ARTAJERJES
Isang pangalan o titulo na sa Bibliya ay tumutukoy sa dalawang Persianong hari.
1. Ang tagapamahalang Persiano na nagpatigil sa pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem. (Ezr 4:7-24) Sa pagitan ng mga paghahari ni Cirong Dakila, na nagpahintulot sa mga Judio na bumalik sa Jerusalem (537 B.C.E.), at ni Dariong Dakila, na noong 520 B.C.E. ay nag-alis ng pagbabawal sa pagtatayo ng templo, posible na tatlong hari ang namahala: si Cambyses II, ang kaniyang kapatid na si Bardiya (o posibleng isang Mago na tinatawag na Gaumata na diumano’y nagpanggap na si Bardiya at namahala nang pitong buwan), at si Nidintu-Bel (na natalo at pinatay ni Dario pagkatapos lamang ng dalawang buwan). Maliwanag na si Cambyses ang “Ahasuero” na binanggit sa Ezra 4:6 na unang nilapitan ng mga sumasalansang sa muling pagtatayo ng templo. Samakatuwid, pasimula sa Ezra 4:7, ang tagapamahalang tinutukoy bilang si “Artajerjes” ay maaaring si Bardiya o si Gaumata, na ang pamamahala ay tumagal lamang nang pitong buwan (522 B.C.E.).
Ang mga tao ng mga lunsod ng Samaria ay sumulat ng isang liham sa Persianong haring ito laban sa mga Judio. (Ezr 4:7) Ito ay noong panahong abala ang mga Judio sa pagtatayo ng templo. (Ezr 4:1-3) Upang makamit ang kanilang tunguhin, ang mga kaaway ng mga Judio ay kumatha ng mga kasinungalingan, anupat sinabing ang muling itinatayo ng mga Judio ay ang lunsod ng Jerusalem, pati na ang mga pader nito. (Ezr 4:11-16) Bilang resulta ng ganitong mga bulaang akusasyon, “ang paggawa sa bahay ng Diyos” ay napatigil.—Ezr 4:24.
2. Si Artajerjes Longimanus na anak ni Jerjes I ang hari na tinutukoy sa Ezra 7:1-28 at Nehemias 2:1-18; 13:6. Bagaman sinasabi ng karamihan sa mga reperensiyang akda na ang taon ng pagluklok niya ay 465 B.C.E., may matibay na dahilan na ipalagay na ito ay noong 475 B.C.E.—Tingnan ang PERSIA, MGA PERSIANO (Ang mga Paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes).
Pinahintulutan ni Artajerjes Longimanus si Ezra na saserdote at gayundin si Nehemias na maglakbay patungong Jerusalem. (Ezr 7:1-7; Ne 2:1, 7, 8) Sinasabi ng sinaunang mga istoryador na siya ay mabait at bukas-palad. Kaayon ito ng kaniyang mga pagkilos noong ikapitong taon ng kaniyang paghahari (468 B.C.E.), nang ipagkaloob ni Longimanus kay Ezra ‘ang lahat ng kahilingan nito’ sa pamamagitan ng isang utos na nagsasabing dapat paglaanan ang mga Judio ng pilak, ginto, at mga sisidlan para sa templo, gayundin ng trigo, alak, langis, at asin. (Ezr 7:6, 12-23; 8:25-27) Maaaring ang pagiging bukas-palad na ito sa pag-aabuloy ang dahilan kung bakit isinama si Artajerjes kina Ciro at Dario sa Ezra 6:14 bilang isa sa mga pinagmulan ng mga utos na nakatulong sa ‘pagtatayo at pagtapos’ sa templo, bagaman ang aktuwal na pagtatayo ay natapos 47 taon bago nito, noong 515 B.C.E. Ang utos ng hari ay nagbigay pa nga ng awtorisasyon kay Ezra na mag-atas ng mga mahistrado at mga hukom na magtuturo ng kautusan ng Diyos (at ng hari) at na maglapat ng kaparusahang kamatayan, kung kinakailangan, sa mga lalabag sa mga ito.—Ezr 7:25, 26.
Noong ika-20 taon ng kaniyang paghahari (455 B.C.E.), pinahintulutan ni Artajerjes Longimanus si Nehemias na bumalik sa Jerusalem upang muling itayo ang mga pader at mga pintuang-daan ng lunsod. (Ne 2:1-8) Dahil tinutukoy ito sa Daniel 9:25 bilang kaugnay ng panahon ng ipinangakong pagdating ng Mesiyas, ang petsa ng ika-20 taon ni Artajerjes ay napakahalaga.
Binabanggit sa Nehemias 13:6 na noong “ikatatlumpu’t dalawang taon ni Artajerjes,” samakatuwid ay noong 443 B.C.E., bumalik si Nehemias sa korte ng haring ito sa loob ng ilang panahon.