TIBERIO
Ang ikalawang emperador ng Roma. Ipinanganak siya noong 42 B.C.E. bilang anak nina Tiberio Claudio Nero at Livia Drusila. Ngunit noong siya’y tatlong taóng gulang, pinilit ni Octavian (Augusto) ang nakatatandang Tiberio na diborsiyuhin ang asawa nito upang mapangasawa iyon ni Octavian. Pagkamatay ng nakatatandang Tiberio, ang nakababatang Tiberio at ang kapatid nitong lalaki ay pumisan sa kanilang ina, na ang asawa naman nito ay ipinroklamang Augusto nang maglaon. Nang sumapit na si Tiberio sa hustong gulang, pinakasalan niya si Vipsania Agrippina, ngunit ang pag-aasawang iyon ay nagwakas nang pilitin ni Augusto si Tiberio na diborsiyuhin ang asawa nito at pakasalan si Julia, ang nabalong anak ng emperador. Inampon siya ni Augusto noong 4 C.E.
Pinili lamang ni Augusto si Tiberio bilang kahalili niya nang ang lahat ng iba pa na mas gusto niya kaysa kay Tiberio ay patay na. Noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian), namatay si Augusto; noong Setyembre 15, pinahintulutan ni Tiberio ang Senado na hirangin siyang emperador. Si Juan ay nagsimulang magbautismo “nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar.” Kung bibilangin ang mga taon mula sa pagkamatay ni Augusto, ang ika-15 taon ay mula Agosto 28 C.E. hanggang Agosto 29 C.E. Kung bibilangin naman mula noong pormal siyang iproklama bilang emperador, ang taóng iyon ay sasaklaw mula Setyembre 28 C.E. hanggang Setyembre 29 C.E.—Luc 3:1-3.
Nabuhay si Tiberio hanggang noong Marso 37 C.E. kung kaya siya ang emperador sa buong yugto ng ministeryo ni Jesus. Samakatuwid, malamang na ang larawan niya ang nasa baryang pambuwis na dinala kay Jesus nang sabihin niya, “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Mar 12:14-17; Mat 22:17-21; Luc 20:22-25) Pinalawak ni Tiberio ang batas na laesa majestas (krimen laban sa hari) upang sumaklaw ito, hindi lamang sa mga gawang sedisyon, kundi pati sa mapanirang-puring mga salita laban sa emperador, at ipinapalagay na sa bisa ng batas na ito ay ginipit ng mga Judio si Poncio Pilato upang maipapatay si Jesus. (Ju 19:12-16) Nang maglaon ay ipinatawag ni Tiberio si Pilato sa Roma dahil sa mga reklamo ng mga Samaritano laban sa pangangasiwa nito, ngunit namatay si Tiberio at hinalinhan siya ni Caligula bago nakarating si Pilato.
Bilang emperador, si Tiberio ay may mabubuti at masasamang katangian. Nagpigil siya sa paggasta sa mga luho at sa gayon ay nagkaroon ng malaking pondo na magagamit upang higit na paunlarin ang imperyo at magkaroon ng reserbang salapi para sa mga panahon ng kasakunaan at kagipitan. Hindi itinuring ni Tiberio ang kaniyang sarili na isang diyos, tinanggihan niya ang maraming titulong pandangal, at palagi niyang ibinabaling kay Augusto (Octavian) ang pagsamba sa emperador sa halip na sa kaniyang sarili.
Gayunman, nahigitan ng kaniyang masasamang ugali ang kaniyang mabubuting katangian. Labis siyang mapaghinala at mapagpaimbabaw sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa iba, at marami siyang ipinapatay noong siya’y naghahari, anupat kabilang sa mga biktima ang marami sa kaniyang mga dating kaibigan. Sumangguni siya sa mga astrologo. Sa kaniyang malaking bahay sa Capri kung saan niya ginugol ang huling sampung taon ng kaniyang buhay, sukdulan siyang nagpakasasa sa kaniyang buktot at mahalay na pagnanasa sa piling ng mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin.
Si Tiberio ay hinamak, hindi lamang ng mga indibiduwal na gaya ng kaniyang guro sa paaralan na si Theodorus na Gadareno at ng kaniyang amain na si Augusto, kundi pati ng halos lahat ng kaniyang mga sakop. Pagkamatay niya, tumanggi ang Senado na ituring siyang isang diyos. Dahil dito at sa iba pang mga kadahilanan, nakikita ng mga iskolar ng Bibliya na natupad kay Tiberio ang hula na nagsasabing “ang isa na marapat hamakin” ay babangon bilang “ang hari ng hilaga.”—Dan 11:15, 21.