. Dahil sa mga paglalaang ipinagkaloob ni Kristo at ng 144,000, “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) At sasapit ang ilog sa panahon ng sukdulang paglawak nito. Ito’y tiyak na lalawak at lalalim pa upang mapaglaanan ang milyun-milyon, marahil ay bilyun-bilyon, na mga taong bubuhaying-muli na iinom mula sa mga dalisay na tubig na ito ng buhay. Sa pangitain, pinagaling ng ilog ang Dagat na Patay, anupat nagdulot ng buhay saanman umagos ang mga tubig nito. Sa Paraiso, ang mga lalaki at babae ay magkakaroon ng buhay sa lubusang diwa nito, yamang sila’y pagagalingin mula sa minanang Adanikong kamatayan kung sila’y magsasagawa ng pananampalataya sa mga kapakinabangang ipinaaabot sa kanila ng pantubos. Inihuhula ng Apocalipsis 20:12 na may “mga balumbon” na bubuksan sa mga araw na iyon, na maglalaan ng dagdag na liwanag sa kaunawaan na pakikinabangan din ng mga muling bubuhayin. Nakalulungkot sabihin, tatanggihan ng iba ang pagpapagaling, kahit na sa Paraiso. Ang mga rebeldeng ito ang siyang mga ‘ibinigay sa asin’ ng walang-hanggang pagkapuksa.—Apocalipsis 20:15.
-