Isinisiwalat ni Jehova ang “Kailangang Maganap sa Di-kalaunan”
“Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.”—APOC. 1:1.
1, 2. (a) Paano nakatutulong sa atin ang mga hula nina Daniel at Juan? (b) Sa ano kumakatawan ang unang anim na ulo ng mabangis na hayop?
TINUTULUNGAN tayo ng mga hula nina Daniel at Juan na maunawaan ang kahulugan ng mga nangyayari at mangyayari sa daigdig. Ano ang matututuhan natin kung paghahambing-hambingin natin ang pangitain ni Juan hinggil sa mabangis na hayop, ang ulat ni Daniel hinggil sa nakatatakot na hayop na may sampung sungay, at ang pagpapakahulugan ni Daniel sa pagkalaki-laking imahen? Paano ito dapat makaapekto sa atin?
2 Talakayin natin ang pangitain ni Juan hinggil sa mabangis na hayop. (Apoc., kab. 13) Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang unang anim na ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Lahat ng ito ay napoot sa binhi ng babae. (Gen. 3:15) Ang Roma, na ikaanim na ulo, ay nanatiling makapangyarihan maraming siglo matapos isulat ni Juan ang kaniyang pangitain. Pero ang Roma ay hahalinhan ng kapangyarihang pandaigdig na isinasagisag ng ikapitong ulo. Ano ito, at paano ito makikitungo sa binhi ng babae?
NAGING MAKAPANGYARIHAN ANG BRITANYA AT ANG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA
3. Sa ano kumakatawan ang nakatatakot na hayop na may sampung sungay, at ano ang inilalarawan ng sampung sungay?
3 Malalaman natin kung saan tumutukoy ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop ng Apocalipsis kabanata 13 kung paghahambingin natin ang pangitain ni Juan at ang pangitain ni Daniel hinggil sa isang nakatatakot na hayop na may sampung sungay.a (Basahin ang Daniel 7:7, 8, 23, 24.) Ang hayop na nakita ni Daniel ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma. (Tingnan ang tsart sa pahina 12-13.) Noong ikalimang siglo C.E., nagsimulang magkawatak-watak ang Imperyo ng Roma. Ang sampung sungay na tumubo sa ulo ng nakatatakot na hayop na iyon ay kumakatawan sa mga kahariang nagmula sa imperyong iyon.
4, 5. (a) Ano ang ginawa ng maliit na sungay? (b) Saan kumakatawan ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop?
4 Apat sa mga sungay, o kaharian, na tumubo sa ulo ng mabangis na hayop, ang binigyan ng pantanging pansin. Tatlo ang nabunot dahil sa pagsulpot ng “isa pang sungay, na maliit.” Natupad ang hulang ito nang maging prominente ang Britanya, na dating himpilan ng Imperyo ng Roma. Bago ang ika-17 siglo, hindi gaanong makapangyarihan ang Britanya. Mas maimpluwensiya pa rito ang tatlong ibang rehiyon ng sinaunang Imperyo ng Roma—ang Espanya, Netherlands, at Pransiya. Isa-isang binunot ng Britanya ang mga kapangyarihang iyon, anupat inalis sila sa kanilang katanyagan. Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-18 siglo, ang Britanya ay nagsimula nang maging makapangyarihan sa daigdig. Pero nang panahong iyon, hindi pa ito ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop.
5 Bagaman nangibabaw ang Britanya, ang mga kolonya nito sa Hilagang Amerika ay tumiwalag. Pero ang Estados Unidos ay pinahintulutang lumakas, at pinrotektahan ito ng kapangyarihang pandagat ng Britanya. Nang magsimula ang araw ng Panginoon noong 1914, ang Britanya ang naging pinakamalaking imperyo sa kasaysayan at ang Estados Unidos naman ang pinakamakapangyarihan pagdating sa komersiyo.b Noong Digmaang Pandaigdig I, ang Estados Unidos ay nagkaroon ng espesyal na alyansa sa Britanya. Lumitaw na ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop bilang ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Paano pinakitunguhan ng ulong ito ang binhi ng babae?
6. Paano pinakitunguhan ng ikapitong ulo ang bayan ng Diyos?
6 Sa pasimula pa lamang ng araw ng Panginoon, sinalakay na ng ikapitong ulo ang bayan ng Diyos—ang nalalabing mga kapatid ni Kristo sa lupa. (Mat. 25:40) Ipinahiwatig ni Jesus na sa kaniyang pagkanaririto, isang nalabi ng binhi ang magiging aktibo sa lupa. (Mat. 24:45-47; Gal. 3:26-29) Nakipagdigma ang Anglo-Amerika sa mga banal na ito. (Apoc. 13:3, 7) Noong Digmaang Pandaigdig I, siniil nito ang bayan ng Diyos, ipinagbawal ang ilan sa kanilang literatura, at ibinilanggo ang mga kinatawan ng uring tapat na alipin. Sa loob ng ilang panahon, halos napatigil ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop ang gawaing pangangaral. Patiunang nakita ni Jehova ang pangyayaring ito at isiniwalat niya ito kay Juan. Sinabi rin ng Diyos kay Juan na ang pangalawahing bahagi ng binhi ay muling pasisiglahin para sa higit pang espirituwal na gawain. (Apoc. 11:3, 7-11) Ipinakikita ng makabagong-panahong kasaysayan ng mga lingkod ni Jehova na nangyari nga ang mga ito.
ANG KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG NA ANGLO-AMERIKANO AT ANG MGA PAANG BAKAL AT LUWAD
7. Ano ang kaugnayan ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop at ng pagkalaki-laking imahen?
7 Ano ang kaugnayan ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop at ng pagkalaki-laking imahen? Ang Britanya—at kung palalawakin, pati ang Estados Unidos—ay nagmula sa Imperyo ng Roma. Ano ang sinasabi tungkol sa mga paa ng imahen? Inilalarawan ang mga ito bilang pinaghalong bakal at luwad. (Basahin ang Daniel 2:41-43.) Ang deskripsiyong ito ay tumutukoy sa panahon kapag naging prominente ang ikapitong ulo—ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Kung paanong ang bakal na hinaluan ng luwad ay mas mahina kaysa sa purong bakal, ang Anglo-Amerika ay mas mahina rin kaysa sa kapangyarihang pinagmulan nito. Sa anong paraan?
8, 9. (a) Paano ipinakita ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig ang tulad-bakal na lakas nito? (b) Saan kumakatawan ang luwad sa paa ng imahen?
8 May mga panahong ipinakikita ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop ang tulad-bakal na katangian nito. Halimbawa, nagtagumpay ito noong Digmaang Pandaigdig I. Noong Digmaang Pandaigdig II, nakita rin ang kapangyarihan ng ikapitong ulo.c Pagkatapos ng digmaang iyon, paminsan-minsan ay ipinakikita pa rin ng ikapitong ulo ang tulad-bakal na mga katangian nito. Pero mula nang lumitaw ito, ang bakal ay nahaluan ng luwad.
9 Matagal nang sinisikap ng mga lingkod ni Jehova na maunawaan ang makasagisag na kahulugan ng mga paa ng imahen. Sinasabi ng Daniel 2:41 na ang pinaghalong bakal at luwad ay iisang “kaharian,” hindi marami. Kaya ang luwad ay kumakatawan sa mga elemento sa ilalim ng pamamahala ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, mga elementong nagpapahina rito kung ihahambing sa purong bakal na Imperyo ng Roma. Ang luwad ay tinukoy bilang “supling ng sangkatauhan”—ang karaniwang mga tao. (Dan. 2:43) Sa ilalim ng Anglo-Amerika, ang mga tao ay nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga kampanya para sa karapatang sibil, mga unyon, at kilusang militante. Pinahihina ng karaniwang mga tao ang tulad-bakal na lakas ng Anglo-Amerika. Bukod diyan, dahil sa nagkakasalungatang mga ideolohiya at mahihigpit na labanan sa eleksiyon, humina ang kapangyarihan maging ng kilaláng mga lider, anupat nahihirapan silang ipatupad ang kanilang mga patakaran. Inihula ni Daniel: “Ang kaharian ay magiging malakas nang bahagya at magiging marupok nang bahagya.”—Dan. 2:42; 2 Tim. 3:1-3.
10, 11. (a) Ano ang mangyayari sa “mga paa” ng imahen? (b) Ano ang masasabi natin tungkol sa bilang ng mga daliri sa paa ng imahen?
10 Ngayong ika-21 siglo, patuloy ang espesyal na alyansa ng Britanya at Estados Unidos, anupat kadalasa’y magkasama nilang hinaharap ang mga pangyayari sa daigdig. Ipinakikita ng mga hula hinggil sa pagkalaki-laking imahen at sa mabangis na hayop na wala nang kapangyarihang pandaigdig na hahalili sa Anglo-Amerika. At bagaman mas mahina ito kaysa sa kapangyarihang isinasagisag ng mga binting bakal, hindi ito kusang babagsak.
11 May pantanging kahulugan ba ang bilang ng mga daliri sa paa ng imahen? Pag-isipan ito: Sa ibang pangitain, bumanggit si Daniel ng espesipikong mga numero—halimbawa, ang bilang ng sungay sa ulo ng iba’t ibang hayop. May kahulugan ang mga bilang na iyon. Pero nang ilarawan niya ang imahen, hindi binanggit ni Daniel ang bilang ng mga daliri. Kaya walang pantanging kahulugan ang bilang ng mga daliri sa paa, kung paanong wala ring pantanging kahulugan ang bilang ng mga bisig, kamay, daliri, binti, at paa ng imahen. Pero espesipikong sinabi ni Daniel na ang mga daliri sa paa ng imahen ay gawa sa bakal at luwad. Batay sa kaniyang paglalarawan, masasabi natin na ang Anglo-Amerika ang kapangyarihang pandaigdig na nangingibabaw kapag ang “bato,” na kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, ay tumama sa mga paa ng imahen.—Dan. 2:45.
ANG ANGLO-AMERIKA AT ANG MABANGIS NA HAYOP NA MAY DALAWANG SUNGAY
12, 13. Saan kumakatawan ang mabangis na hayop na may dalawang sungay, at ano ang ginawa nito?
12 Bagaman ang Anglo-Amerika ay pinaghalong bakal at luwad, ipinakikita ng mga pangitaing ibinigay ni Jesus kay Juan na ang kapangyarihang ito ay patuloy na gaganap ng malaking papel sa mga huling araw. Paano? Nakita ni Juan sa pangitain ang isang mabangis na hayop na may dalawang sungay at nagsasalitang gaya ng isang dragon. Saan kumakatawan ang kakaibang hayop na ito? Mayroon itong dalawang sungay, kaya isa itong tambalang kapangyarihan. Nakikita ni Juan ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, pero sa naiibang papel nito.—Basahin ang Apocalipsis 13:11-15.
13 Itinataguyod ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ang paggawa ng isang larawan ng mabangis na hayop na may pitong ulo. Isinulat ni Juan na ang larawang ito ng mabangis na hayop ay lilitaw, maglalaho, at muling babangon. Ganiyan nga ang nangyari sa isang organisasyong itinaguyod ng Britanya at ng Estados Unidos, isang organisasyong may layuning pagkaisahin at katawanin ang mga kaharian sa daigdig.d Lumitaw ang organisasyong ito pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I at nakilala bilang Liga ng mga Bansa. Naglaho ito nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Noong digmaang iyon, ipinahayag ng bayan ng Diyos na ayon sa hula ng Apocalipsis, muling babangon ang larawan ng mabangis na hayop. At bumangon nga ito—bilang ang United Nations.—Apoc. 17:8.
14. Sa anong diwa “ikawalong hari” ang larawan ng mabangis na hayop?
14 Sinabi ni Juan na ang larawang ito ng mabangis na hayop ay “ikawalong hari.” Sa anong diwa? Hindi ito ikawalong ulo ng orihinal na mabangis na hayop, kundi larawan lamang ng mabangis na hayop na iyon. Ang kapangyarihan nito ay nagmumula sa mga bansang miyembro nito, lalo na sa pangunahing tagapagtaguyod nito, ang Anglo-Amerika. (Apoc. 17:10, 11) Pero tumanggap ito ng awtoridad na kumilos bilang hari at magsagawa ng espesipikong atas na magiging mitsa ng sunud-sunod na pangyayaring babago sa takbo ng kasaysayan.
LALAMUNIN NG LARAWAN NG MABANGIS NA HAYOP ANG PATUTOT
15, 16. Saan kumakatawan ang patutot, at ano ang nangyari sa mga sumusuporta sa kaniya?
15 Ayon kay Juan, isang makasagisag na patutot ang nakaupo at nagmamaniobra sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na larawan ng mabangis na hayop. Ang pangalan ng patutot ay “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 17:1-6) Angkop nga na ang patutot na ito ay kumakatawan sa lahat ng huwad na relihiyon, pangunahin na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sinusuportahan ng mga relihiyosong organisasyon ang larawan ng mabangis na hayop at sinisikap na impluwensiyahan ito.
16 Pero sa araw ng Panginoon, nakikita ng Babilonyang Dakila ang mabilis na pagkatuyo ng tubig na kinauupuan niya—ang mga taong sumusuporta sa kaniya. (Apoc. 16:12; 17:15) Halimbawa, nang unang lumitaw ang larawan ng mabangis na hayop, nangingibabaw sa mga bansa sa Kanluran ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan—ang maimpluwensiyang bahagi ng Babilonyang Dakila. Sa ngayon, nawala na ang paggalang at suporta ng masa sa mga simbahan at sa kanilang mga ministro. Sa katunayan, marami ang naniniwala na ang relihiyon ay nakadaragdag sa kaguluhan o nagiging sanhi mismo nito. Parami nang paraming militanteng grupo ng mga intelektuwal sa Kanluran ang nananawagan na wakasan na ang impluwensiya ng relihiyon sa lipunan.
17. Ano ang malapit nang mangyari sa huwad na relihiyon, at bakit?
17 Gayunman, hindi basta-basta maglalaho ang huwad na relihiyon. Ang patutot ay mananatiling maimpluwensiya, at sisikapin niyang mapasunod ang mga hari hanggang sa itanim ng Diyos ang isang ideya sa puso ng mga nasa kapangyarihan. (Basahin ang Apocalipsis 17:16, 17.) Malapit nang udyukan ni Jehova ang pulitikal na mga elemento ng sistema ni Satanas—kinakatawanan ng United Nations—na salakayin ang huwad na relihiyon. Wawasakin nila ang impluwensiya at kayamanan nito. Waring imposibleng mangyari ito noong nagdaang mga dekada. Pero ngayon, nanganganib nang mahulog ang patutot mula sa likod ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Gayunman, hindi siya dadausdos sa kinauupuan niya kundi biglang-bigla siyang babagsak.—Apoc. 18:7, 8, 15-19.
ANG KATAPUSAN NG MABABANGIS NA HAYOP
18. (a) Ano ang gagawin ng mabangis na hayop, at ano ang magiging resulta nito? (b) Ayon sa Daniel 2:44, anong mga kaharian ang wawasakin ng Kaharian ng Diyos? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.)
18 Matapos mawasak ang huwad na relihiyon, ang mabangis na hayop—ang pulitikal na kaayusan ni Satanas sa lupa—ay uudyukang sumalakay sa Kaharian ng Diyos. Pero dahil hindi nila maabot ang langit, ibubuhos ng mga hari sa lupa ang kanilang galit sa mga taong sumusuporta sa Kaharian ng Diyos. Tiyak ang kalalabasan. (Apoc. 16:13-16; 17:12-14) Inilalarawan ni Daniel ang mangyayari sa pangwakas na digmaan. (Basahin ang Daniel 2:44.) Ang mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, ang larawan nito, at ang mabangis na hayop na may dalawang sungay ay pupuksain.
19. Sa ano tayo makapagtitiwala, at ngayon na ang panahon para gawin ang ano?
19 Nabubuhay tayo sa panahon ng ikapitong ulo. Wala nang panibagong ulo na lilitaw sa mabangis na hayop bago ito puksain. Ang Anglo-Amerika ang siyang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig kapag nilipol ang huwad na relihiyon. Matutupad ang mga hula nina Daniel at Juan hanggang sa kaliit-liitang detalye. Makapagtitiwala tayong malapit nang maganap ang pagpuksa sa huwad na relihiyon at ang digmaan ng Armagedon. Patiunang isiniwalat ng Diyos ang mga detalyeng ito. Magbibigay-pansin ba tayo sa makahulang mga babala? (2 Ped. 1:19) Ngayon na ang panahon para pumanig kay Jehova at suportahan ang kaniyang Kaharian.—Apoc. 14:6, 7.
[Mga talababa]
a Sa Bibliya, ang bilang na sampu ay karaniwang sumasagisag sa isang kumpletong grupo—sa kasong ito, sa lahat ng kahariang nagmula sa Imperyo ng Roma.
b Umiiral na ang Imperyo ng Britanya at ang Estados Unidos noong ika-18 siglo. Pero ayon sa pangitain ni Juan, ang mga ito ay magiging isang tambalang kapangyarihang pandaigdig sa pagsisimula pa ng araw ng Panginoon. Ang mga pangitaing nakaulat sa Apocalipsis ay mga hula hinggil sa “araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Noon lamang Digmaang Pandaigdig I nagsimulang kumilos ang ikapitong ulo bilang tambalang kapangyarihang pandaigdig.
c Patiunang nakita ni Daniel ang gagawing pagpuksa ng haring ito sa digmaang iyon. Isinulat niya: “Sa kamangha-manghang [kakila-kilabot na] paraan ay manggigiba siya.” (Dan. 8:24) Halimbawa, walang kapantay ang panggigiba, o pagwasak, ng Estados Unidos nang magbagsak ito ng dalawang bomba atomika sa isang kaaway ng Anglo-Amerika.
d Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 240, 241, 253.
[Kahon sa pahina 17]
SAAN TUMUTUKOY ANG PANANALITANG “LAHAT NG MGA KAHARIANG ITO”?
Sinasabi ng hula sa Daniel 2:44 na “dudurugin . . . at wawakasan [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito.” Ang tinutukoy lang ng hulang ito ay ang mga kahariang inilalarawan ng iba’t ibang bahagi ng imahen.
Paano naman ang lahat ng iba pang pamahalaan ng tao? Sinasagot ito ng isang katulad na hula sa Apocalipsis. Ipinakikita ng hulang iyon na ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay titipunin laban kay Jehova sa “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apoc. 16:14; 19:19-21) Kaya hindi lang ang mga kahariang inilalarawan ng imahen ang mapupuksa sa Armagedon kundi ang lahat ng iba pang pamahalaan ng tao.