Ang Hula ni Daniel na mga Araw at ang Ating Pananampalataya
“Maligaya siyang naghihintay at dumating sa isang libo tatlong daan at tatlumpu’t limang araw!”—DANIEL 12:12.
1. Bakit marami ang hindi makasumpong ng tunay na kaligayahan, at sa ano iniuugnay ang tunay na kaligayahan?
BAWAT isa ay nagnanais lumigaya. Subalit, sa ngayon, kaunting-kaunti ang maligaya. Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat sa maling mga dako humahanap ng kaligayahan ang karamihan. Ang kaligayahan ay hinahanap sa mga bagay na gaya ng edukasyon, kayamanan, isang karera, o ang pagtatamo ng kapangyarihan. Ngunit, sa pambungad ng kaniyang Sermon sa Bundok, iniugnay ni Jesus ang kaligayahan sa pagiging palaisip ng isa sa espirituwal na pangangailangan, sa awa, kalinisan ng puso, at nahahawig na mga katangian. (Mateo 5:3-10) Ang uri ng kaligayahan na binabanggit ni Jesus ay tunay at walang-hanggan.
2. Ayon sa hula, ano ang aakay tungo sa kaligayahan sa panahon ng kawakasan, at anong mga tanong ang bumabangon tungkol dito?
2 Para sa pinahirang nalabi sa panahon ng kawakasan, ang kaligayahan ay kaugnay ng isang bagay na karagdagan. Sa aklat ni Daniel, ating mababasa: “Yumaon ka sa iyong mga lakad, Daniel, sapagkat ang mga salita ay inilihim at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Maligaya siyang naghihintay at dumating sa isang libo tatlong daan at tatlumpu’t limang araw!” (Daniel 12:9, 12) Anong yugto ng panahon ang saklaw nitong 1,335 araw? Bakit maligaya yaong mga nabubuhay sa nasasakupan ng panahong ito? Ito ba’y may kinalaman sa ating pananampalataya sa ngayon? Tayo’y matutulungan na masagot ang mga katanungang ito kung tayo’y babalik sa panahon nang isulat ni Daniel ang mga salitang ito, hindi nagtagal pagkatapos na makalaya ang Israel buhat sa pagkabihag sa Babilonya at sa ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia.—Daniel 10:1.
Isang Pagbabalik na Nagdadala ng Kaligayahan
3. Ano ang ginawa ni Haring Ciro na nagdulot ng malaking kaligayahan sa tapat na mga Judio noong 537 B.C.E., subalit anong pribilehiyo ang hindi ibinigay ni Ciro sa mga Judio?
3 Para sa mga Judio, ang paglaya buhat sa Babilonya ay isang okasyon para sa tunay na pagsasaya. Pagkatapos pagtiisan ng mga Judio ang halos 70 taon ng pagkakatapon, sila’y inanyayahan ni Cirong Dakila na bumalik sa Jerusalem upang muling itayo ang templo ni Jehova. (Ezra 1:1, 2) Yaong mga nagsitugon ay lumisan taglay ang mga dakilang pag-asa, anupat nakarating sila sa kanilang sariling bayan noong 537 B.C.E. Gayunman, sila’y hindi inanyayahan ni Ciro na isauli ang isang kaharian sa ilalim ng isang inapo ni Haring David.
4, 5. (a) Kailan ibinagsak ang paghahari ng angkan ni David? Bakit? (b) Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova na ang paghahari ng angkan ni David ay mapababalik?
4 Iyan ay makahulugan. Mga limang siglo ang aga, pinangakuan ni Jehova si David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tunay na magiging matiwasay magpakailanman; at ang iyo mismong trono ay mapapatatag magpakailanman.” (2 Samuel 7:16) Nakalulungkot, karamihan ng maharlikang mga inapo ni David ay naging mapaghimagsik, at ang pagkakasala ng bansa laban sa dugo ay naging totoong malubha kung kaya noong 607 B.C.E., pinahintulutan ni Jehova na maibagsak ang mga hari sa angkan ni David. Maliban sa isang maikling yugto ng panahon sa ilalim ng mga Macabeo, ang Jerusalem ay sumailalim ng pananakop ng mga banyaga mula noon hanggang sa ikalawang pagkawasak nito noong 70 C.E. Sa gayon, noong 537 B.C.E., “ang itinakdang panahon sa mga bansa,” ay magaganap na walang anak ni David na maghahari.—Lucas 21:24.
5 Gayunpaman, hindi nakalimutan ni Jehova ang kaniyang pangako kay David. Sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga pangitain at mga panaginip, kaniyang isiniwalat sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Daniel ang mga detalye ng mga pangyayari sa daigdig sa hinaharap na lalawig mula sa panahon ng pananakop sa daigdig ng Babilonya hanggang sa panahon na isang hari sa angkan ni David ang minsan pang maghahari sa isang kaharian ng bayan ni Jehova. Ang mga hulang ito, na nakasulat sa Daniel kabanata 2, 7, 8, at Dan 10-12, ay nagbigay-katiyakan sa tapat na mga Judio na, sa wakas, ang trono ni David ay tunay na “mapapatatag magpakailanman.” Tunay, ang ganiyang isiniwalat na katotohanan ay nagdala ng kaligayahan sa mga Judiong iyon na bumalik sa kanilang sariling bayan noong 537 B.C.E.!
6. Papaano natin nalalaman na ang ilan sa mga hula ni Daniel ay matutupad sa panahon natin?
6 Karamihan ng mga komentarista sa Bibliya ay nagsasabing natupad ang halos lahat ng mga hula ni Daniel bago isilang si Jesu-Kristo. Subalit maliwanag na hindi gayon. Sa Daniel 12:4, isang anghel ang nagsasabi kay Daniel: “Ilihim mo ang mga salita at tatakan ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang tatakbo nang paroo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay lalago.” Kung ang aklat ni Daniel ay maaalisan na ng tatak—lubusang maisisiwalat ang kahulugan nito—tangi lamang sa panahon ng kawakasan, tunay na ang ilan man lamang sa mga hula nito ay kailangang matupad sa yugto ng panahong iyon.—Tingnan ang Daniel 2:28; 8:17; 10:14.
7. (a) Kailan natapos ang itinakdang mga panahon sa mga bansa, at anong mahalagang tanong ang kailangang apurahang sagutin noon? (b) Sino yaong hindi “ang tapat at maingat na alipin”?
7 Noong 1914 ang itinakdang panahon sa mga bansa ay natapos, at ang panahon ng kawakasan para sa sanlibutang ito ay nagsimula. Ang Kaharian ni David ay napabalik, hindi sa makalupang Jerusalem, kundi sa paraang di-nakikita sa “mga alapaap ng langit.” (Daniel 7:13, 14) Nang panahong iyon, dahilan sa “ang mga pansirang damo” ng huwad na Kristiyanismo ay lumalago, ang kalagayan ng tunay na Kristiyanismo ay hindi malinaw—kahit na lamang sa mga mata ng tao. Gayunpaman, isang mahalagang tanong ang kailangang masagot: “Sino bang talaga ang tapat at maingat na alipin?” (Mateo 13:24-30; 24:45) Sino ang kakatawan sa lupa sa isinauling Kaharian ni David? Hindi ang likas na mga kapatid ni Daniel, ang mga Judio. Sila’y tinanggihan dahilan sa sila’y kulang ng pananampalataya at natisod sa Mesiyas. (Roma 9:31-33) Sa anumang paraan ang tapat na alipin ay hindi nasumpungan sa mga organisasyon ng Sangkakristiyanuhan! Ang kanilang balakyot na mga gawa ay nagpatunay na sila’y hindi kilalá ni Jesus. (Mateo 7:21-23) Kung gayon, sino iyon?
8. Sino ang napatunayang “ang tapat at maingat na alipin” sa panahon ng kawakasan? Papaano natin nalalaman?
8 Tiyak, iyon ay ang munting grupo ng pinahirang mga kapatid ni Jesus na noong 1914 ay nakilala bilang ang mga Estudyante ng Bibliya subalit buhat noong 1931 ay nakilala bilang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10) Sila lamang ang nagtanyag ng naisauling Kaharian sa angkan ni David. (Mateo 24:14) Sila lamang ang nanatiling hiwalay sa sanlibutan at dumakila sa pangalan ni Jehova. (Juan 17:6, 14) At sa kanila lamang natupad ang mga hula sa Bibliya tungkol sa bayan ng Diyos sa mga huling araw. Kabilang sa mga hulang ito ang sunud-sunod na makahulang mga yugto ng panahon na natatala sa Daniel kabanata 12 na kasali na roon ang 1,335 araw na magdadala ng kaligayahan.
Ang 1,260 Araw
9, 10. Anong mga pangyayari ang naganap sa “panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon” ng Daniel 7:25, at sa alin pang ibang mga talata binabanggit ang katulad na yugto ng panahon?
9 Sa Daniel 12:7, mababasa natin ang unang makahulang yugto ng panahon: “Iyon ay magiging sa isang takdang panahon, mga takdang panahon at kalahati ng isang panahon. At pagka kanilang natapos na mapagputul-putol ang kapangyarihan ng banal na bayan, lahat ng bagay na ito ay matatapos.”a Ang yugto ng panahon ding ito ay binabanggit sa Apocalipsis 11:3-6, na nagsasabing ang mga saksi ng Diyos ay mangangaral na nakadamit ng magagaspang na kayo sa loob ng tatlo at kalahating taon at pagkatapos ay papatayin. Muli, sa Daniel 7:25, ating mababasa: “Siya’y magsasalita ng mabibigat na pananalita laban sa Kataas-taasan, at siya’y patuloy na manliligalig sa mga banal ng Isang Kataas-taasan. At kaniyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan, at ang mga ito ay mabibigay sa kaniyang kamay sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon.”
10 Sa huling hulang ito, ang “siya” ay tumutukoy sa ikalimang kapangyarihang pandaigdig pasimula sa Babilonya. Ito ang “sungay, na munti,” na sa panahon ng paghawak nito ng kapangyarihan ang Anak ng tao ay tumatanggap ng “paghahari at karangalan at kaharian.” (Daniel 7:8, 14) Ang simbolikong sungay na ito, sa orihinal ay ang imperyo ng Britanya, ay nabuo noong unang digmaang pandaigdig upang maging ang Anglo-Amerikanong magkasanib na kapangyarihang pandaigdig, ngayo’y dominado ng Estados Unidos. Sa loob ng tatlo at kalahating panahon, o mga taon, ang kapangyarihang ito ay manliligalig sa mga banal at sisikaping baguhin ang mga panahon at kautusan. Sa wakas, ang mga banal ay ibibigay sa mga kamay nito.—Tingnan din ang Apocalipsis 13:5, 7.
11, 12. Anong mga pangyayari ang humantong sa pasimula ng 1,260 inihulang mga araw?
11 Papaano natupad ang lahat ng magkakatulad na hulang ito? Mga taon pa bago ng Digmaang Pandaigdig I, ang pinahirang mga kapatid ni Jesus ay nagbabala sa madla na magaganap sa 1914 ang katapusan ng itinakdang mga panahon sa mga bansa. Nang sumiklab ang digmaan, maliwanag na ang babala ay ipinagwalang-bahala. Ginamit ni Satanas ang kaniyang “mabangis na hayop,” ang pandaigdig na makapulitikang organisasyon na noon ay dominado ng Imperyo Britano, sa pagsisikap na “baguhin ang mga panahon at ang kautusan,” upang maipagpaliban ang panahon ng paghahari ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 13:1, 2) Siya ay nabigo. Ang Kaharian ng Diyos ay itinatag sa langit, anupat hindi maaabot ng tao.—Apocalipsis 12:1-3.
12 Para sa mga Estudyante ng Bibliya, ang digmaan ay nangahulugan ng isang panahon ng pagsubok. Magbuhat noong Enero 1914 sila’y nagpalabas na ng Photo-Drama of Creation, isang pagtatanghal tungkol sa Bibliya na tumawag-pansin sa mga hula ni Daniel. Nang tag-init ng taóng iyon sa Hilagang Hemispiro, sumiklab ang digmaan. Noong Oktubre, natapos ang itinakdang mga panahon. Sa pagtatapos ng taon, ang pinahirang nalabi ay umaasang may pag-uusig, gaya ng pinatutunayan ng bagay na ang taunang tekstong pinili para sa 1915 ay ang tanong ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Mangyayari bang inuman ninyo ang aking saro?” batay sa Mateo 20:22, King James Version.
13. Papaano nangaral ang mga Estudyante ng Bibliya na nakadamit ng magagaspang na kayo sa panahon ng 1,260 araw, at ano ang nangyari sa katapusan ng panahong iyan?
13 Sa gayon, mula Disyembre 1914, ang maliit na grupong ito ng mga saksi ay ‘nangaral na nakadamit ng magagaspang na kayo,’ mapakumbabang nagtitiis habang kanilang ibinabalita ang mga kahatulan ni Jehova. Marami ang nabigla, noong 1916, sa pagkamatay ni C. T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Sa paglaganap ng pagkahibang sa digmaan, sila ay napaharap sa dumaraming pananalansang. Ang ilan ay ibinilanggo. Ang mga indibiduwal, tulad nina Frank Platt sa Inglatera at Robert Clegg sa Canada, ay pinahirapan ng buhong na mga awtoridad. Sa wakas, noong Hunyo 21, 1918, si J. F. Rutherford, ang bagong pangulo, kasama ang mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay sinintensiyahan ng matagal na pagkabilanggo dahil sa maling paratang. Sa gayon, sa katapusan ng makahulang panahon, ang organisadong pangangaral sa madla ay pinatay ng “munting sungay.”—Daniel 7:8, King James Version.
14. Papaano nagbago ang mga bagay-bagay para sa pinahirang nalabi noong 1919 at pagkatapos?
14 Ang aklat ng Apocalipsis ay humula sa susunod na nangyari. Pagkatapos ng maikling panahon na pagkahinto—inihulang tatlo at kalahating araw na nakabulagtang patay sa lansangan—ang pinahirang nalabi ay nabuhay at muling naging aktibo. (Apocalipsis 11:11-13) Noong Marso 26, 1919, ang pangulo at mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society ay pinalaya, at nang dakong huli ay lubusang pinawalang-sala sa maling mga paratang sa kanila. Karaka-raka pagkatapos na sila’y makalaya, ang pinahirang nalabi ay nagsimulang muling mag-organisa para sa higit pang gawain. Kaya, bilang katuparan ng unang kaabahan ng Apocalipsis, sila’y umahon sa kalaliman ng pagkadi-aktibo tulad ng espirituwal na mga balang na may kasabay na makapal na usok, na nagpapahiwatig ng isang madilim na kinabukasan para sa huwad na relihiyon. (Apocalipsis 9:1-11) Noong sumunod na ilang taon, sila’y busog sa espirituwal at nakahanda para sa darating. Noong 1921, sila’y naglathala ng isang bagong aklat, The Harp of God, na dinisenyo para makatulong sa mga baguhan at mga anak upang matuto ng saligang mga katotohanan sa Bibliya. (Apocalipsis 12:6, 14) Lahat ng bagay na ito ay naganap sa loob ng isa pang mahalagang yugto ng panahon.
Ang 1,290 Araw
15. Papaano natin matatantiya ang pasimula ng 1,290 araw? Kailan natapos ang panahong ito?
15 Sinabi ng anghel kay Daniel: “Mula sa panahon na ang palaging handog na susunugin [“ang patuluyang hain,” talababa] ay aalisin at matatayo ang kasuklam-suklam na bagay na naninira, ay magkakaroon ng isang libo dalawang daan at siyamnapung araw.” (Daniel 12:11) Sa ilalim ng Kautusang Mosaico, “ang patuluyang hain” ay sinusunog sa dambana sa templo sa Jerusalem. Ang mga Kristiyano ay hindi naghahandog ng mga hain na susunugin, ngunit sila ay naghahandog ng isang espirituwal na patuluyang hain. Ito ang tinukoy ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labì na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15; ihambing ang Oseas 14:2.) Ang patuluyang haing ito ay inalis noong Hunyo 1918. Kung gayon, ano “ang kasuklam-suklam na bagay”—ang pangalawang bahagi na dapat hanapin? Iyon ay ang Liga ng mga Bansa, itinatag ng nagwaging mga bansa nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I.b Ito ay kasuklam-suklam sapagkat inilagay ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa lugar ng Kaharian ng Diyos, anupat kumakatawan ang Liga bilang tanging pag-asa ng tao ukol sa kapayapaan. Ang Liga ay iminungkahi noong Enero 1919. Kung tayo’y bibilang ng 1,290 araw (tatlong taon, pitong buwan) mula sa panahong iyon, sasapit tayo sa Setyembre 1922.
16. Sa katapusan ng 1,290 araw, papaano nahayag na ang pinahirang nalabi ay handa na sa paggawa?
16 Ano ang nangyari noon? Buweno, ang mga Estudyante ng Bibliya ay muling nanariwa ngayon, nakalaya sa Babilonyang Dakila, at handa nang sumalakay. (Apocalipsis 18:4) Sa isang kombensiyon na ginanap noong Setyembre 1922 sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., sinimulan nilang buong katapangang ihayag ang mga kahatulan ng Diyos sa Sangkakristiyanuhan. (Apocalipsis 8:7-12) Ang mga tibo ng mga balang ay tunay na nagsimula nang manakit! Ang lalong masakit, ang ikalawang kaabahan ng Apocalipsis ay nagsimula. Ang napakaraming mangangabayong Kristiyano—sa simula ay binubuo ng pinahirang nalabi at nang malaunan naragdagan ng malaking pulutong—ay dumaluyong sa lupa. (Apocalipsis 7:9; 9:13-19) Oo, ang katapusan ng 1,290 araw ay nagdala ng kagalakan sa bayan ng Diyos.c Subalit higit pa ang darating.
Ang 1,335 Araw
17. Kailan nagsimula at nagwakas ang 1,335 araw?
17 Ang Daniel 12:12 ay nagsasabi: “Maligaya siyang naghihintay at dumating sa isang libo tatlong daan at tatlumpu’t limang araw!” Ang 1,335 araw na ito, o tatlong taon, walo at kalahating buwan, ay maliwanag na nagsimula sa katapusan ng naunang yugto ng panahon. Kung bibilang mula Setyembre 1922, tayo’y papatak sa may katapusan ng tagsibol (Hilagang Hemispiro) ng 1926. Ano ba ang nangyari sa panahon ng 1,335 na mga araw na iyon?
18. Ano ang mga patotoo na noong 1922 ay may pagsulong pang kailangan?
18 Sa kabila ng makahulugang mga pangyayari noong 1922, maliwanag na ang ilan ay nananabik pa na tumingin sa nakalipas. Ang Studies in the Scriptures, akda ni C. T. Russell, ang siya pa ring saligang aralin. Gayundin, ang malawak ang sirkulasyon na bukletang Millions Now Living Will Never Die ay nagharap ng paniwala na noong 1925, ang mga layunin ng Diyos tungkol sa pagsasauli ng lupa sa pagka-Paraiso at ang pagkabuhay-muli ng sinaunang mga tapat ay magsisimulang maganap. Ang pagtitiis ng mga pinahiran ay waring halos tapos na. Gayunpaman, ang ilang umuugnay sa mga Estudyante ng Bibliya ay hindi nakadarama na kailangang maibahagi nila sa iba ang mabuting balita.
19, 20. (a) Papaano nagbago ang maraming bagay para sa bayan ng Diyos sa panahon ng 1,335 araw? (b) Anong mga pangyayari ang palatandaan ng katapusan ng 1,335-araw na yugto ng panahon, at ano ang ipinakita nito tungkol sa bayan ni Jehova?
19 Habang ang 1,335 araw ay nagaganap, lahat ng ito ay nagbago. Upang palakasin ang mga kapatid, nag-organisa ng regular na mga grupo sa pag-aaral ng The Watch Tower. Idiniin ang paglilingkuran sa larangan. Pasimula noong Mayo 1923, bawat isa ay inanyayahan na makibahagi sa paglilingkod sa larangan sa unang Martes ng bawat buwan, at naglaan ng panahon kung gitna-ng-sanlinggong pulong ng kongregasyon upang pasiglahin silang makibahagi sa gawaing ito. Noong Agosto 1923, sa isang asamblea sa Los Angeles, California, E.U.A., ipinakita na ang talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing ay matutupad bago sumapit ang Milenyong Paghahari. (Mateo 25:31-40) Pinasinayaan noong taóng 1924 ang himpilan ng radyo na WBBR, na ginamit upang isahimpapawid ang mabuting balita. Ang artikulong “Birth of the Nation” (Pagsilang ng Bansa) sa Marso 1, 1925, labas ng The Watch Tower ay nagbigay ng isang iniwastong pagkaunawa ng Apocalipsis kabanata 12. Sa wakas, wastong mauunawaan ng tapat na mga Kristiyano ang maligalig na mga pangyayari noong 1914-19.
20 Natapos ang taóng 1925, subalit hindi pa dumarating ang wakas! Magbuhat pa noong dekada ng 1870, ang mga Estudyante ng Bibliya ay naglilingkod na taglay sa isip ang isang petsa—una ay 1914, pagkatapos ay 1925. Ngayon, kanilang natalos na sila’y kailangang maglingkod hangga’t gusto ni Jehova. Ang Enero 1, 1926, labas ng The Watch Tower ay may palatandaang artikulo na “Sino ang Magpaparangal kay Jehova?” na itinatampok higit kailanman ang kahalagahan ng pangalan ng Diyos. At sa wakas, sa kombensiyon sa London, Inglatera, noong Mayo 1926, pinagtibay ang isang resolusyon na pinamagatang “Isang Patotoo sa mga Pinunò ng Daigdig.” Ito’y tuwirang nagbalita ng katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa dumarating na pagkapuksa ng sanlibutan ni Satanas. Sa kombensiyon ding iyan inilabas ang mabisang aklat na Deliverance, anupat naging ang una sa isang serye na hahalili sa Studies in the Scriptures. Nakatingin ngayon ang bayan ng Diyos sa unahan, hindi sa likuran. Natapos ang 1,335 araw.
21. Ano ang kahulugan para sa bayan ng Diyos noon ng pagtitiis sa 1,335-araw na yugto ng panahon, at ano ang kahulugan para sa atin ng katuparan ng hula tungkol sa yugto ng panahong ito?
21 Hindi gustong ibagay ng ilan ang kanilang sarili sa mga pangyayaring ito, subalit yaong mga nagtiis ay tunay na maliligaya. Isa pa, habang tayo’y lumilingon sa katuparan nitong makahulang mga yugto ng panahon, maligaya rin tayo sapagkat ang ating pagtitiwala ay napatitibay ng bagay na ang munting grupo ng pinahirang mga Kristiyano na nakatawid sa mga panahong iyon ang talagang tapat at maingat na alipin. Sa mga taon buhat noon, napakalaki ng isinulong ng organisasyon ni Jehova, subalit ang tapat at maingat na alipin pa rin ang nasa gitna nito, na pinapatnubayan ito. Anong laking kagalakan, kung gayon, na malaman na para sa pinahiran at sa ibang tupa, higit pang kaligayahan ang naghihintay sa kanila! Ito’y makikita habang ating isinasaalang-alang ang isa pa sa mga hula ni Daniel.
[Mga talababa]
a Para sa pagtalakay kung papaano ang kalkulasyon ng inihulang mga yugtong ito ng panahon, tingnan ang Our Incoming World Government—God’s Kingdom, kabanata 8, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang Hunyo 22, 1986, labas ng Gumising! pahina 19-23.
c Tingnan ang Enero 1, 1991, labas ng Ang Bantayan, pahina 12, at ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 132.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano natin nalalaman na ang ilan sa mga hula sa Daniel ay matutupad sa panahon natin?
◻ Bakit tayo makapagtitiwala na ang pinahirang nalabi ay “ang tapat at maingat na alipin”?
◻ Kailan nagsimula at nagwakas ang 1,260 araw?
◻ Anong kaginhawahan at pagsasauli sa dati ang dulot ng 1,290 araw sa pinahirang nalabi?
◻ Bakit maliligaya yaong mga nagtiis hanggang sa wakas ng 1,335 araw?
[Kahon sa pahina 11]
ANG HULA NI DANIEL NA MGA YUGTO NG PANAHON
1,260 araw:
Disyembre 1914 hanggang Hunyo 1918
1,290 araw:
Enero 1919 hanggang Setyembre 1922
1,335 araw:
Setyembre 1922 hanggang Mayo 1926
[Larawan sa pahina 8]
Buhat noong 1919 naging maliwanag na “ang tapat at maingat na alipin” ay ang pinahirang nalabi
[Larawan sa pahina 10]
Punong-tanggapan ng Liga ng mga Bansa sa Geneva, Switzerland
[Credit Line]
Larawan ng UN