Kabanata 4
Gaano Katapat ang “Matandang Tipan”?
Sa susunod na mga kabanata, tatalakayin natin ang ilan sa mga puna sa Bibliya na ginagawa ng makabagong mga kritiko. Inaangkin ng iba na sinasalungat ng Bibliya ang sarili at ito’y “di makasiyentipiko,” at ang mga paratang na ito ay tatalakayin sa iba pang kasunod na mga kabanata. Subali’t una sa lahat, isaalang-alang natin ang paulit-ulit na paratang na ang Bibliya ay isa lamang kalipunan ng mga alamat at mitolohiya. Ang mga kaaway ba ng Bibliya ay may matatag na saligan sa ganitong pagpuna? Bilang pasimula, suriin natin ang mga Hebreong Kasulatan, ang tinatawag na Matandang Tipan.
1, 2. Papaano ninyo ilalarawan ang pagkubkob sa Jerico, at anong mga tanong ang ibinabangon kaugnay nito?
ISANG sinaunang lunsod ang kinukubkob. Tumawid na sa Ilog Jordan ang malaking pulutong ng mga tagasalakay at sila ngayo’y nagkakampo sa harap ng matataas na pader nito. Pambihira ang kanilang taktika sa pakikidigma! Bawa’t araw sa nakalipas na anim na araw, ang hukbo ay nagmartsa sa palibot ng lunsod, tahimik-na-tahimik maliban na sa mga saserdote na humihihip ng mga tambuli. Ngayon, sa ikapitong araw, pitong beses matahimik na nagmamartsa ang hukbo sa palibot ng lunsod. Walang anu-ano, buong-lakas na hinipan ng mga saserdote ang kanilang mga tambuli. Ang katahimikan ng hukbo ay binasag ng isang malakas na sigaw ng pakikidigma, at ang matataas na pader ng lunsod ay gumuho kasabay ng isang makapal na ulap ng alabok, anupa’t nawalan ng depensa ang lunsod.—Josue 6:1-21.
2 Ganito inilalarawan ng aklat ni Josue, na ikaanim na aklat sa mga Hebreong Kasulatan, kung papaano bumagsak ang Jerico halos 3,500 taon na ngayon. Nguni’t talaga bang nangyari ito? Maraming maseselang na tagapuna ang buong pagtitiwalang sasagot ng hindi.a Inaangkin nila na ang aklat ni Josue, pati na ang naunang limang aklat ng Bibliya, ay mga ulat na isinulat maraming dantaon makalipas ang sinasabing mga pangyayari. Marami ring arkeologo ang sasagot ng hindi. Ayon sa kanila, nang pumasok ang mga Israelita sa lupain ng Canaan, malamang na hindi pa umiiral ang Jerico.
3. Bakit mahalagang pag-usapan kung baga ang Bibliya ay naglalaman ng tunay na kasaysayan o hindi?
3 Malulubhang paratang ito. Habang binabasa ang Bibliya, mapapansin na ang mga turo nito ay matatag na nauugnay sa kasaysayan. Ang Diyos ay nakikitungo sa totoong mga lalaki, babae, mga pamilya, at mga bansa, at ang mga utos niya ay ibinigay sa isang makasaysayang bayan. Ang makabagong mga iskolar na nag-aalinlangan sa pagiging makasaysayan ng Bibliya ay nag-aalinlangan din sa halaga at pagkamaaasahan ng mensahe nito. Kung ang Bibliya ay Salita nga ng Diyos, mapagkakatiwalaan ang kasaysayan nito at hindi ito maglalaman ng mga alamat o mitolohiya. Ang mga kritiko ba ay may saligan sa paghamon sa makasaysayang katotohanan nito?
Maselang na Pagpuna—Gaano ang Pagkamaaasahan?
4-6. Ano ang ilan sa mga teoriya ni Wellhausen tungkol sa maselang na pagpuna?
4 Ang maselang na pagpuna sa Bibliya ay masinsinang nagsimula noong ika-18 at ika-19 na siglo. Noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo, pinaging-tanyag ng Alemang kritiko sa Bibliya na si Julius Wellhausen ang teoriya na ang unang anim na aklat ng Bibliya, pati na ang Josue, ay isinulat noong ikalimang siglo B.C.E.—mga isang libong taon pagkaraang ito’y mangyari. Gayunma’y, sinabi rin niya na naglalaman din ito ng mga materyal na naisulat nang mas maaga pa.1 Ang teoriyang ito ay nasa ika-11 edisyon ng Encyclopædia Britannica, na inilathala noong 1911, at na nagsasabi: “Ang Genesis ay isang kasulatan na kinatha pagkatapos ng pagkakabihag (sa Babilonya) at binubuo ng isang makasaserdoteng pinagmulan (P) at ng mga mas maagang di makasaserdoteng pinagmulan na ibang-iba sa wika, estilo at relihiyosong pangmalas kung ihahambing sa P.”
5 Ang buong kasaysayan na nasa unang bahagi ng mga Hebreong Kasulatan ay itinuring ni Wellhausen at ng kaniyang mga alagad bilang “hindi literal na kasaysayan, kundi popular na mga tradisyon noong nakalipas.”2 Ang naunang mga ulat ay itinuring na paglalarawan lamang salig sa huling kasaysayan ng Israel. Bilang halimbawa, ang alitan daw sa pagitan nina Jacob at Esau ay hindi talagang nangyari, kundi larawan lamang ng alitan ng Israel at Edom noong dakong huli.
6 Kasuwato nito, naniwala ang mga kritikong ito na si Moises ay hindi kailanman tumanggap ng anomang utos na gawin ang kaban ng tipan at na ang tabernakulo, sentro ng pagsamba ng mga Israelita sa ilang, ay hindi kailanman umiral. Naniwala rin sila na ang autoridad ng Aaronikong pagkasaserdote ay lubusang naitatag noong mga ilang taon na lamang bago wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem, na sa paniwala ng mga kritiko ay naganap sa pasimula ng ikaanim na siglo B.C.E.3
7, 8. Ano ang “mga katibayan” ni Wellhausen para sa kaniyang mga teoriya, at mabisa ba ang mga ito?
7 Nasaan ang “katibayan” hinggil sa mga paniwalang ito? Inaangkin ng maseselang na tagapuna na ang teksto ng sinaunang mga aklat ng Bibliya ay mahahati nila sa maraming iba’t-ibang dokumento. Ang saligang simulain na ginagamit nila ay ang ipasiya na, sa pangkalahatan, kapag ang isang talata sa Bibliya ay gumamit ng nag-iisang salitang Hebreo para sa Diyos (’Elo·himʹ), isa ang manunulat nito, nguni’t kapag ang isang talata ay tumukoy sa Diyos sa pamamagitan ng pangalang Jehova, tiyak na iba ang sumulat nito—na waring ang iisang manunulat ay hindi makagagamit ng dalawang terminong ito.4
8 Kahawig nito, kapag ang isang pangyayari ay iniulat sa isang aklat nang higit sa isang beses, itinuturing na itong katibayan na maraming manunulat ang nasasangkot, bagaman ang sinaunang mga babasahing Semitiko ay may ganito ring mga halimbawa ng pag-ulit. Karagdagan pa, kapag nagbago ang estilo ay nagbago din daw ang sumulat. Gayunman, ang mga manunulat sa makabagong wika ay malimit ding gumamit ng iba’t-ibang estilo sa iba’t-ibang yugto ng kanilang trabaho, o kapag tumatalakay ng naiibang paksa.b
9-11. Ano ang ilan sa nangingibabaw na kahinaan ng makabagong maselang na pagpuna?
9 May mapanghahawakan bang katibayan para sa mga teoriyang ito? Wala ni isa man. Sinabi ng isang komentarista: “Ang pagpuna, gaano man ito kahusay, ay panghihinuha at pansamantala lamang, isang bagay na laging mababago o mapatutunayang mali kung kaya’t dapat na halinhan ng iba. Ito ay isang paraan ng pangangatuwiran at sumasailalim sa pag-aalinlangan at panghuhula na laging kaakibat nito.”5 Ang maselang na pagpuna sa Bibliya, lalung-lalo na, ay sukdulang “panghihinuha at pansamantala lamang.”
10 Ipinakikita ni Gleason L. Archer, Jr., ang isa pang kapintasan ng maselang na pagpuna. Sinasabi niya na may problema sapagka’t “nagsimula ang kaisipang Wellhausen sa palagay (palagay na hindi nila pinagsisikapang ipaliwanag) na ang relihiyon ng Israel ay kagaya rin ng iba na nagmula lamang sa tao, at isa lamang produkto ng ebolusyon.”6 Sa ibang salita, si Wellhausen at ang mga alagad niya ay nagpalagay na ang Bibliya ay gawa lamang ng tao, at nangatuwiran na sila salig dito.
11 Noong 1909, iniulat ng The Jewish Encyclopedia ang dalawa pang kahinaan sa teoriya ni Wellhausen: “Nasasalig sa dalawang palagay ang mga argumento ni Wellhausen na bumihag sa halos lahat ng mga kontemporaryong tagapuna sa Bibliya: una, na ang rituwal ay lalong napaiinam habang sumusulong ang relihiyon; pangalawa, na ang mas nakatatandang pinagmulan ay laging kaugnay ng mas maaagang baitang ng pagsulong sa rituwal. Ang naunang palagay ay salungat sa ebidensiya ng sinaunang mga kultura, at ang huli ay hindi sinusuhayan ng mga kodigo ng rituwal na kagaya niyaong sa Indiya.”
12. Papaano nakapaninindigan ang makabagong maselang na pagpuna sa liwanag ng arkeolohiya?
12 May paraan ba ng pagsubok sa maselang na pagpuna upang makita kung baga wasto nga o hindi ang mga teoriya nito? Ang The Jewish Encyclopedia ay nagpatuloy pa: “Ang mga pangmalas ni Wellhausen ay halos nasasalig lamang sa literal na pagsusuri, at kailangan pa nito ng pagsisiyasat mula sa punto-de-bista ng saligang arkeolohiya.” Sa paglipas ng mga taon, pinatunayan ba ng arkeolohiya ang mga teoriya ni Wellhausen? Sagot ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang arkeolohikal na pagpuna ay umaalalay sa katapatan ng makasaysayang mga detalye ng pinakamaagang yugto [ng kasaysayan ng Bibliya] at nagtatakwil sa teoriya na ang mga ulat ng Pentateuko [makasaysayang ulat ng panimulang mga aklat ng Bibliya] ay paglalarawan lamang ng isang mas nakatatandang yugto.”
13, 14. Sa kabila ng mabuway na mga saligan nito, bakit marami pa rin ang tumatanggap sa maselang na pagpuna ni Wellhausen?
13 Sa liwanag ng pagiging marupok nito, bakit napakatanyag ang maselang na pagpuna sa gitna ng mga marurunong sa ngayon? Sapagka’t nagsasabi ito ng mga bagay na gusto nilang marinig. Nagpaliwanag ang isang ika-19 na siglong iskolar: “Sa ganang akin, mas malugod kong tinanggap ang aklat ni Wellhausen kung ihahambing sa iba; sapagka’t naniniwala ako na nalutas na rin sa wakas ang gumigipit na suliranin ng kasaysayan ng Matandang Tipan kasuwato ng simulain ng ebolusyon ng tao na pilit kong ikinakapit sa kasaysayan ng lahat ng relihiyon.”7 Maliwanag, ang maselang na pagpuna ay sumang-ayon sa kaniyang pagkiling sa ebolusyon. At, totoo naman, ang dalawang teoriyang ito ay naglilingkod sa iisang layunin. Kung pinapawi ng ebolusyon ang pangangailangang maniwala sa isang Maylikha, ang maselang na pagpuna ni Wellhausen ay pumapawi naman sa paniwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos.
14 Sa rasyonalistikong ika-20 siglong ito, ang palagay na ang Bibliya ay hindi nga salita ng Diyos kundi ng tao ay tila man din totoo kung para sa mga intelektuwal.c Mas madali silang maniwala na ang mga hula ay naisulat pagkatapos na mangatupad ang mga ito kaysa tanggapin na ang mga ito ay tunay. Mas gusto nilang waling-bahala ang mga himala ng Bibliya bilang mga kathang-isip, alamat, o katutubong kuwento, sa halip na maniwalang maaari ngang nangyari ang mga ito. Subali’t ang gayong pangmalas ay may pagkiling at hindi matibay na dahilan upang sabihing ang Bibliya ay di totoo. Ang maselang na pagpuna ay masyadong maraming depekto, at ang pagsalakay nito sa Bibliya ay hindi nakapagpabulaan sa Bibliya bilang Salita ng Diyos.
Inaalalayan ba ng Arkeolohiya ang Bibliya?
15, 16. Sinong sinaunang tagapamahala na binabanggit sa Bibliya ang pinatunayan ng arkeolohiya na talagang umiral?
15 Ang arkeolohiya ay isang mas matatag na pagsusuri kaysa sa maselang na pagpuna. Sa pagdudukal sa mga labí ng nakalipas na mga sibilisasyon, sa maraming iba’t-ibang paraan ay napaunlad ng mga arkeologo ang ating unawa sa mga pangyayari noong unang panahon. Kaya, hindi katakataka na ang ulat ng arkeolohiya ay paulit-ulit na nakakasuwato ng Bibliya. Madalas, ang Bibliya ay naipagbabangong-puri pa ng arkeolohiya laban sa mga tagapuna nito.
16 Bilang halimbawa, ayon sa aklat ni Daniel, ang huling hari sa Babilonya bago ito bumagsak sa mga Persyano ay nagngangalang Belsasar. (Daniel 5:1-30) Yamang lumilitaw na sa Bibliya lamang binabanggit si Belsasar, ang Bibliya raw ay mali at na ang taong ito ay hindi kailanman umiral. Subali’t noong ika-19 na siglo, ilang maliliit na bumbong na may ukit cuneiform ang natuklasan sa mga kagibaan sa timog Iraq. Natuklasan na naglalaman ito ng isang panalangin ukol sa kalusugan ng panganay na anak ni Nabonido, hari ng Babilonya. Ang pangalan ng anak na ito? Belsasar.
17. Papaano natin maipaliliwanag ang pagtukoy ng Bibliya kay Belsasar bilang isang hari, gayong ang karamihan ng inskripsiyon ay tumutukoy lamang sa kaniya bilang isang prinsipe?
17 Kaya may isa ngang Belsasar! Subali’t, hari na ba siya nang bumagsak ang Babilonya? Karamihan ng mga natuklasang dokumento ay tumutukoy sa kaniya bilang anak na lalaki ng hari, ang prinsipeng tagapagmana ng korona. Subali’t isang dokumentong cuneiform na tinaguriang “Patulang Ulat ni Nabonido” ay nagbigay ng higit na liwanag hinggil sa tunay na katayuan ni Belsasar. Ganito ang nakaulat: “Ipinagkatiwala [ni Nabonido] ang ‘Kampo’ sa kaniyang unang (anak), ang panganay, ang lahat ng mga hukbo ay ipinailalim sa (kapangyarihan) nito. Binitiwan niya ang (lahat), ipinagkatiwala niya ang paghahari dito.”8 Kaya si Belsasar ang pinagkatiwalaang maghari. Sa kahulugan at layunin, tiyak na siya ay isang hari!d Ipinakikita ng ugnayang ito ni Belsasar at ng kaniyang ama, si Nabonido, kung bakit noong pangwakas na salusalong yaon sa Babilonya ay inalok ni Belsasar si Daniel na maging pangatlong tagapamahala sa kaharian. (Daniel 5:16) Yamang si Nabonido ang unang tagapamahala, si Belsasar mismo ang pangalawa sa Babilonya.
Iba Pang Umaalalay na Ebidensiya
18. Anong impormasyon ang inilalaan ng arkeolohiya upang patunayan ang kapayapaan at katiwasayan na umiral sa paghahari ni David?
18 Oo, maraming tuklas sa arkeolohiya ang nagpatotoo sa pagiging wasto ng Bibliya sa kasaysayan. Halimbawa, iniuulat ng Bibliya na nang humalili si Haring Solomon sa kaniyang ama, si David, ang Israel ay nagtamasa ng napakalaking kasaganaan. Mababasa natin: “Ang Juda at ang Israel ay marami, gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan at nag-iinuman at nagkakatuwa.” (1 Hari 4:20) Bilang alalay dito, ay ating mababasa: “Ipinakikita ng arkeolohiya na nagkaroon ng pagputok ng populasyon sa Juda noong ikasampung siglo B.C. at pagkaraan nito nang ang kapayapaan at katiwasayan na pinairal ni David ay nagpangyari na makapagtayo sila ng maraming bagong mga kabayanan.”10
19. Anong karagdagang impormasyon ang inilalaan ng arkeolohiya hinggil sa pagdidigma sa pagitan ng Israel at Moab?
19 Nang maglaon, ang Israel at Juda ay naging dalawang bansa, at nilupig ng Israel ang kalapit na lupain ng Moab. Naghimagsik ang Moab sa ilalim ni Haring Mesha, at ang Israel ay nakipag-alyansa sa Juda at sa katabing kaharian ng Edom upang makipaglaban sa Moab. (2 Hari 3:4-27) Noong 1868 sa Jordan, isang lapida (inukit na tipak ng bato) ang natuklasan na nakaukit sa wikang Moabita taglay ang sariling ulat ni Mesha hinggil sa alitang ito.
20. Ano ang sinasabi sa atin ng arkeolohiya hinggil sa pagpuksa ng mga taga-Asirya sa Israel?
20 Pagkatapos, noong taóng 740 B.C.E., ay pinahintulutan ng Diyos na wasakin ng mga Asiryano ang mapaghimagsik na kaharian ng Israel sa hilaga. (2 Hari 17:6-18) Bilang pagtukoy sa ulat ng Bibliya hinggil dito, ay nagkomento ang arkeologong si Kathleen Kenyon: “Kahinahinala na ang ilang bahagi nito ay labis-labis na paglalarawan.” Subali’t gayon nga ba? Nagpatuloy siya: “Mas matingkad ang ebidensiya ng arkeolohiya sa pagbagsak ng Israel kaysa sa ulat ng Bibliya. . . . Ang ganap na pagkalipol ng mga Israelitang bayan ng Samaria at Hazor at ang kasabay na pagkawasak ng Megiddo ay may maka-katotohanang ebidensiya sa arkeolohiya na hindi iniulat nang labis-labis [ng Bibliya].”11
21. Anong mga detalye ang inilalaan ng arkeolohiya hinggil sa pagsakop ng mga taga-Babilonya sa Israel?
21 Sa dakong huli pa rin, sinasabi ng Bibliya na kinubkob ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem sa ilalim ni Haring Joachin at tinalo ito. Ang pangyayaring ito ay nakaulat sa Babylonian Chronicle, isang sulatang cuneiform na natuklasan ng mga arkeologo. Tungkol dito, ay mababasa natin: “Kinubkob ng hari ng Akkad [Babilonya] ang lunsod ng Juda (iahudu) at sinakop ng hari ang lunsod noong ikalawang araw ng buwan ng Addaru.”12 Si Joachin ay dinala sa Babilonya at ibinilanggo. Subali’t nang maglaon, ayon sa Bibliya, pinalaya siya at binigyan ng sustentong pagkain. (2 Hari 24:8-15; 25:27-30) Ito ay inaalalayan ng mga dokumentong pampangasiwaan na nasumpungan sa Babilonya, na nagtatala ng mga rasyon na ibinigay kay “Yaukîn, hari ng Juda.”13
22, 23. Sa pangkalahatan, ano ang kaugnayan ng arkeolohiya sa makasaysayang mga ulat ng Bibliya?
22 Hinggil sa ugnayan ng arkeolohiya at ng makasaysayang mga ulat ng Bibliya, ay ganito ang sinabi ni Propesor David Noel Freedman: “Sa pangkalahatan, ang arkeolohiya ay palaging umaalalay sa maka-kasaysayang katotohanan ng maka-biblikong ulat. Ang malawak na balangkas ng kronolohiya mula sa mga patriyarka hanggang sa B[agong] T[ipan] ay kasuwato ng arkeolohikal na impormasyon. . . . Malamang na suhayan ng hinaharap na mga tuklas ang kasalukuyang paninindigan na ang maka-biblikong tradisyon ay nag-uugat sa kasaysayan, at naisalin nang buong-katapatan, bagaman hindi ito maituturing na kasaysayan sa kritikal o makasiyentipikong diwa.”
23 Pagkatapos, ay sinabi niya hinggil sa pagsisikap ng mga maselang na tagapuna na siraan ang Bibliya: “Ang mga tangkang pagbabago na ginagawa ng makabagong mga iskolar sa kasaysayan ng Bibliya—halimbawa, ang palagay ni Wellhausen na ang edad patriyarka ay larawan lamang ng nabahaging monarkiya; o ang pagtanggi sa pagiging makasaysayan ni Moises at ng exodo at ang pagbabago sa kasaysayan ng Israel na isinulat ni Noth at ng kaniyang mga alagad—ay hindi nakapasa sa ulat ng arkeolohiya at salaysay ng Bibliya.”14
Ang Pagbagsak ng Jerico
24. Anong impormasyon ang inilalaan sa atin ng Bibliya hinggil sa pagbagsak ng Jerico?
24 Nangangahulugan ba ito na sumasang-ayon ang arkeolohiya sa Bibliya sa bawa’t pagkakataon? Hindi, may ilan ding salungatan. Isa rito ay ang madulang pananakop sa Jerico na inilarawan sa pasimula ng kabanatang ito. Ayon sa Bibliya, ang Jerico ang unang lunsod na nilupig ni Josue habang inaakay niya ang mga Israelita tungo sa lupain ng Canaan. Ayon sa kronolohiya ng Bibliya ang lunsod ay bumagsak noong unang kalahatian ng ika-15 siglo B.C.E. Matapos ang paglupig, ang Jerico ay lubusang sinunog sa apoy at saka iniwang walang naninirahan sa loob ng daandaang taon.—Josue 6:1-26; 1 Hari 16:34.
25, 26. Anong dalawang magkaibang pasiya ang narating ng mga arkeologo bunga ng pagdudukal sa Jerico?
25 Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, nahukay ni Propesor John Garstang ang dako na inaakalang kinaroroonan ng Jerico. Natuklasan niya na matandang-matanda na ang lunsod at na ito’y maraming beses nang nawasak at naitayo. Natuklasan ni Garstang na sa isa sa mga pagkawasak na ito, ay nagiba ang mga pader na wari’y sa pamamagitan ng lindol, at ang lunsod ay lubos na nasunog sa apoy. Naniwala siya na ito’y naganap noong mga 1400 B.C.E., malapitlapit sa petsang ipinahihiwatig ng Bibliya ukol sa pagwasak ni Josue sa Jerico.15
26 Pagkaraan ng digmaan, isa pang arkeologo ang gumawa ng karagdagang pagdudukal sa Jerico, si Kathleen Kenyon. Ipinasiya niya na ang naguhong mga pader na natuklasan ni Garstang ay mas matanda pa ng daan-daang taon kaysa inakala nito. Natuklasan nga niya ang isang mahalagang pagkawasak sa Jerico noong ika-16 na siglo B.C.E. subali’t sinabi niya na walang umiiral na lunsod sa kinaroroonan ng Jerico noong ika-15 siglo—ang panahong itinakda ng Bibliya sa pagsalakay ni Josue sa lupain. Patuloy niyang iniuulat ang posibleng mga palatandaan ng isa pang pagkawasak na maaaring naganap sa dakong yaon noong 1325 B.C.E. at nagmungkahi pa: “Kung ang pagkawasak ng Jerico ay iuugnay sa pagsalakay ni Josue, ito [ang nahuli] ang siyang petsa na iminumungkahi ng arkeolohiya.”16
27. Bakit hindi dapat ikabahala ang mga pagkakasalungatan sa pagitan ng arkeolohiya at ng Bibliya?
27 Nangangahulugan ba ito na ang Bibliya ay mali? Hinding-hindi. Dapat tandaan na bagaman ang arkeolohiya ay nagsisilbing bintana sa nakaraan, hindi ito laging isang malinaw na bintana. Kung minsan ito ay sadyang lumalabo. Ganito ang sinabi ng isang komentarista: “Nakalulungkot, na ang ebidensiya ng arkeolohiya ay pirapiraso lamang, kung kaya’t limitado.”17 Totoo ito kung tungkol sa mas maaagang yugto sa kasaysayan ng Israel, na kung saan hindi maliwanag ang ebidensiya ng arkeolohiya. Oo, lalong malabo ang katibayan sa Jerico, palibhasa’y labis-labis na ang pagkatibag ng dakong yaon.
Mga Limitasyon ng Arkeolohiya
28, 29. Ano ang ilan sa mga limitasyon ng arkeolohiya na inaamin ng mga iskolar?
28 Inaamin ng mga arkeologo ang limitasyon ng kanilang siyensiya. Halimbawa, nagpapaliwanag si Yohanan Aharoni: “Pagdating sa makasaysayan o makasaysayan-heograpikal na pagpapakahulugan, ang arkeologo ay lumalabas na sa nasasakupan ng eksaktong siyensiya, at umaasa na lamang sa sariling pagpapasiya at haka-haka upang makabuo ng isang maliwanag na larawan ng kasaysayan.”18 Hinggil sa mga petsa na iniuukol sa sarisaring mga tuklas, ganito ang dagdag niya: “Dapat nating laging tandaan na hindi lahat ng petsa ay tiyak at sa iba’t-ibang antas ang mga ito’y nasa pag-alinlangan,” bagaman naniniwala siya na ang mga arkeologo sa ngayon ay mas nakatitiyak sa kanilang pagtantiya sa petsa kaysa noong nakaraan.19
29 Nagtatanong ang The World of the Old Testament: “Gaano ka-indipendiyente o ka-siyentipiko ang paraang arkeolohikal?” Sumasagot ito: “Higit na indipendiyente ang mga arkeologo kapag naghuhukay kaysa kung sila ay nagbibigay-kahulugan. Subali’t ang pagiging-abala nila ay nakakaapekto rin sa mga paraan ng kanilang ‘paghuhukay’. Hindi nila maiwasang hindi masira ang kanilang ebidensiya habang lumalalim ang paghuhukay nila sa lupa, kaya hindi na nila maaaring subukin ang kanilang ‘eksperimento’ sa pamamagitan ng pag-ulit. Ito ang nagtatangi sa arkeolohiya sa ibang siyensiya. Higit pa rito, ang arkeolohikal na pag-uulat ay isang atas na napakahigpit at lipos ng mga patibong.”20
30. Papaano minamalas ng mga estudyante ng Bibliya ang arkeolohiya?
30 Kaya malaki ang maitutulong ng arkeolohiya, nguni’t gaya ng alinmang pagsisikap ng tao, ito ay nagkakamali. Bagaman may pananabik nating isinasaalang-alang ang arkeolohikal na mga teoriya, hindi natin dapat ituring ito bilang katotohanan na hindi matututulan. Kung bibigyang-kahulugan ng mga arkeologo ang kanilang mga tuklas sa paraang kasalungat ng Bibliya, huwag natin agad iisiping mali ang Bibliya at tama ang mga arkeologo. Alam natin na ang kanilang mga pagpapakahulugan ay nababago.
31. Anong bagong palagay ang iniharap kamakailan hinggil sa pagbagsak ng Jerico?
31 Kawiliwiling pansinin na noong 1981 ang pagkawasak ng Jerico ay muling siniyasat ni Propesor John J. Bimson. Pinag-aralan niyang mabuti ang maapoy na pagkawasak ng Jerico na naganap—ayon kay Kathleen Kenyon—noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo B.C.E. Ayon sa kaniya, yaon ay hindi lamang umayon sa ulat ng Bibliya hinggil sa pagwasak ni Josue sa lunsod kundi ang arkeolohikal na larawan ng Canaan sa kabuuan ay lapat-na-lapat sa deskripsiyon ng Bibliya nang ang Canaan ay lusubin ng mga Israelita. Kaya, ipinapasiya niya na mali ang petsa ng arkeolohiya at nagmumungkahi na ang pagkawasak ay talagang naganap noong kalagitnaan ng ika-15 siglo B.C.E., sa kaarawan mismo ni Josue.21
Ang Bibliya ay Tunay na Kasaysayan
32. Anong hilig ang napansin sa ilang mga iskolar?
32 Lumalarawan ito sa katotohanan na ang mga arkeologo ay nagkakasalungatan. Kaya, hindi katakataka na ang ilan ay hindi sumasang-ayon sa Bibliya samantalang ang iba ay sumasang-ayon. Gayumpaman, ang ilang iskolar ay nagsisimula nang kumilala sa pagiging makasaysayan ng Bibliya sa pangkalahatan, kung hindi man sa bawa’t detalye nito. Kumatawan si William Foxwell Albright sa isang paraan ng pagpapaliwanag nang sumulat siya: “Ngayon ay may laganap na panunumbalik sa pagpapahalaga sa kawastuan ng relihiyosong kasaysayan ng Israel, kapuwa sa panlahatang lawak at sa tiyak na mga detalye. . . . Sa kabuuan, maituturing na uli natin ang Bibliya bilang isang mapanghahawakang dokumento ng relihiyosong kasaysayan mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”22
33, 34. Papaano naglalaan ng katibayan ang mismong mga Hebreong Kasulatan ng pagiging wasto nito ayon sa kasaysayan?
33 Sa katunayan, taglay ng Bibliya sa ganang sarili ang timbre ng wastong kasaysayan. Ang mga pangyayari ay iniuugnay sa tiyak na mga panahon at petsa, di gaya ng karamihan ng sinaunang alamat at mitolohiya. Marami sa mga pangyayaring nakaulat sa Bibliya ay inaalalayan ng mga inskripsiyon na kasintanda ng panahong yaon. Kapag nagkaiba ang Bibliya at ang ilang matatandang inskripsiyon, ito ay dahil sa ayaw ng mga sinaunang tagapamahala na iulat ang kanilang mga pagkatalo at dahil sa pagnanais na palakihin ang kanilang mga tagumpay.
34 Ang totoo, marami sa mga inskripsiyong yaon ay hindi kasaysayan kundi opisyal na propaganda. Sa kabaligtaran, ang mga manunulat ng Bibliya ay talagang naging prangka. Inilalantad ang mga kahinaan at mabubuting katangian ng mga bantog na ninunong gaya nina Moises at Aaron. Ang mga pagkakasala ng dakilang haring si David ay buong-katapatan ding inihahayag. Ang mga pagkukulang ng bansa sa pangkalahatan ay paulit-ulit na ibinubunyag. Ang katapatang ito ay nagrerekumenda sa mga Hebreong Kasulatan bilang totoo at mapanghahawakan at nagbibigay-halaga sa mga salita ni Jesus na nagsabi bilang panalangin sa Diyos: “Ang salita mo ay katotohanan.”—Juan 17:17.
35. Ano ang nabigong gawin ng mga rasyonalista, at sa ano tumitingin ang mga estudyante ng Bibliya upang patunayan ang pagiging-kinasihan ng Bibliya?
35 Sinabi pa ni Albright: “Sa lahat ng paraan ang Bibliya ay nakauulos sa lahat ng sinaunang babasahing relihiyoso; at kahangahanga rin ang pagkaulos nito sa lahat ng nahuling mga babasahin dahil sa tuwirang kapayakan ng mensahe at sa katolisidad [malawakang saklaw] ng pang-akit nito sa mga tao sa lahat ng lupain at panahon.”23 Ang ganitong ‘nakauulos na mensahe,’ at hindi ang patotoo ng mga iskolar, ang nagpapatunay sa pagiging-kinasihan ng Bibliya, gaya ng makikita sa mga sumusunod na kabanata. Subali’t pansinin na ang makabagong mga rasyonalista ay nabigo sa pagpapatunay na ang mga Hebreong Kasulatan ay hindi totoong kasaysayan, samantalang inilalaan ng mismong mga kasulatang ito ang lahat ng katibayan ng pagiging wasto. Masasabi rin ba ito hinggil sa mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan, ang “Bagong Tipan”? Tatalakayin ito sa susunod na kabanata.
[Mga talababa]
a Ang “maselang na pagpuna” (higher criticism o “historical-critical method”) ay isang termino na naglalarawan sa pag-aaral ng Bibliya upang magsaliksik ng mga detalye hinggil sa pagkamay-akda, pinagmulan ng materyales, at panahon ng pagsulat ng bawa’t aklat nito.
b Bilang halimbawa, ang makasaysayang tulang “Paradise Lost” ay isinulat ng makatang Ingles na si John Milton sa isang estilo na ibang-iba sa kaniyang tulang “L’Allegro.” At ang kaniyang makapolitikang mga pulyeto ay isinulat sa iba pa ring estilo.
c Karamihan ng intelektuwal sa ngayon ay nahihilig maging rasyonalistiko. Ayon sa diksiyonaryo, ang rasyonalismo ay “pagsalig sa katuwiran sa layuning tiyakin ang relihiyosong katotohanan.” Lahat ng bagay ay sinisikap nilang ipaliwanag ayon sa mga termino ng tao sa halip na maniwalang may kinalaman dito ang Diyos.
d Kapansinpansin, na ipinakikita ng estatwa ng isang sinaunang tagapamahala na natuklasan sa hilagang Sirya noong mga taóng 1970 na ang isang tagapamahala ay nakaugalian nang tawagin na hari bagaman, ang totoo, mas mababa ang titulo niya. Yao’y estatwa ng isang tagapamahala sa Gozan at may ukit sa wikang Asiryano at Aramaiko. Ang taong yaon ay tinukoy ng Asiryanong inskripsiyon na gobernador ng Gozan, subali’t siya ay tinukoy ng kaagapay na Aramaikong inskripsiyon na isang hari.9 Kaya hindi ito ang unang pagkakataon na, sa opisyal na mga inskripsiyon ng Babilonya, si Belsasar ay tawaging prinsipeng tagapagmana ng korona samantalang sa Aramaikong sulat ni Daniel siya naman ay tinatawag na hari.
[Blurb sa pahina 53]
Di gaya ng sinaunang sekular na mga kasaysayan, tahasang iniuulat ng Bibliya ang mga pagkukulang ng iginagalang na mga tauhang gaya nina Moises at David
[Kahon sa pahina 44]
Ang Halaga ng Arkeolohiya
“Ang arkeolohiya ay naglalaan ng mga halimbawa ng sinaunang mga kasangkapan at sisidlan, mga pader at gusali, mga armas at mga gayak. Marami rito ay maaaring ayusin nang sunudsunod ayon sa panahon at bigyan ng tiyak na pangalan salig sa angkop na mga termino at konteksto na nasa Bibliya. Sa diwang ito ay wastong iniingatan ng Bibliya ang sinaunang kultural na kapaligiran nito sa nasusulat na anyo. Ang mga detalye ng mga salaysay sa Bibliya ay hindi guniguni lamang ng may-akda kundi tunay na mga larawan ng daigdig ayon sa nakaulat na mga pangyayari, pangkaraniwan man o makahimala.”—The Archaeological Encyclopedia of the Holy Land.
[Kahon sa pahina 50]
Kung Ano Ang Magagawa at Hindi Magagawa ng Arkeolohiya
“Ang arkeolohiya ay hindi nagpapatunay o nagpapabulaan sa Bibliya sa tuwirang pangungusap, subali’t may iba pa itong tungkulin, na lubha ring mahalaga. Sa isang paraan ay pinanunumbalik nito ang materyal na daigdig na ipinakikilala ng Bibliya. Halimbawa, ang paglalarawan sa materyales na ginamit sa pagtatayo ng isang bahay, sa hitsura ng isang ‘mataas na dako,’ ay nagpapasulong sa ating unawa sa tekstong yaon. Pangalawa, pinupunan nito ang ulat ng kasaysayan. Halimbawa, ibinibigay ng Moabite Stone ang kabilang panig ng salaysay na iniuulat sa 2 Hari 3:4ff. . . . Pangatlo, isinisiwalat nito ang buhay at paniniwala ng mga kalapitbayan ng sinaunang Israel—na sa ganang sarili’y lubha ring kawiliwili, at nagbibigay-liwanag sa mga ideya na naging saligan ng pag-unlad ng paniwala ng sinaunang Israel.—Ebla—A Revelation in Archaeology.
[Larawan sa pahina 41]
Si Milton ay sumulat sa iba’t-ibang estilo, di lamang sa iisa. Naniniwala ba ang maseselang na tagapuna na ang kaniyang isinulat ay iniakda ng maraming iba’t-ibang manunulat?
[Larawan sa pahina 45]
Ayon sa “Patulang Ulat ni Nabonido” ipinagkatiwala ni Nabonido ang paghahari sa kaniyang panganay
[Larawan sa pahina 46]
Inihaharap ng Moabite Stone ang salaysay ni Haring Mesha hinggil sa alitan sa pagitan ng Moab at Israel
[Larawan sa pahina 47]
Sinusuhayan ng opisyal na mga ulat ng Babilonya ang salaysay hinggil sa pagbagsak ng Jerusalem