Ang mga Huling Araw—Isang Panahon ng Pag-aani
“At nakita ko, at, narito! ang isang alapaap na maputi, at nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na may koronang ginto sa kaniyang ulo at isang matalas na panggapas sa kaniyang kamay.”—APOCALIPSIS 14:14.
1. Ano ang ilan sa mga bagay na nagpapangyaring maging natatangi ang siglong ito?
ANONG pagkagulu-gulo ngang panahon itong ika-20 siglong ito! Kinailangan ng sangkatauhan na pagtiisan ang dalawang napakabagsik na mga digmaang pandaigdig. Sunud-sunod na mga bansa ang sinalanta ng rebolusyon. Ang taggutom ay lumikha ng higit na paghihirap kaysa kailanman sa kasaysayan ng tao. Ang kawalang kaseguruhan ng kabuhayan, ang krimen, polusyon, at kakila-kilabot na mga sakit ang nagsasapeligro sa buhay ng balana. Kasabay nito, ang tao ay nakagawa ng napakalaking pagsulong sa siyensiya. Kaniyang nagagamit ang lakas ng atomo at nakalakad pa mandin siya sa buwan. Oo, ang ating salinlahi ay natatangi sa maraming paraan. Gayunman, isang bagay ang lumalabas na ang pinakamahalagang pangyayari sa panahon natin, at kung ihahambing dito lahat ng iba pang mga bagay ay mawawalang-kabuluhan.
2. Anong pangyayari ang inihula ni Daniel na itinakdang mangyari sa panahon natin?
2 Ang tunay na pambihirang pangyayaring ito ay inihula noon pang ikaanim na siglo B.C.E. ni propeta Daniel. Pakinggan ang kaniyang banal at kinasihang pag-uulat: “Ako’y patuloy na tumingin sa mga pangitain sa gabi, at, narito! lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya.”—Daniel 7:13, 14.
3. (a) Sino “ang Matanda sa mga Araw,” at ano ang kaniyang ibinigay sa “isang gaya ng anak ng tao”? (b) Sino ba ang isang ito na “gaya ng anak ng tao,” at paano tumugon ang mga Judiong pinunong relihiyoso nang gawin ni Jesus ang ganitong pagpapakilala ng kaniyang sarili?
3 “Ang Matanda sa mga Araw” ay si Jehovang Diyos. Siya’y nakita ni Daniel sa “mga alapaap sa langit,” samakatuwid nga, sa di-nakikitang dako ng espiritu, na nagbibigay ng paghahari sa “isang gaya ng anak ng tao.” Sino ang “isang” iyon? Ang tanong na iyan ay sinagot ni Jesus noong 33 C.E. nang siya ay nililitis sa harap ng Sanhedrin. Siya’y pinasumpa ng Judiong mataas na saserdote upang sabihin niya kung siya ang Kristo o hindi. Sa pagsagot, ang hula ni Daniel ay buong lakas ng loob na ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili, na ang sabi: “Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.” Imbis na yumuko sa piniling Hari ni Jehova ang mataas na saserdote, siya’y nagparatang na ito’y namumusong. Pagkatapos, ginipit ng mga Judiong pinunong relihiyoso si Poncio Pilato upang hatulan ng kamatayan si Jesus.—Mateo 26:63-65; 27:1, 2, 11-26.
4. Kailan tinanggap ni Jesus ang korona ng pagkahari, at sa kabila ng anong pananalansang?
4 Ang pagtatangkang ito na biguin ang mga sinabi ni Jesus ay nabigo nang siya’y buhayin sa mga patay at umakyat sa langit upang hintayin ang takdang panahon ni Jehova para sa pagbibigay sa kaniya ng Kaharian. (Gawa 2:24, 33, 34; Awit 110:1, 2) Ang panahong iyan ay sumapit noong 1914. Ayon sa lahat ng ebidensiya, noong may bandang huli nang taon na iyan, tinanggap ni Jesus ang korona ng pagkahari buhat sa “Matanda sa mga Araw” at siya’y nagsimulang naghari. (Mateo 24:3-42) Ang bagong silang na Kaharian ay napaharap sa mahigpit na pananalansang. Subalit ang mga Judiong pinunong relihiyoso noong unang siglo, ang lahat ng pinag-isang lakas ng mga bansa, at maging si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi naging hadlang upang maganap ang kalooban ng Diyos. (Awit 2:2, 4-6; Apocalipsis 12:1-12) Noong 1914 ang makalangit na pag-aawitan ay nagsimula sa takdang panahon: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Sapol nang petsang iyan, tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—2 Timoteo 3:1.
Isang Panahon ng Pag-aani
5. (a) Sang-ayon sa hula ni Daniel, sino ang maglilingkod sa bagong kaluluklok na Hari? (b) Anong pangitain ang nakita ni Juan na roon ay nakita rin si Jesus bilang isang bagong kaluluklok na Hari?
5 Ayon sa hula ni Daniel, nang tanggapin ni Jesus ang kaniyang paghahari “ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay [mangyayaring] maglingkod na lahat sa kaniya.” Paano nga magkakaganiyan kung ang sangkatauhan lahat-lahat na ay tatanggi sa kaniya bilang Hari? Isang dramatikong pangitain na isiniwalat sa apostol na si Juan ang nagpapakita ng kasagutan. Sinasabi sa atin ni Juan kung ano ang kaniyang nakita: “Narito! ang isang alapaap na maputi, at nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na may koronang ginto sa kaniyang ulo at isang matalas na panggapas sa kaniyang kamay.” (Apocalipsis 14:14) Nahahawig sa pangitain ni Daniel, si Jesus dito ay nakikita na nasa isang alapaap at ipinakikilala bilang “isang katulad ng isang anak ng tao.” Suot na niya ang korona ng pagkahari, subalit sa kaniyang kamay ay hindi isang setro ang hawak niya kundi isang panggapas ng mang-aani. Bakit?
6. Anong gawain ang iniutos ni Jehova na gawin ng bagong kaluluklok na si Jesus?
6 Si Juan ay patuloy na nagsasabi: “At isa pang anghel ang lumabas sa santuwaryo ng templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap: ‘Ihulog mo ang iyong panggapas at gumapas ka na, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, dahil sa ang aanihin sa lupa ay hinog na hinog na.’” Si Jesus, bagaman isang Hari, ay sumusunod pa rin sa mga utos na nanggagaling kay Jehova sa “santuwaryo ng templo.” Kaya pagka iniuutos sa kaniya ni Jehova na gawin ang gawaing pag-aani sa panahon ng mga huling araw, siya’y sumusunod. “Inihagis [ni Jesus] sa lupa ang kaniyang panggapas, at ang lupa ay nagapasan.”—Apocalipsis 14:15, 16; Hebreo 9:24; 1 Corinto 11:3.
7. (a) Ano “ang aanihin sa lupa”? (b) Ano ang pasimula ng ‘pag-aaning’ ito?
7 Ano “ang aanihin sa lupa”? Ito ay mga tao na lumalabas sa maka-Satanas na sistemang ito ng mga bagay upang maglingkod kay Jehova at sa Kaniyang hinirang na Hari. Ang pag-aani ay nagsisimula sa pagtitipon ng mga nalalabi pa rito ng 144,000 na maghaharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na kaharian. (Mateo 13:37-43) Ito ang “Israel ng Diyos,” na “mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” Sila’y binili “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.” (Galacia 6:16; Apocalipsis 14:4; 5:9, 10) Sa ganitong paraan, mga tao buhat sa lahat ng “bayan, grupo ng mga bansa at mga wika” ang nagsisimulang maglingkod sa nakaluklok na si Jesus.
8. (a) Anong taon maliwanag ang katunayan na natapos ang pagtitipon sa mga huling bahagi ng mga pinahiran? (b) Paano, sang-ayon sa isa pang pangitain ni Juan, nagpatuloy ang gawaing pag-aani?
8 Datapuwat, sila ay hindi nag-iisa. Sa isa pang pangitain, nakita ni Juan ang pagtatatak sa mga huling bahagi ng 144,000. (Apocalipsis 7:1-8) Maliwanag, ang pagtitipon sa mga ito ay halos tapos na noong 1935. Subalit pagkatapos, ayon sa iniulat ni Juan, siya’y nakakita ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinuman, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9-17) Kaya’t ang pag-aani ay nagpapatuloy samantalang marami pa buhat sa ‘mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika’ ang nagsisimulang maglingkod kay Jesus bilang Hari.
9. Sino ang mga baguhang ito, at ano pang ibang mga hula ang bumabanggit ng tungkol sa kanilang paglitaw sa “huling bahagi ng mga araw”?
9 Inaasahan ng mga baguhang ito ang pagtatamasa ng buhay sa isang lupang paraiso sa ilalim ng hinirang ni Jehova na Hari. (Awit 37:11, 29; 72:7-9) Ang pagtitipon sa kanila ay inihula sa mga ilan pang hula. Halimbawa, inihula ni Isaias na sa “katapusang bahagi ng mga araw” ang mga bansa ay huhugos sa bahay ni Jehova. (Isaias 2:2, 3) Si Hagai ay humula tungkol sa pagyanig sa mga bansa na sa panahong iyon “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating.” (Hagai 2:7) Si Zacarias ay bumanggit ng tungkol sa “sampung mga lalaki buhat sa lahat ng wika ng mga bansa” na sasama sa bayan ng Diyos. (Zacarias 8:23) Gayundin, si Jesus mismo ay humula tungkol sa “malaking pulutong” na ito. Sinabi niya: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”—Mateo 25:31-33.
10. (a) Sa paano ginagapas “ang aanihin sa lupa”? (b) Sino lamang ang mga nakikipagtulungan sa mga anghel sa gawaing ito?
10 Oo, ang lahat ng tao ay maingat na sinusuri upang makita kung sino ang “mga tupa” at sino ang “mga kambing.” Paano isinasagawa ang gawaing pagsusuring ito? Sa pangitain ni Juan, “ang aanihin sa lupa” ay inaani may kaugnayan sa matitinding mensahe na inihahayag ng mga anghel. Isang anghel ang nagpapahayag ng isang mensahe ng “walang-hanggang mabuting balita.” Ang isa naman ay nagbabalita ng pagbagsak ng “Babilonyang Dakila.” At ang ikatlo ay nagbibigay-babala laban sa pagsamba sa “mabangis na hayop,” ang makapulitikang sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apocalipsis 14:6-10) Totoo, walang sinuman ang nakarinig ng aktuwal na mga tinig ng mga anghel na ito. Subalit sila’y nakarinig ng katumbas na mga mensahe na sinalita ng sumasampalatayang mga tao. (Mateo 24:14; Isaias 48:20; Zacarias 2:7; Santiago 1:27; 1 Juan 2:15-17) Samakatuwid, maliwanag, ang mga mensahe ay ibinabalita ng mga tagapagsalitang mga tao na nasa ilalim ng pamamatnubay ng mga anghel. Ang isang tao ay nakikilala bilang isang ‘tupa’ o isang ‘kambing’ sa pamamagitan ng kaniyang pagtugon sa mga mensahe ng anghel. Sa panahon ng ika-20 siglo tanging ang mga Saksi ni Jehova ang nakikipagtulungan sa mga anghel sa mahalagang gawaing ito.
11. Gaano kahalaga ang pagpapalaganap ng mga mensahe ng mga anghel na ito?
11 Ang pagpapalaganap ng mga mensaheng ito ay higit na kailangang gawin kaagad kaysa anupaman na gawain sa ngayon. Walang pulitikal na mga katagumpayan o tuklas ng siyensiya ang maihahambing dito kung sa kahalagahan. Ang mga mensaheng ito ay nagtuturo ng daan sa kalutasan ng lahat ng problema ng sangkatauhan at nagbabalita ng walang-hanggang kaligtasan ng mga taong may pananampalataya. At, pinakamahalaga, ang mga ito’y may kinalaman sa pagbanal sa pangalan ni Jehova.
Ang Taunang Report
12, 13. Magbigay ng mga ilang detalye buhat sa taunang report na nagpapakitang maraming ‘ani’ ang natipon na.
12 Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay nananabik sa taun-taon na mabasa ang taunang report ng gawain ng organisasyon ni Jehova. Sila’y galak na galak na makita ang patuloy na ebidensiya ng kaniyang pagpapala sa kanilang gawain. Kung iyong susuriin ang 1987 report, na nakalathala sa pahina 12 hanggang 15 ng magasing ito, makikita mo na ang mga anghel at ang kanilang kamanggagawang mga tao ay lubhang aktibo noong nakaraang taon.
13 Ang mabuting balita ay narinig sa 210 mga bansa—tunay na ito’y sa ‘bawat tribo at bansa at wika’ na naaabot sa kasalukuyan. (Marcos 13:10) Gayundin, ang pinakamataas na bilang, 3,395,612 ang gumawang sama-sama upang maganap iyan—higit kaysa kailanman sa kasaysayang Kristiyano. Ang mga numero ay kahanga-hanga maging sa mga ilang indibiduwal na bansa. Sa Estados Unidos, isang bagong pinakamataas na bilang na 773,219 ang narating. Dalawa pang ibang mga bansa, ang Brazil at Mexico, ay umabot sa tugatog na 216,216 at 222,168 ayon sa pagkakasunod; at anim pa, ang Britaniya, Alemanya, Italya, Hapón, Nigeria, at ang Pilipinas, ang nag-ulat ng pinakamataas na bilang na mahigit na 100,000. Sa kabilang panig, mayroon din namang mga bansa na may malalaking populasyon at may iilan-ilan lamang libong mamamahayag o kulang pa. Ang gawain ng may pananampalatayang mga kaluluwang ito ay totoong mahalaga rin samantalang nagsusumikap sila na ang liwanag ng katotohanan ay patuloy na mapasikat bagaman mahihirap ang mga kalagayan.—Mateo 5:14-16.
14. Anong uri ng mga tao ang tinitipon sa organisasyon ni Jehova?
14 Mangyari pa, ang bayan ng Diyos ay hindi interesado sa pagsulong na basta pagsulong lamang. Batid nila, gayumpaman, na lahat ng mga baguhang iyon na dumadagsa sa organisasyon ni Jehova ay “kanais-nais na mga bagay” sa paningin ni Jehova. Marami sa kanila ang “nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay” na kanilang nasasaksihan sa Sangkakristiyanuhan. (Ezekiel 9:4) Silang lahat ay humuhugos sa “bundok ni Jehova” sapagkat ibig nilang sila’y maturuan sa mga daan ng Diyos. (Isaias 2:2, 3) Anong tinding patotoo iyan ng pagpapala ni Jehova—na sa bulok at materyalistikong sistemang ito ng mga bagay, daan-daang libong mga baguhan taun-taon ang nagpapakilala ng kanilang sarili bilang “kanais-nais na mga bagay” ni Jehova!
Mga Panahong Nag-aapura
15. (a) Gaano kalaki ang teritoryong dapat magawa sa gawaing pangangaral? (b) Sang-ayon sa pangitain ni Juan, gaano kaaktibo ang “malaking pulutong”?
15 Ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay apurahan. Bakit? Unang-una, ang teritoryo ay napakalaki. Ang “mabuting balita” ay kailangang maipangaral “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Sa talinghaga ni Jesus, mga tao ng “lahat ng bansa” ay pinagbubukud-bukod sa “mga tupa” at “mga kambing.” Napakaraming gawain na kailangang magawa. Anong pagkaangkup-angkop nga, kung gayon, na ang “malaking pulutong” na nakita ni Juan ay pumupuri sa Diyos “araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:15) Bilang katuparan ng pangitaing ito, ang “malaking pulutong” na ito, na gumagawang kasama ng kanilang mga kapatid na pinahiran, ay nag-ulat na gumugol ng sa kabuuan ay 739,019,286 na oras sa pangangaral noong nakaraang taon—isang bilang na halos pagkalaki-laki upang maintindihan. Sa buong daigdig, ito’y kumakatawan sa isang katamtamang bilang na mahigit na 18 oras isang buwan bawat mamamahayag. Ihambing ito sa katamtamang bilang na 12 oras isang buwan sampung taon lamang ang nakalipas, at makikita mo na ang bilis ng gawaing pangangaral ay sumusulong. Paano ngang maihahambing sa katamtamang bilang sa daigdig ang iyong personal na katamtamang bilang?
16. (a) Ano ang isang mainam na paraan upang ‘maipangaral ang salita . . . nang apurahan’? (b) Ilan ang nakibahagi sa gawaing ito noong nakaraang taon?
16 Pansinin, din naman, ang bagong pinakamataas na bilang ng auxiliary at regular payunir: 650,095. Ito’y nangangahulugan na mayroong mahigit na mga payunir sa larangan noong nakaraang taon kaysa dami ng mga mamamahayag noong 1955. Ikaw ba’y isa sa mga payunir na iyon? Kung gayon nga, ikaw ay nakasumpong ng isang napakainam na paraan na ikapit sa iyong sarili ang payo ni Pablo: “Ipangaral mo ang salita, gawin mo ito nang apurahan.” (2 Timoteo 4:2) Bakit hindi magplano na makibahagi sa pagpapayunir kahit man lamang sa loob ng isang buwan sa 1988 taon ng paglilingkod?
Mga Maaasahan Para sa Higit Pang Pagsulong
17. Anong mga ulat ang nagpapakita na mainam ang maaasahan para sa higit pang pagsulong sa hinaharap?
17 Ang maaasahan para sa pagsulong sa hinaharap ay tunay na napakainam. Ang ulat para sa pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ay 3,005,048—at ang bawat mag-aarál ng Bibliya ay isang potensiyal na ‘kanais-nais na bagay’! Isa pa, 8,965,221 ang nagsidalo sa selebrasyon ng Panggabing Hapunan ng Panginoon noong nakaraang Abril. Ang karamihan ng mga nagsidalo ay hindi mga Saksi ni Jehova. Ang iba sa kanila ay mga baguhang interesado. Sila’y buong siglang tinanggap at hinihimok na magpatuloy na gumawa ng mainam na pagsulong. Ang mga iba naman ay marahil nakadalo sa gayong mga okasyon maraming beses na noong nakaraan. Maliwanag na sila’y nasiyahan sa pakikisama sa mga Saksi subalit hindi pa nila nadarama ang pangangailangan na gumawa nang higit pa kaysa riyan.
18. Sang-ayon sa mga hula ni Jesus at ni Zacarias, ano ang kailangang gawin ng isang tao upang mapabilang siya sa “mga tupa” ni Jehova?
18 Ang gayong mga tao ay kailangang bigyan ng komendasyon dahilan sa kanilang interes sa katotohanan ng Bibliya. Subalit tandaan, sa talinghaga ni Jesus ang “mga tupa” na pinayaon upang tumanggap ng buhay na walang-hanggan ay yaong mga matulungin at nakikipagtulungan sa pinahirang mga kapatid niya. (Mateo 25:34-40, 46) Sa hula ni Zacarias, ang buong bilang na “sampung lalaki” ay nagpahayag nang walang pasubali: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.” (Zacarias 8:23) Ang kanilang saloobin ay hindi lamang palakaibigan. Sila’y “magsisitangan” sa bayan ng Diyos at sasama sa kanila, na iniaalay ang kanilang sarili upang maglingkod sa Diyos ng mga taong ito. Sa ating kaarawan, kasali na rito ang pagiging lubusang kasangkot sa organisasyon ni Jehova.
Hindi na Magtatagal
19, 20. (a) Sang-ayon sa pangitain ni Juan, ano ang mangyayari pagka natapos na ang pagtitipon sa “aanihin sa lupa”? (b) Ano ang kahulugan nito para sa lahat ng mga hindi magpapasakop kay Jesus bilang Hari?
19 Ang pag-aani ay apurahan ng dahil sa ikalawang dahilan. Hindi na magtatagal ito ay matatapos. (Mateo 24:32-34) Ano na ang mangyayari sa panahong iyon? Basahin ang susunod na mangyayari ayon sa nakitang pangitain ni Juan: “At isa pang anghel ang lumabas sa santuwaryo ng templong nasa langit, at siya rin ay may matalas na panggapas. At isa pang anghel ang lumabas sa dambana at siya’y may kapangyarihan sa apoy. At kaniyang tinawagan nang malakas na tinig yaong may matalas na panggapas, na sinasabi: ‘Ihulog mo ang iyong matalas na panggapas at putulin mo ang mga buwig sa ubasan ng lupa, sapagkat hinog na ang kaniyang mga ubas.’ At ang kaniyang panggapas ay inihagis ng anghel sa lupa at pinutol ang mga ubas sa ubasan ng lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”—Apocalipsis 14:17-19.
20 Pagkatapos na matipon ang ani ng “kanais-nais na mga bagay,” wala nang dahilan upang magpatuloy pa ng pag-iral ang likong matandang sanlibutang ito. “Ang ubasan ng lupa,” ang buong sistemang ito ng mga bagay ng sanlibutan ni Satanas, ay tatagpasin at lilipulin. Sa panahong iyan, maging ang mga mananalansang man ay mapipilitang kumilala sa hinirang na Hari ni Jehova. Si Juan ay sumulat: “Narito! Siya [si Jesus] ay pumaparitong nasa mga alapaap, at makikita siya ng bawat mata, at ng nagsiulos sa kaniya; at lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya.” (Apocalipsis 1:7; Mateo 24:30) Kung magkagayon, ang mga salita ni Jesus sa mga Judiong pinunong relihiyoso, na mga pangunahing “nagsiulos sa kaniya,” ay matutupad. (Mateo 26:64) Mangyari pa, yaong mga mapagpaimbabaw na relihiyosong iyon ay hindi bubuhaying-muli upang ‘makita’ si Jesus nang personal. (Mateo 23:33) Kundi yaong lahat nang sa ngayon ay nagpapakita ng ganoong espiritu at tumatangging tumanggap sa hinirang na Hari ni Jehova ay mapipilitang kumilala sa kaniya pagparito niya upang lipulin ang mga bansa sa Armagedon.—Apocalipsis 19:11-16, 19-21.
21. Bakit ang bayan ng Diyos ay dapat na puspusang magpagal sa pakikipagtulungan sa mga anghel sa langit?
21 Oo nga, nakataya ang kaligtasan ng bawat isa na mga tao. Tayo ay may mabigat na pananagutan sa pagiging mga kamanggagawa ng mga anghel. Subalit anong laking pribilehiyo nito! Harinawang tayo’y patuloy na puspusang magpagal sa pakikipagtulungan sa makalangit na mga anghel samantalang sinisikap natin na matagpuan ang lahat ng tulad-tupang mga tao, ang “kanais-nais na mga bagay” ni Jehova, bago matapos ang gawaing pag-aani.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang pangunahing pangyayari sa ika-20 siglong ito?
◻ Ano “ang aanihin sa lupa,” at paano ito ginagapas?
◻ Ano ang ilang katangian ng “mga tupa” ni Jehova?
◻ Paano ipinakikita ng taunang report na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pag-aani?
◻ Bakit apurahan ang gawaing pangangaral?
[Chart sa pahina 12-15]
1987 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI SA BUONG DAIGDIG]
(Tingnan ang bound volume)