-
JehoiakinKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa edad na 18 ay naging hari si Jehoiakin at ipinagpatuloy niya ang masasamang gawain ng kaniyang ama. (2Ha 24:8, 9; 2Cr 36:9, tlb sa Rbi8) Ang ama ni Jehoiakin, si Jehoiakim, ay nagpasakop sa Babilonyong si Haring Nabucodonosor ngunit naghimagsik noong ikatlong taon ng kaniyang pagiging basalyo (618 B.C.E.). (2Ha 24:1) Nagbunga ito ng pagkubkob sa Jerusalem. Ang pananalitang “nang panahong iyon” (2Ha 24:10) ay maaaring tumutukoy, hindi sa maikling paghahari ni Jehoiakin, kundi sa kalakhang yugto na nakasasaklaw rito, samakatuwid ay nagpapahintulot na ang pagkubkob ay nagsimula noong panahon ng paghahari ng kaniyang amang si Jehoiakim, gaya ng waring ipinahihiwatig ng Daniel 1:1, 2. Lumilitaw na namatay si Jehoiakim sa panahon ng pagkubkob na ito at si Jehoiakin ay lumuklok naman sa trono ng Juda. Gayunman, nagwakas ang kaniyang pamamahala pagkaraan lamang ng tatlong buwan at sampung araw, nang sumuko siya kay Nabucodonosor noong 617 B.C.E. (noong buwan ng Adar, ayon sa isang kronikang Babilonyo). (2Ha 24:11, 12; 2Cr 36:9; Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. Grayson, 1975, p. 102) Bilang katuparan ng salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, siya ay dinala sa pagkatapon sa Babilonya. (Jer 22:24-27; 24:1; 27:19, 20; 29:1, 2) Ipinatapon din ang iba pang mga miyembro ng maharlikang sambahayan, mga opisyal ng korte, mga bihasang manggagawa, at mga mandirigma.—2Ha 24:14-16; tingnan ang NABUCODONOSOR.
-
-
JehoiakimKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ipinakikita ng 2 Hari 24:1 na ginipit ni Nabucodonosor ang Judeanong hari “kung kaya si Jehoiakim ay naging lingkod [o basalyo] niya sa loob ng tatlong taon. Gayunman, tumalikod siya [si Jehoiakim] at naghimagsik laban sa kaniya [kay Nabucodonosor].” Maliwanag na ang ikatlong taóng ito ni Jehoiakim bilang isang basalyong hari sa ilalim ng Babilonya ang tinutukoy ni Daniel sa Daniel 1:1. Hindi maaaring iyon ang ikatlong taon ng 11-taóng paghahari ni Jehoiakim sa Juda, sapagkat nang panahong iyon ay isang basalyo si Jehoiakim, hindi sa Babilonya, kundi kay Paraon Neco ng Ehipto. Noon lamang ikaapat na taon ng pamamahala ni Jehoiakim sa Juda nang buwagin ni Nabucodonosor ang pamumuno ng Ehipto sa Sirya-Palestina sa pamamagitan ng tagumpay nito sa Carkemis (625 B.C.E. [lumilitaw na pagkaraan ng Nisan]). (Jer 46:2) Yamang ang paghihimagsik ni Jehoiakim laban sa Babilonya ay humantong sa kaniyang pagbagsak pagkaraan ng mga 11-taóng paghahari, ang pasimula ng kaniyang tatlong-taóng pagiging basalyo ng Babilonya ay malamang na nagsimula noong huling bahagi ng kaniyang ikawalong taon ng pamamahala, o maaga noong 620 B.C.E.
-