KABANATA 21
“Ang Ipapangalan sa Lunsod ay Naroon si Jehova”
POKUS: Ang ibig sabihin ng lunsod at ng abuloy
1, 2. (a) Anong espesyal na bahagi ng lupain ang ibinukod? (Tingnan ang larawan sa pabalat.) (b) Anong katiyakan ang ibinibigay ng pangitain sa mga tapon?
SA HULING pangitain ni Ezekiel, nalaman niya na ibinukod ang isang bahagi ng lupain para sa isang espesyal na layunin. Ang bahaging ito ay hindi ipamamana sa isang tribo ng mga Israelita kundi iaabuloy kay Jehova. Nalaman din niya ang tungkol sa isang lunsod na may kakaibang pangalan. Ang bahaging ito ng pangitain ay nagbibigay sa mga tapon ng isang napakahalagang katiyakan: Si Jehova ay makakasama nila kapag bumalik sila sa kanilang lupain.
2 Detalyadong inilarawan ni Ezekiel ang abuloy na iyan. Suriin natin ang ulat na ito na punong-puno ng aral para sa atin bilang tunay na mga mananamba ni Jehova.
Ang “Banal na Abuloy” at ang “Lunsod”
3. Ano ang limang bahagi ng lupaing ibinukod ni Jehova, at para saan ang mga iyon? (Tingnan ang kahong “Ang Abuloy na Ibibigay Ninyo.”)
3 Ang espesyal na bahagi ng lupain ay may sukat na 25,000 siko (13 kilometro) mula hilaga hanggang timog at 25,000 siko mula silangan hanggang kanluran. Ang kuwadradong lupain na ito ay tinawag na “buong abuloy.” Hinati ito nang pahalang sa tatlong seksiyon. Ang itaas na seksiyon ay para sa mga Levita; ang gitnang seksiyon naman ay para sa templo at sa mga saserdote. Ang dalawang seksiyong ito ang bumubuo sa “banal na abuloy.” Ang mas maliit na seksiyon sa ibaba, o ang “natitirang bahagi,” ay “magagamit ng lunsod.”—Ezek. 48:15, 20.
4. Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol sa abuloy para kay Jehova?
4 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito tungkol sa abuloy para kay Jehova? Unang ibinukod ang lupain para sa espesyal na abuloy; pagkatapos, ibinukod ang lupain para sa mga tribo. Ipinakita rito ni Jehova na dapat ituring na pinakamahalaga ang lupaing iaabuloy sa kaniya. (Ezek. 45:1) Tiyak na maraming natutuhan dito ang mga tapon. Dapat na maging pangunahin sa buhay nila ang pagsamba kay Jehova. Sa ngayon, pangunahin din sa atin ang espirituwal na mga gawain, gaya ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral. Kung tutularan natin si Jehova sa pagtatakda ng tamang priyoridad, magiging pangunahin sa ating buhay ang pagsamba sa kaniya.
“Ang Lunsod ay Nasa Gitna Nito”
5, 6. (a) Sino ang nagmamay-ari ng lunsod? (b) Saan hindi tumutukoy ang lunsod, at bakit?
5 Basahin ang Ezekiel 48:15. Ano ang kahulugan ng “lunsod” at ng lupaing nakapalibot dito? (Ezek. 48:16-18) Sa pangitain, sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Magiging pag-aari iyon ng buong sambahayan ng Israel.” (Ezek. 45:6, 7) Kaya ang lunsod at ang lupaing nakapalibot dito ay hindi kasama sa “banal na abuloy” na “ibibigay . . . kay Jehova.” (Ezek. 48:9) Tandaan natin iyan habang tinatalakay ang mga aral na makukuha natin mula sa kaayusan ng lunsod na ito.
6 Pero bago iyan, alamin muna natin kung saan hindi puwedeng tumukoy ang lunsod. Hindi ito puwedeng tumukoy sa muling-itinayong lunsod ng Jerusalem na may templo. Bakit? Dahil ang lunsod na nakita ni Ezekiel ay walang templo. Hindi rin ito tumutukoy sa alinmang lunsod sa ibinalik na lupain ng Israel. Bakit? Dahil ang bumalik na mga tapon at ang mga inapo nila ay hindi nakapagtayo ng lunsod na katulad ng inilalarawan sa pangitain. At hindi rin ito puwedeng tumukoy sa isang makalangit na lunsod. Bakit? Dahil itinayo ito sa “di-banal” na lupain, hindi sa lupain na ibinukod para sa pagsamba.—Ezek. 42:20.
7. Ano ang lunsod na nakita ni Ezekiel, at lumilitaw na saan ito lumalarawan? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
7 Kung gayon, ano ang lunsod na nakita ni Ezekiel? Tandaan na sa iisang pangitain lang nakita ni Ezekiel ang lunsod at ang lupain. (Ezek. 40:2; 45:1, 6) Ipinapakita ng Salita ng Diyos na ang lupain ay tumutukoy sa isang espirituwal na lupain, kaya tiyak na ang lunsod ay isang espirituwal na lunsod. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “lunsod”? Maiisip natin sa salitang ito ang isang grupo ng mga tao na naninirahan nang sama-sama at organisado. Kaya lumilitaw na ang napakaayos at kuwadradong lunsod na nakita ni Ezekiel ay lumalarawan sa isang napakaorganisadong pangangasiwa, o administrasyon.
8. Ano ang sakop ng administrasyong ito, at bakit natin nasabi iyan?
8 Ano ang sakop ng administrasyong ito? Ipinapakita sa pangitain ni Ezekiel na pinangangasiwaan ng lunsod ang espirituwal na lupain. Kaya sa ngayon, ginagabayan ng administrasyong ito ang mga gawain ng bayan ng Diyos. At ano naman ang ipinapahiwatig ng detalye na ang lunsod ay nasa di-banal na lupain? Ipinapaalaala nito sa atin na ang lunsod ay hindi isang makalangit na administrasyon, kundi isang makalupang administrasyon na nangangasiwa para sa kapakinabangan ng lahat ng naninirahan sa espirituwal na paraiso.
9. (a) Sino ang bumubuo sa makalupang administrasyong ito sa ngayon? (b) Ano ang gagawin ni Jesus sa Sanlibong Taóng Paghahari?
9 Sino ang bumubuo sa makalupang administrasyong ito? Sa pangitain ni Ezekiel, ang nangunguna sa lunsod ay tinawag na “pinuno.” (Ezek. 45:7) Isa siyang tagapangasiwa, pero hindi siya isang saserdote o Levita. Maaalaala natin sa pinunong ito ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon, partikular na ang mga hindi pinahiran. Ang mapagmalasakit na mga pastol na ito na mula sa “ibang mga tupa” ay mapagpakumbabang mga lingkod sa lupa ng makalangit na pamahalaan ni Kristo. (Juan 10:16) Sa Sanlibong Taóng Paghahari, pipili si Jesus ng kuwalipikadong mga elder, o ‘prinsipe,’ at aatasan niya sila “sa buong lupa.” (Isa. 32:1; Awit 45:16) Sa pangangasiwa ng makalangit na Kaharian, aasikasuhin nila ang pangangailangan ng bayan ng Diyos sa loob ng sanlibong taon.
“Naroon si Jehova”
10. Ano ang pangalan ng lunsod, at anong garantiya ang ibinibigay nito?
10 Basahin ang Ezekiel 48:35. Ang pangalan ng lunsod ay “Naroon si Jehova.” Garantiya ito na madarama sa lunsod ang presensiya ni Jehova. Nang ipakita ni Jehova kay Ezekiel ang lunsod na ito na nasa sentro ng lupain, para bang sinasabi ni Jehova sa mga tapon: ‘Makakasama ninyo ako ulit!’ Talaga ngang nakapagpapatibay!
11. Ano ang matututuhan natin sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa lunsod at sa pangalan nito?
11 Ano ang matututuhan natin sa bahaging ito ng hula ni Ezekiel? Tinitiyak sa atin ng pangalan ng lunsod na si Jehova ay naninirahan ngayon sa gitna ng tapat na mga lingkod niya sa lupa at mananatili siyang kasama nila magpakailanman. Idiniriin din ng pangalang ito ang isang mahalagang katotohanan: Hindi umiiral ang lunsod na ito para magbigay ng kapangyarihan sa sinumang tao; umiiral ito para ipatupad ang maibigin at makatuwirang pamamahala ni Jehova. Halimbawa, hindi binigyan ni Jehova ng awtoridad ang administrasyon na hati-hatiin ang lupain, wika nga, gaya ng posibleng maisip ng mga tao. Sa halip, inaasahan niya na igagalang nito ang mga ibinigay niyang mana, o pribilehiyo, sa mga lingkod niya, pati na sa mga itinuturing na nakabababa.—Ezek. 46:18; 48:29.
12. (a) Ano ang kapansin-pansin sa lunsod na ito, at ano ang ipinapakita nito? (b) Ano ang ipinapaalaala nito sa mga Kristiyanong tagapangasiwa?
12 Ano pa ang kapansin-pansin sa lunsod na “Naroon si Jehova”? Para manatiling ligtas, ang mga lunsod noon ay napapaderan at kaunti lang ang pintuang-daan ng mga iyon. Pero ang lunsod na ito ay may 12 pintuang-daan! (Ezek. 48:30-34) Ang pagkakaroon nito ng maraming pintuang-daan (tatlo sa bawat panig ng kuwadradong lunsod) ay nagpapakita na madaling lapitan ang mga nangunguna sa lunsod. At idiniriin ng 12 pintuang-daan ng lunsod na puwede itong mapuntahan ng lahat, ng “buong sambahayan ng Israel.” (Ezek. 45:6) Isa itong mahalagang paalaala sa mga Kristiyanong tagapangasiwa. Gusto ni Jehova na sila ay madaling lapitan at handang tumulong sa lahat ng naninirahan sa espirituwal na paraiso.
‘Sumasamba’ ang Bayan ng Diyos at “Naglilingkod sa Lunsod”
13. Anong iba’t ibang uri ng paglilingkod ang binanggit ni Jehova?
13 Balikan natin ang panahon ni Ezekiel at suriin ang iba pang detalyeng iniulat niya tungkol sa pangitain ng paghahati sa lupain. Binanggit ni Jehova na ang mga tao ay nakikibahagi sa iba’t ibang uri ng paglilingkod. Ang mga saserdote—ang “mga lingkod sa santuwaryo”—ay naghahandog at lumalapit kay Jehova para maglingkod sa kaniya. At ang mga Levita—ang “mga lingkod sa templo”—ay “[nagsasagawa] ng mga atas doon at ng lahat ng iba pang bagay na dapat gawin doon.” (Ezek. 44:14-16; 45:4, 5) Bukod diyan, may mga manggagawa na abala sa pagtatrabaho malapit sa lunsod. Sino sila?
14. Ano ang ipinapaalaala sa atin ng mga manggagawa na malapit sa lunsod?
14 Ang mga manggagawang ito ay mula sa “lahat ng tribo ng Israel.” Tumutulong sila sa lunsod; ang atas nila ay magtanim para magkaroon ng “pagkain [ang] mga naglilingkod sa lunsod.” (Ezek. 48:18, 19) Ipinapaalaala ng kaayusang ito ang isang pribilehiyo natin sa ngayon. Pribilehiyo ng lahat ng naninirahan sa espirituwal na paraiso na suportahan ang gawain ng pinahirang mga kapatid ni Kristo at ng mga inatasan ni Jehova na manguna mula sa “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9, 10) Masusuportahan natin sila kung kusang-loob tayong susunod sa tagubilin ng tapat na alipin.
15, 16. (a) Ano pang detalye ang makikita natin sa pangitain ni Ezekiel? (b) May pagkakataon tayong makibahagi sa anong mga gawain?
15 May matututuhan tayo tungkol sa ministeryo mula sa isa pang detalye ng pangitain ni Ezekiel. Anong detalye? Binanggit ni Jehova na ang mga miyembro ng 12 di-Levitang tribo ay abala sa dalawang lokasyon: sa looban ng templo at sa pastulan ng lunsod. Ano ang ginagawa nila sa mga lokasyong ito? Sa looban ng templo, ang lahat ng tribo ay ‘sumasamba’ sa pamamagitan ng paghahandog kay Jehova. (Ezek. 46:9, 24) Sa lupain ng lunsod naman, ang mga miyembro ng lahat ng tribo ay tumutulong sa lunsod sa pamamagitan ng pagsasaka sa lupain nito. Ano ang matututuhan natin sa mga manggagawang ito?
16 Sa ngayon, ang mga miyembro ng malaking pulutong ay may pagkakataong makibahagi sa mga gawaing kagaya ng binanggit sa pangitain ni Ezekiel. Sinasamba nila si Jehova “sa templo niya” sa pamamagitan ng paghahandog ng papuri. (Apoc. 7:9-15) Ginagawa nila ito kapag nakikibahagi sila sa gawaing pangangaral at nagkokomento sa Kristiyanong mga pagpupulong. Para sa kanila, ang paraang ito ng pagsamba kay Jehova ang pinakamahalagang atas nila. (1 Cro. 16:29) Bukod diyan, marami sa bayan ng Diyos ang tumutulong sa organisasyon niya sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, tumutulong sila sa pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall at pasilidad ng sangay, pati na sa iba pang proyekto ng organisasyon ni Jehova. Sinusuportahan naman ng iba ang mga proyektong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon. Sa paggawa nito, sinasaka nila ang lupain, wika nga, sa “ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) Masigasig at masaya nilang ginagawa ang mga ito dahil alam nilang “nalulugod [si Jehova] sa gayong mga handog.” (Heb. 13:16) Sinasamantala mo ba ang mga pagkakataong ito?
“May Hinihintay Tayong Bagong Langit at Bagong Lupa”
17. (a) Ano ang mas malaking katuparan sa hinaharap ng pangitain ni Ezekiel? (b) Sa Sanlibong Taóng Paghahari, sino ang makikinabang sa tulad-lunsod na administrasyon?
17 May mas malaking katuparan ba sa hinaharap ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa abuloy? Oo! Pag-isipan ito: Nakita ni Ezekiel na ang bahagi ng lupain na tinawag na “banal na abuloy” ay nasa sentro ng lupain. (Ezek. 48:10) Sa katulad na paraan, saanman tayo nakatira sa mundo pagkatapos ng Armagedon, si Jehova ay maninirahang kasama natin. (Apoc. 21:3) Sa Sanlibong Taóng Paghahari, ang tulad-lunsod na administrasyon, o ang mga nasa lupa na aatasang mag-asikaso sa pangangailangan ng bayan ng Diyos, ay magkakaroon ng mas malawak na sakop—papatnubayan nila at bibigyan ng tagubilin ang lahat ng bumubuo sa “bagong lupa,” ang bagong lipunan ng tao.—2 Ped. 3:13.
18. (a) Bakit tayo nakakatiyak na ang tulad-lunsod na administrasyon ay mananatiling kaayon ng pamamahala ng Diyos? (b) Ano ang tinitiyak sa atin ng pangalan ng lunsod?
18 Bakit tayo nakakatiyak na ang tulad-lunsod na administrasyon ay mananatiling kaayon ng pamamahala ng Diyos? Dahil ipinapakita sa Salita ng Diyos na ang makalupang lunsod na may 12 pintuang-daan ay katulad ng makalangit na lunsod na may 12 pintuang-daan, ang Bagong Jerusalem, na binubuo ng 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo. (Apoc. 21:2, 12, 21-27) Ipinapahiwatig nito na ang makalupang administrasyon ay kikilos kaayon ng lahat ng desisyon ng Kaharian ng Diyos sa langit. Oo, ang pangalan ng lunsod na “Naroon si Jehova” ay tumitiyak sa atin na sa Paraiso, patuloy na lalago at mananatili magpakailanman ang dalisay na pagsamba. Talaga ngang napakaganda ng kinabukasang naghihintay sa atin!