Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Daniel
“ANG aklat ng Daniel ay isa sa pinakamagagandang aklat sa Bibliya,” ang sabi sa Holman Illustrated Bible Dictionary. “Ang mga pahina nito ay punô ng walang-kupas na katotohanan.” Ang ulat ni Daniel ay nagsimula noong 618 B.C.E. nang dumating sa Jerusalem si Haring Nabucodonosor ng Babilonya at kubkubin ang lunsod, at kinuha niya ang “ilan sa mga anak ni Israel” upang gawing bihag sa Babilonya. (Daniel 1:1-3) Kabilang dito si Daniel, na malamang na tin-edyer pa lamang noon. Sa pagtatapos ng aklat, nasa Babilonya pa rin si Daniel. Ngayong halos 100 taon na si Daniel, pinangakuan siya ng Diyos: “Magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.”—Daniel 12:13.
Nasa ikatlong panauhan ang kronolohikal na pagkakasulat ng unang bahagi ng aklat ng Daniel, samantalang nasa unang panauhan naman ang huling bahagi nito. Ang aklat na ito na isinulat ni Daniel ay naglalaman ng mga hula tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig, sa panahon ng pagdating ng Mesiyas, at sa mga pangyayaring nagaganap sa ating panahon.a Binalikan ng may-edad nang propetang ito ang kaniyang mahabang nakaraan at ikinuwento ang mga pangyayaring magpapasigla sa atin na maging tapat na mga lingkod ng Diyos. Ang mensahe ni Daniel ay buháy at may lakas.—Hebreo 4:12.
ANO ANG ITINUTURO SA ATIN NG KRONOLOHIKAL NA ULAT?
Noon ay taóng 617 B.C.E. Nasa korte, o palasyo, ng Babilonya si Daniel at ang kaniyang tatlong tin-edyer na kaibigan, sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Sa loob ng tatlong taóng pagsasanay nila sa buhay sa korte, nanatiling tapat sa Diyos ang tatlong kabataan. Makalipas ang mga walong taon, nagkaroon ng mahiwagang panaginip si Haring Nabucodonosor. Isiniwalat muna ni Daniel ang panaginip at saka niya sinabi ang kahulugan nito. Kinilala ng hari na si Jehova ay “Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.” (Daniel 2:47) Pero di-nagtagal, parang nalimutan ni Nabucodonosor ang aral na ito. Nang tumanggi si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan na sumamba sa pagkalaki-laking imahen, ipinatapon sila ng hari sa maapoy na hurno. Sinagip ng tunay na Diyos ang tatlo, at napilitan si Nabucodonosor na kilalaning “walang umiiral na ibang diyos na nakapagliligtas na tulad ng isang ito.”—Daniel 3:29.
Nagkaroon na naman si Nabucodonosor ng isa pang pambihirang panaginip. Nakita niya ang isang pagkalaki-laking punungkahoy, na pinutol at binigkisan upang hindi ito tumubo. Ipinaalam ni Daniel ang ibig sabihin ng panaginip na iyon. Nagkaroon ng unang katuparan ang panaginip nang si Nabucodonosor ay mabaliw at pagkaraan ay gumaling. Pagkalipas ng maraming dekada, nagdaos si Haring Belsasar ng isang malaking piging para sa kaniyang mga taong mahal, o matataas na opisyal, at buong-kalapastanganang ginamit ang mga sisidlang kinuha sa templo ni Jehova. Nang mismong gabing iyon, pinatay si Belsasar at naging hari si Dario na Medo. (Daniel 5:30, 31) Noong panahon ni Dario, nang mahigit 90 taon na si Daniel, pinag-initan ng mga inggiterong opisyal ang matanda nang propeta at binalak nila itong patayin. Pero iniligtas siya ni Jehova “mula sa pangalmot ng mga leon.”—Daniel 6:27.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:11-15—Dahil ba sa mga pagkaing gulay kung kaya naging mas maganda ang mukha ng apat na Judeanong kabataan? Hindi. Hindi ito magagawa ng kahit anong pagkain sa loob lamang ng sampung araw. Nagbago ang mukha ng mga tin-edyer na Hebreo dahil kay Jehova. Pinagpala niya sila dahil nagtiwala sila sa kaniya.—Kawikaan 10:22.
2:1—Kailan napanaginipan ni Nabucodonosor ang pagkalaki-laking imahen? Ayon sa ulat, ito ay noong “ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor.” Naging hari siya noong 624 B.C.E. Kung gayon, nagsimula ang ikalawang taon ng kaniyang paghahari noong 623 B.C.E.—ilang taon bago niya sakupin ang Juda. Nang panahong iyon, wala pa si Daniel sa Babilonya para masabi ang kahulugan ng panaginip. Ang “ikalawang taon” ay lumilitaw na binilang mula 607 B.C.E., nang maging pandaigdig na tagapamahala ang hari ng Babilonya matapos nitong wasakin ang Jerusalem.
2:32, 39—Bakit mas mababa ang kahariang pilak sa ulong ginto, at mas mababa naman ang kahariang tanso sa kahariang pilak? Ang Imperyo ng Medo-Persia, na isinasagisag ng pilak na bahagi ng imahen, ay mas mababa sa Babilonya, ang ulong ginto, dahil hindi sila ang nagpabagsak sa Juda. Ang sumunod na kapangyarihan ay Gresya, na isinasagisag ng tanso. Mas mababa ang Gresya, kung paanong mas mababa ang tanso kaysa sa pilak. Bagaman mas malawak ang nasasakupan ng Imperyo ng Gresya, hindi naman ito ang nagkapribilehiyong magpalaya sa bayan ng Diyos mula sa pagkatapon, kundi ang Medo-Persia.
4:8, 9—Naging mahikong saserdote ba mismo si Daniel? Hindi. Ang pananalitang “pinuno ng mga mahikong saserdote” ay tumutukoy lamang sa posisyon ni Daniel bilang “punong prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.”—Daniel 2:48.
4:10, 11, 20-22—Saan lumalarawan, o sumasagisag, ang pagkalaki-laking punungkahoy sa panaginip ni Nabucodonosor? Si Nabucodonosor, bilang tagapamahala ng isang kapangyarihang pandaigdig, ang unang inilalarawan ng punungkahoy. Pero dahil “hanggang sa dulo ng lupa” ang kaniyang pamamahala, tiyak na sumasagisag ito sa isang mas dakilang bagay. Ang panaginip ay iniugnay ng Daniel 4:17 sa pamamahala ng “Kataas-taasan” sa buong sangkatauhan. Kung gayon, ang punungkahoy ay sumasagisag din sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, lalo na may kinalaman sa lupa. Samakatuwid, ang panaginip ay may dalawang katuparan—sa pamamahala ni Nabucodonosor at sa soberanya ni Jehova.
4:16, 23, 25, 32, 33—Gaano kahaba ang “pitong panahon”? Ang lahat ng pagbabagong naganap sa anyo ni Haring Nabucodonosor ay nangangahulugang mas mahaba sa pitong literal na araw ang “pitong panahon.” Sa nangyaring ito sa kaniya, ang mga panahong ito ay nangangahulugang pitong taon na may 360 araw bawat isa, o 2,520 araw. Sa mas malaking katuparan, ang “pitong panahon” ay 2,520 taon. (Ezekiel 4:6, 7) Nagsimula ito nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at natapos nang iluklok si Jesus sa langit bilang Hari noong 1914 C.E.—Lucas 21:24.
6:6-10—Yamang wala namang hinihiling na partikular na posisyon kapag nananalangin kay Jehova, hindi kaya isang katalinuhan para kay Daniel na ilihim ang pananalangin sa loob ng 30 araw? Alam na alam ng lahat na si Daniel ay nananalangin nang tatlong beses sa isang araw. Kaya nga naisip ng magkakasabuwat na gawing batas ang pagbabawal sa pananalangin. Kung babaguhin ni Daniel ang kaniyang rutin sa pananalangin, baka isipin ng iba na nakikipagkompromiso siya at nawala na ang kaniyang bukod-tanging debosyon kay Jehova.
Mga Aral Para sa Atin:
1:3-8. Ang determinasyon ni Daniel at ng kaniyang mga kasama na manatiling tapat kay Jehova ay nagdiriin sa kahalagahan ng tinanggap nilang pagsasanay mula sa kanilang mga magulang. Kapag inuna ng mga magulang na may takot sa Diyos ang espirituwal na mga kapakanan at itinuro ito sa kanilang mga anak, malamang na mapaglabanan ng kanilang mga anak ang anumang tukso at panggigipit na posibleng bumangon sa paaralan o saanmang lugar.
1:10-12. Naunawaan ni Daniel kung bakit natatakot sa hari ang “pangunahing opisyal ng korte” kung kaya hindi na siya nakiusap pa. Pero nang maglaon, ang “tagapag-alaga” naman ang nilapitan ni Daniel sa pagbabaka-sakaling mas madali itong pakiusapan. Kapag nasa mahihirap na situwasyon, dapat din nating gamitin ang gayong kaunawaan at karunungan.
2:29, 30. Gaya ni Daniel, dapat nating ibigay kay Jehova ang lahat ng kapurihan sa anumang kaalaman, katangian, at kakayahang natatamo natin sa pag-aaral ng Bibliya.
3:16-18. Malamang na hindi nakapanindigan ang tatlong Hebreo kung noon pa man ay nakipagkompromiso na sila may kinalaman sa kanilang pagkain. Dapat din tayong magsikap na maging “tapat sa lahat ng mga bagay.”—1 Timoteo 3:11.
4:24-27. Ang paghahayag ng mensahe ng Kaharian, kasama na ang mga paghatol ng Diyos, ay nangangailangan ng gayunding uri ng pananampalataya at lakas ng loob na ipinakita ni Daniel nang sabihin niya ang sasapitin ni Nabucodonosor at kung ano ang dapat gawin ng hari upang ‘mapahaba ang kaniyang kasaganaan.’
5:30, 31. Nagkatotoo ‘ang kasabihan laban sa hari ng Babilonya.’ (Isaias 14:3, 4, 12-15) Si Satanas na Diyablo, na palalong gaya ng dinastiya ng Babilonya, ay tatanggap din ng kahiya-hiyang wakas.—Daniel 4:30; 5:2-4, 23.
ANO ANG ISINISIWALAT NG MGA PANGITAIN NI DANIEL?
Nang makita ni Daniel ang unang pangitain sa kaniyang panaginip noong 553 B.C.E., siya ay mahigit nang 70 taon. Nakakita si Daniel ng apat na ubod-laking hayop na lumalarawan sa sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig mula noong panahon niya hanggang sa panahon natin ngayon. Sa isang pangitaing naganap sa langit, nakakita siya ng “isang gaya ng anak ng tao” na sa kaniya ay ibinigay ang “isang pamamahalang namamalagi nang walang takda.” (Daniel 7:13, 14) Makalipas ang dalawang taon, nagkaroon naman si Daniel ng isang pangitaing nagsasangkot sa Medo-Persia, Gresya, at isang kaharian na magiging “isang hari na mabangis ang mukha.”—Daniel 8:23.
Ngayon ay taóng 539 B.C.E. Bumagsak na ang Babilonya, at naging hari na ng mga Caldeo si Dario na Medo. Ipinanalangin ni Daniel kay Jehova ang tungkol sa pagsasauli ng kaniyang sariling lupain. Habang nananalangin pa siya, isinugo ni Jehova ang anghel na si Gabriel upang “pagkalooban [si Daniel] ng kaunawaan na may pagkaunawa” tungkol sa pagdating ng Mesiyas. (Daniel 9:20-25) Sumapit ang 536/535 B.C.E. Isang maliit na grupo ng mga Israelita ang nagbalik sa Jerusalem. Pero may mga tumutol sa pagtatayo ng templo. Nabahala si Daniel. Idinulog niya ito sa panalangin, at nagsugo si Jehova kay Daniel ng isang anghel na may mataas na posisyon. Matapos palakasin at patibayin si Daniel, dinetalye ng anghel ang hula tungkol sa pag-aagawan sa kapangyarihan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Nagpatuloy ang alitan ng dalawang hari mula nang mahati ang kaharian ni Alejandrong Dakila sa kaniyang apat na heneral hanggang sa ‘pagtayo’ ng Dakilang Prinsipe na si Miguel.—Daniel 12:1.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
8:9—Saan lumalarawan ang “Kagayakan”? Sa tekstong ito, ang “Kagayakan” ay sumasagisag sa makalupang kalagayan ng mga pinahirang Kristiyano noong panahon ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano.
8:25—Sino ang “Prinsipe ng mga prinsipe”? Ang salitang Hebreo na sar, na isinaling “prinsipe,” ay karaniwan nang nangangahulugang “pinuno,” o “ulo.” Ang titulong “Prinsipe ng mga prinsipe” ay kumakapit lamang sa Diyos na Jehova—ang Pinuno ng lahat ng prinsipeng anghel, pati na si “Miguel, na isa sa mga pangunahing prinsipe.”—Daniel 10:13.
9:21—Bakit tinukoy ni Daniel ang anghel na si Gabriel bilang ‘ang lalaki’? Dahil si Gabriel ay humarap sa kaniya sa anyong tao, gaya noong magpakita siya kay Daniel sa naunang pangitain.—Daniel 8:15-17.
9:27—Anong tipan ang ‘pinanatiling may bisa para sa marami’ hanggang sa pagtatapos ng ika-70 sanlinggo ng mga taon, o 36 C.E.? Inalis na ang tipang Kautusan noong 33 C.E. nang ibayubay si Jesus. Pero dahil ang Abrahamikong tipan ay pinanatiling may bisa para sa likas na Israel hanggang 36 C.E., pinalawig pa ni Jehova ang kaniyang pantanging pabor sa mga Judio dahil sa kanilang pagiging inapo ni Abraham. Ang Abrahamikong tipan ay nananatiling may bisa para sa “Israel ng Diyos.”—Galacia 3:7-9, 14-18, 29; 6:16.
Mga Aral Para sa Atin:
9:1-23; 10:11. Dahil sa kaniyang kapakumbabaan, makadiyos na debosyon, kasipagan sa pag-aaral, at pagmamatiyaga sa panalangin, si Daniel ay naging “lubhang kalugud-lugod.” Ang mga katangiang ito ay nakatulong din sa kaniya para manatiling tapat sa Diyos hanggang kamatayan. Maging determinado sana tayo na tularan ang halimbawa ni Daniel.
9:17-19. Maging sa ating pananalangin sa pagdating ng bagong sanlibutan ng Diyos, na doo’y “tatahan ang katuwiran,” hindi ba’t dapat lamang na ang pangunahin nating isaisip ay ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya sa halip na kung kailan wawakasan ang ating personal na pagdurusa at mga problema?—2 Pedro 3:13.
10:9-11, 18, 19. Bilang pagtulad sa anghel na isinugo kay Daniel, dapat nating patibayin at palakasin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga gawa at salitang nakaaaliw.
12:3. Sa mga huling araw, “silang may kaunawaan”—mga pinahirang Kristiyano—ay ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ at nagdadala ng “marami tungo sa katuwiran,” kasali na ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Filipos 2:15; Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang mga pinahiran ay ‘sisikat tulad ng mga bituin’ sa ganap na diwa nito sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, kapag katulong na sila sa paglalaan ng lahat ng pagpapala sa masunuring sangkatauhan sa lupa bilang resulta ng pantubos. Ang “ibang mga tupa” ay dapat na laging kaisa ng mga pinahiran, anupat buong-pusong sumusuporta sa kanila sa lahat ng paraan.
‘Pinagpapala ni Jehova ang mga May Takot sa Kaniya’
Ano ang itinuturo sa atin ng aklat ng Daniel tungkol sa Diyos na ating sinasamba? Tingnan natin ang mga hulang nilalaman nito—ang mga natupad na at ang mga matutupad pa. Napakalinaw ng pagkakalarawan ng mga ito tungkol kay Jehova bilang ang Tagatupad ng kaniyang salita!—Isaias 55:11.
Ano ang ipinakikita ng pasalaysay na bahagi ng aklat ng Daniel tungkol sa ating Diyos? Ang apat na kabataang Hebreo na tumangging maimpluwensiyahan ng buhay sa korte ng Babilonya ay tumanggap ng ‘kaalaman, kaunawaan, at karunungan.’ (Daniel 1:17) Isinugo ng tunay na Diyos ang kaniyang anghel at sinagip sina Sadrac, Mesac, at Abednego mula sa maapoy na hurno. Iniligtas si Daniel mula sa yungib ng mga leon. Si Jehova ang ‘tulong at kalasag ng mga nagtitiwala sa kaniya’ at ‘nagpapala sa mga may takot sa kaniya.’—Awit 115:9, 13.
[Talababa]
a Para sa talata por talatang pagtalakay ng aklat ng Daniel, tingnan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 18]
Bakit “lubhang kalugud-lugod” si Daniel?