Ikasampung Kabanata
Sino ang Makatatayo Laban sa Prinsipe ng mga Prinsipe?
1, 2. Bakit ang pangitain ni Daniel noong ikatlong taon ng paghahari ni Belsasar ay mahalaga sa atin?
LIMAMPU’T PITONG taon na ang nakalilipas mula nang mawasak ang templo ni Jehova sa Jerusalem. Si Belsasar at ang kaniyang ama, si Nabonido, ay magkasamang namamahala sa Imperyo ng Babilonya, ang ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya.a Ang propeta ng Diyos na si Daniel ay isa nang tapon sa Babilonya. At sa “ikatlong taon ng paghahari ni Belsasar na hari,” si Jehova ay nagpadala ng isang pangitain kay Daniel na nagsisiwalat ng ilang mga detalye ng pagsasauli sa tunay na pagsamba.—Daniel 8:1.
2 Ang makahulang pangitain na nakita ni Daniel ay may malaking epekto sa kaniya at may malaking kahalagahan sa atin na nabubuhay sa “panahon ng kawakasan.” Sinabi ni anghel Gabriel kay Daniel: “Narito, ipinaaalam ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng pagtuligsa, sapagkat iyon ay para sa takdang panahon ng kawakasan.” (Daniel 8:16, 17, 19, 27) Kung gayon, taglay ang matinding interes, isaalang-alang natin kung ano ang nakita ni Daniel at kung ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon.
ISANG BARAKONG TUPA NA MAY DALAWANG SUNGAY
3, 4. Anong hayop ang nakita ni Daniel na nakatayo sa harap ng daanang-tubig, at ano ang isinasagisag nito?
3 “Ako ay nagsimulang makakita sa pangitain,” ang sulat ni Daniel, “at nangyari nga, samantalang ako ay may nakikita, na ako ay nasa Susan na kastilyo, na nasa Elam na nasasakupang distrito; at ako ay nakakita sa pangitain, at ako noon ay nasa tabi ng daanang-tubig ng Ulai.” (Daniel 8:2) Kung si Daniel ay aktuwal na nasa Susan (Susa)—ang kabisera ng Elam, na mga 350 kilometro ang kinaroroonan sa may silangan ng Babilonya—o naroroon lamang sa pamamagitan ng isang pangitain ay hindi sinabi.
4 Si Daniel ay nagpatuloy: “Nang itingin ko ang aking mga mata, nang magkagayon ay nakita ko, at, narito! isang barakong tupa na nakatayo sa harap ng daanang-tubig, at ito ay may dalawang sungay.” (Daniel 8:3a) Ang pagkakakilanlan sa barakong tupa ay hindi nanatiling isang misteryo para kay Daniel. Nang dakong huli ay sinabi ni anghel Gabriel: “Ang barakong tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia.” (Daniel 8:20) Ang mga Medo ay nagmula sa bulubunduking talampas sa may silangan ng Asirya, at ang mga Persiano ay dati nang lagalag sa dakong hilaga ng Gulpo ng Persia. Gayunpaman, habang lumalaki ang Imperyo ng Medo-Persia, ang mga mamamayan nito ay nagkaroon ng pambihirang hilig sa karangyaan.
5. Paanong ang sungay na “tumubo nang huli” ay naging mas mataas?
5 “Ang dalawang sungay ay matataas,” ang pag-uulat ni Daniel, “ngunit ang isa ay mas mataas kaysa sa isa, at ang mas mataas ay siyang tumubo nang huli.” (Daniel 8:3b) Ang mas mataas na sungay na huling tumubo ay lumalarawan sa mga Persiano, samantalang ang isa pang sungay ay lumalarawan sa mga Medo. Sa simula, ang mga Medo ang nangingibabaw. Subalit noong 550 B.C.E., si Ciro na tagapamahala ng Persia ay madaling nagwagi laban sa Medianong haring si Astyages. Pinagsama ni Ciro ang mga kustumbre at mga batas ng dalawang bansa, pinagbuklod ang kanilang mga kaharian, at pinalawak ang kanilang pananakop. Mula noon, ito ay naging isang magkasanib na imperyo.
LUBHANG NAGPALALO ANG BARAKONG TUPA
6, 7. Paanong “walang mabangis na hayop ang makapanatiling nakatayo sa harap” ng barakong tupa?
6 Sa pagpapatuloy ng kaniyang paglalarawan sa barakong tupa, sinabi ni Daniel: “Nakita kong ang barakong tupa ay nanunuwag sa dakong kanluran at sa dakong hilaga at sa dakong timog, at walang mabangis na hayop ang makapanatiling nakatayo sa harap nito, at walang sinumang nakapagliligtas mula sa kamay nito. At ginawa nito ang ayon sa kaniyang kalooban, at iyon ay lubhang nagpalalo.”—Daniel 8:4.
7 Sa sinundang pangitaing ibinigay kay Daniel, ang Babilonya ay inilarawan na mabangis na hayop na umahon sa dagat at ito’y kagaya ng isang leon na may mga pakpak ng isang agila. (Daniel 7:4, 17) Ang makasagisag na hayop na iyon ay hindi nakatayo sa harapan ng “barakong tupa” sa bagong pangitaing ito. Ang Babilonya ay bumagsak kay Cirong Dakila noong 539 B.C.E. Sa loob halos ng 50 taon pagkaraan nito, “walang mabangis na hayop,” o makapulitikang mga pamahalaan, ang nakatayo laban sa Imperyo ng Medo-Persia—ang ikaapat na kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya.
8, 9. (a) Paanong “nanunuwag sa dakong kanluran at sa dakong hilaga at sa dakong timog” ang “barakong tupa”? (b) Ano ang sinasabi ng aklat ng Esther hinggil sa humalili kay Haring Dario I ng Persia?
8 Galing sa ‘sikatan ng araw’—ang silangan—ginawa ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia kung ano ang gusto nito, na “nanunuwag sa dakong kanluran at sa dakong hilaga at sa dakong timog.” (Isaias 46:11) Si Haring Cambyses II, na humalili kay Cirong Dakila, ay sumakop sa Ehipto. Ang kaniyang naging kahalili ay si Haring Dario I ng Persia, na nagpakanluran patawid sa mga kipot ng Bosporus noong 513 B.C.E. at sumalakay sa teritoryo ng Thrace sa Europa, na ang kabisera ay Byzantium (ngayo’y Istanbul). Noong taóng 508 B.C.E., kaniyang pinasuko ang Thrace, at kaniyang sinakop ang Macedonia noong 496 B.C.E. Kaya, sa panahon ni Dario, ang “barakong tupa” ng Medo-Persia ay nanakop ng teritoryo sa tatlong pangunahing direksiyon: sa hilaga papasok sa Babilonia at Asirya, sa kanluran sa buong Asia Minor, at sa timog hanggang sa Ehipto.
9 Bilang pagpapatunay sa kadakilaan ng Imperyo ng Medo-Persia, ang Bibliya ay bumabanggit sa kahalili ni Dario, na si Jerjes I, na “siyang Ahasuero na namamahala bilang hari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isang daan at dalawampu’t pitong nasasakupang distrito.” (Esther 1:1) Subalit ang dakilang imperyong ito ay susuko sa iba, at hinggil dito, ang pangitain ni Daniel ay nagsisiwalat ng ilang nakatatawag-pansing detalye na dapat na magpalakas sa ating pananampalataya sa makahulang salita ng Diyos.
SINAKTAN NG LALAKING KAMBING ANG BARAKONG TUPA
10. Sa pangitain ni Daniel, anong hayop ang nagpabagsak sa “barakong tupa”?
10 Gunigunihin ang pagtataka ni Daniel sa kaniyang nakikita ngayon. Ang ulat ay nagsasabi: “Sa ganang akin ay patuloy kong pinag-isipan, at, narito! may isang lalaking kambing na dumarating mula sa lubugan ng araw patungo sa ibabaw ng buong lupa, at hindi ito sumasayad sa lupa. At kung tungkol sa kambing na lalaki, may isang sungay na kapansin-pansin sa pagitan ng mga mata nito. At patuloy itong pumaroon hanggang sa barakong tupa na may dalawang sungay, na siyang nakita kong nakatayo sa harap ng daanang-tubig; at tinakbo niya ito sa kaniyang matinding pagngangalit. At nakita kong ito ay papalapit sa barakong tupa, at siya ay nagpasimulang magpakita rito ng kapaitan, at kaniyang sinaktan ang barakong tupa at binali ang dalawang sungay nito, at walang kapangyarihan ang barakong tupa upang makatayo sa harap niya. Kaya inihagis niya ito sa lupa at niyurakan, at ang barakong tupa ay walang naging tagapagligtas mula sa kamay nito.” (Daniel 8:5-7) Ano ang kahulugan ng lahat ng ito?
11. (a) Paano ipinaliwanag ni anghel Gabriel “ang mabalahibong kambing na lalaki” at ang “malaking sungay” nito? (b) Sino ang inilalarawan ng kapansin-pansing sungay?
11 Kahit na si Daniel ni tayo man ay hindi kailangang manghula pa sa kung ano ang kahulugan ng pangitaing ito. “Ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at kung tungkol sa malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata nito, iyon ay kumakatawan sa unang hari,” sabi ni anghel Gabriel kay Daniel. (Daniel 8:21) Noong 336 B.C.E., ang huling hari ng Imperyo ng Persia, si Dario III (Codommanus), ay pinutungan ng korona. Sa taon ding iyon, si Alejandro ay naging hari ng Macedonia. Ipinakikita ng kasaysayan na si Alejandrong Dakila ang siyang inihulang unang “hari ng Gresya.” Mula “sa lubugan ng araw,” o ang kanluran, noong taóng 334 B.C.E., mabilis na kumilos si Alejandro. Parang “hindi ito sumasayad sa lupa,” kaniyang sinakop ang mga teritoryo at pinabagsak “ang barakong tupa.” Sa pagwawakas ng pamamahala ng Medo-Persia sa loob ng halos dalawang siglo, ang Gresya ay naging ikalimang kapangyarihang pandaigdig na may kahalagahan sa Bibliya. Anong kamangha-manghang katuparan ng banal na hula!
12. Paanong “ang malaking sungay” ng makasagisag na kambing ay “nabali,” at ano ang apat na sungay na tumubo na kahalili nito?
12 Subalit ang kapangyarihan ni Alejandro ay di-magtatagal. Ang pangitain ay higit pang nagsisiwalat: “At ang lalaking kambing, sa ganang kaniya, ay lubhang nagpalalo sa kasukdulan; ngunit nang lumakas ito, ang malaking sungay ay nabali, at may apat na kapansin-pansing tumubo na kahalili nito, tungo sa apat na hangin ng langit.” (Daniel 8:8) Sa pagpapaliwanag sa hula, sinabi ni Gabriel: “Nang mabali ang isang iyon, anupat may apat na sa kalaunan ay tumayong kahalili nito, may apat na kaharian mula sa kaniyang bansa na tatayo, ngunit hindi taglay ang kaniyang kapangyarihan.” (Daniel 8:22) Gaya ng inihula, sa karurukan ng kaniyang tagumpay, si Alejandro ay ‘nabali,’ o namatay, sa edad na 32 lamang. At ang kaniyang dakilang imperyo ay nabaha-bahagi sa wakas sa kaniyang apat na heneral.
ISANG MISTERYOSONG MALIIT NA SUNGAY
13. Ano ang tumubo sa isa sa apat na sungay, at paano ito kumilos?
13 Ang sumunod na bahagi ng pangitain ay may lawig na mahigit sa 2,200 taon, na ang katuparan nito ay umaabot hanggang sa makabagong panahon. Si Daniel ay sumulat: “Mula sa isa sa kanila [ang apat na sungay] ay may lumabas na isa pang sungay, na maliit, at ito ay patuloy na lumaking lubha tungo sa timog at tungo sa sikatan ng araw at tungo sa Kagayakan. At ito ay patuloy na lumaki hanggang umabot sa hukbo sa langit, anupat pinalaglag nito sa lupa ang ilan sa hukbo at ang ilan sa mga bituin, at niyurakan nito ang mga iyon. At lubha itong nagpalalo hanggang sa Prinsipe ng hukbo, at sa kaniya ay inalis ang palagiang handog, at ang tatag na dako ng kaniyang santuwaryo ay ibinagsak. At isang hukbo ang ibinigay sa kalaunan, kasama ang palagiang handog, dahil sa pagsalansang; at patuloy nitong inihahagis sa lupa ang katotohanan, at ito ay kumilos at nagtagumpay.”—Daniel 8:9-12.
14. Ano ang sinabi ni anghel Gabriel hinggil sa mga gawain ng makasagisag na maliit na sungay, at ano ang mangyayari sa sungay na iyon?
14 Bago natin maunawaan ang kahulugan ng mga salitang kasisipi pa lamang, kailangan nating magbigay-pansin sa anghel ng Diyos. Pagkatapos tukuyin ang pagsampa sa kapangyarihan ng apat na kaharian mula sa imperyo ni Alejandro, ang anghel na si Gabriel ay nagsabi: “Sa huling bahagi ng kanilang kaharian, habang ang mga mananalansang ay kumikilos tungo sa kalubusan, may tatayong isang hari na mabangis ang mukha at nakauunawa ng malalabong pananalita. At ang kaniyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa sarili niyang kapangyarihan. At sa kamangha-manghang paraan ay manggigiba siya, at siya ay tiyak na magtatagumpay at gagawa sa mabisang paraan. At ipapahamak nga niya ang mga makapangyarihan, gayundin ang bayan na binubuo ng mga banal. At ayon sa kaniyang kaunawaan ay tiyak na pagtatagumpayin din niya sa kaniyang kamay ang panlilinlang. At sa kaniyang puso ay lubhang magpapalalo siya, at sa panahon ng kalayaan sa alalahanin ay ipahahamak niya ang marami. At laban sa Prinsipe ng mga prinsipe ay tatayo siya, ngunit mawawasak siya na hindi sa pamamagitan ng kamay.”—Daniel 8:23-25.
15. Ano ang sinabi ng anghel na gawin ni Daniel hinggil sa pangitain?
15 “Sa ganang iyo ay ingatan mong lihim ang pangitain,” sabi ng anghel kay Daniel, “sapagkat iyon ay ukol pa sa maraming araw.” (Daniel 8:26) Ang katuparan ng bahaging ito ng pangitain ay hindi mangyayari sa loob ng “maraming araw,” at dapat na “ingatang lihim [ni Daniel] ang pangitain.” Ang kahulugan nito ay maliwanag na nanatiling isang misteryo kay Daniel. Gayunman, sa ngayon, ang “maraming araw” na yaon ay tiyak na natapos na. Kaya maitatanong natin: ‘Ano ang isinisiwalat ng kasaysayan ng daigdig hinggil sa katuparan ng makahulang pangitaing ito?’
NAGING DAKILA SA KAPANGYARIHAN ANG MALIIT NA SUNGAY
16. (a) Mula sa aling makasagisag na sungay nagmula ang maliit na sungay? (b) Paano naging ikaanim na kapangyarihang pandaigdig ang Roma sa hula ng Bibliya, subalit bakit hindi ito ang makasagisag na maliit na sungay?
16 Ayon sa kasaysayan, ang maliit na sungay ay supang ng isa sa apat na makasagisag na sungay—ang isa na nasa pinakakanlurananing bahagi. Ito ang Helenistikong kaharian ni Heneral Cassander sa Macedonia at Gresya. Sa dakong huli, ang kahariang ito ay sinakop ng kaharian ni Heneral Lysimachus, ang hari ng Thrace at Asia Minor. Noong ikalawang siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang kanluraning bahaging ito ng Helenistikong teritoryo ay nasakop ng Roma. At pagsapit ng taóng 30 B.C.E., sinakop ng Roma ang lahat ng Helenistikong kaharian, anupat ginawa ang sarili na ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Subalit ang Imperyo ng Roma ay hindi siyang maliit na sungay sa pangitain ni Daniel, yamang ang imperyong ito ay hindi nagpatuloy hanggang sa “takdang panahon ng kawakasan.”—Daniel 8:19.
17. (a) Ano ang relasyon ng Britanya sa Imperyo ng Roma? (b) Paano nauugnay ang Imperyo ng Britanya sa Helenistikong kaharian ng Macedonia at Gresya?
17 Ano kung gayon, ang ipinakikilala ng kasaysayan bilang ang agresibong “hari na mabangis ang mukha”? Ang Britanya sa katunayan ay isang hilagang-kanlurang supang ng Imperyo ng Roma. Hanggang sa maagang bahagi ng ikalimang siglo C.E., may mga lalawigan ng Roma sa tinatawag ngayong Britanya. Sa paglipas ng panahon, humina ang Imperyo ng Roma, subalit ang impluwensiya ng Greco-Romanong sibilisasyon ay nagpatuloy sa Britanya at sa iba pang bahagi ng Europa na dati’y sumailalim ng pamamahala ng Roma. “Sa pagbagsak ng Imperyo ng Roma,” sulat ng nagwagi ng Nobel Prize na makata at awtor na taga-Mexico na si Octavio Paz, “ang Simbahan ang siyang humalili.” Dagdag pa niya: “Inilakip ng mga ama ng Simbahan, at ng mga iskolar nang dakong huli, ang Griegong pilosopiya sa Kristiyanong doktrina.” At ang ika-20 siglong pilosopo at matematikong si Bertrand Russell ay nagsabi: “Ang sibilisasyon ng Kanluran, na nanggaling sa Griego, ay salig sa makapilosopiya at makasiyensiyang tradisyon na nagsimula sa Mileto [isang Griegong lunsod sa Asia Minor] dalawa at kalahating libong taon na ang nakararaan.” Kaya, masasabing ang kultural na mga ugat ng Imperyo ng Britanya ay nagmula sa Helenistikong kaharian ng Macedonia at Gresya.
18. Ano ang maliit na sungay na naging “isang hari na mabangis ang mukha” sa “panahon ng kawakasan”? Ipaliwanag.
18 Pagsapit ng 1763 tinalo ng Imperyo ng Britanya ang makapangyarihan niyang mga karibal, ang Espanya at Pransiya. Mula noon ay itinanghal niya ang kaniyang sarili bilang reyna ng mga karagatan at bilang ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Kahit na pagkatapos na humiwalay ang 13 kolonyang Amerikano mula sa Britanya noong 1776 upang itatag ang Estados Unidos ng Amerika, ang Imperyo ng Britanya ay lumawak upang sakupin ang ikaapat na bahagi ng balat ng lupa at ikaapat na bahagi ng populasyon nito. Ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig ay lalo pang lumakas nang ang Estados Unidos ng Amerika ay sumama sa Britanya upang buuin ang magkasanib na kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerikano. Sa ekonomiya at sa militar, ang kapangyarihang ito ay tunay na naging “isang hari na mabangis ang mukha.” Kung gayon, ang maliit na sungay na naging isang mabangis na kapangyarihang pulitikal sa “panahon ng kawakasan,” ay ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano.
19. Ano ang “Kagayakan” na binanggit sa pangitain?
19 Nakita ni Daniel na ang maliit na sungay ay “patuloy na lumaking lubha” tungo sa “Kagayakan.” (Daniel 8:9) Ang Lupang Pangako, na ibinigay ni Jehova sa kaniyang piniling bayan, ay napakaganda anupat ito’y tinawag na “ang kagayakan ng lahat ng lupain,” alalaong baga, ng buong lupa. (Ezekiel 20:6, 15) Totoo, sinakop ng Britanya ang Jerusalem noong Disyembre 9, 1917, at noong taóng 1920, ang Liga ng mga Bansa ay nagbigay ng atas sa Gran Britanya na mangasiwa sa Palestina, na nagpatuloy hanggang Mayo 14, 1948. Subalit ang pangitain ay makahula, na naglalaman ng maraming sagisag. At ang “Kagayakan” na binanggit sa pangitain ay sumasagisag, hindi sa Jerusalem, kundi sa makalupang kalagayan ng bayan na itinuturing ng Diyos na banal sa panahon ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig. Tingnan natin kung paanong pinagsikapan ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano na isapanganib ang mga banal.
IBINAGSAK ANG “DAKO NG KANIYANG SANTUWARYO”
20. Sino ang “hukbo sa langit” at “mga bituin” na pinagsikapang ilaglag ng maliit na sungay?
20 Ang maliit na sungay ay “patuloy na lumaki hanggang umabot sa hukbo sa langit, anupat pinalaglag nito sa lupa ang ilan sa hukbo at ang ilan sa mga bituin.” Ayon sa paliwanag ng anghel, ang “hukbo sa langit” at ang “mga bituin” na pinagsikapang ilaglag ng maliit na sungay ay “ang bayan na binubuo ng mga banal.” (Daniel 8:10, 24) Ang “mga banal” na ito ay mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Dahilan sa pagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan, na nagkabisa sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Jesu-Kristo, sila’y pinabanal, nilinis, at ibinukod para sa pantanging paglilingkod sa Diyos. (Hebreo 10:10; 13:20) Dahilan sa pagtatalaga sa kanila bilang mga tagapagmanang kasama ng kaniyang Anak sa makalangit na mana, itinuring sila ni Jehova na banal. (Efeso 1:3, 11, 18-20) Sa pangitain ni Daniel, kung gayon, ang “hukbo sa langit” ay tumutukoy sa nalabi sa lupa ng 144,000 na “mga banal,” na maghahari sa langit kasama ng Kordero.—Apocalipsis 14:1-5.
21. Sino ang tumatahan sa isang “banal na dako” na pinagsisikapang itiwangwang ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig?
21 Sa ngayon ang nalalabi ng 144,000 ay ang makalupang mga kinatawan ng “makalangit na Jerusalem”—ang tulad-lunsod na Kaharian ng Diyos—at ang pantemplong kaayusan nito. (Hebreo 12:22, 28; 13:14) Sa ganitong diwa ay tumatahan sila sa isang “banal na dako” na sinisikap na yurakan at gawing tiwangwang ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig. (Daniel 8:13) Sa pagtukoy rin sa banal na dakong iyan bilang “ang tatag na dako ng santuwaryo [ni Jehova],” sinabi ni Daniel: “Sa kaniya [Jehova] ay inalis ang palagiang handog, at ang tatag na dako ng kaniyang santuwaryo ay ibinagsak. At isang hukbo ang ibinigay sa kalaunan, kasama ang palagiang handog, dahil sa pagsalansang; at patuloy nitong inihahagis sa lupa ang katotohanan, at ito ay kumilos at nagtagumpay.” (Daniel 8:11, 12) Paano ito natupad?
22. Noong Digmaang Pandaigdig II, paano nakagawa ng kapansin-pansing “pagsalansang” ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig?
22 Ano ba ang dinanas ng mga Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig II? Sila’y dumanas ng matinding pag-uusig! Ito’y nagsimula sa mga bansang Nazi at Pasista. Subalit di-nagtagal at ang ‘katotohanan ay inihahagis sa lupa’ sa buong nasasakupan ng ‘maliit na sungay na ang kalakasan ay naging makapangyarihan.’ “Ang hukbo” ng mga tagapaghayag ng Kaharian at ang kanilang gawaing pangangaral “ng mabuting balita” ay ipinagbawal sa halos buong British Commonwealth. (Marcos 13:10) Nang sapilitang tumawag ang mga bansang ito ng mga magsusundalo, hindi nila pinalibre ang mga Saksi ni Jehova bilang mga ministro, na nagpapakita ng kawalang-galang sa kanilang teokratikong atas bilang mga ministro ng Diyos. Ang marahas na pang-uumog at iba’t ibang uri ng paghamak ay naranasan ng mga tapat na lingkod ni Jehova sa Estados Unidos. Sa diwa, sinikap alisin ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig ang hain ng papuri—“ang bunga ng mga labi”—na regular na inihahandog kay Jehova ng kaniyang bayan bilang “palagiang handog” ng kanilang pagsamba. (Hebreo 13:15) Sa ganitong paraan ang kapangyarihang pandaigdig na ito ay nakagawa ng “pagsalansang” sa paglusob sa mismong nasasakupan ng Kataas-taasang Diyos—“ang tatag na dako ng kaniyang santuwaryo.”
23. (a) Noong Digmaang Pandaigdig II, paano tumayo “laban sa Prinsipe ng mga prinsipe” ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano? (b) Sino ang “Prinsipe ng mga prinsipe”?
23 Sa pamamagitan ng pag-uusig sa “mga banal” noong Digmaang Pandaigdig II, ang maliit na sungay ay lubhang nagpalalo “hanggang sa Prinsipe ng hukbo.” O, gaya ng sinabi ni anghel Gabriel, ito’y tumayo “laban sa Prinsipe ng mga prinsipe.” (Daniel 8:11, 25) Ang titulong “ang Prinsipe ng mga prinsipe” ay pantanging kumakapit sa Diyos na Jehova. Ang Hebreong salitang sar, na isinaling “prinsipe,” ay kaugnay ng isang pandiwa na nangangahulugang “manakop.” Bukod pa sa pagtukoy sa anak ng hari o isang taong maharlika, ang salita ay kumakapit sa isang ulo, o sa isang pinuno. Ang aklat ng Daniel ay bumabanggit sa iba pang mga anghelikong prinsipe—halimbawa, si Miguel. Ang Diyos ang Pinunong Prinsipe ng lahat ng prinsipeng ito. (Daniel 10:13, 21; ihambing ang Awit 83:18.) Maguguniguni kaya natin na may sinumang makatatayo laban kay Jehova—ang Prinsipe ng mga prinsipe?
DINALA SA TAMANG KALAGAYAN ANG “BANAL NA DAKO”
24. Anong katiyakan ang ibinibigay sa atin ng Daniel 8:14?
24 Walang sinuman na makatatayo laban sa Prinsipe ng mga prinsipe—kahit na isang hari na “mabangis ang mukha” gaya ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano! Ang mga pagtatangka ng haring ito na itiwangwang ang santuwaryo ng Diyos ay hindi nagtatagumpay. Pagkatapos ng isang yugto ng “dalawang libo at tatlong daang gabi at umaga,” sabi ng mensaherong anghel, “ang dakong banal ay tiyak na dadalhin sa tamang kalagayan nito,” o “magtatagumpay.”—Daniel 8:13, 14; The New English Bible.
25. Gaano kahaba ang makahulang yugto ng 2,300 araw, at sa anong pangyayari dapat itong iugnay?
25 Ang 2,300 araw ay bumubuo ng makahulang yugto. Kaya, ang makahulang taon ng 360 araw ay nasasangkot. (Apocalipsis 11:2, 3; 12:6, 14) Kung gayon, ang 2,300 araw na ito ay makakatumbas ng 6 na taon, 4 na buwan, at 20 araw. Kailan naganap ang yugtong ito? Buweno, noong mga taon ng 1930, ang bayan ng Diyos ay nagsimulang makaranas ng patindi nang patinding pag-uusig sa iba’t ibang bansa. At noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ay malupit na pinag-usig sa mga lupain ng magkasanib na kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerikano. Bakit? Dahilan sa kanilang patuloy na ‘pagsunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa mga tao.’ (Gawa 5:29) Kaya, ang 2,300 araw ay dapat na iugnay sa digmaang iyon.b Subalit ano ang masasabi hinggil sa pasimula at katapusan ng makahulang yugtong ito?
26. (a) Mula kailan, sa pinakamaaga, dapat magsimula ang pagbilang ng 2,300 araw? (b) Kailan natapos ang yugto ng 2,300 araw?
26 Upang “ang dakong banal” ay ‘madala’ o maisauli, sa wastong kalagayan nito, ang 2,300 araw ay dapat magsimula noong ito’y nasa dating “tamang kalagayan” sa pangmalas ng Diyos. Sa pinakamaaga, ito’y noong Hunyo 1, 1938, nang ang The Watchtower ay naglathala ng bahagi 1 ng artikulong “Organisasyon.” Ang bahagi 2 ay lumabas sa isyu ng Hunyo 15, 1938. Ang pagbilang ng 2,300 araw 6 na taon, 4 na buwan, at 20 araw (mula Hunyo 1 o 15, 1938, sa kalendaryong Hebreo) ay nagdadala sa atin sa Oktubre 8 o 22, 1944. Sa unang araw ng isang pantanging asamblea na idinaos sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., noong Setyembre 30 at Oktubre 1, 1944, ang presidente ng Samahang Watch Tower ay nagpahayag ng paksang “Ang Teokratikong Pagsasaayos Ngayon.” Sa taunang pulong ng korporasyon noong Oktubre 2, ang karta ng Samahan ay sinusugan upang sikaping ilapit ito hangga’t maaari sa teokratikong kaayusan ayon sa ipinahihintulot ng batas. Dahil sa paglalathala ng niliwanag na mga kahilingan sa Bibliya, di-nagtagal pagkatapos nito naitatag nang higit pa ang teokratikong organisasyon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
27. Ano ang patotoo na ang “palagiang handog” ay nahadlangan noong mga taon na puspusan ang pag-uusig noong Digmaang Pandaigdig II?
27 Sa patuloy na paglakad ng 2,300 araw noong Digmaang Pandaigdig II, na nagsimula noong 1939, ang paghahain ng “palagiang handog” sa santuwaryo ng Diyos ay mahigpit na nahadlangan dahilan sa pag-uusig. Noong 1938, ang Watch Tower Bible and Tract Society ay may 39 na sangay na nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi sa buong daigdig, subalit noong 1943 ito’y naging 21 na lamang. Ang pagsulong sa bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay maliit din nang panahong iyon.
28, 29. (a) Sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, anong mga pangyayari ang naganap sa organisasyon ni Jehova? (b) Ano ang masasabi sa masasamang pagtatangka ng kaaway na itiwangwang at puksain “ang banal na dako”?
28 Gaya nang ating nakita na, sa mga huling buwan ng Digmaang Pandaigdig II, muling pinagtibay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang determinasyon na dakilain ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniya bilang isang teokratikong organisasyon. Udyok ng tunguhing ito, isa muling pagsasaayos sa kanilang gawain at sa balangkas ng pamamahala nito ang pinasimulan noong 1944. Sa katunayan, ang The Watchtower ng Oktubre 15, 1944, ay nagtaglay ng isang artikulong pinamagatang “Organisado Para sa Pangwakas na Gawain.” Ito at ang iba pang artikulo para sa paglilingkod nang panahon ding iyon ay nagpapakita na ang 2,300 araw ay nagtapos na at na “ang banal na dako” ay nasa “tamang kalagayan” muli.
29 Ang masasamang pagtatangka ng kaaway na itiwangwang at puksain “ang banal na dako” ay lubusang nabigo. Tunay, ang nalalabi ng “mga banal” sa lupa, kalakip na ang kanilang mga kasama na “malaking pulutong,” ay nagsipagtagumpay. (Apocalipsis 7:9) At ang santuwaryo, sa wastong kalagayan nitong teokratiko, ay patuloy na nagsasagawa ng sagradong paglilingkod kay Jehova.
30. Ano ang malapit nang mangyari sa “hari na may mabangis na mukha”?
30 Ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano ay nasa kaniyang posisyon pa rin. “Ngunit mawawasak siya na hindi sa pamamagitan ng kamay,” sabi ni anghel Gabriel. (Daniel 8:25) Hindi na magtatagal, ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig na ito sa hula ng Bibliya—ang “hari na may mabangis na mukha”—ay mawawasak, hindi sa pamamagitan ng mga kamay ng tao, kundi sa pamamagitan ng higit-sa-taong kapangyarihan sa Armagedon. (Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16) Kapana-panabik malaman na, sa panahong iyon, ang soberanya ng Diyos na Jehova, ang Prinsipe ng mga prinsipe ay maipagbabangong-puri!
[Mga talababa]
a Ang pitong kapangyarihang pandaigdig na may pantanging kahalagahan sa Bibliya ay ang Ehipto, Asirya, Babilonia, Medo-Persia, Gresya, Roma, at ang magkasanib na kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerikano. Ang lahat ng ito ay namumukod-tangi sapagkat sila’y nagkaroon ng pakikitungo sa bayan ni Jehova.
b Ang Daniel 7:25 ay bumabanggit din ng isang yugto ng panahon na doon ‘patuluyang liligaligin ang mga banal ng Kadaki-dakilaan.’ Gaya ng ipinaliwanag sa naunang kabanata, ito ay iniugnay sa unang digmaang pandaigdig.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang inilalarawan ng
“barakong tupa” na may “dalawang sungay”?
“mabalahibong lalaking kambing” at ang “malaking sungay” nito?
ang apat na sungay na tumubong kahalili ng “malaking sungay”?
ang maliit na sungay na tumubo mula sa isa sa apat na sungay?
• Noong Digmaang Pandaigdig II, paano pinagsikapang itiwangwang ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano ang “banal na dako,” at ito ba’y nagtagumpay?
[Mapa/Larawan sa pahina 166]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Imperyo ng Medo-Persia
MACEDONIA
EHIPTO
Memphis
ETIOPIA
Jerusalem
Babilonya
Ecbatana
Susa
Persepolis
INDIA
[Mapa/Larawan sa pahina 169]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Imperyo ng Gresya
MACEDONIA
EHIPTO
Babilonya
Ilog Indus
[Mapa sa pahina 172]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Imperyo ng Roma
BRITANNIA
ITALYA
Roma
Jerusalem
EHIPTO
[Buong-pahinang larawan sa pahina 164]
[Mga larawan sa pahina 174]
Ilang kilalang tao ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano:
1. George Washington, unang presidente ng Estados Unidos (1789-97)
2. Reyna Victoria ng Britanya (1837-1901)
3. Woodrow Wilson, presidente ng Estados Unidos (1913-21)
4. David Lloyd George, punong ministro ng Britanya (1916-22)
5. Winston Churchill, punong ministro ng Britanya (1940-45, 1951-55)
6. Franklin D. Roosevelt, presidente ng Estados Unidos (1933-45)