Ikasiyam na Kabanata
Sino ang Mamamahala sa Daigdig?
1-3. Ilarawan ang panaginip at mga pangitain ni Daniel noong unang taon ng pamamahala ni Belsasar.
IBINABALIK tayo ngayon ng kapana-panabik na hula ni Daniel sa unang taon ni Haring Belsasar ng Babilonya. Matagal nang tapon si Daniel sa Babilonya, subalit hindi kailanman nag-urong-sulong ang kaniyang katapatan kay Jehova. Ngayong siya’y nasa mga edad 70 na, may nakita ang tapat na propeta na “isang panaginip at ng mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan.” At anong laking takot ang idinulot sa kaniya ng mga pangitaing ito!—Daniel 7:1, 15.
2 “Hayun!” ang bulalas ni Daniel. “Pinaaalimbukay ng apat na hangin ng langit ang malawak na dagat. At apat na ubod-laking hayop ang umaahon mula sa dagat, bawat isa ay kakaiba.” Pambihirang mga hayop ito! Ang una ay isang leon na may mga pakpak, at ang ikalawa ay gaya ng isang oso. Pagkatapos ay dumating ang isang leopardo na may apat na pakpak at apat na ulo! Ang ikaapat na hayop na may di-karaniwang lakas ay may malalaking ngiping bakal at sampung sungay. Mula sa sampung sungay nito ay sumulpot ang isang “maliit” na sungay na may “mga matang gaya ng mga mata ng tao” at “bibig na nagsasalita ng mararangyang bagay.”—Daniel 7:2-8.
3 Ang mga pangitain ni Daniel ngayon ay bumaling sa langit. Ang Sinauna sa mga Araw ay maluwalhating nakaluklok bilang Hukom sa makalangit na Korte. “May isang libong libu-libo na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.” Sa paggagawad ng hatol sa mga hayop, inalis niya ang pamamahala sa kanila at pinuksa ang ikaapat na hayop. Ang namamalaging pamamahala sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” ay ibinigay sa “isang gaya ng anak ng tao.”—Daniel 7:9-14.
4. (a) Kanino bumaling si Daniel ukol sa mapananaligang impormasyon? (b) Bakit mahalaga sa atin ang nakita at narinig ni Daniel nang gabing iyon?
4 “Kung tungkol sa akin,” sabi ni Daniel, “ang aking espiritu ay napighati sa loob dahil dito, at natakot ako sa mismong mga pangitain ng aking ulo.” Kaya humingi siya sa isang anghel “ng mapananaligang impormasyon tungkol sa lahat ng ito.” Ang anghel ay nagbigay nga sa kaniya ng “pakahulugan ng mga bagay.” (Daniel 7:15-28) Ang nakita at narinig ni Daniel nang gabing iyon ay may malaking kahalagahan sa atin, yamang binabalangkas nito ang panghinaharap na mga pangyayari sa daigdig hanggang sa ating panahon, kapag ibinigay na sa “isang gaya ng anak ng tao” ang pamamahala sa lahat ng “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika.” Sa tulong ng Salita at espiritu ng Diyos, mauunawaan din natin ang kahulugan ng makahulang mga pangitaing ito.a
APAT NA HAYOP ANG UMAHON SA DAGAT
5. Ano ang isinasagisag ng dagat na hinihipan ng hangin?
5 “Apat na ubod-laking hayop ang umaahon mula sa dagat,” ang sabi ni Daniel. (Daniel 7:3) Ano ang isinasagisag ng dagat na hinihipan ng hangin? Pagkalipas ng mga taon, nakita ni apostol Juan ang isang mabangis na hayop na may pitong ulo na umaahon sa “dagat.” Ang dagat na iyan ay kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika”—ang malaking kalipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos. Kung gayon, ang dagat ay isang angkop na sagisag sa pulutong ng mga tao na napalayo sa Diyos.—Apocalipsis 13:1, 2; 17:15; Isaias 57:20.
6. Ano ang inilalarawan ng apat na hayop?
6 “Kung tungkol sa ubod-laking mga hayop na ito,” sabi ng anghel ng Diyos, “sapagkat apat sila, may apat na hari na tatayo mula sa lupa.” (Daniel 7:17) Maliwanag na ipinakilala ng anghel na ang apat na hayop na nakita ni Daniel ay “apat na hari.” Kaya ang mga hayop na ito ay nangangahulugan ng mga kapangyarihang pandaigdig. Ngunit alin-alin sa mga ito?
7. (a) Ano ang sinasabi ng ilang tagapagpaliwanag ng Bibliya hinggil sa panaginip at pangitain ni Daniel tungkol sa apat na hayop at sa panaginip ni Haring Nabucodonosor tungkol sa pagkalaki-laking imahen? (b) Ano ang kinakatawan ng bawat isa sa apat na metal na bahagi ng imahen?
7 Karaniwan nang iniuugnay ng mga tagapagpaliwanag ng Bibliya ang panaginip at pangitain ni Daniel tungkol sa apat na hayop sa panaginip ni Nabucodonosor tungkol sa isang pagkalaki-laking imahen. Halimbawa, ang The Expositor’s Bible Commentary ay nagsasabi: “Ang kabanata 7 [ng Daniel] ay katulad ng kabanata 2.” Ang The Wycliffe Bible Commentary ay nagsasabi: “Karaniwan nang sinasang-ayunan na ang sunud-sunod na apat na pamamahalang Gentil . . . ay kapareho rin dito [sa Daniel kabanata 7] sa mga tinutukoy naman sa [Daniel] kabanata 2.” Ang apat na kapangyarihang pandaigdig na kinakatawan ng apat na metal sa panaginip ni Nabucodonosor ay ang Imperyo ng Babilonya (ulong ginto), Medo-Persia (mga dibdib at mga bisig na pilak), Gresya (tiyan at mga hitang tanso), at ang Imperyo ng Roma (mga binting bakal).b (Daniel 2:32, 33) Tingnan natin kung paanong ang mga kahariang ito ay nakakatulad ng apat na ubod-laking mga hayop na nakita ni Daniel.
SIMBANGIS NG LEON, SIMBILIS NG AGILA
8. (a) Paano inilarawan ni Daniel ang unang hayop? (b) Anong imperyo ang kinakatawan ng unang hayop, at paano ito kumikilos na gaya ng isang leon?
8 Kagila-gilalas na mga hayop ang nakita ni Daniel! Bilang paglalarawan sa isa, sinabi niya: “Ang una ay gaya ng isang leon, at iyon ay may mga pakpak ng agila. Patuloy akong nagmasid hanggang sa ang mga pakpak niyaon ay mabunot, at iyon ay itinaas mula sa lupa at pinatindig sa dalawang paa na gaya ng isang tao, at iyon ay binigyan ng puso ng tao.” (Daniel 7:4) Ang hayop na ito ay lumalarawan doon din sa pamamahala na kinakatawan ng ulong ginto sa pagkalaki-laking imahen, ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya (607-539 B.C.E.). Gaya ng isang maninilang “leon,” may kabangisang sinila ng Babilonya ang mga bansa, lakip na ang bayan ng Diyos. (Jeremias 4:5-7; 50:17) Wari bang may taglay itong mga pakpak ng isang agila, ang “leon” na ito ay mabilis na humayo sa agresibong pananakop.—Panaghoy 4:19; Habakuk 1:6-8.
9. Anong mga pagbabago ang dinanas ng hayop na tulad-leon, at paano nakaapekto sa kaniya ang mga ito?
9 Nang maglaon, ang pambihirang leong may pakpak ay nabunutan ng mga pakpak. Nang malapit ng matapos ang pamamahala ni Haring Belsasar, naiwala ng Babilonya ang bilis ng pananakop at ang tulad-leong pangingibabaw nito sa mga bansa. Hindi na ito tutulin pa sa isang taong naglalakad. Yamang binigyan “ng puso ng isang tao,” ito ay humina. Palibhasa’y wala nang “puso ng leon,” ang Babilonya ay hindi na makakilos na gaya ng hari “sa gitna ng mga hayop sa kagubatan.” (Ihambing ang 2 Samuel 17:10; Mikas 5:8.) Isa pang ubod-laking hayop ang lumupig dito.
MATAKAW GAYA NG ISANG OSO
10. Anong linya ng mga tagapamahala ang isinagisag ng “oso”?
10 “Hayun!” ang sabi ni Daniel, “isa pang hayop, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. At iyon ay nakataas sa isang tagiliran, at may tatlong tadyang sa kaniyang bibig sa pagitan ng kaniyang mga ngipin; at ito ang sinasabi nila roon, ‘Bumangon ka, kumain ka ng maraming laman.’” (Daniel 7:5) Ang haring isinagisag ng “oso” ay siya ring kinakatawan ng mga dibdib at mga bisig na pilak ng malaking imahen—ang linya ng mga tagapamahala ng Medo-Persia (539–331 B.C.E.) pasimula kay Dario na Medo at Cirong Dakila at natatapos kay Dario III.
11. Ano ang kahulugan ng pagiging nakataas sa isang tagiliran ang makasagisag na oso at ang pagkakaroon ng tatlong tadyang sa bibig nito?
11 Ang makasagisag na oso ay “nakataas sa isang tagiliran,” marahil ay upang makapaghanda sa pagsalakay at paglupig sa mga bansa at mapanatili ang kapangyarihan niya sa daigdig. O ang posisyong ito ay maaaring sinadya upang ipakita na ang linya ng mga tagapamahala sa Persia ay magtatamo ng higit na kapangyarihan kaysa sa nagsosolong hari ng Medo, si Dario. Ang tatlong tadyang sa pagitan ng mga ngipin ng oso ay maaaring mangahulugan ng tatlong direksiyong doo’y isinulong nito ang kaniyang pananakop. Ang Medo-Persiang “oso” ay nagtungo sa hilaga upang sakupin ang Babilonya noong 539 B.C.E. Pagkatapos ay nagpakanluran ito patungong Asia Minor hanggang sa Thrace. Sa wakas, ang “oso” ay nagtungo sa timog upang lupigin ang Ehipto. Yamang ang bilang na tatlo kung minsan ay sumasagisag sa tindi, ang tatlong tadyang ay maaari ring magdiin sa kasakiman ng makasagisag na oso na makapanakop.
12. Ano ang naging bunga ng pagsunod ng makasagisag na oso sa utos na: “Bumangon ka, kumain ka ng maraming laman”?
12 Ang “oso” ay sumalakay sa mga bansa bilang pagtugon sa mga salitang: “Bumangon ka, kumain ka ng maraming laman.” Sa pamamagitan ng pagsila sa Babilonya alinsunod sa banal na kalooban, ang Medo-Persia ay nasa kalagayang gumanap ng isang mahalagang paglilingkod sa bayan ni Jehova. At ginawa niya ito! (Tingnan ang “Isang Mapagparayang Monarka,” sa pahina 149.) Sa pamamagitan nina Cirong Dakila, Dario I (Dariong Dakila), at ni Artajerjes I, pinalaya ng Medo-Persia ang mga bihag na Judio sa Babilonya at tinulungan silang maitayong muli ang templo ni Jehova at makumpuni ang mga pader ng Jerusalem. Nang maglaon, ang Medo-Persia ay namahala sa 127 hurisdiksiyonal na mga distrito, at ang asawa ni Reyna Esther, si Ahasuero (Jerjes I), ay naging “hari mula sa India hanggang sa Etiopia.” (Esther 1:1) Gayunpaman, ang pagbangon ng isa pang hayop ay malapit na.
SIMBILIS NG ISANG MAY PAKPAK NA LEOPARDO!
13. (a) Ano ang isinagisag ng ikatlong hayop? (b) Ano ang masasabi hinggil sa bilis ng ikatlong hayop at sa lupaing kaniyang nasasakupan?
13 Ang ikatlong hayop ay “gaya ng leopardo, ngunit iyon ay may apat na pakpak ng isang lumilipad na nilalang sa kaniyang likod. At ang hayop ay may apat na ulo, at iyon ay binigyan ng pamamahala.” (Daniel 7:6) Kagaya ng katumbas nito—ang tiyan at mga hitang tanso ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor—ang may apat-na-pakpak, apat-na-ulong leopardong ito ay sumagisag sa linya ng mga tagapamahalang taga-Macedonia, o taga-Gresya, pasimula kay Alejandrong Dakila. Taglay ang liksi at bilis ng isang leopardo, si Alejandro ay humayo sa buong Asia Minor, patimog tungo sa Ehipto, at umabot sa kanluraning hangganan ng India. (Ihambing ang Habakuk 1:8.) Ang kaniyang nasasakupan ay mas malaki kaysa niyaong sa “oso,” yamang saklaw nito ang Macedonia, Gresya, at ang Imperyo ng Persia.—Tingnan ang “Sinakop ng Isang Kabataang Hari ang Daigdig,” sa pahina 153.
14. Paano naging apat ang ulo ng “leopardo”?
14 Ang “leopardo” ay naging apat ang ulo pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C.E. Apat sa kaniyang mga heneral sa dakong huli ang naging mga kahalili niya sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang nasasakupan. Hinawakan ni Seleucus ang Mesopotamia at ang Sirya. Kinontrol ni Ptolemy ang Ehipto at ang Palestina. Si Lysimachus ang namahala sa Asia Minor at sa Thrace, at kinuha ni Cassander ang Macedonia at ang Gresya. (Tingnan ang “Hinati-hati ang Isang Napakalawak na Kaharian,” sa pahina 162.) Pagkatapos ay bumangon ang isang panibagong banta ng panganib.
ISANG NAKATATAKOT NA HAYOP ANG NAPATUNAYANG KAKAIBA
15. (a) Ilarawan ang ikaapat na hayop. (b) Ano ang isinagisag ng ikaapat na hayop, at paano nito niluray at nilamon ang lahat ng nasa landas nito?
15 Inilarawan ni Daniel ang ikaapat na hayop bilang “nakatatakot at kahila-hilakbot at may di-pangkaraniwang lakas.” Siya’y nagpatuloy: “At iyon ay may mga ngiping bakal, malalaki. Iyon ay nanlalamon at nanluluray, at anumang natitira ay niyuyurakan nito ng kaniyang mga paa. At iyon ay kakaiba sa lahat ng iba pang hayop na nauna sa kaniya, at iyon ay may sampung sungay.” (Daniel 7:7) Ang nakatatakot na hayop na ito ay nagpasimula bilang pulitikal at militar na kapangyarihan ng Roma. Unti-unti nitong sinakop ang apat na Helenistikong dibisyon ng Imperyo ng Gresya, at noong taóng 30 B.C.E., ang Roma ay lumitaw bilang ang sumunod na kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Dahil sa pagsupil sa lahat ng nasa landas nito sa pamamagitan ng puwersang militar, ang Imperyo ng Roma sa dakong huli ay lumaki upang masaklaw ang teritoryo mula sa British Isles pabagtas sa kalakhang bahagi ng Europa, sa buong palibot ng Mediterraneo, at lampas pa sa Babilonya hanggang sa Gulpo ng Persia.
16. Anong impormasyon ang ibinigay ng anghel tungkol sa ikaapat na hayop?
16 Sa pagnanais na matiyak ang tungkol sa “lubhang nakatatakot” na hayop na ito, si Daniel ay matamang nakinig habang nagpapaliwanag ang anghel: “Kung tungkol sa sampung sungay [nito], mula sa kahariang iyon ay may sampung hari na titindig; at isa pa rin ang titindig na kasunod nila, at siya nga ay magiging kakaiba sa mga nauna, at tatlong hari ang kaniyang ibababa.” (Daniel 7:19, 20, 24) Anu-ano itong “sampung sungay,” o “sampung hari”?
17. Ano ang isinasagisag ng “sampung sungay” ng ikaapat na hayop?
17 Habang ang Roma ay higit na yumayaman at higit na bumababa ang moralidad dahilan sa mahalay na pamumuhay ng uring namamahala nito, ito’y humina bilang isang kapangyarihang militar. Nang maglaon, ang paghina ng lakas militar ng Roma ay naging kapansin-pansin. Ang makapangyarihang imperyo sa wakas ay nagkawatak-watak sa maraming kaharian. Yamang kadalasang ginagamit ng Bibliya ang bilang na sampu upang mangahulugan ng kaganapan, ang “sampung sungay” ng ikaapat na hayop ay kumakatawan sa lahat ng kaharian na lumitaw dahil sa pagkawasak ng Roma.—Ihambing ang Deuteronomio 4:13; Lucas 15:8; 19:13, 16, 17.
18. Paanong ang Roma ay patuloy na nakapamahala sa Europa sa loob ng ilang siglo matapos alisin ang huling emperador nito?
18 Gayunpaman, ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma ay hindi nagwakas sa pag-aalis sa huling emperador nito sa Roma noong 476 C.E. Sa loob ng maraming siglo, ang papadong Roma ay nagpatuloy sa pangingibabaw nito sa pulitika, at lalo na sa relihiyon sa Europa. Isinagawa niya ito sa pamamagitan ng feudal system, na nangangahulugang ang karamihan sa mga mamamayan ng Europa ay nasa ilalim ng isang panginoon, at pagkatapos ay sa isang hari. At kinikilala ng lahat ng hari ang awtoridad ng papa. Kaya ang Banal na Imperyo ng Roma na ang pinakasentro ay ang papadong Roma ang kumontrol sa mga pangyayari sa daigdig sa loob ng mahabang yugto ng kasaysayan na tinawag na Madilim na Panahon.
19. Ayon sa isang istoryador, paano maihahambing ang Roma sa naunang mga imperyo?
19 Sino ang hindi sasang-ayon na ang ikaapat na hayop ay “kakaiba sa lahat ng iba pang kaharian”? (Daniel 7:7, 19, 23) Hinggil dito, ang istoryador na si H. G. Wells ay sumulat: “Ang bagong kapangyarihang ito ng Roma . . . ay kakaiba sa maraming paraan sa alinmang dakilang imperyo na namayani bago nito sa sibilisadong daigdig. . . . Sinaklaw [nito] ang halos lahat ng mga Griego sa daigdig, at ang populasyon nito ay hindi gaanong dominado ng Hamitiko at Semitiko kung ihahambing sa alinmang naunang imperyo . . . Noong panahong iyon ito’y isang bagong kalakaran sa kasaysayan . . . Ang Imperyo ng Roma ay unti-unting lumitaw, sa isang pambihira at di-isinaplanong paraan; hindi akalain ng mga Romano na sila’y nasasangkot sa isang napakalawak na pag-eeksperimento sa paraan ng pangangasiwa.” Gayunman, ang ikaapat na hayop ay lálakí pa nang higit.
NANGIBABAW ANG ISANG MALIIT NA SUNGAY
20. Ano ang sinabi ng anghel hinggil sa pagsulpot ng isang maliit na sungay sa ulo ng ikaapat na hayop?
20 “Patuloy kong pinag-isipan ang mga sungay,” sabi ni Daniel, “at, narito! isa pang sungay, na maliit, ang sumulpot sa gitna ng mga iyon, at ang tatlo sa unang mga sungay ay nabunot mula sa harap nito.” (Daniel 7:8) Hinggil sa pagsulpot na ito, sinabi ng anghel kay Daniel: “Isa pa rin ang titindig na kasunod nila [ang sampung hari], at siya nga ay magiging kakaiba sa mga nauna, at tatlong hari ang kaniyang ibababa.” (Daniel 7:24) Sino ang haring ito, kailan siya tumindig, at sino ang tatlong hari na kaniyang ibinaba?
21. Paanong ang Britanya ay naging ang makasagisag na maliit na sungay ng ikaapat na hayop?
21 Isaalang-alang ang sumunod na naganap na mga pangyayari. Noong 55 B.C.E., sinalakay ng Romanong heneral na si Julius Cesar ang Britannia subalit hindi nakapagtatag doon ng isang permanenteng kolonya. Noong 43 C.E., pinasimulan ni Emperador Claudio ang mas permanenteng pananakop sa timugang Britanya. Pagkatapos, noong 122 C.E., nagpasimulang magtayo si Emperador Hadrian ng isang pader mula sa Ilog Tyne hanggang sa Solway Firth, na siyang naging tanda ng hangganan sa hilaga ng Imperyo ng Roma. Maaga sa ikalimang siglo, ang mga hukbong Romano ay lumisan sa isla. “Noong ikalabing-anim na siglo,” paliwanag ng isang istoryador, “ang Inglatera ay naging isang segunda-manong kapangyarihan. Ang kayamanan nito ay kakaunti lamang kung ihahambing sa Netherlands. Ang populasyon nito ay mas kakaunti kung ihahambing sa Pransiya. Ang hukbong sandatahan nito (lakip na ang hukbong-dagat nito) ay mas mahina kaysa sa Espanya.” Maliwanag na ang Britanya noon ay isang di-gaanong mahalagang kaharian, na bumubuo sa makasagisag na maliit na sungay ng ikaapat na hayop. Subalit ito’y magbabago.
22. (a) Anong tatlo pang sungay ng ikaapat na hayop ang tinalo ng “maliit” na sungay? (b) Ang Britanya ay lumitaw pagkatapos nito bilang ano?
22 Noong 1588, inilunsad ni Felipe II ng Espanya ang Armada ng Kastila laban sa Britanya. Ang plotang ito ng 130 bapor, na may lulang mahigit sa 24,000 tauhan, ay naglayag sa English Channel, upang dumanas lamang ng pagkatalo sa hukbong-dagat ng Britanya at naging biktima ng pasalungat na mga hangin at nagngangalit na mga bagyo sa Atlantiko. Ang pangyayaring ito ay “naging tanda ng lubusang paglilipat ng pamamayani ng hukbong-dagat mula sa Espanya tungo sa Inglatera,” sabi ng isang istoryador. Noong ika-17 siglo, ang Olandes ay nagkaroon ng pinakamaraming barkong pangalakal. Gayunpaman, dahil sa pagdami ng mga kolonya sa ibayong-dagat, nangibabaw ang Britanya sa kahariang iyon. Noong ika-18 siglo, ang mga Britano at Pranses ay naglaban sa isa’t isa sa Hilagang Amerika at India, na humantong sa Kasunduan sa Paris noong 1763. Ang kasunduang ito, ayon sa awtor na si William B. Willcox, ay “kumilala sa bagong posisyon ng Britanya bilang pangunahing Europeong kapangyarihan sa daigdig na nasa labas pa ng Europa.” Ang pangingibabaw ng Britanya ay pinatunayan sa pamamagitan ng mapanlupig na tagumpay laban kay Napoléon ng Pransiya noong 1815 C.E. Ang “tatlong hari” na ‘ibinaba’ ng Britanya ay ang Espanya, ang Netherlands, at ang Pransiya. (Daniel 7:24) Bilang resulta nito, ang Britanya ay lumitaw bilang ang pinakamalaking kolonyal at komersiyal na kapangyarihan. Oo, ang “maliit” na sungay ay lumaki upang maging isang kapangyarihang pandaigdig!
23. Sa anong paraan ‘nilamon ang buong lupa’ ng makasagisag na maliit na sungay?
23 Sinabi ng anghel kay Daniel na ang ikaapat na hayop, o ang ikaapat na kaharian, ay ‘lalamon sa buong lupa.’ (Daniel 7:23) Ito’y napatunayang totoo sa Romanong lalawigan na dati’y kilala bilang ang Britannia. Ito sa wakas ay naging ang Imperyo ng Britanya at ‘lumamon sa buong lupa.’ May panahon na sinaklaw ng imperyong ito ang ikaapat na bahagi ng lupa at ikaapat na bahagi ng populasyon nito.
24. Ano ang sinabi ng isang istoryador hinggil sa pagiging kakaiba ng Imperyo ng Britanya?
24 Kung paanong naiiba ang Imperyo ng Roma sa dating mga kapangyarihang pandaigdig, ang hari na inilarawan ng “maliit” na sungay ay ‘magiging kakaiba rin sa mga nauna.’ (Daniel 7:24) Hinggil sa Imperyo ng Britanya, binanggit ng istoryador na si H. G. Wells: “Wala pang kagaya nito ang umiral kailanman. Ang una at pinakamahalaga sa buong sistema ay ang ‘republikang may monarka’ ng Nagkakaisang Kaharian ng Britanya . . . Walang nag-iisang tanggapan at nag-iisang utak ang makaiintindi sa ideya ng Imperyo ng Britanya sa kabuuan. Ito’y magkahalong paglawak at pagdami na ganap na naiiba sa anumang dating tinawag na isang imperyo.”
25. (a) Sa huling kayarian nito, ano ang bumubuo ng makasagisag na maliit na sungay? (b) Sa anong diwa ang “maliit” na sungay ay mayroong “mga matang gaya ng mga mata ng tao” at “isang bibig na nagsasalita ng mararangyang bagay”?
25 Marami pang bagay ang nasasangkot sa “maliit” na sungay kaysa sa Imperyo ng Britanya lamang. Noong 1783, kinilala ng Britanya ang kalayaan ng 13 kolonya nito sa Amerika. Ang Estados Unidos ng Amerika sa dakong huli ay naging kakampi ng Britanya, at lumitaw bilang siyang nangingibabaw na bansa sa lupa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Taglay pa rin nito ang matibay na kaugnayan sa Britanya hanggang ngayon. Ang pagsasanib ng Anglo-Amerikano bilang kapangyarihang pandaigdig ang bumubuo sa ‘sungay na may mga mata.’ Tunay, ang kapangyarihang pandaigdig na ito ay mapagmasid, at tuso! Ito’y “nagsasalita ng mararangyang bagay,” nagdidikta ng patakaran para sa kalakhang bahagi ng daigdig at kumikilos bilang tagapagsalita nito, o “huwad na propeta.”—Daniel 7:8, 11, 20; Apocalipsis 16:13; 19:20.
SINASALANSANG NG MALIIT NA SUNGAY ANG DIYOS AT ANG KANIYANG MGA BANAL
26. Ano ang inihula ng anghel hinggil sa pananalita ng makasagisag na sungay at ang gagawin nito kay Jehova at sa kaniyang mga lingkod?
26 Si Daniel ay nagpatuloy sa paglalarawan ng kaniyang pangitain, sa pagsasabing: “Patuloy akong nagmasid nang ang mismong sungay na iyon ay makipagdigma sa mga banal, at iyon ay nanaig laban sa kanila.” (Daniel 7:21) Hinggil sa “sungay,” o haring ito, inihula ng anghel ng Diyos: “Magsasalita siya ng mga salita laban sa Kataas-taasan, at patuluyan niyang liligaligin ang mga banal ng Kadaki-dakilaan. At iisipin niyang baguhin ang mga panahon at kautusan, at ibibigay sila sa kaniyang kamay sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahating panahon.” (Daniel 7:25) Paano at kailan natupad ang bahaging ito ng hula?
27. (a) Sino “ang mga banal” na pinag-usig ng “maliit” na sungay? (b) Paano hinangad ng makasagisag na sungay na “baguhin ang mga panahon at ang kautusan”?
27 Ang “mga banal” na pinag-usig ng “maliit” na sungay—ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano—ay ang mga pinahiran ng espiritu na mga tagasunod ni Jesus sa lupa. (Roma 1:7; 1 Pedro 2:9) Sa loob ng maraming taon bago ang Digmaang Pandaigdig I, ang nalabi ng mga pinahirang ito ay hayagang nagbabala na magaganap sa 1914 ang katapusan ng “itinakdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Nang sumiklab ang digmaan nang taóng iyon, maliwanag na hindi pinansin ng “maliit” na sungay ang babalang ito, yamang nagpatuloy ito sa panliligalig sa pinahirang “mga banal.” Sinalansang pa nga ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano ang kanilang mga pagsisikap na sundin ang kahilingan (o, “kautusan”) ni Jehova na maipangaral ng kaniyang mga saksi ang mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig. (Mateo 24:14) Kaya ang “maliit” na sungay ay nagtangkang “baguhin ang mga panahon at kautusan.”
28. Gaano kahaba ang “panahon, at mga panahon at kalahating panahon”?
28 Tinukoy ng anghel ni Jehova ang isang makahulang yugto ng “isang panahon, at mga panahon at kalahating panahon.” Gaano kahaba ito? Ang mga tagapagpaliwanag ng Bibliya sa pangkalahatan ay sumasang-ayon na ang pananalitang ito ay nangangahulugan ng tatlo’t kalahating panahon—ang kabuuan ng isang panahon, dalawang panahon, at kalahating panahon. Yamang ang “pitong panahon” ng pagkabaliw ni Nabucodonosor ay katumbas ng pitong taon, ang tatlo at kalahating panahon ay tatlo at kalahating taon.c (Daniel 4:16, 25) Ang An American Translation ay kababasahan ng: “Sila ay ibibigay sa kaniya sa loob ng isang taon, dalawang taon, at kalahati ng isang taon.” Ang salin ni James Moffatt ay nagsasabi: “Sa loob ng tatlong taon at kalahati ng isang taon.” Ang gayunding yugto ay binanggit sa Apocalipsis 11:2-7, na nagsasabing ang mga saksi ng Diyos ay mangangaral na nadaramtan ng telang-sako sa loob ng 42 buwan, o 1,260 araw, at pagkatapos ay papatayin. Kailan nagsimula at natapos ang yugtong ito ng panahon?
29. Kailan at paano nagsimula ang makahulang tatlo at kalahating taon?
29 Para sa mga pinahirang Kristiyano, ang Digmaang Pandaigdig I ay naging isang panahon ng pagsubok. Sa katapusan ng 1914, inaasahan nila ang pag-uusig. Sa katunayan, ang taunang teksto mismo na pinili para sa 1915 ay ang katanungan ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Maiinuman ba ninyo ang aking saro?” Ito’y salig sa Mateo 20:22, King James Version. Kaya, mula noong Disyembre 1914, ang maliit na grupo ng mga saksi ay nangaral na suot “ang telang-sako.”
30. Paano niligalig ang mga pinahirang Kristiyano ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano noong Digmaang Pandaigdig I?
30 Habang sumisidhi ang pagkahibang sa digmaan, ang mga pinahirang Kristiyano ay nakaranas ng parami nang paraming pagsalansang. Ang ilan sa kanila ay ibinilanggo. Ang mga indibiduwal, gaya ni Frank Platt ng Inglatera at Robert Clegg ng Canada, ay pinahirapan ng sadistang mga awtoridad. Noong Pebrero 12, 1918, ipinagbawal ng Britanong Pamahalaan ng Canada ang bago pa lamang kalalabas na ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures, na pinamagatang The Finished Mystery, at gayundin ang mga tract na pinamagatang The Bible Students Monthly. Nang sumunod na buwan, ipinahayag ng Department of Justice ng Estados Unidos na ang pamamahagi ng ikapitong tomo ay ilegal. Ang resulta? Aba, hinalughog ang mga tahanan, kinumpiska ang mga literatura, at inaresto ang mga sumasamba kay Jehova!
31. Kailan at paano nagwakas ang “panahon, at mga panahon at kalahating panahon”?
31 Ang panliligalig sa mga pinahiran ng Diyos ay umabot sa sukdulan noong Hunyo 21, 1918, nang ang presidente, si J. F. Rutherford, at ang mga prominenteng miyembro ng Watch Tower Bible and Tract Society ay hinatulan ng mahabang panahong pagkabilanggo salig sa maling mga paratang. Sa pagnanais na “baguhin ang mga panahon at kautusan,” sa wari ay napatay ng “maliit” na sungay ang organisadong gawaing pangangaral. (Apocalipsis 11:7) Kaya ang inihulang yugto na “isang panahon, at mga panahon at kalahating panahon” ay natapos noong Hunyo 1918.
32. Bakit mo masasabi na “ang mga banal” ay hindi napuksa ng “maliit” na sungay?
32 Subalit “ang mga banal” ay hindi napuksa sa pamamagitan ng panliligalig ng “maliit” na sungay. Gaya ng inihula sa aklat ng Apocalipsis, pagkatapos ng isang maikling yugto ng pagiging di-aktibo, ang pinahirang mga Kristiyano ay naging buháy at aktibong muli. (Apocalipsis 11:11-13) Noong Marso 26, 1919, ang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society at ang kaniyang mga kasama ay pinalaya sa bilangguan, at pagkatapos ay pinawalang-sala sila mula sa maling mga paratang sa kanila. Karaka-raka pagkatapos nito, ang pinahirang nalabi ay muling nag-organisa ukol sa higit pang gawain. Ano kung gayon ang mangyayari sa “maliit” na sungay?
ANG SINAUNA SA MGA ARAW AY HAHATOL
33. (a) Sino ang Sinauna sa mga Araw? (b) Anong ‘mga aklat ang nabuksan’ sa makalangit na Hukuman?
33 Pagkatapos na ipakilala ang apat na hayop, ibinaling ni Daniel ang kaniyang tingin mula sa ikaapat na hayop tungo sa isang eksena sa langit. Kaniyang nakita ang Sinauna sa mga Araw na nakaupo sa kaniyang maningning na trono bilang Hukom. Ang Sinauna sa mga Araw ay walang iba kundi ang Diyos na Jehova. (Awit 90:2) Nang umupo ang makalangit na Hukuman, nakita ni Daniel na ‘nabuksan ang mga aklat.’ (Daniel 7:9, 10) Yamang ang pag-iral ni Jehova ay umaabot sa walang hanggang nakaraan, kaniyang nalalaman ang buong kasaysayan ng sangkatauhan na para bang ito’y nakasulat sa isang aklat. Kaniyang minasdan ang lahat ng apat na makasagisag na hayop at siya’y makahahatol sa kanila salig sa kaniyang personal na nalalaman.
34, 35. Ano ang mangyayari sa “maliit” na sungay at sa iba pang makahayop na kapangyarihan?
34 Si Daniel ay nagpatuloy: “Patuloy akong nagmasid sa pagkakataong iyon dahil sa tinig ng mararangyang salita na sinasalita ng sungay; patuloy akong nagmasid hanggang sa ang hayop ay patayin at ang katawan nito ay puksain at ito ay ibigay sa nagniningas na apoy. Ngunit kung tungkol sa iba pang mga hayop, ang kanilang mga pamamahala ay inalis, at may pagpapahaba pa ng buhay na ibinigay sa kanila na isang panahon at isang kapanahunan.” (Daniel 7:11, 12) Sinabi ng anghel kay Daniel: “Ang Hukuman ay umupo, at ang kaniyang pamamahala ay inalis nila sa kalaunan, upang lipulin siya at puksain siya nang lubusan.”—Daniel 7:26.
35 Sa pamamagitan ng hatol ng Dakilang Hukom, ang Diyos na Jehova, ang sungay na namusong sa Diyos at nanligalig sa kaniyang “mga banal” ay makararanas ng gaya ng nangyari sa Imperyo ng Roma, na umusig sa unang mga Kristiyano. Ang pamamahala nito ay hindi magpapatuloy. Hindi rin magpapatuloy yaong mas mahinang tulad-sungay na “mga hari” na nagmula sa Imperyo ng Roma. Ngunit, kumusta naman ang tungkol sa mga pamamahalang nagmula sa naunang makahayop na mga kapangyarihan? Gaya ng inihula, ang kanilang buhay ay pinahaba “sa isang panahon at isang kapanahunan.” Ang kanilang teritoryo ay patuloy na pinananahanan hanggang sa ating kaarawan. Ang Iraq, bilang halimbawa, ay nakasasakop sa teritoryo ng sinaunang Babilonya. Ang Persia (Iran) at Gresya ay umiiral pa rin. Ang mga nalabi ng mga kapangyarihang pandaigdig na ito ay bahagi ng Nagkakaisang mga Bansa. Ang mga kahariang ito ay malilipol din kapag pinuksa na ang huling kapangyarihang pandaigdig. Ang lahat ng pamahalaan ng tao ay mapapawi sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Subalit, sino kung gayon ang mamamahala sa daigdig?
MALAPIT NA ANG NAMAMALAGING PAMAMAHALA!
36, 37. (a) Ang “isang gaya ng anak ng tao” ay tumutukoy kanino, at kailan at sa anong layunin lumitaw siya sa makalangit na Hukuman? (b) Ano ang naitatag noong 1914 C.E.?
36 “Patuloy akong nagmasid sa mga pangitain sa gabi, at, hayun!” ang bulalas ni Daniel. “Dumarating na kasama ng mga ulap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at sa Sinauna sa mga Araw ay nakaparoon siya, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon.” (Daniel 7:13) Nang nasa lupa, tinawag ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili na “ang Anak ng tao,” na nagpapahiwatig ng kaniyang pagiging kaanak ng sangkatauhan. (Mateo 16:13; 25:31) Sa Sanhedrin, o mataas na hukuman ng mga Judio, sinabi ni Jesus: “Makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanang kamay ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.” (Mateo 26:64) Kaya sa pangitain ni Daniel, ang isa na dumarating, hindi nakikita ng mga mata ng tao, at nakalalapit sa Diyos na Jehova ay ang binuhay at niluwalhating si Jesu-Kristo. Kailan ito naganap?
37 Kay Jesu-Kristo, ang Diyos ay gumawa ng isang tipan para sa isang Kaharian, kung paanong gumawa siya ng gaya nito kay Haring David. (2 Samuel 7:11-16; Lucas 22:28-30) Nang “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay magwakas noong 1914 C.E., may karapatan si Jesu-Kristo, bilang maharlikang tagapagmana ni David, na tanggapin ang pamamahala ng Kaharian. Ang makahulang ulat ni Daniel ay kababasahan: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:14) Kaya ang Mesiyanikong Kaharian ay itinatag sa langit noong 1914. Gayunman, ang pamamahala ay ibinibigay rin sa iba pa.
38, 39. Sino ang tatanggap ng walang-hanggang pamamahala sa daigdig?
38 “Tatanggapin ng mga banal ng Kadaki-dakilaan ang kaharian,” sabi ng anghel. (Daniel 7:18, 22, 27) Si Jesu-Kristo ang pinakapangunahing banal. (Gawa 3:14; 4:27, 30) Ang iba pang “mga banal” na may bahagi sa pamamahala ay ang 144,000 tapat na mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu, na mga tagapagmana ng Kaharian kasama ni Kristo. (Roma 1:7; 8:17; 2 Tesalonica 1:5; 1 Pedro 2:9) Sila’y binuhay-muli mula sa kamatayan bilang mga imortal na espiritu upang magharing kasama ni Kristo sa makalangit na Bundok ng Sion. (Apocalipsis 2:10; 14:1; 20:6) Kaya nga, si Kristo Jesus at ang binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano ang siyang mamamahala sa daigdig ng sangkatauhan.
39 Tungkol sa pamamahala ng Anak ng tao at ng iba pang binuhay-muling “mga banal,” ang anghel ng Diyos ay nagsabi: “Ang kaharian at ang pamamahala at ang karingalan ng mga kaharian sa silong ng buong langit ay ibinigay sa bayan na siyang mga banal ng Kadaki-dakilaan. Ang kanilang kaharian ay isang kahariang namamalagi nang walang takda, at ang lahat ng mga pamamahala ay maglilingkod at susunod sa kanila.” (Daniel 7:27) Kay laking pagpapala ang mararanasan ng masunuring sangkatauhan sa ilalim ng Kahariang iyan!
40. Paano tayo makikinabang sa pagbibigay-pansin sa panaginip at mga pangitain ni Daniel?
40 Walang kamalay-malay si Daniel sa lahat ng kamangha-manghang katuparan ng mga pangitaing ibinigay sa kaniya ng Diyos. Sinabi niya: “Hanggang dito ang wakas ng bagay. Kung tungkol sa akin, si Daniel, patuloy akong tinatakot nang labis-labis ng aking mga kaisipan, anupat ang aking pagmumukha ay nabago sa akin; ngunit ang bagay na ito ay iningatan ko sa aking puso.” (Daniel 7:28) Subalit tayo ay nabubuhay sa panahon na maaari nating maunawaan ang katuparan ng nakita ni Daniel. Ang pagbibigay-pansin sa hulang ito ay magpapalakas ng ating pananampalataya at magpapatibay sa ating pananalig na ang Mesiyanikong Hari ni Jehova ay mamamahala sa daigdig.
[Mga talababa]
a Ukol sa ikaliliwanag at upang maiwasan ang pag-uulit, ating pagsasamahin ang paliwanag sa mga bersikulo na masusumpungan sa Daniel 7:15-28 at ang bersikulo-por-bersikulong pagsasaalang-alang sa mga pangitaing nakaulat sa Daniel 7:1-14.
b Tingnan ang Kabanata 4 ng aklat na ito.
c Tingnan ang Kabanata 6 ng aklat na ito.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang isinagisag ng bawat isa sa ‘apat na ubod-laking hayop na umahon mula sa dagat’?
• Ano ang bumubuo sa “maliit” na sungay?
• Paanong “ang mga banal” ay niligalig ng makasagisag na maliit na sungay noong Digmaang Pandaigdig I?
• Ano ang mangyayari sa makasagisag na maliit na sungay at sa iba pang makahayop na kapangyarihan?
• Paano ka makikinabang sa pagbibigay-pansin sa panaginip at mga pangitain sa Daniel hinggil sa “apat na ubod-laking hayop”?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 149-152]
ISANG MAPAGPARAYANG MONARKA
ISANG manunulat na Griego noong ikalimang siglo B.C.E. ang nakaalaala sa kaniya bilang isang mapagparaya at ulirang monarka. Sa Bibliya siya’y tinawag na “pinahiran” ng Diyos at “isang ibong maninila” na “mula sa sikatan ng araw.” (Isaias 45:1; 46:11) Ang monarkang pinag-uusapan ay si Cirong Dakila, ng Persia.
Ang pagsulong ni Ciro tungo sa katanyagan ay nagsimula noong mga 560/559 B.C.E. nang palitan niya ang kaniyang amang si Cambyses I sa trono ng Anshan, isang lunsod o distrito ng sinaunang Persia. Ang Anshan noon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Haring Astyages ng Medo. Nang ito’y maghimagsik laban sa pamamahala ng Medo, madaling nagtagumpay si Ciro dahilan sa pagpanig sa kaniya ng hukbo ni Astyages. Pagkatapos nito, natamo ni Ciro ang katapatan ng mga Medo. Mula noon, ang mga Medo at Persiano ay magkasamang nakipagdigma sa ilalim ng kaniyang pangunguna. Kaya umiral ang pamamahala ng Medo-Persia anupat sumapit ang panahong pinalawak nito ang kaniyang nasasakupan mula sa Dagat Aegeano hanggang sa Ilog Indus.—Tingnan ang mapa.
Taglay ang magkasanib na puwersa ng mga Medo at Persiano, inuna ni Ciro na makontrol ang lugar na may paglalaban—ang kanluraning bahagi ng Media kung saan si Haring Croesus ng Lydia ay nagpapalawak ng kaniyang sakop hanggang sa teritoryo ng Medo. Sa pag-abante tungo sa silanganing hangganan ng Imperyo ng Lydia sa Asia Minor, tinalo ni Ciro si Croesus at nabihag ang kabisera nito, ang Sardis. Pagkatapos ay pinasuko ni Ciro ang mga lunsod ng Ionio at inilagay ang buong Asia Minor sa ilalim ng kapangyarihan ng Imperyo ng Medo-Persia. Sa gayon, siya’y naging pangunahing karibal ng Babilonya at ng hari nito, si Nabonido.
Pagkatapos nito ay naghanda si Ciro para sa pakikipagsagupaan sa makapangyarihang Babilonya. At mula noon, siya’y naging bahagi na ng katuparan ng hula sa Bibliya. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, halos dalawang siglo bago nito, tinawag ni Jehova si Ciro bilang ang tagapamahala na magpapabagsak sa Babilonya at magpapalaya sa mga Judio mula sa pagkabihag. Dahilan sa patiunang pag-aatas na ito kung kaya tinukoy si Ciro sa Kasulatan bilang “pinahiran” ni Jehova.—Isaias 44:26-28.
Nang lusubin ni Ciro ang Babilonya noong 539 B.C.E., siya’y napaharap sa isang mabigat na hamon. Palibhasa’y napalilibutan ng ubod-laking mga pader at ng malalim at malapad na kanal mula sa ilog Eufrates, ang lunsod ay waring di-mapapasok. Sa lugar na dinaraanan ng Eufrates papasok sa Babilonya, may tulad-bundok na pader na may ubod-laking pintong tanso na nakapalibot sa pampang ng ilog. Paano kaya makukubkob ni Ciro ang Babilonya?
Mahigit sa isang siglo bago nito, inihula na ni Jehova na ‘isang pagkawasak ang sasakaniyang tubig’ at sinabi niyang “ito ay tutuyuin.” (Jeremias 50:38) Bilang katuparan ng hula, inilihis ni Ciro ang mga tubig ng Ilog Eufrates nang ilang kilometro sa hilaga ng Babilonya. Pagkatapos ay lumusong ang kaniyang hukbo sa gitna ng ilog, umakyat sa dalisdis patungo sa pader, at madaling nakapasok sa lunsod sapagkat ang mga pintong tanso ay naiwang bukas. Gaya ng “isang ibong maninila” na mabilis na dumadagit sa kaniyang biktima, ang tagapamahalang ito na “mula sa sikatan ng araw”—buhat sa silangan—ay bumihag sa Babilonya sa isang gabi!
Para sa mga Judio na nasa Babilonya, ang tagumpay ni Ciro ay nangahulugan ng pagdating ng matagal nang hinihintay na kalayaan mula sa pagkabihag at ang katapusan ng 70-taóng pagkawasak ng kanilang lupang tinubuan. Malamang na kay laking kagalakan nila nang magpalabas si Ciro ng isang kapahayagang nagpapahintulot sa kanila na bumalik sa Jerusalem at itayong-muli ang templo! Ibinalik din sa kanila ni Ciro ang mahahalagang kagamitan na dinala ni Nabucodonosor sa Babilonya, nagbigay ng pahintulot na umangkat ng kahoy mula sa Lebanon, at nagpalabas ng mga pondo mula sa sambahayan ng hari upang gugulin sa pagtatayo.—Ezra 1:1-11; 6:3-5.
Sinunod ni Ciro sa pangkalahatan ang isang makatao at mapagparayang patakaran sa pakikitungo sa mga taong kaniyang nabihag. Ang isang dahilan marahil ng ganitong asal ay ang kaniyang relihiyon. Malamang, si Ciro ay nanghawakan sa mga turo ng Persianong propeta na si Zoroaster at sumamba kay Ahura Mazda—isang diyos na itinuturing nilang siyang maylalang ng lahat ng mabuti. Sa kaniyang aklat na The Zoroastrian Tradition, si Farhang Mehr ay sumulat: “Ipinakilala ni Zoroaster ang Diyos bilang moral na kasakdalan. Sinabi niya sa mga tao na si Ahura Mazda ay hindi mapaghiganti kundi makatuwiran at, kung gayon, hindi dapat katakutan kundi dapat ay mahalin.” Ang paniniwala sa isang diyos na mataas ang prinsipyo at makatuwiran ay maaaring nakaapekto sa tuntunin ng moralidad ni Ciro at nagpasigla sa kagandahang-loob at pagkamakatarungan.
Gayunpaman, hindi kayang tiisin ng hari ang klima sa Babilonya. Ang napakainit na tag-araw doon ay hindi niya mabata. Kaya bagaman ang Babilonya ay nanatiling isang maharlikang lunsod ng imperyo, at sentro rin ng relihiyon at kultura, ito’y karaniwang ginagamit lamang bilang kabisera niya kung taglamig. Sa katunayan, di-nagtagal matapos masakop ang Babilonya, si Ciro ay nagbalik sa kaniyang kabisera kung tag-araw, ang Ecbatana, na nasa mahigit na 1,900 metro ang taas sa dagat, sa paanan ng Bundok Alwand. Doon, ang panahon ng taglamig na natutumbasan ng kaaya-ayang tag-araw ang siyang gustung-gusto niya. Si Ciro ay nagtayo rin ng isang maringal na palasyo sa nauna niyang kabisera, sa Pasargadae (malapit sa Persepolis), 650 kilometro sa timog-silangan ng Ecbatana. Ang tirahan doon ay naging bakasyunan niya.
Si Ciro kung gayon ay natatandaan bilang isang matapang na mananakop at isang mapagparayang monarka. Ang kaniyang 30-taóng pamamahala ay nagtapos sa kaniyang kamatayan noong 530 B.C.E. samantalang siya’y nasa isang kampanyang militar. Ang kaniyang anak na si Cambyses II ang humalili sa kaniya sa trono ng Persia.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano naging “pinahiran” ni Jehova si Cirong Persiano?
• Anong mahalagang paglilingkod sa bayan ni Jehova ang ginawa ni Ciro?
• Paano pinakitunguhan ni Ciro ang mga taong kaniyang nasakop?
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
IMPERYO NG MEDO-PERSIA
MACEDONIA
Memphis
EHIPTO
ETIOPIA
Jerusalem
Babilonya
Ecbatana
Susa
Persepolis
INDIA
[Larawan]
Nitso ni Ciro, sa Pasargadae
[Larawan]
Bas-relief sa Pasargadae, na naglalarawan kay Ciro
[Kahon/Mga larawan sa pahina 153-161]
SINAKOP NG ISANG KABATAANG HARI ANG DAIGDIG
MGA 2,300 taon na ang nakararaan, isang heneral sa militar na may olandes na buhok na nasa mga edad 20 ang nakatayo sa baybayin ng Dagat Mediteraneo. Ang kaniyang mga mata ay nakapako sa isang islang-lunsod na may layong halos isang kilometro. Dahilan sa ayaw papasukin, ang galit-na-galit na heneral ay determinadong sakupin ang lunsod. Ano ang kaniyang plano sa pagsalakay? Magtayo ng isang pinakatulay patungo sa isla at pasalakayin ang kaniyang puwersa laban sa lunsod. Ang pagtatayo ng pinakatulay ay nagpasimula na.
Subalit isang mensahe mula sa dakilang hari ng Imperyo ng Persia ang umantala sa kabataang heneral. Sa pagsisikap na makipagpayapaan, ang tagapamahala ng Persia ay gumawa ng isang di-karaniwang alok: 10,000 talentong ginto (mahigit sa dalawang bilyong dolyar salig sa kasalukuyang halaga), pagpapakasal sa isa sa mga anak na babae ng hari, at pamamahala sa buong kanlurang bahagi ng Imperyo ng Persia. Ang lahat ng ito ay inialok bilang kapalit sa pamilya ng hari, na binihag ng heneral.
Ang kumander na napaharap sa pagpapasiya kung tatanggapin o tatanggihan ang alok ay si Alejandro III ng Macedonia. Tatanggapin kaya niya ang alok? “Iyon ay isang napakaselang na sandali para sa sinaunang sanlibutan,” sabi ng istoryador na si Ulrich Wilcken. “Tunay na ang epekto ng kaniyang desisyon ay aabot sa Edad Medya hanggang sa ating kaarawan, sa Silangan gaya rin sa Kanluran.” Bago isaalang-alang ang naging tugon ni Alejandro, tingnan natin ang mga pangyayaring umakay sa napakaselang na sandaling ito.
ANG PAGLITAW NG ISANG MANANAKOP
Si Alejandro ay ipinanganak sa Pella, Macedonia, noong 356 B.C.E. Ang kaniyang ama ay si Haring Felipe II, at ang kaniyang ina ay si Olympias. Itinuro ng ina ni Alejandro na ang mga hari ng Macedonia ay nagmula kay Hercules, isang anak ng Griegong diyos na si Zeus. Ayon kay Olympias, ang ninuno ni Alejandro ay si Achilles, ang bayani sa tula ni Homer na Iliad. Palibhasa’y hinubog ng kaniyang mga magulang para sa pananakop at makaharing kaluwalhatian, ang kabataang si Alejandro ay walang gaanong interes sa iba pang bagay. Nang tanungin kung siya’y tatakbo sa isang karera sa Larong Olimpiyada, ipinahiwatig ni Alejandro na gagawin niya iyon kung siya’y tatakbong kasama ng mga hari. Ambisyon niya na mahigitan pa ang kaniyang ama sa paggawa ng dakilang mga bagay at magtamo ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng kaniyang mga nagawa.
Sa edad 13, si Alejandro ay tinuruan ng Griegong pilosopong si Aristotle, na tumulong sa kaniya upang magkaroon ng interes sa pilosopiya, medisina, at siyensiya. Kung hanggang saan nahubog ng pilosopiya ni Aristotle ang takbo ng isip ni Alejandro ay isang bagay na pinagtatalunan. “Waring hindi maling sabihin na ang dalawa ay hindi nagkakasundo sa maraming bagay,” ang komento ni Bertrand Russell, isang pilosopo ng ika-20 siglo. “Ang pulitikal na pangmalas ni Aristotle ay batay sa sistema ng lunsod-estado ng Gresya na noon ay patapos na.” Ang ideya ng maliliit na lunsod-estadong pamahalaan ay hindi makaaakit sa isang ambisyosong prinsipe na nagnanais magtayo ng isang malaking sentralisadong imperyo. Maaaring si Alejandro ay may pag-aalinlangan din sa ideya ni Aristotle hinggil sa pakikitungo sa mga di-Griego bilang mga alipin, palibhasa’y nakikini-kinita niya ang isang imperyo na may mainam na pagsasamahan sa pagitan ng mga manlulupig at mga nalupig.
Gayunpaman, hindi mapag-alinlanganan na nalinang ni Aristotle kay Alejandro ang interes sa pagbabasa at pag-aaral. Nanatiling isang masugid na mambabasa si Alejandro sa buong buhay niya, na may pantanging interes sa mga isinulat ni Homer. Sinasabing ang Iliad—lahat ng 15,693 taludtod ng tula—ay saulado niya.
Ang pagtuturo ni Aristotle ay biglang nagwakas noong 340 B.C.E. nang ang 16-anyos na prinsipe ay magbalik sa Pella upang mamahala sa Macedonia bilang isang kahalili habang wala ang kaniyang ama. At ang tagapagmanang prinsipe ay hindi nag-aksaya ng panahon upang itanyag ang sarili sa pamamagitan ng mga kabayanihang militar. Sa ikasisiya ni Felipe, madali niyang nasugpo ang mapaghimagsik na tribo ng Maedi sa Thrace, nasakop ang pangunahin nilang lunsod sa pamamagitan ng harapang pagsalakay, at tinawag ang dako na Alexandroúpolis, galing sa kaniyang pangalan.
PATULOY SA PANANAKOP
Dahilan sa pataksil na pagpatay kay Felipe noong 336 B.C.E., minana ng 20-anyos na si Alejandro ang trono ng Macedonia. Pagpasok niya sa Asia sa Hellespont (ngayo’y Dardanelles) noong tagsibol ng 334 B.C.E., inilunsad ni Alejandro ang isang kampanya ng pananakop kasama ang isang maliit subalit bihasang hukbo ng 30,000 impanteriya ng mga sundalo at 5,000 sundalong kabayuhan. Kasama ng kaniyang hukbo ang mga inhinyero, mga agrimensor, mga arkitekto, mga siyentipiko, at mga istoryador.
Sa Ilog Granicus sa hilagang-kanlurang sulok ng Asia Minor (ngayo’y Turkey), naipanalo ni Alejandro ang kaniyang unang pakikidigma laban sa mga Persiano. Nang taglamig na iyon, kaniyang nilupig ang kanlurang Asia Minor. Nang sumunod na taglagas, ang ikalawang mahalagang pakikidigma sa mga Persiano ay naganap sa Issus, sa timog-silangang sulok ng Asia Minor. Kasama ng isang hukbo na humigit-kumulang sa kalahating milyong lalaki, humarap kay Alejandro ang dakilang Haring Dario III ng Persia. Dahil sa labis na pagtitiwala, ipinagsama rin ni Dario ang kaniyang ina, ang kaniyang asawa, at iba pang miyembro ng kaniyang pamilya upang masaksihan nila ang inaakalang kagila-gilalas na tagumpay. Subalit ang mga Persiano ay hindi handa para sa bigla at matinding pagsalakay ng mga taga-Macedonia. Ganap na tinalo ng puwersa ni Alejandro ang hukbong Persiano, at tumakas si Dario, anupat iniwan ang kaniyang pamilya sa mga kamay ni Alejandro.
Sa halip na habulin ang tumatakas na mga Persiano, si Alejandro ay nagmartsang patimog sa Baybayin ng Mediteraneo, na sinasakop ang mga himpilan na ginagamit ng makapangyarihang plota ng Persiano. Subalit ang islang-lunsod ng Tiro ay lumaban sa pananalakay. Palibhasa’y determinadong sakupin iyon, pinasimulan ni Alejandro ang pangungubkob na tumagal ng pitong buwan. Sa panahon ng pangungubkob dumating ang alok ni Dario ukol sa kapayapaan na binanggit kanina. Kaakit-akit ang ipagkakaloob na ito anupat ang pinagtitiwalaang tagapayo ni Alejandro na si Parmenio ay inulat na nagsabi: ‘Kung ako si Alejandro, tatanggapin ko iyon.’ Subalit ang kabataang heneral ay dagling sumagot: ‘Ako rin, kung ako’y si Parmenio.’ Palibhasa’y ayaw ng areglo, ipinagpatuloy ni Alejandro ang pangungubkob at winasak ang palalong reyna ng karagatan noong Hulyo 332 B.C.E.
Samantalang hindi ginagalaw ang Jerusalem, na sumuko na sa kaniya, si Alejandro ay sumulong sa timog, na sinasakop ang Gaza. Ang Ehipto, palibhasa’y hindi na kontento sa pamamahala ng Persia, ay tumanggap sa kaniya bilang isang tagapagligtas. Sa Memphis, siya’y naghandog ng toro kay Apis, anupat nakalugod ito sa mga saserdote ng Ehipto. Itinatag din niya ang lunsod ng Alejandria, na sa dakong huli’y naging karibal ng Atenas bilang sentro ng pag-aaral at taglay pa rin nito ang kaniyang pangalan.
Sumunod, si Alejandro ay bumaling sa hilagang-silangan, sa Palestina at tungo sa Ilog Tigris. Noong taóng 331 B.C.E., isinagawa niya ang ikatlong malaking pakikipagdigma sa mga Persiano, sa Gaugamela, hindi kalayuan sa kagibaan ng Nineve. Dito ay nanaig ang 47,000 tauhan ni Alejandro laban sa muling inorganisang hukbo ng Persia na hindi kukulangin sa 250,000! Si Dario ay tumakas at sa dakong huli’y pinatay ng kaniyang sariling mga tauhan.
Palibhasa’y nahihibang sa tagumpay, si Alejandro ay bumaling sa timog at sinakop ang Babilonya na siyang kabisera ng Persia kung taglamig. Kaniya ring sinakop ang mga kabisera sa Susa at Persepolis, kinuha ang pagkalaki-laking pondong salapi ng Persia at sinunog ang dakilang palasyo ni Jerjes. Sa wakas, ang kabisera sa Ecbatana ay bumagsak sa kaniya. Pagkatapos ay nilupig ng matuling mananakop na ito ang natitirang bahagi ng lupaing nasasakop ng Persia, hanggang umabot sa silangan sa Ilog Indus, na matatagpuan sa makabagong-panahong Pakistan.
Sa pagtawid sa Indus, sa rehiyong hangganan ng Persianong lalawigan ng Tajila, nakaharap ni Alejandro ang isang mahirap taluning kalaban, ang monarkang Indiyan na si Porus. Laban sa kaniya, ipinakipagdigma ni Alejandro ang kaniyang ikaapat at pangwakas na malaking pakikihamok noong Hunyo 326 B.C.E. Ang hukbo ni Porus ay may 35,000 sundalo at 200 elepante, na sumindak sa mga kabayo ng Macedonia. Ang digmaan ay malupit at madugo, subalit ang mga puwersa ni Alejandro ang nagwagi. Si Porus ay sumuko at naging isang kakampi.
Mahigit nang walong taon ang nakararaan mula nang tumawid ang hukbo ng Macedonia sa Asia, at ang mga sundalo ay pagod na at sabik nang makauwi. Palibhasa’y nanghihina na dahilan sa matinding pakikihamok kay Porus, nais na nilang umuwi. Bagaman atubili sa pasimula, pumayag na rin si Alejandro sa kanilang kagustuhan. Tunay na naging kapangyarihang pandaigdig ang Gresya. Sa pagkakatatag ng mga kolonyang Griego sa nasakop na mga lupain, ang wika at kulturang Griego ay lumaganap sa buong kaharian.
ANG LALAKI SA LIKOD NG KALASAG
Ang nagbuklod sa hukbo ng Macedonia sa maraming taon ng pananakop ay ang personalidad ni Alejandro. Pagkaraan ng mga pakikipagdigma, laging dinadalaw ni Alejandro ang mga sugatan, sinusuri ang kanilang kapinsalaan, pinupuri ang mga sundalo sa kanilang kagitingan, at pinararangalan sila sa pamamagitan ng kaloob na salapi alinsunod sa kanilang mga nagawa. At para doon sa mga namatay sa digmaan, si Alejandro ay nagsasaayos ng maringal na libing para sa kanila. Ang mga magulang at anak ng mga namatay ay libre sa lahat ng buwis at uri ng paglilingkod. Para sa dibersiyon pagkatapos ng labanan, nagdaraos si Alejandro ng mga palaro at mga paligsahan. Minsan, pinagbakasyon pa niya ang mga bagong kasal na kalalakihan, upang magpalipas sila ng taglamig kasama ng kani-kanilang asawa, sa Macedonia. Sa ginawa niyang ito, siya’y napamahal at hinangaan ng kaniyang mga tauhan.
Hinggil sa pakikipag-asawa ni Alejandro kay Prinsesa Roxana ng Bactria, ang Griegong biyograpo na si Plutarch ay sumulat: “Tunay na ito’y isang istorya ng pagmamahalan, subalit ito’y wari ring angkop sa kaniyang layunin. Sapagkat ito’y naging kalugud-lugod sa paningin ng mga taong nasakop niya na makitang siya’y pumili ng isang asawa mula sa kanila, at nadama nila ang matinding pagmamahal sa kaniya, na malaman na bagaman nadaig siya ng matinding pagnanasa, siya, bilang isa na may pagpipigil sa sarili, ay nakapaghintay hanggang sa makuha ito sa legal at marangal na paraan.”
Iginalang din ni Alejandro ang pag-aasawa ng iba. Bagaman ang asawa ni Haring Dario ay bihag niya, tiniyak niyang ito’y pinakitunguhan nang marangal. Gayundin, nang malaman na inabuso ng dalawang sundalong taga-Macedonia ang mga asawa ng ilang estranghero, ipinag-utos niyang patayin ang mga ito kapag napatunayang nagkasala.
Kagaya ng kaniyang inang si Olympias, si Alejandro ay napakarelihiyoso. Siya’y naghahain bago at pagkatapos ng mga pakikipagdigma at kumukunsulta sa kaniyang mga manghuhula hinggil sa kahulugan ng mga pangitain. Siya’y kumunsulta rin sa orakulo ni Ammon, sa Libya. At sa Babilonya ay sinunod niya ang mga tagubilin ng mga Caldeo hinggil sa hain, lalo na sa diyos ng Babilonyang si Bel (Marduk).
Bagaman si Alejandro ay katamtaman sa kaniyang pagkain, siya sa dakong huli ay nagumon sa labis na pag-inom. Siya’y kuwento nang kuwento habang umiinom sa saro ng alak at ipinagmamalaki ang kaniyang mga nagawa. Ang isa sa malagim na ginawa ni Alejandro ay ang pagpaslang sa kaniyang kaibigang si Clitus, dahilan sa bugso ng galit samantalang lasing. Subalit ganoon na lamang ang pagsumpa ni Alejandro sa sarili anupat sa loob ng tatlong araw siya’y nasa higaan, na hindi kumakain ni umiinom. Sa wakas, nahimok siya ng kaniyang mga kaibigan na kumain.
Sa paglipas ng panahon, ang paghahangad ni Alejandro sa higit pang kaluwalhatian ay naging dahilan upang lumabas ang iba pang di-kanais-nais na mga ugali. Nagpasimula siyang maniwala sa maling mga paratang at naglapat kaagad ng napakatinding parusa. Halimbawa, dahilan sa siya’y napaniwala na si Philotas ay sangkot sa pagtatangka sa kaniyang buhay, ipinapatay niya ito kasama ng kaniyang amang si Parmenio, ang tagapayong dati niyang pinagtitiwalaan.
ANG PAGKATALO NI ALEJANDRO
Di-natagalan pagkatapos bumalik sa Babilonya, si Alejandro ay naging biktima ng sakit na malarya, anupat hindi na siya gumaling pa. Noong Hunyo 13, 323 B.C.E., pagkatapos na mabuhay lamang ng 32 taon at 8 buwan, si Alejandro ay sumuko sa pinakamahigpit na kaaway, ang kamatayan.
Ito’y kagaya ng obserbasyon ng ilang marurunong na Indiyan: “O Haring Alejandro, bawat tao ay nagtataglay lamang ng sapat na sukat ng lupang ating tinatayuan; at palibhasang ikaw ay tao rin na gaya ng iba pang tao, maliban sa pagiging puspos ng gawain at walang-lubag, ay gumagala sa ibabaw ng buong lupang ito na malayo sa iyong tahanan, na gumagambala sa iyong sarili, at nagbigay-hapis sa iba. Subalit di-magtatagal at ikaw ay mamamatay, at mag-aangkin ng sapat na sukat ng lupa na paglilibingan sa iyo.”
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang pinagmulan ni Alejandrong Dakila?
• Pagkatapos na manahin ang trono ng Macedonia, ano kaagad ang kampanyang inilunsad ni Alejandro?
• Ilarawan ang ilan sa mga pananakop ni Alejandro.
• Ano ang masasabi hinggil sa personalidad ni Alejandro?
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA PANANAKOP NI ALEJANDRO
MACEDONIA
EHIPTO
Babilonya
Ilog Indus
[Larawan]
Si Alejandro
[Larawan]
Si Aristotle at ang kaniyang estudyanteng si Alejandro
[Buong-pahinang larawan]
[Larawan]
Medalya na sinasabing naglalarawan kay Alejandrong Dakila
[Kahon/Mga larawan sa pahina 162, 163]
HINATI-HATI ANG ISANG NAPAKALAWAK NA KAHARIAN
HINGGIL sa kaharian ni Alejandrong Dakila, inihula ng Bibliya ang pagkagiba at paghahati-hati nito “ngunit hindi sa kaniyang kaapu-apuhan.” (Daniel 11:3, 4) Alinsunod dito, sa loob ng 14 na taon pagkatapos ng biglaang pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C.E., ang kaniyang lehitimong anak na si Alejandro IV at ang kaniyang anak sa labas na si Heracles ay pataksil na pinatay.
Pagsapit ng taóng 301 B.C.E., apat sa mga heneral ni Alejandro ang humawak ng kapangyarihan sa napakalawak na imperyo na itinatag ng kanilang kumander. Kinontrol ni Heneral Cassander ang Macedonia at Gresya. Napasa kay Heneral Lysimachus naman ang Asia Minor at Thrace. Napunta naman kay Seleucus I Nicator ang Mesopotamia at Sirya. At si Ptolemy Lagus, o Ptolemy I ay namahala sa Ehipto at Palestina. Mula sa isang dakilang kaharian ni Alejandro lumitaw ang apat na Helenistiko, o Griegong mga kaharian.
Sa apat na Helenistikong kaharian, ang pamamahala ni Cassander ang siyang pinakamaikli. Ilang taon pagkaraang mapasakapangyarihan si Cassander, ang hanay ng kaniyang mga kalalakihan ay naubos, at noong 285 B.C.E., sinakop ni Lysimachus ang bahaging Europa ng Imperyo ng Gresya. Pagkaraan ng apat na taon, si Lysimachus ay napatay sa pakikipagdigma kay Seleucus I Nicator, na siya na ngayong kumontrol sa kalakhang bahagi ng teritoryo sa Asia. Si Seleucus ang naging kauna-unahan sa hanay ng mga haring Seleucido sa Sirya. Itinatag niya ang Antioquia sa Sirya at ginawa niya itong bagong kabisera niya. Si Seleucus ay pataksil na pinatay noong 281 B.C.E., subalit ang dinastiya na kaniyang itinatag ay nagpatuloy sa kapangyarihan hanggang 64 B.C.E. nang gawin ng Romanong heneral na si Pompey ang Sirya na isang lalawigan ng Roma.
Sa apat na dibisyon ng imperyo ni Alejandro, ang Ptolemaikong kaharian ang namalagi nang pinakamatagal. Kinuha ni Ptolemy I ang titulong hari noong 305 B.C.E. at naging una sa mga hari, o Paraon ng Ehipto, na taga-Macedonia. Pagkatapos gawing kabisera ang Alejandria, karaka-rakang pinasimulan niya ang programa para sa pagpapasulong ng lunsod. Ang isa sa pinakamalaki niyang proyekto sa pagtatayo ay ang bantog na Aklatan ng Alejandria. Upang mapangasiwaan ang malaking proyektong ito, dinala ni Ptolemy mula sa Gresya ang isang kilalang iskolar na taga-Atenas, si Demetrius Phalereus. Ayon sa ulat, pagsapit ng unang siglo C.E., ang aklatan ay nagtataglay na ng isang milyong balumbon. Ang Ptolemaikong dinastiya ay patuloy na namahala sa Ehipto hanggang sa bumagsak ito sa Roma noong 30 B.C.E. Pagkatapos ay pinalitan ng Roma ang Gresya bilang ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano hinati-hati ang napakalawak na imperyo ni Alejandro?
• Hanggang kailan nagpatuloy sa pamamahala sa Sirya ang hanay ng mga haring Seleucido?
• Kailan nagwakas ang Ptolemaikong kaharian ng Ehipto?
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGKAKAHATI-HATI NG IMPERYO NI ALEJANDRO
Cassander
Lysimachus
Ptolemy I
Seleucus I
[Mga larawan]
Ptolemy I
Seleucus I
[Dayagram/Larawan sa pahina 139]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG SA HULA NI DANIEL
Ang pagkalaki-laking imahen (Daniel 2:31-45)
Ang apat na hayop mula sa dagat (Daniel 7:3-8, 17, 25)
BABILONIA mula 607 B.C.E.
MEDO-PERSIA mula 539 B.C.E.
GRESYA mula 331 B.C.E.
ROMA mula 30 B.C.E.
KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG NG ANGLO-AMERIKANO mula 1763 C.E.
NAHAHATING DAIGDIG DAHIL SA PULITIKA sa panahon ng kawakasan
[Buong-pahinang larawan sa pahina 128]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 147]