DARIO
Sa ulat ng Bibliya, ang pangalang ito ay ginagamit upang tumukoy sa tatlong hari, ang isa ay Medo, ang dalawa ay Persiano. Ipinapalagay ng ilan na posibleng ang “Dario,” partikular na sa kaso ni Dario na Medo, ay isang titulo o pangalan bilang hari sa halip na isang personal na pangalan.
1. Si Dario na Medo, na humalili sa kaharian ng Caldeong hari na si Belsasar pagkatapos na masakop ng mga hukbo ni Ciro na Persiano ang Babilonya, anupat noon ay mga 62 taóng gulang na si Dario. (Dan 5:30, 31) Ipinakikilala rin siya bilang “anak ni Ahasuero na mula sa binhi ng mga Medo.”—Dan 9:1.
Sa pagganap sa tungkulin niya bilang administrador, si Dario ay nag-atas ng 120 satrapa upang maglingkod sa buong kaharian, at nag-atas din siya ng tatlong matataas na opisyal na mangangasiwa naman sa mga satrapa para sa mga kapakanan ng hari. Maaaring ang kaayusang ito ay pangunahin nang nauugnay sa pananalapi, sapagkat ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga satrapa ay ang paglikom ng mga kita sa buwis at mga tributo para sa maharlikang kabang-yaman. (Ihambing ang Ezr 4:13.) Ang isang miyembro ng tatlong matataas na opisyal na inatasan ay si Daniel, na nang makita ni Dario na mas mahusay ito kaysa sa ibang mga opisyal at mga satrapa ay pinag-isipan niyang gawing punong ministro. Maliwanag na dahil sa inggit, at marahil ay dahil din sa hinanakit kay Daniel sapagkat tiyak na hindi sila makagawa ng katiwalian at pandaraya dahil tapat si Daniel, ang dalawa pang matataas na opisyal, kasabuwat ang mga satrapa, ay nagpakana ng isang legal na bitag. Pumaroon sila sa hari bilang isang pulutong at hiniling nila sa kaniya na lagdaan ang isang utos, na diumano’y sinang-ayunan ng buong kalipunan ng matataas na opisyal ng pamahalaan (ngunit hindi binanggit si Daniel). Ipinagbabawal nito ang ‘pagsusumamo sa alinmang diyos o tao’ maliban kay Dario sa loob ng 30 araw. Ipinapanukala nito na ang sinumang lalabag dito ay dapat ihagis sa yungib ng mga leon. Pinalitaw nila na layunin ng batas na iyon na itatag si Dario, na isang banyaga, sa kaniyang bagong posisyon bilang hari sa kaharian at na iyon ay isang katunayan ng pagkamatapat at pagsuporta ng mga opisyal ng pamahalaan na nagpanukala nito.—Dan 6:1-3, 6-8.
Nilagdaan ni Dario ang batas at di-nagtagal ay napaharap siya sa resulta nito, na siyang nagbunyag sa kaniya ng lihim na layunin ng utos na ito. Dahil sa patuloy na pananalangin sa Diyos na Jehova, si Daniel, bilang ang unang lumabag sa utos (ihambing ang Gaw 5:29), ay inihagis sa yungib ng mga leon sa kabila ng taimtim na pagsisikap ni Dario na humanap ng paraan upang malusutan ang di-mababagong batas. Nagpahayag si Dario ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos ni Daniel na iligtas ito at, pagkatapos ng isang gabing walang tulog at ng pag-aayuno, nagmamadali siyang nagtungo sa yungib ng mga leon at nagalak na makitang si Daniel ay buháy pa at walang pinsala. Pagkatapos nito, ipinag-utos ng hari na ihagis sa yungib ng mga leon ang mga nag-akusa kay Daniel at ang kani-kanilang pamilya bilang kagantihan sa kanila. Bukod diyan, nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa buong kaharian na “sa lahat ng pinamumunuan ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat na mangatal at matakot sa harap ng Diyos ni Daniel.”—Dan 6:9-27.
Ipinakikita ng mga ulat ng kasaysayan na, mula pa noong sinaunang mga panahon, ang mga hari ng Mesopotamia ay itinuturing na mga diyos at sinasamba. Ipinapalagay ng maraming komentarista na ang pagbabawal sa ‘pagsusumamo’ na nakasaad sa utos ni Dario ay may kinalaman lamang sa mga pagsusumamo sa relihiyosong diwa, anupat hindi tumutukoy sa karaniwang mga kahilingan. Ang pagkakaroon ng “yungib ng mga leon” sa Babilonya ay kaayon ng patotoo ng sinaunang mga inskripsiyon na nagpapakita na ang mga tagapamahala sa Silangan ay kalimitang may alagang mababangis na hayop. Ang Soncino Books of the Bible (Daniel, Ezra and Nehemiah, p. 49) ay nagkomento tungkol dito: “Kinikilalang nakuha ng mga Persiano ang kaugalian ng mga haring Asiryano na mag-alaga ng mga hayop na ito sa kanilang soolohikal na mga hardin.”—Inedit ni A. Cohen, London, 1951.
Pagkatapos ng kabanata 6 ng Daniel, binanggit na lamang si Dario may kinalaman sa mga pangyayari noong kaniyang “unang taon” ng pamamahala. Noong taóng iyon, “napag-unawa” ni Daniel na ang pagkatiwangwang ng Juda ay tatagal lamang nang 70 taon at tinanggap niya ang pagsisiwalat may kinalaman sa 70 makahulang sanlinggo at sa pagdating ng Mesiyas. (Dan 9:1, 2, 24-27) Isiniwalat din ng anghel na naghatid kay Daniel ng pangitaing naglalarawan sa paglalabanan ng “hari ng hilaga” at “hari ng timog” na noong unang taon ni Dario na Medo ay nagsilbi siyang anghel na tagapagpalakas at tanggulan. (Dan 11:1, 6) Karaniwan nang ipinapalagay ng mga komentarista na ang pinaglingkuran ng anghel ay si Dario, ngunit mas malamang na ang tinulungan niya ay si Miguel, na binanggit sa naunang talata (Dan 10:21) bilang nakikipaglaban kasama ng partikular na anghelikong mensaherong ito. Kaya mga anghel ang nagtulungan sa pakikipaglaban sa demonyong ‘prinsipe ng Persia’ na nagsikap na hadlangan ang katuparan ng mga layunin ni Jehova.—Dan 10:13, 14.
Ang Pagkakakilanlan ni Dario na Medo. Wala pang nasusumpungang pagtukoy kay “Dario na Medo” sa alinmang di-Biblikal na inskripsiyon, ni binabanggit man siya ng sinaunang sekular na mga istoryador na mas una kay Josephus (Judiong istoryador noong unang siglo C.E.). Dahil dito, ipinapalagay ng maraming kritiko na si Dario na Medo ay kathang-isip na tauhan lamang.
Sinasabi ng ilang iskolar na si Cambyses (II) ay ginawang “Hari ng Babilonya” ng kaniyang amang si Ciro di-nagtagal pagkatapos nitong masakop ang Babilonya. Bagaman maliwanag na naging kinatawan si Cambyses ng kaniyang ama taun-taon sa kapistahan ng “Bagong Taon” sa Babilonya, waring sa Sippar siya karaniwang tumatahan. Ipinakikita ng pagsasaliksik salig sa pag-aaral ng mga tekstong cuneiform na waring pinasimulan lamang gamitin ni Cambyses ang titulong “Hari ng Babilonya” noong Nisan 1 ng taóng 530 B.C.E., anupat ginawa siyang kasamang-tagapamahala ni Ciro, na noon ay naghahandang humayo sa kampanya militar na naging dahilan ng kaniyang kamatayan. Ang mga pagsisikap na ituring na iisang indibiduwal lamang si Dario at ang anak ni Ciro na si Cambyses II ay hindi kasuwato ng edad ni Dario na “mga animnapu’t dalawang taóng gulang” noong panahong bumagsak ang Babilonya.—Dan 5:31.
Ang pangmalas naman na ang Dario ay isa pang pangalan ni Ciro mismo ay hindi kasuwato ng paglalarawan kay Dario bilang isang “Medo” at “mula sa binhi ng mga Medo,” anupat ang huling pananalitang ito ay tumutukoy sa kaniyang ama, si Ahasuero, bilang Mediano. Si Ciro ay tuwirang tinawag na “Persiano,” at bagaman maaaring Mediano ang kaniyang ina gaya ng inaangkin ng ilang istoryador, sinasabi sa Cyrus Cylinder na ang kaniyang ama ay si Cambyses I, na isang Persiano.—Dan 9:1; 6:28.
Ipinapalagay ng iba na si Dario ay isang diumano’y “tiyo” ni Ciro, na tinutukoy ng Griegong istoryador na si Xenophon bilang si “Cyaxares, anak ni Astyages.” Iniuulat ni Xenophon na hinalinhan ni Cyaxares sa trono ang Medianong hari na si Astyages, ngunit nang maglaon ay ibinigay ni Cyaxares sa kaniyang pamangkin na si Ciro kapuwa ang kaniyang anak na babae at ang buong Media. (Cyropaedia, I, v, 2; VIII, v, 19) Gayunman, sina Herodotus at Ctesias (mga Griegong istoryador na halos kapanahon ni Xenophon) ay kapuwa nagbigay ng mga ulat na salungat sa sinabi ni Xenophon, at iginigiit ni Herodotus na si Astyages ay namatay na walang anak. Ipinakikita ng Nabonidus Chronicle na nakamit ni Ciro ang pagkahari sa mga Medo nang mabihag niya si Astyages. Karagdagan pa, kung ipapalagay na si Dario ay si Cyaxares II, mangangahulugan ito na si Astyages ay tinatawag ding Ahasuero, yamang si Dario na Medo ay “anak ni Ahasuero.” (Dan 9:1) Kaya ang pangmalas na ito ay kulang sa ebidensiya.
Sino ba talaga si Dario na Medo?
Hindi pa natatagalan, pinaboran ng ilang reperensiyang akda ang ideya na si Dario ay si Gubaru (karaniwang sinasabi na ang Gobryas na binanggit sa Cyropaedia ni Xenophon), na naging gobernador ng Babilonya pagkatapos na masakop ng Medo-Persia ang lunsod na iyon. Bilang sumaryo, ang ebidensiyang inihaharap nila ay gaya ng sumusunod:
Ang sinaunang tekstong cuneiform na tinatawag na Nabonidus Chronicle, sa salaysay nito tungkol sa pagbagsak ng Babilonya, ay nagsasabi na si Ugbaru na “gobernador ng Gutium at ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka.” At pagkatapos ilahad na pumasok si Ciro sa lunsod pagkaraan ng 17 araw, sinasabi ng inskripsiyon na si Gubaru, “ang kaniyang gobernador, ay nagtalaga ng mga (katulong na) gobernador sa Babilonya.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 306; ihambing ang Darius the Mede, ni J. C. Whitcomb, 1959, p. 17.) Pansinin na hindi magkapareho ang mga pangalang “Ugbaru” at “Gubaru.” Bagaman waring magkatulad ang mga ito, sa cuneiform na istilo ng pagsulat, ang marka para sa unang pantig ng pangalan ni Ugbaru ay ibang-iba kaysa roon sa Gubaru. Sinasabi ng Chronicle na si Ugbaru, ang gobernador ng Gutium, ay namatay mga ilang linggo pagkaraan ng pananakop. Ipinakikita naman ng ibang mga tekstong cuneiform na si Gubaru ay patuloy na nabuhay at naglingkod sa loob ng 14 na taon bilang gobernador hindi lamang ng lunsod ng Babilonya kundi pati ng buong rehiyon ng Babilonia gayundin ng “Rehiyon sa kabilang ibayo ng Ilog,” na dito ay kasama ang Sirya, Fenicia, at Palestina hanggang sa hanggahan ng Ehipto. Kaya si Gubaru ay tagapamahala ng isang rehiyon na sumasaklaw sa buong kahabaan ng Fertile Crescent, na halos siya ring nasasakupan ng Imperyo ng Babilonya. Matatandaan natin na si Dario na Medo ay binabanggit na “ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo” (Dan 5:31; 9:1), ngunit hindi bilang “hari ng Persia,” na karaniwang tawag kay Haring Ciro. (Dan 10:1; Ezr 1:1, 2; 3:7; 4:3) Kaya ang rehiyon na pinamahalaan ni Gubaru ay waring yaon ding pinamahalaan ni Dario.
Yamang si Gubaru ay hindi tinawag na “Dario” sa alinmang teksto, sinasabi ng ilan na baka ang “Dario” ay kaniyang titulo o pangalan bilang hari. Sinabi ni W. F. Albright: “Sa palagay ko ay malamang na talagang naging hari si Gobryas [Gubaru], taglay ang pangalang ‘Dario,’ na marahil ay isang matandang titulo ng hari sa Iran, habang si Ciro ay nasa isang kampanya sa Silangan.” (Journal of Biblical Literature, 1921, Tomo XL, p. 112, tlb. 19) Bilang sagot sa pagtutol na hindi kailanman tinukoy si Gubaru sa mga tapyas ng cuneiform bilang “hari,” ikinakatuwiran niyaong mga nagsasabi na iisang indibiduwal si Gubaru at si Haring Dario na ang titulong hari ay hindi rin naman ikinapit kay Belsasar sa mga tapyas ng cuneiform. Gayunman, ang dokumentong cuneiform na tinatawag na “Verse Account of Nabonidus” ay tuwirang nagsasabi na “ipinagkatiwala [ni Nabonido] ang pagkahari” sa kaniyang anak.
May kinalaman dito, itinatawag-pansin ni Propesor Whitcomb na ayon sa Nabonidus Chronicle, si Gubaru, bilang gobernador ng distrito na itinalaga ni Ciro, ay “nag-atas ng . . . (mga gobernador ng distrito) sa Babilonya,” katulad ng sinasabi sa Daniel 6:1, 2 na “inatasan [ni Dario] sa kaharian ang isang daan at dalawampung satrapa.” Kaya naman naniniwala si Whitcomb na si Gubaru, bilang isang gobernador ng mga gobernador, ay malamang na tinawag na hari niyaong mga nakabababa sa kaniya. (Darius the Mede, p. 31-33) At, nang tukuyin ang malawak na rehiyong pinamumunuan ni Gubaru (Gobryas), si A. T. Olmstead ay nagsabi: “Sa pagkalawak-lawak na kahabaan ng mabungang lupaing ito, si Gobryas [Gubaru] ay namahala bilang isang halos independiyenteng monarka.”—History of the Persian Empire, 1948, p. 56.
Kasuwato ng mga nabanggit, ipinapalagay ng ilang iskolar na si Dario na Medo ay isang kinatawang pinuno na namahala sa kaharian ng mga Caldeo bilang isa na nakabababa kay Ciro, ang kataas-taasang monarka ng Imperyo ng Persia. Ganito ang komento ni A. T. Olmstead: “Sa pakikitungo niya sa kaniyang mga sakop na Babilonyo, si Ciro ang ‘hari ng Babilonya, hari ng mga lupain.’ Kaya sa kaniyang paggigiit na ang sinaunang linya ng mga monarka ay nanatiling walang patid, kiniliti niya ang kanilang kapalaluan, kinuha niya ang kanilang pagkamatapat . . . Ngunit si Gobryas na satrapa ang kumakatawan sa maharlikang awtoridad pagkaalis ng hari.” (History of the Persian Empire, p. 71) Ayon sa mga naniniwala na ang Dario ng Bibliya ay isa ngang bise-tagapamahala, ang mga kasulatan na nagsasabing si Dario ay ‘tumanggap ng kaharian’ at “ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo” ang nagpapatunay na siya ay talagang nakabababa sa isang monarka.—Dan 5:31; 9:1; ihambing ang 7:27, kung saan sinasabing ibinigay ng “Kadaki-dakilaan,” ng Diyos na Jehova, sa “mga banal” ang Kaharian.
Bagaman sa maraming aspekto ay ipinahihiwatig ng taglay nating impormasyon may kaugnayan kay Gubaru na siya at si Dario ay iisa, at bagaman maaaring si Dario ay naging isang kinatawang pinuno sa ilalim ni Ciro, hindi pa rin tayo nakatitiyak sa gayong konklusyon. Hindi sinasabi sa atin ng mga rekord ng kasaysayan ang nasyonalidad ni Gubaru ni ng kaniyang mga magulang upang malaman natin kung siya ay isang “Medo” at “anak ni Ahasuero.” Hindi ipinakikita ng mga ito kung mayroon siyang makaharing awtoridad upang makapagpalabas ng isang proklamasyon o utos na tulad ng inilarawan sa Daniel 6:6-9. Karagdagan pa, waring ipinahihiwatig ng rekord ng Bibliya na ang pamamahala ni Dario sa Babilonya ay hindi nagtagal at na pagkatapos nito ay hinawakan ni Ciro ang pagkahari sa Babilonya, bagaman posible na magkasabay silang namahala at na ang espesipikong binanggit lamang ni Daniel ay ang taon nang maging prominente si Dario sa Babilonya. (Dan 6:28; 9:1; 2Cr 36:20-23) Nagpatuloy si Gubaru sa kaniyang posisyon sa loob ng 14 na taon.
Kung bakit hindi matiyak kung sino siya batay sa kasaysayan. Sabihin pa, ang katotohanan ng ulat ng Bibliya ay hindi nakadepende sa patotoo ng mga sekular na impormasyon. Marami nang kaso kung saan ang mga indibiduwal o mga pangyayari na nakaulat sa Bibliya, na dati’y tinatanggihan ng mga kritiko bilang ‘di-makasaysayan,’ ay naipakita nang walang pag-aalinlangan noong bandang huli bilang makasaysayan, anupat dapat itong magsanggalang sa estudyante ng Salita ng Diyos laban sa pagbibigay ng labis na importansiya sa negatibong kritisismo. (Tingnan ang BELSASAR; SARGON.) Ang daan-daang libong tapyas ng cuneiform na nahukay sa Gitnang Silangan ay naghaharap pa rin ng isang di-kumpletong kasaysayan na may iba’t ibang puwang at patlang. Kung tungkol sa iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon, ang sinaunang sekular na mga istoryador, na ang mga kopya ng mga isinulat ay nakaligtas (bagaman kalimitan ay pira-piraso na lamang), ay kakaunti at ang karamihan sa kanila ay Griego, at malayo na sila sa mga pangyayari sa aklat ng Daniel nang isa, dalawa, o mas marami pang mga siglo.
Gayunman, ang isang mas kapani-paniwalang dahilan kung bakit walang impormasyon tungkol kay Dario sa mga rekord ng Babilonya ay inilalaan ng mismong aklat ng Daniel. Ipinakikita nito na inatasan ni Dario si Daniel sa isang mataas na posisyon sa pamahalaan, na labis na ikinainis ng iba pang matataas na opisyal. Nabigo ang kanilang pakana laban kay Daniel, at ipinapatay ni Dario ang mga nag-akusa kay Daniel at ang kani-kanilang pamilya, anupat malamang na naging dahilan ito ng pagkapoot kay Dario ng natirang mga opisyal. Walang pagsalang ang proklamasyon ni Dario na nag-uutos sa lahat ng nasa kaharian na ‘matakot sa harap ng Diyos ni Daniel’ ay nagdulot ng matinding pagkayamot at hinanakit sa gitna ng makapangyarihang klero ng Babilonya. Yamang ang mga eskriba ay tiyak na nasa ilalim ng pangangasiwa ng nabanggit na mga elemento, hindi kataka-taka kung nang bandang huli ay nabago ang mga rekord at naalis ang mga ebidensiya tungkol kay Dario. Ang gayong mga pagkilos ay talagang ginagawa noong mga panahong iyon.
Dahil dito, ang tambalang anyo ng pamamahalang Medo-Persiano na iniharap sa Bibliya ay dapat bigyan ng kaukulang importansiya. (Dan 5:28; 8:3, 4, 20) Bagaman napakaprominente ni Ciro at ng mga Persiano sa sekular na kasaysayan, ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang mga Medo at mga Persiano ay waring nanatiling magkatambal, at ang kanilang mga kautusan ay patuloy na tinukoy bilang yaong sa ‘mga Medo at mga Persiano.’ (Dan 6:8; Es 1:19) Malaking bahagi ang ginampanan ng mga Medo sa pagpapabagsak sa Babilonya. (Isa 13:17-19) Pansinin din na inihula ni Jeremias (51:11) na kabilang sa mga sasalakay sa Babilonya ang “mga hari [pangmaramihan] ng mga Medo.” Malamang na isa si Dario sa mga haring iyon.
2. Si Dario Hystaspis, tinatawag ding Dariong Dakila o Dario I (Persiano). Kinikilala siya bilang isa sa mga namumukod-tanging tagapamahala ng Imperyo ng Persia. Inilarawan ni Dario ang kaniyang sarili bilang “anak ni Hystaspes, isang Achaemenido, isang Persiano, anak ng isang Persiano, isang Aryano, mula sa binhing Aryano.” (History of the Persian Empire, p. 122, 123) Sa gayon ay inangkin niyang nagmula rin siya sa maharlikang angkan ng ninuno ni Cirong Dakila, bagaman naiiba ang sanga ng kaniyang pamilya kaysa roon kay Ciro.
Pagkamatay ni Cambyses II noong 522 B.C.E. habang pabalik siya mula sa Ehipto, ang kaniyang kapatid na si Bardiya (o posibleng ang isang Mago na nagngangalang Gaumata) ay lumuklok sa trono ng Persia nang sandaling panahon. Sa tulong ng anim pang maharlikang Persiano, pinatay ni Dario ang nakaluklok sa trono at kinuha iyon para sa kaniyang sarili. Ang bersiyon ni Dario tungkol dito ay nakasulat sa tatlong wika sa pagkalaki-laking inskripsiyon na ipinaukit niya sa matatarik na dalisdis sa Behistun, na nakaharap sa isang kapatagang dinaraanan ng pangunahing ruta ng mga pulutong na naglalakbay mula Baghdad patungong Tehran. Ayon sa inskripsiyon, inagaw ni Gaumata ang trono, anupat nagpanggap bilang ang napatay na kapatid ni Cambyses. Tinatanggap ng karamihan sa makabagong mga iskolar ang ulat na ito (na nilakipan ng paulit-ulit na pagtiyak ni Dario na “ito ay totoo at hindi kasinungalingan”) bilang malapit sa katotohanan, samantalang naniniwala naman ang iba na si Dario ay “ubod ng sinungaling” at na ipinakikita ng katibayan na siya talaga ang nang-agaw ng trono. Anuman ang nangyari, nang manungkulan si Dario sa pagkahari, napaharap siya sa isang imperyong naghihimagsik at ipinapalagay na ginugol niya ang sumunod na dalawang taon sa pagsugpo sa mga elemento ng insureksiyon sa buong kaharian. Ang Ehipto, na naghimagsik laban sa pamatok ng Persia, ay muling nilupig ni Dario noong mga 519-518 B.C.E. Pagkatapos nito, pinalawak niya ang mga hanggahan ng imperyo hanggang sa India sa S at sa Tracia at Macedonia sa K. Napabantog din siya sa kaniyang mahusay na muling pag-oorganisa sa kaayusan ng pangangasiwa sa buong imperyo, sa pagbuo ng kodigo ng batas para sa imperyo, tinawag na Ordinansa ng Mabubuting Tuntunin, at sa muling pagbubukas ng kanal na nagkokonekta sa Ilog Nilo ng Ehipto at sa Dagat na Pula.
Partikular nang binabanggit si Dario Hystaspis sa ulat ng Bibliya may kinalaman sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Inilatag ang pundasyon ng templo noong 536 B.C.E., ngunit ang muling pagtatayo nito ay ipinagbawal noong 522 B.C.E. at “nanatiling nakahinto hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario” (520 B.C.E.). (Ezr 4:4, 5, 24) Noong taóng iyon, pinasigla ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang mga Judio upang muling simulan ang pagtatayo, at muling nagpatuloy ang gawain. (Ezr 5:1, 2; Hag 1:1, 14, 15; Zac 1:1) Nang makita ito ni Tatenai, ang gobernador na kumakatawan sa mga kapakanan ng imperyo sa rehiyon sa K ng Eufrates, at ng iba pang mga opisyal, sila ay nag-usisa at nagpadala ng liham sa Persianong si Haring Dario. Sa liham na iyon, ipinagbigay-alam nila sa hari ang tungkol sa ginagawang pagtatayo, binanggit nila ang pag-aangkin ng mga Judio na ang proyekto ay legal, at hiniling nila na siyasatin ang maharlikang mga artsibo upang tingnan kung may nakasulat na katibayan na magpapatunay sa gayong pag-aangkin. (Ezr 5:3-17) Ang deklarasyon ng mga Judio na nagpakita ng kaibahan ng mga pagkilos ng Caldeong si Nabucodonosor, bilang ang nagwasak ng templo, sa mga pagkilos ng Persianong si Ciro, bilang ang isa na nagpahintulot naman na muli itong itayo, ay dapat sanang nagkaroon ng angkop at kaayaayang epekto kay Dario yamang, noong mga unang taon ng kaniyang paghahari, kinailangan niyang supilin ang dalawang paghihimagsik ng mga rebelde na kapuwa gumamit ng pangalang Nabucodonosor (tinawag ng mga istoryador na Nabucodonosor III at Nabucodonosor IV), nag-angking mga anak ni Nabonido, at nagsikap na palayain ang Babilonya mula sa Imperyo ng Persia.
Nang isagawa ang opisyal na pagsasaliksik sa mga rekord ng mga artsibo sa Ecbatana, na sinaunang kabisera ng Media, ang dokumento ni Ciro ay natagpuan. Sa gayon ay nagpadala ng utos si Dario kay Gobernador Tatenai at sa iba pang mga opisyal na hindi nila dapat hadlangan ang paggawa sa templo at dapat din silang maglaan ng pondo para sa pagtatayo mula sa “maharlikang ingatang-yaman ng buwis sa kabilang ibayo ng Ilog,” gayundin ng mga hayop at iba pang kinakailangang mga suplay para sa mga handog na ihahain. Ang sinumang lalabag sa utos ng hari ay ibabayubay sa tulos at ang kaniyang bahay ay “gagawing palikurang pambayan.”—Ezr 6:1-12.
Dahil sa opisyal na tulong na ito at sa patuloy na pagpapasigla ng mga propeta (Zac 7:1; 8:1-9, 20-23), ang paggawa sa templo ay nagpatuloy at natapos “nang ikatlong araw ng buwang lunar ng Adar, samakatuwid ay noong ikaanim na taon ng paghahari ni Dario” (Ezr 6:13-15; noong Marso 6 ng 515 B.C.E.). Yamang ipinakikita ng mga inskripsiyon ni Dario na isa siyang debotong mananamba ni Ahura Mazda, maliwanag na ang kaniyang pagkilos, bagaman nagsilbi ukol sa layunin ng Diyos na Jehova at tiyak na may patnubay Niya, ay pangunahin nang isinagawa bilang pagkilala sa pagiging di-nababago ng mga batas ng Medo-Persiano at kasuwato ng patakaran ng pagpaparaya na sinusunod ng pamahalaan ni Dario, anupat masusumpungan sa ilan sa kaniyang mga inskripsiyon ang katibayan ng gayong pagpaparaya.
Mga Kampanya sa Gresya Nang Dakong Huli. Sa pagtatapos ng siglo, ang iba’t ibang Griegong lunsod sa Ionia ay naghimagsik laban sa pamumuno ng Persia, at bagaman nasugpo ang kanilang paghihimagsik, ipinasiya ni Dario na parusahan ang Atenas at Eretria dahil sa pagtulong nila sa mapaghimagsik na mga lunsod. Humantong ito sa pagsalakay ng mga Persiano sa Gresya, ngunit nagbunga ito ng pagkatalo ng mga hukbo ni Dario sa pagbabaka sa Marathon noong 490 B.C.E. Bagaman gumawa si Dario ng maingat na mga paghahanda para sa muling pagsalakay sa Gresya, hindi niya ito naisagawa bago siya mamatay noong 486 B.C.E. Hinalinhan siya ng kaniyang anak na si Jerjes.
3. Binabanggit sa Nehemias 12:22 na itinala ang Levitikong mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama “noong mga araw ni Eliasib, si Joiada at si Johanan at si Jadua . . . hanggang sa paghahari ni Dario na Persiano.” Yamang si Eliasib ay mataas na saserdote noong panahon ng pagbabalik ni Nehemias sa Jerusalem (Ne 3:1) at yamang noong panahon ng ikalawang pagdalaw ni Nehemias sa lunsod na iyon (kasunod ng ika-32 taon ni Artajerjes [443 B.C.E.]) ay may-asawa na ang isang anak ni Joiada (Ne 13:28), malamang na ang “Dario” na tinutukoy ay si Dario Ochus (tinawag ding Nothus), na namahala mula 423 hanggang 405 B.C.E.
Isang liham na nasumpungang kasama ng Elephantine Papyri, na tinatayang mula pa noong mga huling taon ng ikalimang siglo B.C.E., ang tumukoy kay “Johanan” bilang mataas na saserdote sa Jerusalem noong panahong iyon.