Mas Malalaking Pagpapala sa Pamamagitan ng Bagong Tipan
“Si Jesus . . . rin ang tagapamagitan ng isang katumbas na lalong mabuting tipan.”—HEBREO 8:6.
1. Sino ang napatunayang ‘binhi ng babae’ na ipinangako sa Eden, at paano siya ‘sinugatan sa sakong’?
PAGKATAPOS magkasala sina Adan at Eva, si Satanas, ang isa na luminlang kay Eva, ay hinatulan ni Jehova, na nagsabi: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Nang mabautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan noong 29 C.E., sa wakas ay lumitaw ang Binhi na ipinangako sa Eden. Nang mamatay siya sa isang pahirapang tulos noong 33 C.E., natupad ang isang bahagi ng sinaunang hulang iyon. ‘Sinugatan ni Satanas ang sakong’ ng Binhi.
2. Ayon sa sinabi ni Jesus mismo, paano nakikinabang ang sangkatauhan sa kaniyang kamatayan?
2 Mabuti na lamang, ang sugat na iyon ay hindi permanente, bagaman gayon na lamang kahapdi. Si Jesus ay ibinangon mula sa mga patay bilang isang imortal na espiritu at umakyat sa kaniyang Ama sa langit, kung saan inihandog niya ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo bilang “pantubos na kapalit ng marami.” Sa gayon, nagkatotoo ang sinabi niya mismo: “Ang Anak ng tao ay dapat na maitaas, upang ang bawat isa na naniniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Mateo 20:28; Juan 3:14-16; Hebreo 9:12-14) Ang bagong tipan ay gumaganap ng pangunahing bahagi sa katuparan ng hula ni Jesus.
Ang Bagong Tipan
3. Kailan unang nakitang nagkabisa ang bagong tipan?
3 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ang kaniyang itinigis na dugo ang siyang “dugo ng [bagong] tipan.” (Mateo 26:28; Lucas 22:20) Sampung araw pagkaakyat niya sa langit, nakitang may bisa na ang bagong tipan nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga 120 alagad na nagkatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:15; 2:1-4) Ang paglalakip ng 120 alagad na ito sa bagong tipan ay nagpakita na ang “dating” tipan, ang tipang Batas, ay wala nang bisa ngayon.—Hebreo 8:13.
4. Isa bang kabiguan ang matandang tipan? Ipaliwanag.
4 Isa bang kabiguan ang matandang tipan? Hinding-hindi. Totoo, yamang hinalinhan na ito, ang likas na Israel ay hindi na pantanging bayan ng Diyos. (Mateo 23:38) Ngunit iyon ay dahil sa pagsuway ng Israel at pagtatakwil sa Isa na Pinahiran ni Jehova. (Exodo 19:5; Gawa 2:22, 23) Subalit bago hinalinhan ang Batas, malaki ang naisagawa nito. Sa loob ng maraming siglo, ito ay naglaan ng daan sa paglapit sa Diyos at proteksiyon laban sa huwad na relihiyon. Taglay nito ang mga patiunang silahis ng bagong tipan at, sa paulit-ulit na mga hain nito, naipakitang kailangang-kailangan ng tao ang katubusan mula sa kasalanan at kamatayan. Sa katunayan, ang Batas ay isang ‘tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.’ (Galacia 3:19, 24; Roma 3:20; 4:15; 5:12; Hebreo 10:1, 2) Gayunman, sa pamamagitan ng bagong tipan ay matutupad nang lubusan ang pagpapalang ipinangako kay Abraham.
Pinagpala ang mga Bansa sa Pamamagitan ng Binhi ni Abraham
5, 6. Sa saligan at espirituwal na katuparan ng Abrahamikong tipan, sino ang Binhi ni Abraham, at aling bansa ang unang tumanggap ng pagpapala sa pamamagitan niya?
5 Nangako si Jehova kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Sa ilalim ng matandang tipan, pinagpala ang maraming mahinahong-loob na mga banyaga dahil sa kanilang pakikisama sa Israel, ang bansang binhi ni Abraham. Subalit sa saligang espirituwal na katuparan nito, ang Binhi ni Abraham ay isang sakdal na tao. Ipinaliwanag ito ni Pablo nang sabihin niya: “Ang mga pangako ay sinalita kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi: ‘At sa mga binhi,’ gaya ng sa kalagayan ng maraming gayon, kundi gaya ng sa kalagayan ng isa: ‘At sa iyong binhi,’ na si Kristo.”—Galacia 3:16.
6 Oo, si Jesus ang Binhi ni Abraham, at sa pamamagitan Niya ay tatanggap ang mga bansa ng makapupong higit na pagpapala kaysa sa anumang naging posible sa likas na Israel. Sa katunayan, ang unang bansa na tatanggap ng pagpapalang ito ay ang Israel mismo. Di-nagtagal pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E., sinabi ni apostol Pedro sa isang grupo ng mga Judio: “Kayo ang mga anak ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa inyong mga ninuno, na nagsasabi kay Abraham, ‘At sa iyong binhi ang lahat ng mga pamilya sa lupa ay pagpapalain.’ Sa inyo muna na ang Diyos, pagkatapos na maibangon ang kaniyang Lingkod, ay nagsugo sa kaniya upang pagpalain kayo sa pamamagitan ng pagtatalikod sa bawat isa mula sa inyong mga balakyot na gawa.”—Gawa 3:25, 26.
7. Anong mga bansa ang pinagpala sa pamamagitan ni Jesus, ang Binhi ni Abraham?
7 Di-nagtagal ay ipinaabot ang pagpapala sa mga Samaritano at pagkatapos ay sa mga Gentil. (Gawa 8:14-17; 10:34-48) Sa pagitan ng 50 at 52 C.E., sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na nasa Asia Minor: “Ang Kasulatan, yamang nakikita nang patiuna na ipapahayag ng Diyos ang mga tao ng mga bansa na matuwid dahil sa pananampalataya, ay patiunang nagpahayag ng mabuting balita kay Abraham, alalaong baga: ‘Sa pamamagitan mo ang lahat ng mga bansa ay pagpapalain.’ Dahil dito yaong mga nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng tapat na si Abraham.” (Galacia 3:8, 9; Genesis 12:3) Bagaman ang maraming Kristiyano sa Galacia ay “mga tao ng mga bansa,” sila’y pinagpala sa pamamagitan ni Jesus dahil sa kanilang pananampalataya. Sa anong paraan?
8. Para sa mga Kristiyano noong panahon ni Pablo, ano ang kalakip sa pagiging pinagpala sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham, at ilan, sa wakas, ang tumanggap ng gayong pagpapala?
8 Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Galacia, anuman ang kanilang pinagmulan: “Kung kayo ay kay Kristo, kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana may kaugnayan sa isang pangako.” (Galacia 3:29) Para sa mga taga-Galacia na iyon, kalakip sa pagpapala sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham ang kanilang pagiging kasali sa bagong tipan at gayundin ang pagiging kasamang mga tagapagmana ni Jesus, mga kasamahan ni Jesus sa binhi ni Abraham. Hindi natin alam ang populasyon ng sinaunang Israel. Alam lamang natin na iyon ay naging “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat sa karamihan.” (1 Hari 4:20) Subalit alam natin ang kumpletong bilang ng mga kasama ni Jesus sa espirituwal na binhi—144,000. (Apocalipsis 7:4; 14:1) Ang 144,000 na ito ay mula sa “bawat tribo at wika at bayan at bansa” ng sangkatauhan at nakikibahagi sa paghahatid sa iba pa ng mga pagpapala ng Abrahamikong tipan.—Apocalipsis 5:9.
Isang Natupad na Hula
9. Paanong nasa kalooban niyaong mga kabilang sa bagong tipan ang batas ni Jehova?
9 Nang inihuhula ang bagong tipan, sumulat si Jeremias: “ ‘Ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Aking ilalagay ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat ito sa kanilang puso.’ ” (Jeremias 31:33) Isang pagkakakilanlan niyaong mga kabilang sa bagong tipan ang paglilingkod nila kay Jehova udyok ng pag-ibig. (Juan 13:35; Hebreo 1:9) Ang batas ni Jehova ay nasusulat sa kanilang puso, at marubdob ang kanilang hangarin na gawin ang kaniyang kalooban. Totoo, gayon na lamang ang pag-ibig sa batas ni Jehova ng ilang tapat na indibiduwal sa sinaunang Israel. (Awit 119:97) Ngunit marami ang hindi umibig nang gayon. Gayunma’y nanatili silang bahagi ng bansa. Hindi makapananatili ang sinuman sa bagong tipan kung ang batas ng Diyos ay hindi nasusulat sa kaniyang puso.
10, 11. Para sa mga kabilang sa bagong tipan, sa anong paraan si Jehova ay ‘nagiging kanilang Diyos,’ at paanong silang lahat ay makakakila sa kaniya?
10 Sinabi pa ni Jehova tungkol sa mga kabilang sa bagong tipan: “Ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.” (Jeremias 31:33) Sa sinaunang Israel ay marami ang sumamba sa mga diyos ng mga bansa, ngunit sila’y nanatiling mga Israelita. Salig sa bagong tipan, lumikha si Jehova ng isang espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos,” upang halinhan ang likas na Israel. (Galacia 6:16; Mateo 21:43; Roma 9:6-8) Gayunman, ang isa ay hindi mananatiling bahagi ng bagong espirituwal na bansa kung hihinto siya ng pagsamba kay Jehova at sa kaniya lamang.
11 Sinabi rin ni Jehova: “Ako’y makikilala nilang lahat, mula sa kaliit-liitan hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.” (Jeremias 31:34) Sa Israel, marami ang nagwalang-bahala na lamang kay Jehova, anupat sa diwa ay nagsabi: “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.” (Zefanias 1:12) Ang isa ay hindi nananatiling bahagi ng Israel ng Diyos kung kaniyang ipinagwawalang-bahala si Jehova o dinudumhan ang dalisay na pagsamba. (Mateo 6:24; Colosas 3:5) Ang espirituwal na mga Israelita ay “mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos.” (Daniel 11:32) Nalulugod silang ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa tanging Diyos na totoo at kay Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Ang pagkakilala kay Jesus ay nagpapalalim ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos yamang, sa isang natatanging paraan, si Jesus “ang siyang nakapagpaliwanag tungkol sa [Diyos].”—Juan 1:18; 14:9-11.
12, 13. (a) Salig sa ano pinatatawad ni Jehova ang mga kasalanan niyaong mga kabilang sa bagong tipan? (b) May kinalaman sa kapatawaran ng mga kasalanan, paano nakahihigit ang bagong tipan sa matandang tipan?
12 Sa wakas, nangako si Jehova: “Patatawarin ko ang kanilang pagkakamali, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jeremias 31:34b) Kalakip sa Batas ni Moises ang daan-daang nasusulat na mga tuntunin na hinimok na sundin ng mga Israelita. (Deuteronomio 28:1, 2, 15) Ang lahat ng lumalabag sa Batas ay naghahandog ng hain upang matakpan ang kanilang mga kasalanan. (Levitico 4:1-7; 16:1-31) Maraming Judio ang naniwala na maaari silang maging matuwid sa pamamagitan ng kanilang mga gawa alinsunod sa Batas. Subalit natatanto ng mga Kristiyano na hindi nila maaaring matamo ang katuwiran sa pamamagitan ng kanilang sariling gawa. Hindi nila maiwasang magkasala. (Roma 5:12) Sa ilalim ng bagong tipan, posible lamang ang isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos salig sa hain ni Jesus. Subalit ang gayong katayuan ay isang kaloob, isang di-sana-nararapat na kabaitan mula sa Diyos. (Roma 3:20, 23, 24) Ang pagsunod ay kahilingan pa rin ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sinabi ni Pablo na yaong kabilang sa bagong tipan ay “nasa ilalim ng batas kay Kristo.”—1 Corinto 9:21.
13 Kaya naman, para sa mga Kristiyano ay mayroon ding hain para sa kasalanan, ngunit isa na makapupong higit ang halaga kaysa sa mga hain sa ilalim ng tipang Batas. Sumulat si Pablo: “Ang bawat saserdote [sa ilalim ng tipang Batas] ay lumalagay sa kaniyang dako sa araw-araw upang mag-ukol ng pangmadlang paglilingkod at upang maghandog ng gayunding mga hain nang madalas, yamang ang mga ito ay hindi kailanman lubusang makapag-alis ng mga kasalanan. Subalit [si Jesus] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang katapusan at umupo sa kanang kamay ng Diyos.” (Hebreo 10:11, 12) Yamang ang mga Kristiyano sa bagong tipan ay sumasampalataya sa hain ni Jesus, ipinahahayag ni Jehova na sila’y matuwid, walang kasalanan, at sa gayo’y nasa kalagayan na pahiran bilang kaniyang espirituwal na mga anak. (Roma 5:1; 8:33, 34; Hebreo 10:14-18) Kapag nagkasala sila dahil sa di-kasakdalan bilang tao, makahihingi sila ng pagpapatawad ni Jehova, at salig sa hain ni Jesus, pinatatawad sila ni Jehova. (1 Juan 2:1, 2) Gayunman, kung pipiliin nila ang landasin ng sadyang pagkakasala, maiwawala nila ang kanilang matuwid na katayuan at pribilehiyo na makasali sa bagong tipan.—Hebreo 2:2, 3; 6:4-8; 10:26-31.
Ang Matandang Tipan at ang Bago
14. Anong pagtutuli ang kahilingan sa ilalim ng tipang Batas? sa ilalim ng bagong tipan?
14 Ang mga lalaki sa matandang tipan ay tinutuli bilang tanda na sila’y nasa ilalim ng Batas. (Levitico 12:2, 3; Galacia 5:3) Nang magsimula ang Kristiyanong kongregasyon, inakala ng ilan na dapat ding tuliin ang di-Judiong mga Kristiyano. Ngunit palibhasa’y inakay ng Salita ng Diyos at ng banal na espiritu, napag-unawa ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem na ito ay hindi na kailangan. (Gawa 15:1, 5, 28, 29) Pagkaraan ng ilang taon, sinabi ni Pablo: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli ay yaong sa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nasusulat na kodigo.” (Roma 2:28, 29) Walang espirituwal na kahalagahan sa paningin ni Jehova ang literal na pagtutuli, maging ng mga likas na Judio. Para sa mga kabilang sa bagong tipan, ang dapat tuliin ay ang puso, hindi ang laman. Dapat alisin ang anumang bagay sa kanilang pag-iisip, nasa, at hilig na di-nakalulugod o di-malinis sa paningin ni Jehova.a Marami sa ngayon ang buháy na patotoo sa kapangyarihan ng banal na espiritu na makapagpabago ng kaisipan sa ganitong paraan.—1 Corinto 6:9-11; Galacia 5:22-24; Efeso 4:22-24.
15. Paano maihahambing ang likas na Israel at ang Israel ng Diyos kung tungkol sa makaharing pamamahala?
15 Sa kaayusan ng tipang Batas, si Jehova ang Hari ng Israel, at nang maglaon ay ginamit niya ang kaniyang soberanya sa pamamagitan ng mga taong hari sa Jerusalem. (Isaias 33:22) Si Jehova rin ang Hari ng Israel ng Diyos, ang espirituwal na Israel, at sapol noong 33 C.E., namamahala siya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na tumanggap ng “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18; Efeso 1:19-23; Colosas 1:13, 14) Sa ngayon, kinikilala ng Israel ng Diyos si Jesus bilang ang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos, na itinatag noong 1914. Si Jesus ay makapupong nakahihigit na Hari maging kina Hezekias, Josias, at iba pang tapat na hari sa sinaunang Israel.—Hebreo 1:8, 9; Apocalipsis 11:15.
16. Anong uri ng pagkasaserdote ang Israel ng Diyos?
16 Ang Israel ay hindi lamang isang kaharian kundi mayroon ding mga pinahirang saserdote. Noong 33 C.E., ang Israel ng Diyos ay humalili sa likas na Israel at naging “lingkod” ni Jehova, ang kaniyang “mga saksi.” (Isaias 43:10) Mula noon ay kumapit na sa espirituwal na Israel ng Diyos ang mga salita ni Jehova sa Israel na nakaulat sa Isaias 43:21 at Exodo 19:5, 6. Ang bagong espirituwal na bansa ng Diyos ay isa na ngayong “lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari,” na may pananagutang ‘magpahayag nang malawakan tungkol sa mga kamahalan ni Jehova.’ (1 Pedro 2:9) Ang lahat sa Israel ng Diyos, mga lalaki at babae, ay bumubuo ng isang pagkasaserdote sa kabuuan. (Galacia 3:28, 29) Bilang pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham, sinasabi nila ngayon: “Makigalak, kayong mga bansa, sa kaniyang bayan.” (Deuteronomio 32:43) Yaong kabilang sa espirituwal na Israel na nalalabi pa sa lupa ang siyang bumubuo sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Tanging sa pakikisama sa kanila maaaring makapag-ukol sa Diyos ng kaayaayang sagradong paglilingkod.
Ang Kaharian ng Diyos—Ang Panghuling Katuparan
17. Anong kapanganakan ang nararanasan niyaong mga kabilang sa bagong tipan?
17 Sa kapanganakan pa lamang ay napapailalim na sa tipang Batas ang mga Israelitang isinilang pagkalipas ng 1513 B.C.E. Yaong inilalakip ni Jehova sa bagong tipan ay nakararanas din ng isang pagsilang—sa kanilang kalagayan, isang espirituwal na pagsilang. Binanggit ito ni Jesus sa Fariseong si Nicodemo nang sabihin niya: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang ang sinuman ay maipanganak muli, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Ang 120 alagad noong Pentecostes 33 C.E. ang unang di-sakdal na mga taong nakaranas ng bagong pagsilang na ito. Palibhasa’y ipinahayag na matuwid sa ilalim ng bagong tipan, sila’y tumanggap ng banal na espiritu bilang “isang paunang tanda” ng kanilang maharlikang mana. (Efeso 1:14) Sila’y “naipanganak mula sa espiritu” upang maging mga anak na inampon ng Diyos, na nagpangyari sa kanila na maging mga kapatid ni Jesus at sa gayo’y “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Juan 3:6; Roma 8:16, 17) Ang kanilang pagiging ‘ipinanganak muli’ ay nagbukas ng daan para sa kamangha-manghang pag-asa.
18. Ang pagiging ipinanganak muli ay nagbubukas ng daan sa anong kamangha-manghang pag-asa para sa mga kabilang sa bagong tipan?
18 Nang namamagitan para sa bagong tipan, gumawa si Jesus ng karagdagang pakikipagtipan sa kaniyang mga tagasunod, anupat sinabi: “Nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:29) Ang tipang ito sa Kaharian ay naghahanda ng daan para sa katuparan ng isang pambihirang pangitain na nakaulat sa Daniel 7:13, 14, 22, 27. Nakita ni Daniel ang “isang gaya ng anak ng tao” na binigyan ng makaharing awtoridad ng “Matanda sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova. Pagkatapos ay nakita ni Daniel na “inari ng mga banal ang kaharian mismo.” Si Jesus ang isang “gaya ng anak ng tao” na, noong 1914, ay tumanggap ng makalangit na Kaharian mula sa Diyos na Jehova. Ang kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga alagad ang “mga banal” na nakikibahagi sa kaniya sa Kahariang iyan. (1 Tesalonica 2:12) Paano?
19, 20. (a) Para sa mga kabilang sa bagong tipan, magkakaroon ng anong panghuli at maluwalhating katuparan ang pangako ni Jehova kay Abraham? (b) Ano pang mga tanong ang kailangang isaalang-alang?
19 Pagkamatay nila, ang mga pinahirang ito ay katulad na ni Jesus na ibinangon mula sa mga patay bilang imortal na espiritung mga nilalang upang maglingkod na kasama niya bilang mga hari at mga saserdote sa langit. (1 Corinto 15:50-53; Apocalipsis 20:4, 6) Tunay na isang maluwalhating pag-asa! “Sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa,” hindi lamang sa lupain ng Canaan. (Apocalipsis 5:10) Kanila bang ‘aariin ang mga pintuang-daan ng kanilang mga kaaway’? (Genesis 22:17) Oo, at sa isang tiyak na paraan, kapag nasaksihan nila ang pagpuksa sa kaaway na relihiyosong patutot, ang Babilonyang Dakila, at kapag ang binuhay-muling mga pinahirang ito ay nakibahagi kay Jesus sa pagpapastol sa mga bansa “sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal” at sa pagdurog sa ulo ni Satanas. Sa gayo’y makikibahagi sila sa pagtupad sa panghuling detalye ng hula sa Genesis 3:15.—Apocalipsis 2:26, 27; 17:14; 18:20, 21; Roma 16:20.
20 Gayunman, maitatanong natin, Ito lamang bang 144,000 tapat na mga kaluluwa ang kasangkot sa Abrahamikong tipan at sa bagong tipan? Hindi, sa pamamagitan nila ay pagpapalain ang iba pa na hindi tuwirang kasali sa mga tipang ito, gaya ng makikita sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 470, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Kailan unang nakitang nagkabisa ang bagong tipan?
◻ Ano ang naisakatuparan sa pamamagitan ng matandang tipan?
◻ Sino pangunahin na ang Binhi ni Abraham, at paano ang pagkakasunud-sunod ng mga bansang pinagpala sa pamamagitan ng Binhing iyon?
◻ Para sa 144,000, ano ang panghuling katuparan ng Abrahamikong tipan at ng bagong tipan?
[Larawan sa pahina 15]
Mas malalim ang kahulugan ng kapatawaran ng mga kasalanan para sa mga nasa ilalim ng bagong tipan kaysa sa mga nasa ilalim ng matandang tipan