Mga Huling Araw—Ano ang Susunod?
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—Jesu-Kristo, Mateo 24:34, New International Version.
SI Jesus, nang ipinaliliwanag “ang tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” ay nagsabi sa kaniyang nagtatakang mga alagad ng mga salitang sinipi sa itaas. (Mateo 24:3) Ngayon ano ba ang ibig tukuyin ni Jesus sa salitang “salinlahi”? At anong mga pangyayari ang hahantong sa wakas ng sistema ng mga bagay? Sa ibang salita, anong mga pangyayari ang dapat nating abangan sa malapit na hinaharap?
Gaano Katagal ang Isang Salinlahi?
Binanggit ng The American Legion Magazine na 4,743,826 na mga lalaki at babae ang nakibahagi sa Digmaang Pandaigdig I. Subalit noong 1984 tanging 272,000 ang natitirang buháy pa, at sila ay namamatay sa isang katamtamang bilang na siyam sa bawat oras. Kung gayon, nangangahulugan ba iyan na naglaho na ang salinlahi ng 1914?
Ang salitang Griego para sa salinlahi ay geneá, na ginamit ni Mateo, Marcos, at Lucas sa kanilang mga pag-uulat ng mga pananalita ni Jesus. Maaari itong magkaroon ng iba’t ibang pagkakapit ayon sa konteksto. Gayunman, binibigyan-kahulugan ito ng The New International Dictionary of New Testament Theology bilang: “Yaong mga ipinanganak sa iisang panahon . . . Kaugnay nito ang kahulugang: ang lupon ng mga kapanahon ng isa, isang panahon.” Ganito naman ang sabi ng A Greek-English Lexicon of the New Testament: “Ang kabuuang bilang ng mga ipinanganak sa iisang panahon, pinalawak upang isama lahat niyaong nabubuhay sa isang itinakdang panahon na salinlahi, mga kapanahon.” Ang mga kahulugang ito ay kumakapit sa lahat ng mga ipinanganak noong panahon ng isang makasaysayang pangyayari at lahat niyaong nabubuhay nang panahong iyon.
Ganito ang sabi ni J. A. Bengel sa kaniyang New Testament Word Studies: “Ang mga Hebreo . . . ay tumatantiya ng pitumpu’t limang taon bilang isang salinlahi, at ang mga salitang, ay hindi lilipas, ay nagpapahiwatig na ang malaking bahagi ng salinlahi ngang iyon [ng kaarawan ni Jesus], subalit hindi ang lahat ng salinlahing ito, ay lilipas bago maganap ang lahat.” Ito’y nagkatotoo noong taóng 70 C.E. nang mawasak ang Jerusalem.
Gayundin sa ngayon, karamihan ng salinlahi ng 1914 ay namatay na. Gayunman, mayroon pang angaw-angaw sa lupa na isinilang nang taóng iyon o bago ng taóng iyon. At bagaman ang kanilang bilang ay umuunti, ang mga salita ni Jesus ay matutupad, “tiyak na hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Isa pa itong dahilan upang maniwala na nalalapit na ang tulad-magnanakaw na araw ni Jehova. Kaya, anong mga pangyayari ang dapat alistong abangan ng mga Kristiyano?
“Kapayapaan at Katiwasayan” Malapit Na?
“Kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
Sapol noong wakas ng Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ang sangkatauhan ay nasa bingit ng digmaan habang ang dalawang naglalabang kapangyarihan, ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet, ay naglalaban sa isa’t isa. Ang Cuban missile crisis noong 1962 ay isang mapanganib na tuwirang komprontasyon. Subalit inalis ng Unyong Sobyet ang missiles nito sa Cuba, at tahimik na inalis naman ng Estados Unidos ang missiles nito sa Turkey. Isa lamang ito sa maraming kapahayagan ng tinatawag na Cold War.
Ang disarmamento ay naging paksa sa debate sa loob ng mga dekada at karaniwang natatapos bilang isang propaganda na isinasagawa ng kapuwa mga bansa. Ngayon, sa mga huling buwan ng panunungkulan ni Presidente Reagan at sa natutunaw na kapaligiran ng patakarang glasnost (kawalang-lihim) ni Kalihim Gorbachev, waring mayroong seryosong pag-uusap tungkol sa pagbabawas ng panganib sa kalagayan ng mga sandatang nuklear. Kung ito baga ay isang pambungad na magdadala ng inaakalang kapayapaan at katiwasayan sa daigdig sa pangkalahatan, hindi natin masasabi. Subalit ayon sa hula ng Bibliya, iyan ang inaabangan ng mga Kristiyano. Kapag nangyari ito, ano ngayon?
Ang maingat na mga estudyante ng Bibliya ay hindi malilinlang “pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’”—ito man ay magmula sa United Nations o isahang mula sa dakilang mga kapangyarihan mismo. Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay manggagaling lamang sa matuwid na pamamahala, ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Sa kadahilanang iyan isang mahalagang kapahayagan ng pangglobong kapayapaan at katiwasayan sa hinaharap ng mga lider ng daigdig ang maghuhudyat sa pagkilos ng Diyos, “kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi,” sa ikagugulat ng hindi sumasampalatayang sanlibutan. Oo, ang “biglang pagkapuksa” sa panahong iyon ay babagsak sa relihiyoso at pulitikal na mga kapangyarihan na nagtaboy kay Jehova at sa kaniyang mga Saksi. Paano natin nalalaman ito?
Tiyak na Pagkilos ng Nakasakay sa kabayong Maputi
Kung babalikan natin ang pangitain ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis, may isang mangangabayo na hindi natin nabanggit—ang una, na nakasakay sa kabayong maputi. Siya ay inilalarawan ng manunulat ng Bibliya: “Tumingin ako, at, narito! ang isang kabayong maputi; at yaong nakasakay rito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang korona, at siya’y yumaong nananakop at upang lubusin ang kaniyang pananakop.” Ito ay katulad niyaong inilalarawan sa kabanata 19 ng Apocalipsis: “Narito! isang kabayong maputi. At yaong nakasakay rito ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya’y humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran. . . . At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito’y hambalusin niya ang mga bansa, at kaniyang papastulin sila ng tungkod na bakal.” At sino ba ito? Ang ulat ding iyon ay nagsasabi sa atin na siya ay may pangalang nakasulat, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Ito ang binuhay-muling Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.—Apocalipsis 6:2; 19:11-16.
Ano, kung gayon, ang magpapakilos sa “Hari ng mga hari” na ito? Darating ang panahon na “ang hari ng hilaga” (ang kampo na laban sa kapitalista) at “ang hari ng timog” (ang kapitalistang mga bansa sa ilalim ng Estados Unidos), na itinatampok sa Daniel kabanata 11, ay magkakatabla. (Gaya ng inihula ng Daniel 11:40, “ang hari ng hilaga” ay lalagpas sa maraming lupain, lalo na sapol noong 1945.)a
Samakatuwid, ano pa ang dapat maganap bago dumating ang tiyak na pakikialam ng Diyos na wakasan ang kasalukuyang sistema ng mga bagay?
Ipinakikita ng hula ng Bibliya na darating ang panahon na ang radikal na mga elementong pulitikal sa United Nations ay babaling laban sa mga relihiyon na nakikialam sa sanlibutan at huhubaran ito, sisirain ang kapangyarihan at pamamahala nito sa mapamahiing mga tao.—Apocalipsis 17:16, 17.b
Ang pagkawasak na ito ng mga elemento ng huwad na relihiyon ng sanlibutan ay walang alinlangan na susundan ng isang pagsalakay sa mga Saksi ni Jehova. Ito naman ang huhudyat sa pagsalakay ng Hari ni Jehova, ang Nakasakay sa kabayong maputi. (Ezekiel 38:10-12, 21-23) At ano ba ang sinasabi ng Daniel 2:44 hinggil sa kalalabasan? “At sa kaarawan ng mga haring yaon [kasalukuyang pulitikal na mga kapangyarihan] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” Oo, ang digmaan ng Diyos na Armagedon laban sa nakikitang pulitikal na mga elemento ni Satanas sa lupa ay mangangahulugan ng lubus-lubusang tagumpay para kay Jehova at sa kaniyang Hari ng mga hari.—Apocalipsis 16:14-16; 19:17-21.
Ano ang susunod? Aba, ang malaon nang mithiin ng maibigin sa kapayapaan, may takot sa Diyos na mga Kristiyano—ang Milenyong Pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa masunuring sangkatauhan! Sa panahong iyon ay matutupad ang maluwalhating mga pangako ng Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”
Kung nanaisin mo ang higit na impormasyon tungkol sa pambihirang mga hula ng Bibliya at kung ano ang kahulugan niyan para sa bawat isa sa atin, pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng mga magasing ito sa inyong bansa.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa labanang ito, tingnan ang aklat na “Your Will Be Done on Earth,” kabanata 11, “The Appointed Time of the End,” inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa detalyadong pagtalakay sa hulang ito, tingnan ang publikasyon ng Watchtower na “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules!, kabanata 26, “The Judgment Upon the Great Harlot,” inilathala rin ng Samahang Watchtower.
[Blurb sa pahina 14]
Salinlahi—“Ang kabuuang bilang niyaong mga ipinanganak sa iisang panahon, pinalawak upang isama lahat niyaong nabubuhay sa isang itinakdang panahon.”—“A Greek-English Lexicon of the New Testament”
[Blurb sa pahina 16]
Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang radikal na mga elementong pulitikal sa United Nations ay babaling laban sa mga relihiyon na nakikialam sa sanlibutan
[Larawan sa pahina 15]
Pagkatapos ng Armagedon, sa bagong sanlibutan ng kapayapaan at katuwiran ng Diyos, ‘ang dating mga bagay ay naparam na.’—Apocalipsis 21:3, 4