Ang Pangglobong Paglalabanan Ukol sa Kapangyarihan—Sino ang Magtatagumpay?
“ANG pangunahing layunin ng mga Soviet ay puwersahin tayo na iwaksi ang S.D.I. [Strategic Defense Initiative (“Star Wars”)]. Sa palagay ko . . . naiintindihan ni Mr. Gorbachev na wala tayong intensiyon na gawin iyan.” Ganiyan ang sabi ng Pangulong Reagan ng E.U. pagkatapos ng komperensiya sa Geneva noong Nobyembre 1985.
Gaya ng alam ninyo, sapol noon ay patuloy ang paglalabanan ng magkaribal na superpowers. Subalit may maraming mga bansa na kaalyada o kakampi ng mga ito, anupat nabuo ang Silangan (ang pangunahing grupong komunista) at ang Kanluran (karaniwan nang ang grupong kapitalista). Kaya naman ito’y isang pangglobong paglalabanan ukol sa kapangyarihan. Kaya’t ikaw ay kasangkot dito. Isa pa, dahil sa arms race o pagpapaligsahan sa armas ay namamalagi ang nagbabantang superwar o wala pang nakakatumbas na giyera, na magpapahamak sa iyong kinabukasan—kahit na kung ikaw ay nakatira sa isang bansa na neutral.
Samakatuwid, dapat kang maging interesado sa magiging resulta ng paglalabanang ito ukol sa kapangyarihan. Magkakaroon kaya ito ng mapayapang solusyon? Kung hindi, sino ang mananalo? Ang iyong pagkaalam niyan ay maaaring may epekto sa iyong kinabukasan.
Kung Paano Ito Nagsimula
Maraming aklat sa modernong kasaysayan ang nagpapahiwatig na ang kasalukuyang labanan ng magkaribal na Silangan at Kanluran ay nagsimula di pa nagtatagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit, ipinakikita ng kasaysayan sa Bibliya na ito ay pagpapatuloy ng paglalabanan ukol sa pangunguna sa daigdig na nagsimula halos 2,300 mga taon na ngayon ang lumipas.
Kung nabasa mo ang kasaysayan ng sinaunang Gresya, batid mo na ang bansang iyan ay ginawang isang imperyo ni Alejandrong Dakila. Ito’y inihula ng propeta sa Bibliya na si Daniel. Bilang katuparan ng hula, pagkatapos na ang “makapangyarihang hari” na iyan ay mamatay noong 323 B.C.E., ang imperyo ay sa wakas “nagkabaha-bahagi sa apat na hangin”—sa apat na mga heneral niya. (Daniel 11:2-4) Sa mga bahaging ito, sumailalim ng kapangyarihan ni Seleucus I Nicator ang Sirya at Mesopotamia—mga teritoryo sa hilaga at silangan ng bayan ni Daniel, ang Juda. Si Ptolemy Lagus naman, isa pang heneral na Griego, ang sumakop sa Egipto at Palestina, na naglagay sa kaniya sa gawing timog at kanluran ng sakop ni Seleucus Nicator. Dahilan sa kani-kanilang posisyon sila ay naging “hari ng hilaga” at “hari ng timog,” ayon sa kanilang pagkakasunod.—Daniel 11:5, 6.
Ang “hilaga” at “timog” ay naging simbolo ng makapangyarihang mga bansa na gumanap ng kani-kanilang bahagi ayon sa inihula.a Sa lumipas na mga siglo iba’t-ibang bansa ang gumanap ng papel ng dalawang “mga hari”; subalit sa tuwina’y akmang-akma sa kanila ang sinasabi ng hula. Sa tuwina’y kinikilala sila na magkaribal, samantalang karaniwan nang kontrolado nila ang mga teritoryo na nasa gawing hilaga at gawing timog ng isa’t-isa.
Sa ngayon ang mga papel na iyon ay katumbas ng tawag na “Silangan” at “Kanluran.” Ito man naman ay mga terminong simboliko, yamang ang mga teritoryong iyan ay magkasanib. Ang terminong ginagamit ng Bibliya na “hilaga” at “timog” ay angkop na mga simbolo rin naman bagama’t nagkakahawig ang pagkakasanib.
Ang Diyos ng “Hari ng Hilaga”
“Panahon ng kawakasan” ang tinatanaw, sinabi ni Daniel na ang “hari ng hilaga” ay “magtataas ng kaniyang sarili sa bawat diyos,” at “hindi pakukundanganan” “ang Diyos ng kaniyang mga magulang.” Sa halip, kaniyang luluwalhatiin “ang diyos ng mga kuta . . . sa pamamagitan ng ginto . . . pilak . . . mamahaling bato at . . . kanaisnais na mga bagay” bago siya sumapit “sa kaniyang wakas.”—Daniel 11:35-39, 45.
Yamang siya’y isang ateyista, ang kasalukuyang “hari ng hilaga” ay nagtatatuwa sa pag-iral ng Diyos at kadalasa’y kaniyang sinusugpo ang relihiyon. Siya’y nakadepende nang higit sa mga armamento at militarismo kaysa mga ibang paraan ng pag-impluwensiya sa mga bansa ng daigdig. Kaya’t kaniyang ginagamit ang malaking bahagi ng kaniyang kayamanan upang “magbigay-kaluwalhatian” sa “diyos ng mga kuta.” Bilang paghahambing, bagama’t ang “hari ng timog” sa modernong panahon ay lumuluwalhati rin sa mga armamento at militarismo, siya’y kumikilala sa mga ibang diyos, at marami sa kaniyang mga mamamayan ang may matibay na kapit sa relihiyon.
Ang Modernong-Panahong Paglalabanan Ukol sa Kapangyarihan
Ang mismong tinutukoy ay mga pangyayari sa ating kaarawan, ang hula ay nagsasabi: “Sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog ay makikipagbaka sa [hari ng hilaga] sa isang pagtutulakan, at laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay dadagsa na gaya ng bagyo taglay ang [mga armas militar] at [ang hari ng hilaga] ang tiyak na papasok sa mga lupain at huhugos at lalampas.”—Daniel 11:40.
Marahil ay alam mo na sapol noong Digmaang Pandaigdig II ang ideolohiya at kapangyarihan ng “hari ng hilaga” ay lumaganap sa malawak na teritoryo, sa kabila ng mga digmaan na naganap upang mahadlangan ito. Kung hanggang saan siya magtatagumpay sa ‘pagpasok sa mga lupain at paghugos at paglampas’ ay hindi pa natin masasabi; subalit ang modernong “hari ng timog” ay nagsisikap na hadlangan siya sa kaniyang paglusob sa di-umano’y malayang daigdig. Sa gayo’y ‘nagtutulakan’ ang mga magkalabang ito at ngayo’y pauwi na iyon sa isang bumibilis na arms at space race o pagpapaligsahan sa armas at sa espasyo. Samantala, sila’y nagpaparatang sa isa’t-isa ng pagnanais na maghari sa daigdig.
Sinasabi pa ni Daniel: “Siya [ang hari ng hilaga] ay aktuwal na magpupuno sa nakatagong mga kayamanan . . . at sa lahat ng kanaisnais na mga bagay ng Egipto. At ang mga taga-Libya at ang mga taga-Ethiopia ay susunod sa kaniyang mga hakbang.” (Daniel 11:43) Maaaring ito ay tumutukoy sa likas na mga kayamanan; at sa kasaganaan ng mga mineral na kayamanan, kasali na ang langis. Siya ay mayroon ding matinding impluwensiya sa mga teritoryo na labas sa kaniyang nasasakupan na maraming likas na kayamanan. Lahat tayo ay may dahilan na subaybayan ito upang alamin kung siya’y magkakaroon ng lalong malaking kapamahalaan sa mga ito at kung hanggang saan hahantong ang kaniyang impluwensiya sa kabuhayan.
Sino ang Mananalo?
Subalit, ano ba ang pumipigil sa ‘mga haring’ ito upang huwag mahulog sa isang tuwirang pangkatapusang digmaan? Ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat sila’y natatakot na ang kanilang mga armas nuklear ay pumuksa sa kanilang kapuwa. Mas ibig nila na makipagnegosasyon upang makabuo ng mga kasunduan, bagama’t ang mga ito’y bihirang nasusunod. Gaya ng inihula ni Daniel: “Sa isang mesa ay kasinungalingan ang patuloy na sasalitain nila. Subalit walang anoman doon ang magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay magiging sa itinakdang panahon pa.”—Daniel 11:27.
Kung gayon, marahil ay ibig mong malaman, kung ano ang mangyayari sa katapus-tapusan? Sila kaya’y sa wakas magkasundo upang makabuo ng walang hanggang kapayapaan? O tatalunin ng isa yaong isa? Sang-ayon sa hula na nasa Salita ng Diyos, ang sagot sa dalawang katanungang iyan ay, Hindi! Bakit? Sapagkat may ikatlong hari na magtatagumpay laban sa kanila at siyang mananakop sa daigdig. Kaya’t magkakaroon ng pagbabago ng pamamahala—hindi na matatagalan!
[Talababa]
a Halimbawa, ang pangungusap na “tatayo na kahalili niya” ay tumutukoy sa pagkuha ng papel na ginagampanan ng “hari ng hilaga.”—Daniel 11:20, 21.
[Larawan sa pahina 4]
LAKAS MILITAR NG MGA PANGUNAHING BANSA AT MGA BLOKE
Mga armas nuklear
50,000
Mga sundalo
11,913,000
Boque de-giyera
1,350
Mga eroplanong bombardero at panlaban
20,100
Mga tangke
95,800