Ikalimang Kabanata
Nakaligtas ang Kanilang Pananampalataya sa Matinding Pagsubok
1. Ano ang nadarama ng marami hinggil sa debosyon sa Diyos at sa kanilang lupang tinubuan?
ANG iyo bang debosyon ay dapat iukol sa Diyos o sa iyong lupang tinubuan? Marami ang sasagot sa pagsasabing, ‘pinagpipitaganan kong pareho ang dalawang ito. Ako’y sumasamba sa Diyos ayon sa idinidikta ng aking relihiyon; kasabay nito, ako’y nanunumpa ng katapatan sa aking lupang tinubuan.’
2. Paanong ang hari ng Babilonya ay kapuwa may isang makarelihiyoso at makapulitikang katauhan?
2 Ang pagkakaiba sa pagitan ng relihiyosong debosyon at pagkamakabayan ay parang malabo sa ngayon, subalit sa sinaunang Babilonya ito’y talagang hindi umiiral. Sa katunayan, ang pambayan at panrelihiyon ay masyadong magkadikit anupat may panahong hindi mo makilala ang pagkakaiba ng mga ito. “Sa sinaunang Babilonya,” isinulat ni Propesor Charles F. Pfeiffer, “ang hari ay naglilingkod bilang Mataas na Saserdote at tagapamahalang sibil. Siya’y naghahandog ng mga hain at nagpapasiya hinggil sa relihiyosong pamumuhay ng kaniyang mga nasasakupan.”
3. Ano ang nagpapakita na si Nabucodonosor ay isang napakarelihiyosong tao?
3 Isaalang-alang si Haring Nabucodonosor. Ang kaniya mismong pangalan ay nangangahulugang “O Nebo, Ipagsanggalang ang Tagapagmana!” Si Nebo ang diyos ng karunungan at ng agrikultura ng Babilonya. Si Nabucodonosor ay isang napakarelihiyosong tao. Gaya ng nabanggit na, kaniyang itinayo at pinaganda ang mga templo ng maraming diyos ng mga taga-Babilonya at siya’y pantanging sumamba kay Marduk, na pinapurihan niya dahil sa kaniyang mga tagumpay sa pakikipagdigma.a Lumilitaw rin na masyadong umasa si Nabucodonosor sa panghuhula upang maisagawa ang kaniyang mga plano sa pakikipagbaka.—Ezekiel 21:18-23.
4. Ilarawan ang laganap na relihiyosong espiritu ng Babilonya.
4 Tunay, ang relihiyosong espiritu ay laganap sa buong Babilonya. Ipinagmamalaki ng lunsod ang mahigit sa 50 templo nito, na doo’y nakahanay ang maraming diyos at mga diyosa na sinasamba, lakip na ang trinidad ni Anu (diyos ng kalangitan), Enlil (diyos ng lupa, hangin, at bagyo), at Ea (diyos sa ibabaw ng mga tubig). Ang isa pang trinidad ay binubuo nina Sin (diyos ng buwan), Shamash (diyos ng araw), at Ishtar (diyosa ng pag-aanak). Ang mahiko, pangkukulam, at astrolohiya ay gumanap ng isang mahalagang papel sa pagsamba sa Babilonya.
5. Anong hamon ang iniharap ng relihiyosong kapaligiran ng Babilonya sa mga tapong Judio?
5 Ang pamumuhay sa gitna ng mga taong sumasamba sa maraming diyos ay nagharap ng isang malaking hamon para sa mga tapong Judio. Mga ilang siglo ang kaagahan, binabalaan ni Moises ang mga Israelita na may masamang mangyayari kapag sila’y naghimagsik laban sa Kataas-taasang Tagapagbigay-batas. Sinabi sa kanila ni Moises: “Ikaw at ang iyong hari na ilalagay mo upang mamahala sa iyo ay dadalhin ni Jehova sa isang bansa na hindi mo kilala, ikaw man ni ng iyong mga ninuno; at doon ay maglilingkod ka sa ibang mga diyos, na kahoy at bato.”—Deuteronomio 28:15, 36.
6. Bakit ang paninirahan sa Babilonya ay nagharap ng isang pantanging hamon para kina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias?
6 Nasumpungan ngayon ng mga Judio ang kanilang sarili sa mismong kalagayang iyon. Ang pag-iingat ng katapatan kay Jehova ay magiging mahirap, lalo na para kina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias. Ang apat na kabataang Hebreong ito ay pantanging pinili upang tumanggap ng pagsasanay para sa paglilingkod sa pamahalaan. (Daniel 1:3-5) Tandaan na sila’y binigyan pa nga ng mga pangalang Babiloniko—Beltesasar, Sadrac, Mesac, at Abednego—malamang na upang himukin silang makibagay sa kanilang bagong kapaligiran.b Dahilan sa matataas na posisyon ng mga lalaking ito, ang anumang pagtanggi nilang sumamba sa mga diyos ng lupain ay magiging kapuna-puna—o kaya’y kataksilan pa nga.
NAGSILBING PANGANIB ANG ISANG GININTUANG IMAHEN
7. (a) Ilarawan ang imaheng itinayo ni Nabucodonosor. (b) Ano ang layunin ng imahen?
7 Maliwanag na sa pagsisikap na patibayin ang pagkakaisa ng kaniyang imperyo, nagtayo si Nabucodonosor ng isang ginintuang imahen sa kapatagan ng Dura. Ito ay 60 siko (27 metro) ang taas at 6 na siko (2.7 metro) ang lapad.c Ang ilan ay naniniwala na ang imahen ay basta isang haligi lamang, o isang obelisko. Kaypala’y mayroon itong napakataas na pedestal na doo’y may isang napakalaking istatuwang anyong tao, marahil ay kumakatawan mismo kay Nabucodonosor o sa diyos na si Nebo. Anuman iyon, ang matayog na monumentong ito ay isang sagisag ng Imperyo ng Babilonya. Sa gayon, nilayon itong makita at sambahin.—Daniel 3:1.
8. (a) Sino ang mga inanyayahan sa pagpapasinaya ng imahen, at ano ang hiniling na gawin ng lahat ng naroroon? (b) Ano ang magiging kaparusahan sa pagtangging yumukod sa harap ng imahen?
8 Alinsunod dito, si Nabucodonosor ay nagsaayos ng isang seremonya ng pagpapasinaya. Tinipon niya ang kaniyang mga satrapa, mga prepekto, mga gobernador, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga tagapagpatupad-batas at lahat ng mga administrador ng mga nasasakupang distrito. Isang tagapagbalita ang sumigaw nang malakas: “Sa inyo ay sinasabi, O mga bayan, mga liping pambansa at mga wika, na sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng tambuli, ng pipa, ng sitara, ng alpang tatsulok, ng panugtog na de-kuwerdas, ng gaita at ng lahat ng uri ng panugtog, kayo ay susubsob at sasamba sa imaheng ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari. At ang sinumang hindi sumubsob at sumamba ay ihahagis sa sandali ring iyon sa nagniningas na maapoy na hurno.”—Daniel 3:2-6.
9. Ano sa wari ang kahalagahan ng pagyukod sa harap ng imaheng itinayo ni Nabucodonosor?
9 Ang ilan ay naniniwala na isinaayos ni Nabucodonosor ang seremonyang ito upang tangkaing puwersahin ang mga Judio na ikompromiso ang kanilang pagsamba kay Jehova. Pero malamang na hindi ito totoo, dahilan sa maliwanag na ang mga opisyal lamang ng pamahalaan ang tinawag sa okasyong ito. Kaya, ang naroroong mga Judio ay yaon lamang mga naglilingkod sa pamahalaan. Kung gayon, sa wari ang pagyukod sa harap ng imahen ay isang seremonya upang patibayin ang pagkakaisa ng uring namamahala. Ang iskolar na si John F. Walvoord ay nagsabi ng ganito: “Ang presentasyong iyon ng mga opisyal sa isang panig ay isang marangyang pagtatanghal ng kapangyarihan ng imperyo ni Nabucodonosor at sa kabilang panig naman ay isang makahulugang pagkilala sa mga diyos na sa palagay nila’y siyang dahilan ng kanilang mga tagumpay.”
TUMANGGING MAKIPAGKOMPROMISO ANG MGA LINGKOD NI JEHOVA
10. Bakit ang mga di-Judio ay walang suliranin sa pagsunod sa utos ni Nabucodonosor?
10 Sa kabila ng kanilang debosyon sa iba’t ibang diyos bilang patron, ang karamihan sa mga nagkakatipon sa harap ng imahen ni Nabucodonosor ay hindi man lamang nababahala hinggil sa pagsamba dito. “Silang lahat ay bihasang sumamba sa mga idolo, at ang pagsamba sa isang diyos ay hindi humahadlang sa kanila upang sumamba sa iba,” ayon sa paliwanag ng isang iskolar ng Bibliya. Siya’y nagpatuloy: “Ito’y alinsunod sa umiiral na pangmalas ng mga mananamba sa idolo na marami ang diyos . . . at hindi naman maituturing na di-wasto na mag-ukol ng pagsamba sa diyos ng anumang bayan o bansa.”
11. Bakit tumanggi sina Sadrac, Mesac, at Abednego na yumukod sa harap ng imahen?
11 Gayunman, para sa mga Judio, kakaiba ang kanilang pangmalas. Sila’y pinag-utusan ng kanilang Diyos na si Jehova: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:4, 5) Kaya, nang magsimula ang musika at yaong mga nagkakatipon ay yumukod sa harap ng imahen, ang tatlong kabataang Hebreo—sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ay nanatiling nakatayo.—Daniel 3:7.
12. Ang ilang Caldeo ay nag-akusa sa tatlong Hebreo ng ano, at bakit gayon?
12 Ang pagtanggi ng tatlong Hebreong opisyal na sumamba sa imahen ay nagpasiklab ng galit ng ilang Caldeo. Dali-dali silang lumapit sa hari at “nag-akusa sa mga Judio.”d Hindi sila interesado sa anumang paliwanag. Sa pagnanais na maparusahan ang mga Hebreo dahilan sa kawalang-katapatan at sa kataksilan, ang mga nag-akusa ay nagsabi: “May ilang Judio na inatasan mo sa pangangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya, sina Sadrac, Mesac at Abednego; ang matitipunong lalaking ito ay hindi nag-ukol sa iyo ng pakundangan, O hari, hindi sila naglilingkod sa iyong mga diyos, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi nila sinasamba.”—Daniel 3:8-12.
13, 14. Paano tumugon si Nabucodonosor sa landasing kinuha nina Sadrac, Mesac, at Abednego?
13 Kay laking pagkasiphayo marahil ang idinulot kay Nabucodonosor ng pagsuway ng tatlong Hebreo sa kaniyang utos! Maliwanag na hindi siya nagtagumpay na gawing matatapat na tagapagtaguyod ng Imperyo ng Babilonya sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Hindi ba tinuruan niya sila ng karunungan ng mga Caldeo? Aba, pinalitan pa nga niya ang kanilang mga pangalan! Subalit kung inakala ni Nabucodonosor na ang isang mataas na edukasyon ay magtuturo sa kanila ng isang bagong paraan ng pagsamba o ang pagpapalit ng kanilang mga pangalan ay magpapabago sa kanilang pagkatao, siya’y lubos na nagkakamali. Sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay nanatiling tapat na mga lingkod ni Jehova.
14 Si Haring Nabucodonosor ay nagsiklab sa galit. Karaka-raka, kaniyang ipinatawag sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Siya’y nagtanong: “Tunay nga ba, O Sadrac, Mesac at Abednego, na hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos, at ang imaheng ginto na itinayo ko ay hindi ninyo sinasamba?” Walang pagsalang sinabi niya ito nang may pagkabigla, na halos hindi siya makapaniwala. Tutal, marahil ay inisip niya, ‘Paanong ang tatlong lalaking ito na may matitinong pag-iisip ay magwawalang-bahala sa gayong kay linaw na utos—na may matinding parusa kung susuwayin?’—Daniel 3:13, 14.
15, 16. Anong pagkakataon ang ibinigay ni Nabucodonosor sa tatlong Hebreo?
15 Si Nabucodonosor ay handang magbigay sa kanila ng isa pang pagkakataon. “Kung kayo ngayon ay handa,” sabi niya, “na anupat kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, ng pipa, ng sitara, ng alpang tatsulok, ng panugtog na de-kuwerdas, at ng gaita at ng lahat ng uri ng panugtog, kayo ay susubsob at sasamba sa imahen na ginawa ko, magaling. Ngunit kung hindi kayo sasamba, sa sandali ring iyon ay ihahagis kayo sa nagniningas na maapoy na hurno. At sinong diyos iyon na makapagliligtas sa inyo mula sa aking mga kamay?”—Daniel 3:15.
16 Sa wari, ang leksiyon ng imahen sa panaginip (nakaulat sa Daniel kabanata 2) ay hindi nag-iwan ng malalim na bakas sa isip at puso ni Nabucodonosor. Marahil ay nalimutan na niya ang kaniyang sinabi kay Daniel: “Totoo nga na ang Diyos ninyo ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari.” (Daniel 2:47) Ngayo’y waring hinahamon ni Nabucodonosor si Jehova, na sinasabing kahit na Siya ay hindi makapagliligtas sa mga Hebreo mula sa parusang naghihintay sa kanila.
17. Paano tinugon nina Sadrac, Mesac, at Abednego ang alok ng hari?
17 Hindi na kailangang isaalang-alang pang muli nina Sadrac, Mesac, at Abednego ang bagay na ito. Karaka-raka silang tumugon: “O Nabucodonosor, hindi namin kailangang sumagot ng isa mang salita sa iyo may kinalaman dito. Kung magkagayon man, maililigtas kami ng aming Diyos na pinaglilingkuran namin. Mula sa nagniningas na maapoy na hurno at mula sa iyong kamay, O hari, ay maililigtas niya kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, O hari, na hindi ang iyong mga diyos ang paglilingkuran namin, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi namin sasambahin.”—Daniel 3:16-18.
TUNGO SA MAAPOY NA HURNO!
18, 19. Ano ang nangyari nang ihagis ang tatlong Hebreo sa maapoy na hurno?
18 Palibhasa’y nagsisiklab sa galit, ipinag-utos ni Nabucodonosor sa kaniyang mga lingkod na painitin ang hurno nang makapitong ulit kaysa sa karaniwan. Pagkatapos ay iniutos niya sa “matitipunong lalaking may kalakasan” na igapos sina Sadrac, Mesac, at Abednego at ihagis sila sa “nagniningas na maapoy na hurno.” Kanilang sinunod ang utos ng hari, inihagis ang tatlong Hebreo sa apoy, na nakagapos at nakabihis nang husto—marahil ay upang mas madali silang lamunin ng apoy. Gayunman, ang mga tauhan ni Nabucodonosor ang siyang napatay ng liyab.—Daniel 3:19-22.
19 Subalit may isang di-pangkaraniwang bagay na nagaganap. Bagaman sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay nasa gitna ng maapoy na hurno, hindi sila nilalamon ng apoy. Isip-isipin na lamang ang pagkamangha ni Nabucodonosor! Sila’y inihagis sa naglalagablab na apoy, nakagapos nang husto, subalit sila’y buháy pa rin. Aba, sila’y malayang naglalakad sa gitna ng apoy! Subalit may napansin pa si Nabucodonosor. “Hindi ba tatlong matitipunong lalaki ang inihagis nating nakagapos sa gitna ng apoy?” ang kaniyang tanong sa matataas na maharlikang opisyal. “Opo, O hari,” ang kanilang sagot. “Narito!” Ang bulalas ni Nabucodonosor, “ako ay nakakakita ng apat na matitipunong lalaki na naglalakad nang malaya sa gitna ng apoy, at walang pinsala sa kanila, at ang anyo ng ikaapat ay nakakahalintulad ng isang anak ng mga diyos.”—Daniel 3:23-25.
20, 21. (a) Ano ang napansin ni Nabucodonosor hinggil kina Sadrac, Mesac, at Abednego nang sila’y lumabas mula sa hurno? (b) Ano ang napilitang kilalanin ni Nabucodonosor?
20 Si Nabucodonosor ay lumapit sa pinto ng maapoy na hurno. “Sadrac, Mesac at Abednego, kayong mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos,” ang panawagan niya, “lumabas kayo at pumarito!” Ang tatlong Hebreo ay lumabas mula sa gitna ng apoy. Walang pagsala na ang lahat ng nakasaksi sa himalang ito—lakip na ang mga satrapa, mga prepekto, mga gobernador, at matataas na opisyal—ay natigilan. Aba, para bang ang mga kabataang lalaking ito ay hindi man lamang kailanman pumasok sa hurno! Hindi sila nag-amoy-apoy, at wala ni isang buhok sa kanilang mga ulo ang nasunog.—Daniel 3:26, 27.
21 Ngayon ay napilitang kilalanin ni Haring Nabucodonosor na si Jehova ang Kataas-taasang Diyos. “Pagpalain ang Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego,” sabi niya, “na nagsugo sa kaniyang anghel at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagtitiwala sa kaniya at siyang nagbago ng mismong salita ng hari at nagbigay ng kanilang mga katawan, sapagkat ayaw nilang maglingkod at ayaw nilang sumamba sa alinmang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.” Pagkatapos, idinagdag ng hari ang mahigpit na babalang ito: “Mula sa akin ay inilalabas ang isang utos, na ang alinmang bayan, liping pambansa o wika na magsasabi ng anumang masama laban sa Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego ay dapat na pagputul-putulin, at ang bahay nito ay dapat na gawing palikurang pambayan; yamang walang umiiral na ibang diyos na nakapagliligtas na tulad ng isang ito.” Sa gayon, ang tatlong Hebreo ay naibalik sa pabor ng hari at ‘umunlad sa nasasakupang distrito ng Babilonya.’—Daniel 3:28-30.
PANANAMPALATAYA AT MATINDING PAGSUBOK SA NGAYON
22. Paanong ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova ay napapaharap din sa mga kalagayang tulad niyaong kina Sadrac, Mesac, at Abednego?
22 Sa ngayon, ang mga mananamba ni Jehova ay nakaharap din sa mga kalagayang gaya niyaong kina Sadrac, Mesac, at Abednego. Totoo, ang bayan ng Diyos ay hindi naman mga tapon sa literal na paraan. Ngunit, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Sila’y mga “banyaga” dahil sa ayaw nilang tularan ang hindi maka-Kasulatang mga kaugalian, saloobin, at mga gawain ng mga nakapalibot sa kanila. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo, ang mga Kristiyano ay ‘hindi dapat magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.’—Roma 12:2.
23. Paano nagpakita ng katatagan ang tatlong Hebreo, at paano matutularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang kanilang halimbawa?
23 Ang tatlong Hebreo ay tumangging magpahubog ayon sa sistema ng Babilonya. Maging ang masusing pagtuturo ng karunungan ng Caldeo ay hindi nakaimpluwensiya sa kanila. Ang kanilang posisyon hinggil sa pagsamba ay hindi na mababago, at ang kanilang katapatan ay para kay Jehova. Ang mga Kristiyano ngayon ay dapat na maging gayon ding katatag. Hindi nila dapat ikahiya na sila’y kakaiba sa mga nasa sanlibutan. Tunay, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:17) Kaya magiging kamangmangan at kawalang-saysay na makiayon sa naghihingalong sistemang ito ng mga bagay.
24. Paano maihahambing ang paninindigan ng mga tunay na Kristiyano sa tatlong Hebreo?
24 Kailangang maging mapagbantay ang mga Kristiyano laban sa lahat ng anyo ng idolatriya, lakip na ang mga mapandayang anyo nito.e (1 Juan 5:21) Sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay masunurin at magalang na tumayo sa harap ng ginintuang imahen, subalit napagtanto nila na ang pagyukod sa harap nito ay higit pa sa paggalang lamang. Iyon ay gawang pagsamba, at ang pakikibahagi roon ay pupukaw ng galit ni Jehova. (Deuteronomio 5:8-10) Si John F. Walvoord ay sumulat: “Ito sa diwa ay pagsaludo sa bandila bagaman, dahilan sa pag-uugnay ng relihiyon sa katapatan sa bansa, ito ay maaaring magkaroon din ng relihiyosong kahulugan.” Sa ngayon, kasintibay rin nito ang paninindigan ng mga tunay na Kristiyano laban sa idolatriya.
25. Anong leksiyon ang natutuhan mo mula sa tunay na kasaysayan sa buhay nina Sadrac, Mesac, at Abednego?
25 Ang ulat ng Bibliya hinggil kina Sadrac, Mesac, at Abednego ay nagbibigay ng isang mainam na leksiyon para sa lahat ng determinadong magkaloob ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. Maliwanag na nasa isip ni apostol Pablo ang tatlong Hebreong ito nang siya’y magsalita hinggil sa marami na nagsagawa ng pananampalataya, lakip na yaong mga “nagpatigil ng puwersa ng apoy.” (Hebreo 11:33, 34) Gagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng tumutulad sa gayong pananampalataya. Ang tatlong Hebreo ay iniligtas mula sa maapoy na hurno, subalit tayo’y makatitiyak na kaniyang bubuhaying-muli ang lahat ng mga tapat na nawalan ng buhay dahil sa pag-iingat ng katapatan at pagpapalain sila ng buhay na walang hanggan. Anuman ang mangyari, ‘binabantayan ni Jehova ang mga kaluluwa ng kaniyang mga matapat; mula sa kamay ng mga balakyot ay inililigtas niya sila.’—Awit 97:10.
[Mga talababa]
a Ang ilan ay naniniwala na si Marduk, na kinikilala bilang tagapagtatag ng Imperyo ng Babilonya, ay kumakatawan kay Nimrod na ginawang isang diyos. Gayunman, ito’y hindi masasabi nang may katiyakan.
b Ang “Beltesasar” ay nangangahulugang “Ipagsanggalang ang Buhay ng Hari.” Ang “Sadrac” ay maaaring mangahulugang “Utos ni Aku,” ang Sumerianong diyos ng buwan. Ang “Mesac” ay malamang na tumutukoy sa isang Sumerianong diyos, at ang “Abednego” ay nangangahulugang “Lingkod ni Nego,” o Nebo.
c Dahil sa pagkalaki-laki ng imahen, naniniwala ang ilang iskolar ng Bibliya na ito’y gawa sa kahoy at pagkatapos ay binalutan ng ginto.
d Ang pananalitang Aramaiko na isinaling “nag-akusa” ay nangangahulugang ‘kainin ang mga bahagi’ ng isang tao—nguyain siya, wika nga, sa pamamagitan ng paninirang-puri.
e Halimbawa, iniuugnay ng Bibliya ang katakawan at kaimbutan sa idolatriya.—Filipos 3:18, 19; Colosas 3:5.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Bakit tumangging yumukod sina Sadrac, Mesac, at Abednego sa harap ng imaheng itinayo ni Nabucodonosor?
• Paano tumugon si Nabucodonosor sa paninindigang kinuha ng tatlong Hebreo?
• Paano ginantimpalaan ni Jehova ang tatlong Hebreo dahilan sa kanilang pananampalataya?
• Ano ang iyong natutuhan sa pagbibigay-pansin sa tunay na kasaysayan sa buhay nina Sadrac, Mesac, at Abednego?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 68]
[Mga larawan sa pahina 70]
1. Tore ng templo (ziggurat) sa Babilonya
2. Templo ni Marduk
3. Bronseng plake na naglalarawan sa mga diyos na sina Marduk (kaliwa) at Nebo (kanan) nakatayo sa mga dragon
4. Larawan ni Nabucodonosor, bantog sa kaniyang mga proyekto sa pagtatayo
[Buong-pahinang larawan sa pahina 76]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 78]