Tumatayo si Miguel na Dakilang Prinsipe
“At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo.”—DANIEL 12:1.
1. Anong panghinaharap na mga pangyayari sa daigdig ang inihula sa Bibliya, at dahilan dito anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa bayan ng Diyos?
SI Jehova ay nagbigay ng mariing babala: Kailanman ay hindi magkakaroon ng kapayapaan sa lupa habang nagpapatuloy ang labanan ng magkaribal na hari ng hilaga at ng hari ng timog. Ang dalawang makapangyarihang bansang ito ay laging mayroong nagkakasalungatang mga pakana. Isa pa, sa pinakatugatog ng kanilang alitan, ang hari ng hilaga ay magbabanta sa espirituwal na lupain ng bayan ng Diyos bago siya ‘dumating sa kaniyang wakas.’ (Daniel 11:44, 45) Ang bayan ba ng Diyos ay makakaligtas sa pagsalakay sa kaniya? At ano ang mangyayari sa hari ng timog pagka dumating na sa kaniyang wakas ang kaniyang malakas na karibal?
2, 3. (a) Anong hula ang masusumpungan natin sa aklat ni Ezekiel na tumutulong sa atin na maunawaan ang hula tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog? (b) Sang-ayon sa hula ni Ezekiel, ano ang magiging resulta ng malawak na pangkatapusang pag-atake sa bayan ng Diyos?
2 Isang hula ng kasabay na propeta ni Daniel na si Ezekiel ang tumutulong sa atin na sagutin ang mga tanong na ito. Si Ezekiel, din naman, ay kinasihan na magsalita tungkol sa “huling bahagi ng mga araw,” at siya’y nagbabala tungkol sa isang darating na pag-atake ni ‘Gog ng Magog’ laban sa lupain ng bayan ng Diyos. (Ezekiel 38:2, 14-16; Daniel 10:14) Sa hulang iyan, si Gog ay lumarawan kay Satanas, at ang kaniyang mga hukbo ay lumarawan sa lahat ng makalupang ahente ni Satanas na gagawa ng huling, desperadong pagtatangka na lipulin ang bayan ng Diyos. Yamang ang pag-atakeng ito, tulad ng pag-atake ng hari ng hilaga, ay nagaganap sa huling bahagi ng mga araw, makatuwirang isipin na ang gagawin ng hari ng hilaga na ‘pagtatayo ng mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng dakilang karagatan at ng banal na bundok ng Kagandahan’ ay pagtataguyod sa pag-atake ni Gog. (Daniel 11:40, 45) Ang pag-atake ba ay magtatagumpay?
3 Si Ezekiel ay nanghula: “‘Mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ang aking kapusukan ay sasampa sa aking mga butas ng ilong. At ako’y makikipaglaban sa kaniya, sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at siya, at ang kaniyang mga pulutong at ang maraming bayan na kasama niya, ay pauulanan ko ng napakalakas na ulan at mga graniso, ng apoy at asupre.’” (Ezekiel 38:18, 22) Hindi, ang pag-atake ay hindi magtatagumpay. Ang mga tunay na Kristiyano ay ililigtas, at ang pulutong ni Gog ay lilipulin.—Ezekiel 39:11.
4. Makaliligtas ba ang hari ng timog pagkatapos na malipol ang hari ng hilaga? Ano pang ibang mga hula ang umaalalay sa sagot na ito?
4 Maliwanag, kung gayon, na ang panahon ng wakas ng hari ng hilaga ay yaong panahon ng wakas ni Gog at ng lahat ng kaniyang pulutong, kasali na ang hari ng timog. Ito’y kasuwato ng mga iba pang hula sa aklat ni Daniel. Halimbawa, mababasa natin na pagkatapos na maitatag ang Kaharian ng Diyos, “dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kaharian [kasali na ang hari ng hilaga at ang hari ng timog], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Gayundin, sa pangitain ni Daniel ng tupang lalaki at ng kambing na lalaki, ang pulitikal na kapangyarihang Anglo-Amerikano ay kinakatawan ng isang munting sungay. Ang munting sungay na ito, “sa huling bahagi ng kanilang kaharian,” ay pinupuksa ng isang ahensiyang nakahihigit sa tao, hindi ang pumupuksa nito’y ang hari ng hilaga: “Iyon ay ibubuwal hindi sa pamamagitan ng kamay [ng tao].”—Daniel 7:24-27; 8:3-10, 20-25.
Si Miguel na Dakilang Prinsipe
5. Sino ang magiging Punong Ahente o Kinatawan ni Jehova para sa pagliligtas ng Kaniyang bayan, at bakit ito angkop?
5 Pagkatapos ay isinisiwalat naman ng anghel ang Ahente o Kinatawan na gagamitin ni Jehova upang tapusin ang lahat ng mga kapangyarihang ito. Kaniyang sinasabi: “At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo. At magkakaroon ng panahon ng kabagabagan na hindi nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon. At sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat.” (Daniel 12:1) Sa pasimula ng hula ng anghel, si Miguel ay binanggit na nakikipagbaka sa panig ng Israel laban sa mga prinsipe ng Persia at Gresya. (Daniel 10:20, 21) Ngayon, samantalang patapos na ang hula, ang Miguel ding ito ay “nakatayo” alang-alang sa bayan ni Daniel. Sino ba ang kampeong ito ng bayan ng Diyos?
6, 7. (a) Sang-ayon sa mga ibang iskolar ng Sangkakristiyanuhan, sino si Miguel? (b) Anong patotoo ng Bibliya ang tumutulong sa atin upang tumpak na makilala kung sino si Miguel?
6 Kung babalik tayo sa mga unang taon ng 1800, ang iskolar ng Bibliya na si Joseph Benson ay nagsabi na ang paglalarawan kay Miguel na nasa Bibliya ay “hayag na nakaturo sa Mesiyas.” Ang Luteranong si E. W. Hengstenberg noong ikalabinsiyam na siglo ay sumang-ayon na “si Miguel ay walang iba kundi si Kristo.” Gayundin naman, ang teologong si J. P. Lange, nang magkomento tungkol sa Apocalipsis 12:7, ay sumulat: “Tayo’y naniniwala na si Miguel . . . sa simula pa lamang, ay si Kristo na nasasangkapan para sa pakikidigma laban kay Satanas.” Ang Bibliya ba ay umaalalay sa ganitong pagkakilala? Oo, umaalalay ito.a
7 Halimbawa, sang-ayon sa anghel, si Miguel ay “tatayo.” Sa hula ng anghel, maaari ngang ang ibig sabihin ng “tatayo” o “to stand up” (Hebreo, ‛a·madhʹ) ay “umalalay.” (Daniel 11:1) Maaari rin namang sarisari ang kahulugang ipahiwatig nito na “manaig,” “maghimagsik,” “sumalansang,” o “tumayo laban sa.” (Daniel 11:6, 11, 14, 15, 16a, 17, 25) Subalit madalas, ito’y tumutukoy sa kilos ng isang hari, ang paghahawak ng kaniyang kapangyarihan bilang hari o pagkilos nang mabisa sa kaniyang tungkulin bilang hari. (Daniel 11:2-4, 7, 16b, 20, 21, 25) Ito ang kahulugan na angkop na angkop sa mga salita ng anghel sa Daniel 12:1. At tiyak na umaalalay ito sa bagay na si Miguel ay si Jesu-Kristo, yamang si Jesus ang pinahirang Hari ni Jehova, na inatasang pumuksa sa lahat ng bansa sa Armagedon. (Apocalipsis 11:15; 16:14-16; 19:11-16) Ito’y kasuwato rin naman ng mga ibang hula na nakatuon sa panahon na ang Kaharian ng Diyos, sa ilalim ni Jesu-Kristo, ay kikilos laban sa mga bansa ng sanlibutang ito.—Daniel 2:44; 7:13, 14, 26, 27.
8, 9. (a) Sino noong una ang ‘bayan ni Daniel,’ at sino naman sila ngayon? (b) Paano ipinakikita ang matinding interes ni Miguel sa ‘bayan ni Daniel’ sa lahat ng panahon?
8 Si Miguel ay malaon nang iniugnay sa ‘bayan ni Daniel,’ ang mga Israelita. Siya’y nanguna sa kanila sa ilang, at kaniyang inalalayan sila laban sa espiritung “mga prinsipe” ng sinaunang mga imperyo. (Daniel 10:13, 21; Exodo 23:20, 21; Judas 9) At siya’y isinilang sa lupa bilang ang taong si Jesus upang maging ang malaon-nang-hinihintay na Mesiyas, ang “binhi” na ipinangako sa ninuno ni Daniel na si Abraham. (Genesis 22:16-18; Galacia 3:16; Gawa 2:36) Nakalulungkot sabihin, bilang isang buong bansa ay tinanggihan ng likas na Israel si Jesus; kaya naman, sila’y tinanggihan ni Jehova bilang kaniyang natatanging bansa. (Mateo 21:43; Juan 1:11) Kaniyang ipinasiya na ang kaniyang pangalan ay ilagay sa isang bagong bansa, isang espirituwal na “Israel ng Diyos,” na binubuo ng kapuwa likas na mga Judio at mga di-Judio na may pananampalataya kay Jesus.—Galacia 6:16; Gawa 15:14; 1 Pedro 2:9, 10.
9 Ang bagong bansang ito, ang pinahirang Kristiyanong kongregasyon, ay nagsimula ng kaniyang buhay noong 33 C.E., at pagkatapos iyon ay nagsilbing ang Israel ng Diyos. Magmula na noon ito ang magiging ‘bayan ni Daniel.’ (Roma 2:28, 29) Bago siya binuhay-muli sa langit noong 33 C.E., nangako si Jesus ng patuloy na pag-alalay sa ‘bayan ni Daniel’ nang kaniyang sabihin sa nakalaang maging mga miyembro ng bagong Israel na iyon: “Narito! Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:20; Efeso 5:23, 25-27.
“Nakatayo” sa Ikabubuti ng Bayan ni Daniel
10. Sang-ayon sa mga salita ng anghel kay Daniel, paano kikilos si Miguel sa isang natatanging paraan, at anong mga tanong ang ibinabangon nito?
10 Subalit ngayon ay sinasabi ng anghel na kikilos si Miguel sa isang natatanging paraan. Kaniyang ginamit ang salitang “tatayo” nang makalawa, at ang sabi niya: “At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo.” (Daniel 12:1) Ano ba ang ibig sabihin ng si Jesus ay ‘tumatayo’? At paano siya “tatayo” kung siya’y “nakatayo [na] sa ikabubuti ng bayan [ni Daniel]”? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, pag-usapan natin ang mga ilang impormasyon na may kinalaman dito.
11. Sa paano wastong sabihin na si Jesus ay “nakatayo” sapol noong 1914?
11 Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli noong 33 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Malaon nang hawak ni Jesus ang ganiyang kapamahalaan sa kaniyang pinahirang mga lingkod sa lupa. (Colosas 1:13) Gayunman, hindi pa dumarating ang panahon upang si Jesus ay humawak ng kapamahalaan bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Bagkus, pagkatapos na siya’y umakyat sa langit siya’y ‘naupo sa kanan ng Diyos sa langit’ hanggang sa panahon na maitatag ang Kahariang iyon. (Awit 110:1, 2; Gawa 2:34, 35) Ang panahong iyon ay dumating noong 1914, “ang itinakdang panahon.” (Daniel 11:29) Noong taóng iyon, si Jesus ay iniluklok bilang nagpupunong Hari ng Kaharian ng Diyos at karaka-raka, bilang si Miguel na arkanghel, kaniyang pinalayas si Satanas sa langit. (Apocalipsis 11:15; 12:5-9) Samakatuwid nga sapol noong 1914 si Jesus ay “nakatayo” na bilang Hari.—Awit 2:6.
12, 13. Anong mahalagang mga pagpapala ang tinatamasa ng bayan ng Diyos sa loob ng mga taon sapol noong 1914, at nagpapakita na si Jesus ay ‘nakatayo na sa ikabubuti ng bayan ni Daniel’?
12 Ang ‘pagtayo’ ni Jesus ay isang malaking pagpapala para sa ‘mga anak ng bayan ni Daniel.’ Ang kaniyang paghahawak ng kapangyarihan bilang hari at pagbubulid sa lupa kay Satanas ay naglinis ng kanilang makalangit na tahanan sa hinaharap. (Juan 14:2, 3) Magmula noon, yaong mga nangamatay na na tapat ay maaari nang buhaying-muli upang pagkalooban ng kanilang mana sa langit. (1 Tesalonica 4:16, 17) Ang nalalabi ng mga ito na narito pa sa lupa ay dumanas ng malaking pag-uusig noong panahon ng unang digmaang pandaigdig, na halos nagpahinto ng kanilang gawaing pangangaral. Subalit noong 1919 sila ay muling binuhay at napabalik sa larangan ng daigdig bilang isang bagong bansa.—Isaias 66:7, 8; Apocalipsis 9:14; 11:11, 12.
13 Pagkatapos nito, tinupad ni Jesus ang kaniyang pangako na “tipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nakapagpapatisod at ang mga nagsisigawa ng katampalasanan.” (Mateo 13:41) Sa ganitong paraan, siya’y nanatiling may isang malinis na kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano na ‘nakakilala sa kanilang Diyos, nanaig, at kumilos nang mabisa.’ Kanilang naipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa, sa gayo’y ‘nagtuturo ng kaunawaan sa marami.’ (Daniel 11:32, 33; Mateo 24:14) Sapol noong 1935 inilakip ni Jehova sa kongregasyong ito ang dumaraming “mga ibang tupa,” na may makalupang pag-asa at may katapatang nakibahagi sa gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14, 15.
14. Ano ang naging resulta ng ‘pagtayo [ni Jesus] sa ikabubuti ng bayan ni Daniel’ sa buong panahon ng mga huling araw?
14 Ang mismong pag-iral ng grupong ito ng mga Kristiyano sa ngayon ay kapansin-pansin. Sa isang baha-bahaging daigdig dahil sa pamamalakad pulitika, sila’y nakapanatili sa lubos na pagkaneutral bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. (Juan 17:14) Kaya naman, sila’y dumanas ng pag-uusig sa kamay ng kapuwa hari. Ang huwad na relihiyon, din naman, ay nagpanukala at nagpakana na sila’y lipuling lubusan. Sa halip na mangyari iyan, sila’y umunlad at sa ngayon ay masusumpungan sila sa mahigit na 200 lupain at may bilang na mahigit na tatlong milyong tapat na mga indibiduwal. Sila’y nagtatamasa ng buhay sa isang espirituwal na paraiso sa ilalim ng pamamahala ni Kristo na tuwirang kabaligtaran ng kadiliman at kawalang-pag-asa ng sanlibutang ito. (Isaias 65:13, 14) Sa gayon, si Jesus ay “nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan [ni Daniel]” sa buong panahon ng mga huling araw na ito.—Daniel 12:1.
‘Tumatayo’ si Miguel
15. Sa paano ‘tumatayo’ si Jesus, at kailan ito nagaganap?
15 Kaya papaano ngang si Jesus, na “nakatayo” na, ay ‘tumatayo’ sa panahong iyon? (Daniel 12:1) Ito’y sa bagay na ang kaniyang paghahari ay pumapasok sa isang bagong yugto, wika nga. Ito’y panahon na para siya ay kumilos sa isang natatanging paraan upang iligtas ang ‘bayan ni Daniel’ buhat sa pagkalipol sa kamay ng mga gobyerno ng tao. (Ezekiel 38:18, 19) Ang “panahon” na tinutukoy rito ay maliwanag na “ang panahon ng kawakasan” ng hari ng hilaga at ng hari ng timog, pagka ang hari ng hilaga ay nagbanta sa espirituwal na lupain ng bayan ng Diyos. (Daniel 11:40-45) Bago nang panahong ito, ang tapat na mga makalupang sakop lamang ni Jesus ang nagpapahalaga sa kaniyang paghahari. (Awit 2:2, 3) Subalit, ngayon, panahon na para sa “paghahayag ng Panginoong Jesus,” kaya lahat ay mapipilitan na kumilala sa kaniyang pagkahari. (2 Tesalonica 1:7, 8) Ang mangyayari’y lilipulin ang lahat ng mga sumasalansang, at susundan ito ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus at ng kaniyang mga kasamang hari, sa panahon na ang Kaharian ang magiging tanging pamahalaan na maghahari sa sangkatauhan.—Apocalipsis 19:19-21; 20:4.
16. Ano ang resulta ng ‘pagtayo’ ni Jesus laban sa balakyot na mga bansa?
16 Kasuwato nito, sinabi ng anghel na pagka tumatayo na si Miguel, “tiyak na magkakaroon ng panahon ng kabagabagan na hindi nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.” (Daniel 12:1; ihambing ang Mateo 24:21.) Iyon ay panahon ng pagpuksa sa mga balakyot at panahon naman ng kaligtasan para sa mga may pananampalataya. (Kawikaan 2:21, 22) Pakinggan ang ikikilos ng nahihintakutan at walang pananampalatayang sangkatauhan sa panahong iyon: “Sila’y nagsisipagsabi sa mga bundok at sa mga batong-bundok: ‘Bagsakan ninyo kami at ikubli ninyo kami mula sa mukha ng nakaluklok sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat ang dakilang araw ng poot nila’y sumapit na, at sino ba ang makakatayo?’ ”—Apocalipsis 6:16, 17.
17. Ano ang mangyayari sa panahong iyon sa makalupang hukbo ni Satanas, kasali na ang hari ng hilaga at ang hari ng timog?
17 Ang resulta nitong “panahon ng kabagabagan” sa makalupang hukbo ni Satanas ay inilalarawan sa hula ni Ezekiel laban kay Gog ng Magog: “Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong at ang mga bayan na kasama mo.” (Ezekiel 39:4) Si Jeremias, sa pagsasalita tungkol sa panahon ding iyan ng kabagabagan, ay nagsabi: “Ang mapapatay ni Jehova sa araw na iyo’y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.” (Jeremias 25:33) Iyon ay isang panahon nga ng kabagabagan. Wawakasan ni Jesus ang mahabang kasaysayan ng digmaan ng sangkatauhan pagka siya’y ‘tumayo na’ upang alisin ang mga namamahalang tao na may kagagawan nito.—Awit 46:9; 1 Corinto 15:25.
Mga Nakaligtas sa “Panahon ng Kabagabagan”
18. (a) Ano ang magiging karanasan ng mga tunay na mananamba pagka ‘tumayo’ na si Miguel? (b) Ano ba ang ibig sabihin na ang isa ay “nakasulat sa aklat”?
18 Bagaman madarama ng bayan ng Diyos ang mga epekto ng kapootan ng kaaway, ito’y magiging “panahon ng kabagabagan” lalung-lalo na para sa mga balakyot. (Awit 37:20) Sinasabi ng anghel kay Daniel: “At sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat.” (Daniel 12:1) Marami sa ‘mga anak ng bayan ni Daniel’ ay kaypala namatay na sa panahong iyon at tinanggap na nila ang kanilang makalangit na gantimpala. Ang mga ito ay tiyak na makakasama ni Miguel na makikibahagi sa dakilang tagumpay na ito ng kaniyang hukbo. (Apocalipsis 2:26, 27; Awit 2:8, 9) Ang mga matitira rito sa lupa ay hindi magkakaroon ng bahagi sa pagbabaka; ngunit sila’y magiging mga tagapag-ingat ng katapatan, kaya sila’y makakaligtas. (Apocalipsis 17:14; 19:7, 8) Ang kanilang mga kasamahan, ang “malaking pulutong,” sila rin naman, ay makakaligtas. (Apocalipsis 7:9, 14) Kapuwa ang pinahirang nalabi at ang “mga ibang tupa” ay magpapatunay kung gayon na “masusumpungang nakasulat sa aklat,” samakatuwid nga, ang kanilang mga pangalan ay mapapasulat doon bilang mga kahanay niyaong mga tatanggap ng kaloob na buhay na walang-hanggan, sa langit o dili kaya’y sa lupa.—Juan 10:16; Exodo 32:32, 33; Malakias 3:16; Apocalipsis 3:5.
19. (a) Paanong ang ‘pagtayo’ ni Miguel ay magdadala ng kapayapaan sa lupa? (b) Anong tanong ang kailangan pang sagutin?
19 Ang mga ito ay magkakapribilehiyo na makita ang pagtatatag ng isang tunay na pambuong-lupang kapayapaan. Kanilang masasaksihan ang katuparan ng pangako ni Jehova: “Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa.” (Awit 37:9) Yamang ang Kaharian ng Diyos sa panahong iyon ang magiging tanging gobyerno na mamamahala sa lupa, bawat taong nabubuhay ay magiging lingkod ni Jehova. (Isaias 11:9) Sa gayon, sa “panahon ng kawakasan” ng dalawang hari, si Miguel ay “tatayo” upang magdala ng kapayapaan sa sangkatauhan. Walang superpowers na nagpapaligsahan sa pagpapasulong ng kanilang mga armas o iba pang mga pagmamaneobra ang makapipigil sa pangyayaring ito. Datapuwat, ibig bang sabihin na tayo’y kailangang maghintay pa hanggang sa panahong iyon upang magtamasa ng kapayapaan? Hindi, mayroon nang umiiral na kapayapaan na maaaring tamasahin ng mga Kristiyano kahit na ngayon—sa totoo lamang, isang lalong mainam na uri ng kapayapaan kaysa kawalan lamang ng digmaan. Ano ba ang kapayapaang ito? Ang hula ng anghel na ibinigay kay Daniel ay patuloy na nagbibigay-liwanag dito.
[Talababa]
a Yamang si Miguel ay tinatawag na isang arkanghel, inaakala ng iba na ang pagkilala sa kaniya bilang si Jesus ay nagbabawas sa ilang paraan sa karangalan o ranggo ni Jesus. (Judas 9) Gayunman, ang katibayan para sa gayong pagkilala ay umakay sa nabanggit na mga iskolar ng Sangkakristiyanuhan na kilalanin si Miguel bilang si Jesus sa kabila ng bagay na sila ay sinasabing naniniwala sa Trinidad.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sino si Miguel na Dakilang Prinsipe?
◻ Sino ang bayan ni Daniel ngayon?
◻ Paanong si Miguel ay nakatayo na ngayon sa ikabubuti ng bayan ni Daniel?
◻ Paanong si Miguel ay malapit nang tumayo sa isang natatanging paraan?
◻ Sino ang mga makaliligtas pagsapit ng panahon ng pagtayo ni Miguel?
[Larawan sa pahina 16]
Isang huling desperadong pagtatangka na lipulin ang bayan ng Diyos ang mabibigo—ngunit paano?
[Larawan sa pahina 18]
Maliligtas ang bayan ng Diyos pagka ‘tumayo’ na si Miguel upang tapusin ang labanan ng magkaribal na dalawang hari