ARALIN 32
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Nagsimulang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos noong 1914. Noong taon ding iyon, nagsimula ang mga huling araw ng pamamahala ng mga tao. Paano natin ito nalaman? Pag-aralan ang mga hula sa Bibliya, at ang mga nangyayari sa mundo at ugali ng mga tao na kitang-kita mula noong 1914.
1. Ano ang inihula ng Bibliya?
Sinasabi ng Bibliya sa aklat ng Daniel na magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa katapusan ng “pitong panahon.” (Daniel 4:16, 17) Pagkalipas ng daan-daang taon, tinawag din ni Jesus ang panahong ito na “mga takdang panahon ng mga bansa,” at sinabi niya na hindi pa ito natatapos noon. (Lucas 21:24) Gaya ng makikita natin sa araling ito, natapos na ang pitong panahong iyon noong 1914.
2. Anong mga pangyayari sa mundo at ugali ng mga tao ang kitang-kita mula noong 1914?
Nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?” (Mateo 24:3) Sinabi sa kanila ni Jesus ang mga bagay na mangyayari kapag nagsimula na siyang mamahala sa langit bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Kasama sa mga ito ang digmaan, taggutom, at lindol. (Basahin ang Mateo 24:7.) Inihula rin ng Bibliya na dahil sa ugali ng mga tao sa “mga huling araw, . . . magiging mahirap ang kalagayan” ng buhay. (2 Timoteo 3:1-5) Kitang-kita ang mga pangyayari at ugaling ito mula noong 1914.
3. Bakit sumamâ ang kalagayan ng mundo mula noong magsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos?
Nang maging Hari sa Kaharian ng Diyos si Jesus, nakipagdigma siya kay Satanas at sa mga demonyo sa langit. Natalo si Satanas. Sinasabi ng Bibliya na “inihagis siya sa lupa, at ang mga anghel niya.” (Apocalipsis 12:9, 10, 12) Galít na galít si Satanas kasi alam niya na mapupuksa siya. Siya ang dahilan ng problema at pagdurusa sa buong lupa. Kaya hindi nakakapagtaka na napakasama ng kalagayan ng mundo! Pero aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng problemang ito.
PAG-ARALAN
Pag-aralan ang mga katibayan na nagsimula nang mamahala ang Kaharian noong 1914 at kung ano ang dapat na maging epekto nito sa atin.
4. Ang mga hula sa Bibliya at ang taóng 1914
Ipinakita ni Jehova kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang isang hula sa pamamagitan ng isang panaginip. Ibinigay ni Daniel ang kahulugan ng panaginip na iyon. Sinabi niya na matutupad ito sa pamamahala ni Nabucodonosor at sa Kaharian ng Diyos.—Basahin ang Daniel 4:17.a
Basahin ang Daniel 4:20-26. Pagkatapos, gamitin ang chart para sagutin ang mga tanong na ito:
(A) Ano ang nakita ni Nabucodonosor sa panaginip niya?—Tingnan ang talata 20 at 21.
(B) Ano ang mangyayari sa puno?—Tingnan ang talata 23.
(C) Ano ang mangyayari sa katapusan ng “pitong panahon”?—Tingnan ang talata 26.
Ang Puno sa Panaginip at ang Kaharian ng Diyos
HULA (Daniel 4:20-36)
Pamamahala
(A) Ang napakalaking puno
Naputol ang pamamahala
(B) “Putulin ang puno,” at “lilipas ang pitong panahon”
Ibinalik ang pamamahala
(C) “Ang iyong kaharian ay ibabalik sa iyo”
Sa unang katuparan . . .
(D) Kanino lumalarawan ang puno?—Tingnan ang talata 22.
(E) Paano naputol ang pamamahala niya?—Basahin ang Daniel 4:29-33.
(F) Ano ang nangyari kay Nabucodonosor sa katapusan ng “pitong panahon”?—Basahin ang Daniel 4:34-36.
UNANG KATUPARAN
Pamamahala
(D) Nabucodonosor, Hari ng Babilonya
Naputol ang pamamahala
(E) Pagkatapos ng 606 B.C.E., nawala sa katinuan si Nabucodonosor at hindi na namahala nang pitong literal na taon
Ibinalik ang pamamahala
(F) Bumalik ang katinuan ni Nabucodonosor at muling namahala
Sa ikalawang katuparan . . .
(G) Kanino lumalarawan ang puno?—Basahin ang 1 Cronica 29:23.
(H) Paano naputol ang pamamahala ng linya ng mga hari ng Israel? Paano natin nalaman na hindi pa rin ito namamahala noong nasa lupa si Jesus?—Basahin ang Lucas 21:24.
(I) Kailan at saan ibabalik ang pamamahalang ito?
IKALAWANG KATUPARAN
Pamamahala
(G) Mga hari ng Israel na kumakatawan sa pamamahala ng Diyos
Naputol ang pamamahala
(H) Winasak ang Jerusalem, at naputol ang linya ng mga hari ng Israel nang 2,520 taon
Ibinalik ang pamamahala
(I) Nagsimulang mamahala si Jesus sa langit bilang Hari sa Kaharian ng Diyos
Gaano kahaba ang pitong panahon?
Matutulungan tayo ng ilang bahagi ng Bibliya para maintindihan ang ibang bahagi nito. Halimbawa, sinasabi sa aklat ng Apocalipsis na ang tatlo at kalahating panahon ay katumbas ng 1,260 araw. (Apocalipsis 12:6, 14) Ang pitong panahon ay doble ng bilang na iyon, o 2,520 araw. Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang araw para tumukoy sa taon. (Ezekiel 4:6) Kaya ang pitong panahon sa aklat ng Daniel ay may habang 2,520 taon.
5. Nagbago ang mundo mula noong 1914
Inihula ni Jesus ang mga mangyayari sa mundo kapag naging Hari na siya. Basahin ang Lucas 21:9-11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Alin sa mga pangyayaring ito ang nakikita mo na at nababalitaan?
Sinabi ni apostol Pablo ang magiging ugali ng mga tao sa mga huling araw. Basahin ang 2 Timoteo 3:1-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Alin sa mga ugaling ito ang nakikita mo na ngayon?
6. Ipakitang naniniwala ka na namamahala na ang Kaharian ng Diyos
Basahin ang Mateo 24:3, 14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mahalagang gawain ang nagpapakita na namamahala na ang Kaharian ng Diyos?
Paano ka makakatulong sa gawaing ito?
Namamahala na ang Kaharian ng Diyos, at malapit na itong mamahala sa buong mundo. Basahin ang Hebreo 10:24, 25. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang dapat nating gawin “habang nakikita nating papalapit na ang araw”?
KUNG MAY MAGTANONG: “Bakit laging sinasabi ng mga Saksi ni Jehova ang tungkol sa 1914?”
Ano ang sasabihin mo?
SUMARYO
Pinapatunayan ng mga hula sa Bibliya at mga pangyayari sa mundo na namamahala na ang Kaharian ng Diyos ngayon. Ipinapakita natin na naniniwala tayo rito kung mangangaral tayo at dadalo sa mga pulong.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ayon sa hula sa aklat ng Daniel, ano ang nangyari sa katapusan ng pitong panahon?
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na namamahala na ang Kaharian ng Diyos mula noong 1914?
Paano mo maipapakita na naniniwala kang namamahala na ang Kaharian ngayon?
TINGNAN DIN
Alamin ang sinasabi ng mga istoryador at ng iba tungkol sa mga pagbabago sa mundo mula noong 1914.
“Kung Kailan Biglang Bumaba ang Moral” (Gumising!, Abril 2007)
Basahin kung paano nagbago ang buhay ng isang lalaki matapos niyang malaman ang hula sa Mateo 24:14.
“Walang Mahalaga sa Akin Kundi ang Baseball!” (Ang Bantayan Blg. 3 2017)
Paano natin nalaman na tungkol sa Kaharian ng Diyos ang hula sa Daniel kabanata 4?
“Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos? (Bahagi 1)” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2014)
Ayon sa Daniel kabanata 4, ano ang nagpapatunay na ang “pitong panahon” ay nagtapos noong 1914?
“Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos? (Bahagi 2)” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2014)
a Tingnan ang huling dalawang artikulo na nasa seksiyong Tingnan Din ng araling ito.