ARALING ARTIKULO 19
Ang “Hari ng Hilaga” sa Panahon ng Wakas
“Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan sa kaniya [sa hari ng hilaga] ang hari ng timog.”—DAN. 11:40.
AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas
NILALAMANa
1. Ano ang sinasabi sa atin ng mga hula sa Bibliya?
ANO ang malapit nang mangyari sa bayan ni Jehova? Hindi na natin kailangang manghula. Sinasabi sa atin ng mga hula sa Bibliya ang mahahalagang pangyayari sa hinaharap na makakaapekto sa ating lahat. Isang partikular na hula sa Bibliya ang nagsasabi kung ano ang gagawin ng ilan sa pinakamakapangyarihang gobyerno sa lupa. Ang ulat na ito sa Daniel kabanata 11 ay tungkol sa dalawang magkalabang hari—ang hari ng hilaga at ang hari ng timog. Natupad na ang malaking bahagi ng hulang ito, kaya makakapagtiwala tayong matutupad din ang natitirang bahagi nito.
2. Gaya ng makikita sa Genesis 3:15 at Apocalipsis 11:7 at 12:17, ano ang dapat nating tandaan kapag pinag-aaralan ang hula ni Daniel?
2 Para maintindihan ang hula sa Daniel kabanata 11, dapat nating tandaan na tumutukoy lang ito sa mga tagapamahala at gobyernong may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Kumpara sa populasyon ng mundo, kakaunti lang ang mga lingkod ng Diyos, pero bakit madalas na sila ang puntirya ng mga gobyernong iyon? Gusto kasi ni Satanas at ng sanlibutan niya na malipol ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. (Basahin ang Genesis 3:15 at Apocalipsis 11:7; 12:17.) Bukod diyan, ang hula ni Daniel ay dapat na kaayon ng iba pang hula sa Salita ng Diyos. Ang totoo, maiintindihan lang natin ang hula ni Daniel kung ikukumpara natin ito sa iba pang bahagi ng Kasulatan.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?
3 Tatalakayin sa artikulong ito ang Daniel 11:25-39. Malalaman natin kung sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog mula 1870 hanggang 1991, at makikita natin kung bakit makatuwirang linawin ang pagkaunawa natin sa isang bahagi ng hulang ito. Sa susunod na artikulo, tatalakayin ang Daniel 11:40–12:1 at lilinawin ang sinasabi ng bahaging iyon ng hula tungkol sa mga pangyayari mula 1991 hanggang sa digmaan ng Armagedon. Habang pinag-aaralan ang dalawang artikulong ito, makakatulong ang chart na “Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas.” Pero kilalanin muna natin kung sino ang dalawang hari sa hulang ito.
KUNG SINO ANG HARI NG HILAGA AT ANG HARI NG TIMOG
4. Anong tatlong bagay ang makakatulong para makilala natin kung sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog?
4 Noong una, ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog” ay tumutukoy sa politikal na mga kapangyarihang nasa hilaga at timog ng bansang Israel. Bakit natin nasabi iyan? Pansinin ang sinabi ng anghel kay Daniel: “Pinuntahan kita para ipaunawa sa iyo ang mangyayari sa iyong bayan [bayan ng Diyos] sa huling bahagi ng mga araw.” (Dan. 10:14) Ang literal na bansang Israel ang piniling bayan ng Diyos hanggang Pentecostes 33 C.E. Pero mula noon, nilinaw ni Jehova na ang bayan niya ay ang tapat na mga alagad ni Jesus. Kaya ang malaking bahagi ng hula sa Daniel kabanata 11 ay hindi tungkol sa literal na bansang Israel kundi sa mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 2:1-4; Roma 9:6-8; Gal. 6:15, 16) At sa paglipas ng panahon, iba’t ibang tagapamahala at gobyerno ang naging hari ng hilaga at hari ng timog. Pero may pagkakatulad ang mga ito. Una, malaki ang epekto ng pamamahala ng mga haring ito sa bayan ng Diyos. Ikalawa, sa ginawa nilang pakikitungo sa bayan ng Diyos, pinatunayan nilang napopoot sila sa tunay na Diyos, si Jehova. At ikatlo, naglalabanan ang dalawang haring ito para sa kapangyarihan.
5. Mayroon bang hari ng hilaga at hari ng timog mula taóng 100 hanggang 1870? Ipaliwanag.
5 Mga ilang panahon pagkatapos ng taóng 100, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay napasok ng huwad na mga Kristiyano. Pinalaganap nila ang huwad na mga turo at itinago ang katotohanang nasa Salita ng Diyos. Mula noon hanggang 1870, walang organisadong grupo ng mga lingkod ng Diyos sa lupa. Dumami nang husto ang huwad na mga Kristiyano na gaya ng panirang-damo. Kaya mahirap nang matukoy ang tunay na mga Kristiyano. (Mat. 13:36-43) Bakit mahalagang malaman iyan? Ipinapakita nito na hindi puwedeng magkaroon ng hari ng hilaga at ng hari ng timog mula taóng 100 hanggang 1870, kasi wala namang organisadong bayan ng Diyos para atakihin nila.b Pero makakaasa tayo na pagkatapos ng 1870, magkakaroon ulit ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Bakit?
6. Kailan muling naorganisa bilang isang grupo ang bayan ng Diyos? Ipaliwanag.
6 Mula noong 1870, muling naorganisa ang bayan ng Diyos bilang isang grupo. Noong taóng iyon, si Charles T. Russell at ang mga kasamahan niya ay bumuo ng isang grupo para pag-aralan ang Bibliya. Sila ang inihulang mensahero na ‘naghawan ng daan’ bago maitatag ang Mesiyanikong Kaharian. (Mal. 3:1) Mayroon na uling organisadong grupo na naglilingkod kay Jehova! Pero mayroon bang kapangyarihang pandaigdig noong panahong iyon na may malaking epekto sa mga lingkod ng Diyos? Tingnan ang susunod na impormasyon.
SINO ANG HARI NG TIMOG?
7. Sino ang hari ng timog hanggang sa panahon ng unang digmaang pandaigdig?
7 Noong 1870, Britain na ang pinakamalaking imperyo sa mundo, at ito ang may pinakamakapangyarihang puwersang militar. Ang imperyong ito ay inilarawan bilang isang maliit na sungay na nagtanggal sa tatlong iba pang sungay—ang France, Spain, at Netherlands. (Dan. 7:7, 8) Ito ang naging hari ng timog hanggang sa panahon ng unang digmaang pandaigdig. Nang panahon ding iyon, United States na ang pinakamayamang bansa at unti-unti na itong nakikipag-alyansa sa Britain.
8. Sino ang naging hari ng timog sa mga huling araw?
8 Noong unang digmaang pandaigdig, magkaalyansa na ang puwersang militar ng United States at Britain. Nang panahong iyon, ang dalawang bansang ito ay naging Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Gaya ng inihula ni Daniel, ang haring ito ay nagkaroon ng “isang napakalaki at napakalakas na hukbo.” (Dan. 11:25) Sa mga huling araw, Britain at United States ang naging hari ng timog.c Pero sino naman ang hari ng hilaga?
SINO ANG HARI NG HILAGA?
9. Kailan nagkaroon ng bagong hari ng hilaga, at paano natupad ang Daniel 11:25?
9 Noong 1871, isang taon pagkatapos buoin ni Russell at ng mga kasamahan niya ang grupo sa pag-aaral ng Bibliya, nagkaroon ng bagong hari ng hilaga. Nang taóng iyon, itinatag ni Otto von Bismarck ang Imperyo ng Germany. Si Haring Wilhelm I ng Prussia ang naging unang emperador nito, at inatasan niya si Bismarck bilang unang chancellor.d Nang sumunod na mga dekada, naging makapangyarihan ang Germany. Nasakop nito ang mga bansa sa Africa at Pacific Ocean, at sinubukan nitong maging mas makapangyarihan sa Britain. (Basahin ang Daniel 11:25.) Bumuo ang Imperyo ng Germany ng puwersang militar na halos kasinlakas ng sa Britain. At noong unang digmaang pandaigdig, ginamit ito ng Germany sa mga kalaban nila.
10. Paano natupad ang Daniel 11:25b, 26?
10 Inihula rin ni Daniel ang mangyayari sa Imperyo ng Germany at sa puwersang militar nito. Sinabi sa hula na ang hari ng hilaga ay “hindi . . . makatatayo.” Bakit? “Dahil magpaplano sila ng masama laban sa kaniya. At pababagsakin siya ng mga kumakain ng masasarap na pagkain niya.” (Dan. 11:25b, 26a) Noong panahon ni Daniel, kasama sa kumakain ng ‘pagkain ng hari’ ang mga opisyal na ‘naglilingkod sa hari.’ (Dan. 1:5) Kanino tumutukoy ang hulang ito? Tumutukoy ito sa matataas na opisyal ng Imperyo ng Germany—kasama na ang mga heneral at tagapayo ng emperador—na tumulong para pabagsakin ito.e Bukod sa pagbagsak ng imperyo, binanggit din sa hula ang magiging resulta ng pakikipagdigma nito sa hari ng timog. Tungkol sa hari ng hilaga, sinasabi nito: “Matatalo ang hukbo niya, at marami ang mamamatay.” (Dan. 11:26b) Noong unang digmaang pandaigdig, ‘natalo’ nga ang Germany at ‘marami ang namatay.’ Ang digmaang iyan ang napaulat na may pinakamaraming namatay kumpara sa ibang digmaan noon.
11. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga at ng hari ng timog?
11 Inilarawan sa Daniel 11:27, 28 ang mangyayari bago ang unang digmaang pandaigdig. Sinasabi nito na ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay “uupo . . . sa iisang mesa at magsisinungaling sa isa’t isa.” Sinasabi rin nito na ang hari ng hilaga ay magkakamal ng “napakaraming pag-aari.” At iyan nga ang nangyari. Sinabi ng Germany at Britain sa isa’t isa na gusto nila ng kapayapaan. Pero napatunayang nagsisinungaling sila nang sumiklab ang digmaan noong 1914. At pagdating ng 1914, Germany na ang ikalawang pinakamayamang bansa sa mundo. Bukod diyan, bilang katuparan ng Daniel 11:29 at ng unang bahagi ng talata 30, nakipaglaban ang Germany sa hari ng timog pero natalo ito.
NILABANAN NG DALAWANG HARI ANG BAYAN NG DIYOS
12. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga at ng hari ng timog noong unang digmaang pandaigdig?
12 Mula 1914, tumindi ang pakikipaglaban ng dalawang haring ito sa isa’t isa at sa bayan ng Diyos. Halimbawa, noong unang digmaang pandaigdig, inusig ng Germany at Britain ang mga lingkod ng Diyos na tumangging sumali sa digmaan. Ipinakulong naman ng United States ang mga nangunguna sa gawaing pangangaral. Ang pag-uusig na ito ay katuparan ng hula sa Apocalipsis 11:7-10.
13. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga noong dekada ’30 at noong ikalawang digmaang pandaigdig?
13 Pagkatapos, noong dekada ’30 at lalo na noong ikalawang digmaang pandaigdig, walang awang sinalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos. Nang makontrol ng mga Nazi ang Germany, ipinagbawal ni Hitler at ng mga tagasunod niya ang gawain ng mga lingkod ng Diyos. Daan-daang lingkod ni Jehova ang pinatay at libo-libo ang ipinadala sa mga kampong piitan. Inihula ni Daniel ang mga ito. Nang ipagbawal ng hari ng hilaga ang pangangaral, ‘nilapastangan niya ang santuwaryo’ at ‘inalis ang regular na handog.’ (Dan. 11:30b, 31a) Nangako pa nga ang lider nitong si Hitler na uubusin niya ang mga lingkod ng Diyos sa Germany.
ANG BAGONG HARI NG HILAGA
14. Sino ang naging hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig? Ipaliwanag.
14 Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, naging hari ng hilaga ang Komunistang gobyerno ng Soviet Union nang makontrol nito ang malaking teritoryong sakop ng Germany. Gaya ng mahigpit na gobyerno ng Nazi, pinag-usig din ng Soviet Union ang sinumang mas nagpapahalaga sa pagsamba sa tunay na Diyos kaysa sa pagsunod sa gobyerno.
15. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig?
15 Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang bayan ng Diyos ay sinalakay ng bagong hari ng hilaga—ang Soviet Union at ang mga kaalyado nito. Kaayon ng hula sa Apocalipsis 12:15-17, ipinagbawal ng haring ito ang pangangaral at ipinatapon ang libo-libong lingkod ni Jehova. Ang totoo, sa mga huling araw, ang hari ng hilaga ay nagbuhos ng “ilog” ng pag-uusig para patigilin ang gawain ng bayan ng Diyos, pero hindi siya nagtagumpay.f
16. Paano tinupad ng Soviet Union ang Daniel 11:37-39?
16 Basahin ang Daniel 11:37-39. Bilang katuparan ng hulang iyan, ‘hindi iginalang ng hari ng hilaga ang Diyos ng kaniyang mga ama.’ Paano? Gustong alisin ng Soviet Union ang mga relihiyon, kaya sinubukan nitong tanggalan ng kapangyarihan ang mga ito. Noon pa mang 1918, naglabas na ng utos ang gobyerno ng Soviet na naging dahilan para maituro sa mga paaralan ang ateismo. Paano naman masasabing ‘niluwalhati ng hari ng hilaga ang diyos ng mga tanggulan’? Gumastos nang malaki ang Soviet Union para sa pagpapalakas ng puwersang militar nito at paggawa ng libo-libong sandatang nuklear. Sa bandang huli, nakaipon ng sapat na sandata ang hari ng hilaga at ang hari ng timog para patayin ang bilyon-bilyong tao!
NAGTULUNGAN ANG DALAWANG MAGKALABANG HARI
17. Ano ang “kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang”?
17 Nagkasundo ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sa isang bagay—‘ipinuwesto nila ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.’ (Dan. 11:31) Ang “kasuklam-suklam na bagay” na iyon ay ang United Nations.
18. Bakit inilarawan ang United Nations bilang “kasuklam-suklam na bagay”?
18 Inilarawan ang United Nations bilang “kasuklam-suklam na bagay” dahil inaangkin nito na kaya nitong gawing payapa ang buong mundo, isang bagay na Kaharian lang ng Diyos ang makakagawa. Sinabi rin ng hula na ang kasuklam-suklam na bagay ay “dahilan ng pagkatiwangwang” dahil aatakihin at wawasakin ng United Nations ang lahat ng huwad na relihiyon.—Tingnan ang chart na “Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas.”
BAKIT KAILANGAN NATING MALAMAN ANG IMPORMASYONG ITO?
19-20. (a) Bakit kailangan nating malaman ang impormasyong ito? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
19 Kailangan nating malaman ang impormasyong ito dahil pinapatunayan nitong natupad ang hula ni Daniel tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog mula 1870 hanggang 1991. Kaya makakapagtiwala tayong matutupad din ang natitirang bahagi ng hulang ito.
20 Noong 1991, bumagsak ang Soviet Union. Kaya sino na ang hari ng hilaga ngayon? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas
a Nakikita natin ang ebidensiyang patuloy na natutupad ang hula ni Daniel tungkol sa “hari ng hilaga” at sa “hari ng timog.” Bakit tayo nakakasiguro? At bakit natin kailangang maintindihan ang mga detalye ng hulang ito?
b Dahil dito, parang hindi na angkop sabihing naging “hari ng hilaga” ang Romanong emperador na si Aurelian (270-275 C.E.) o naging “hari ng timog” si Reyna Zenobia (267-272 C.E.). Pagbabago ito sa unawa natin na mababasa sa kabanata 13 at 14 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
c Tingnan ang kahong “Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano sa mga Hula sa Bibliya.”
d Noong 1890, inalis ni Haring Wilhelm II ang kapangyarihan ni Bismarck.
e Marami silang ginawa para mapabilis ang pagbagsak ng imperyo. Halimbawa, hindi na nila sinuportahan ang hari, ibinunyag ang lihim na impormasyon tungkol sa pakikipagdigma, at pilit na pinababa sa puwesto ang hari.
f Gaya ng ipinapakita sa Daniel 11:34, sandaling itinigil ng hari ng hilaga ang pang-uusig sa mga Kristiyano. Halimbawa, nangyari ito nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991.