Ano ang Ipinakikita ng Kronolohiya ng Bibliya Tungkol sa Taóng 1914?
Ang sagot ng Bibliya
Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang Kaharian ng Diyos ay itinatag sa langit noong 1914. Makikita ito sa hula na nakaulat sa kabanata 4 ng aklat ng Bibliya na Daniel.
Sumaryo ng hula. Binigyan ng Diyos si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ng isang makahulang panaginip tungkol sa isang pagkalaki-laking punungkahoy na ibinuwal o pinutol. Ang tuod nito ay pinigilang tumubo sa loob ng “pitong panahon.” Pagkatapos nito, ang punungkahoy ay muling tumubo.—Daniel 4:1, 10-16.
Ang unang katuparan ng hula. Ang napakalaking punungkahoy ay kumakatawan mismo kay Haring Nabucodonosor. (Daniel 4:20-22) Siya ay makasagisag na ‘ibinuwal’ nang pansamantala siyang mawala sa katinuan at sa pagiging hari sa loob ng pitong taon. (Daniel 4:25) Nang ibalik ng Diyos ang kaniyang katinuan, naibalik din kay Nabucodonosor ang kaniyang trono at kinilala niya ang pamamahala ng Diyos.—Daniel 4:34-36.
Katibayan na ang hula ay may mas malaking katuparan. Ang layunin ng hula ay “malaman ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon at inilalagay niya sa ibabaw niyaon maging ang pinakamababa sa mga tao.” (Daniel 4:17) Sa mayabang ba na si Nabucodonosor gustong ibigay ng Diyos ang pamamahalang ito? Hindi, dahil bago nito, binigyan siya ng Diyos ng isa pang makahulang panaginip na nagpapakitang hindi siya o ang sinumang politikal na tagapamahala ang gaganap sa papel na ito. Sa halip, ang Diyos mismo ang “magtatatag . . . ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.”—Daniel 2:31-44.
Nagtatag na noon ang Diyos ng isang kaharian na kumatawan sa kaniyang paghahari sa lupa: ang sinaunang bayan ng Israel. Pinahintulutan ng Diyos na magiba ang kahariang iyon dahil ang mga tagapamahala nito ay hindi naging tapat. Pero inihula niya na ibibigay niya ang paghahari sa isa “na may legal na karapatan.” (Ezekiel 21:25-27) Tinutukoy ng Bibliya si Jesu-Kristo bilang ang isa na legal at awtorisadong tumanggap ng walang-hanggang Kaharian na iyon. (Lucas 1:30-33) Di-tulad ni Nabucodonosor, si Jesus ay “mababa ang puso.”—Mateo 11:29.
Saan kumakatawan ang punungkahoy sa Daniel kabanata 4? Sa Bibliya, ang mga punungkahoy kung minsan ay kumakatawan sa pamamahala. (Ezekiel 17:22-24; 31:2-5) Sa higit pang katuparan ng Daniel kabanata 4, ang pagkalaki-laking punungkahoy ay sumasagisag sa pamamahala ng Diyos.
Ano ang kahulugan ng pagputol sa punungkahoy? Kung paanong ang pagputol sa punungkahoy ay kumakatawan sa pagtigil ng paghahari ni Nabucodonosor, ang pamamahala ng Diyos sa lupa ay napatigil din. Nangyari ito nang wasakin ni Nabucodonosor ang Jerusalem, kung saan ang mga hari sa Israel ay nakaupo sa “trono ni Jehova” bilang kinatawan ng Diyos.—1 Cronica 29:23.
Saan kumakatawan ang “pitong panahon”? Ang “pitong panahon” ay kumakatawan sa yugto ng panahon kung kailan pinahintulutan ng Diyos ang mga bansa na mamahala sa lupa nang hindi pinakikialaman ng pamamahala ng Diyos. Ang “pitong panahon” ay nagsimula noong Oktubre 607 B.C.E., nang, ayon sa kronolohiya ng Bibliya, wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem.a—2 Hari 25:1, 8-10.
Gaano katagal ang “pitong panahon”? Hindi lang ito pitong taon gaya sa kaso ni Nabucodonosor. Ipinahiwatig ni Jesus ang sagot nang sabihin niya na ang “Jerusalem [sagisag ng pamamahala ng Diyos] ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang mga takdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) “Ang mga takdang panahon ng mga bansa,” yugto ng panahon kung saan pinahintulutan ng Diyos na ‘yurakan ng mga bansa’ ang kaniyang pamamahala, ay ang “pitong panahon” din sa Daniel kabanata 4. Ibig sabihin, ang “pitong panahon” ay nagpapatuloy pa rin noong si Jesus ay nasa lupa.
Ang Bibliya ay naglalaan ng paraan para matukoy ang haba ng makahulang “pitong panahon” na iyon. Sinasabi nito na ang tatlo at kalahating “panahon” ay katumbas ng 1,260 araw, kaya ang “pitong panahon” ay doble ng numerong iyon, o 2,520 araw. (Apocalipsis 12:6, 14) Kung susundin ang makahulang tuntunin na “isang araw ay isang taon,” ang 2,520 araw ay kumakatawan sa 2,520 taon. Kaya ang “pitong panahon,” o 2,520 taon, ay natapos noong Oktubre 1914.—Bilang 14:34; Ezekiel 4:6.
a Para sa detalyadong pagtalakay kung bakit ginamit ang petsang 607 B.C.E, tingnan ang mga artikulong “Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 1” sa pahina 26-31 ng Ang Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2011 at “Kailan Winasak ang Sinaunang Jerusalem?—Bahagi 2” sa pahina 22-28 ng Ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 2011.