BANAL NA ABULOY
Isang bahagi ng lupain sa pangitain ni Ezekiel hinggil sa paghahati-hati ng Lupang Pangako.
Ang bawat isa sa 12 tribo, maliban sa tribo ni Levi (anupat ang Efraim at Manases ay kumakatawan sa Jose, sa gayo’y nabubuo ang 12), ay binigyan ng takdang bahagi na bumabagtas mula sa S hanggang sa K ng lupain. Ang takdang bahaging iniatas sa Juda ay ikapito mula sa dulong hilaga. Sa ibaba nito ay may isang pahabang lupain na pampangasiwaan. (Eze 48:1-8) Ang hilagaang hanggahan ng lupaing ito ang siyang timugang hanggahan ng takdang bahagi ng Juda; ang kahangga nito sa T ay ang takdang bahagi ng Benjamin, na ikalima mula sa dulong timog. (Eze 48:23-28) Ang lupaing pampangasiwaan na ito ay may lapad na 25,000 siko (13 km; 8 mi) mula sa H hanggang sa T. Ibibigay ito ng taong-bayan upang magamit ng pamahalaan.—Eze 48:8.
Sa loob ng pahabang lupain na pampangasiwaan, may 25,000-siko-kuwadradong dako na tinatawag na “abuloy” at nasa gitna nito ang santuwaryo ni Jehova. Ang dalawang natitirang bahagi ng lupain sa S at sa K ng “abuloy” ay inilaan sa pinuno. (Eze 48:20-22; tingnan ang PINUNO.) Ang parisukat na “abuloy” ay nahahati sa ganitong paraan: isang pahabang lupain sa kahabaan ng hilagang hangganan, 10,000 siko (5.2 km; 3.2 mi) ang lapad, na para sa di-saserdoteng mga Levita. Walang anumang bahagi ng iniatas na lupaing ito ang ipagbibili o ipagpapalit, “sapagkat ito ay banal kay Jehova.” (Eze 48:13, 14) Ang kahangga ng takdang bahagi ng mga Levita sa gawing T ay isang pahabang lupain na 10,000 siko, isang “banal na abuloy para sa mga saserdote.” Nasa seksiyong ito ng mga saserdote ang santuwaryo, o templo, ni Jehova. (Eze 48:9-12) Sa timog ay may natitira pang isang pahabang lupain na may lapad na 5,000 siko (2.6 km; 1.6 mi). Ang seksiyong ito naman ay “bagay na di-banal para sa lunsod, bilang isang tahanang dako at bilang pastulan.” (Eze 48:15) Nasa gitna ng seksiyong ito ang lunsod na tinatawag na “Si Jehova Mismo ay Naroroon.” Ang lunsod ay 4,500 siko (2.3 km; 1.4 mi) kuwadrado, may 12 pintuang-daan, at sa buong palibot ay may pastulan na 250 siko (130 m; 425 piye) ang lapad. Ang natitirang bahagi ng 25,000-siko-kuwadradong abuloy, samakatuwid nga, 10,000 siko sa gawing S ng lunsod at 10,000 siko sa gawing K (5,000 siko ang lapad), ay itinuturing din na di-banal at sasakahin ito ng mga tribo ng Israel upang makapaglaan ng pagkain para sa lunsod.—Eze 48:15-19, 30-35.
Kung gayon, ang aktuwal na sukat ng “banal na abuloy” ay 25,000 siko mula sa S hanggang sa K at 20,000 siko mula sa H hanggang sa T. Binubuo ito ng dalawang pahabang lupain na tig-10,000 siko ang lapad, anupat ang isa ay iniatas sa mga saserdote at ang isa naman ay sa mga Levita. Ang natitira sa 25,000-siko-kuwadradong abuloy ay “bagay na di-banal,” anupat ginamit “para sa lunsod, bilang isang tahanang dako at bilang pastulan.”—Eze 48:10, 13-15, 18, 20, 21.