CUS
1. Ang unang binanggit na anak ni Ham at ama ng anim na anak na lalaki: sina Seba, Havila, Sabta, Raama, Sabteca, at Nimrod. (Gen 10:6-8; 1Cr 1:8-10) Si Cus at ang binanggit na mga inapo niya ay kabilang sa mga tao na mula sa kanila “ay nangalat sa lupa ang mga bansa pagkatapos ng delubyo.” (Gen 10:32) Kaya bagaman walang detalyeng ibinigay sa ulat ng Genesis may kinalaman kay Cus bilang indibiduwal, ang kaniyang pangalan ay ginagamit sa buong Hebreong Kasulatan upang kumatawan sa kaniyang mga inapo at sa lupain o mga rehiyon na kanilang pinamayanan, gaya ng inilalarawan sa Blg. 2.
Gayunman, mapapansin dito na maliwanag na si Cus ang isang pangunahing pinagmulan (marahil ay kasama si Put) ng mga taong maitim ang balat (Jer 13:23), gaya ng ipinahihiwatig ng mga lugar na pinamayanan ng ilan sa kaniyang mga inapo. Pinabubulaanan nito ang teoriya niyaong mga may-kamaliang nagsisikap na ikapit sa mga Negro ang sumpang binigkas kay Canaan, sapagkat si Canaan, na kapatid ni Cus, ay hindi nagkaroon ng inapong Negro kundi sa halip ay naging ninuno ng iba’t ibang tribong Canaanita ng Palestina. (Gen 9:24, 25; 10:6) Samakatuwid, walang anumang maka-Kasulatang kaugnayan sa pagitan ng maitim na balat ng ilang inapo ni Cus at ng sumpa na binigkas kay Canaan.
2. Bukod pa sa mga ulat ng talaangkanan sa Genesis kabanata 10 at 1 Cronica kabanata 1, at sa paggamit ng pangalan sa superskripsiyon ng Awit 7, na isinaalang-alang sa Blg. 3, ang pangalang Cus ay ginagamit sa lahat ng iba pang mga teksto upang tumukoy sa mga supling ng anak na iyon ni Ham at sa lugar na kanilang tinirahan.
Ang pangalan ni Cus ay iniuugnay, sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Nimrod, sa Babel at sa kahariang binuo ni Nimrod noong mga panahon pagkaraan ng Baha. (Gen 10:8-12) Iniuugnay ng ilan ang pangalan ni Cus sa sinaunang lunsod ng Kis, na natuklasan sa mga paghuhukay sa mababang Mesopotamia malapit sa Babilonya, at sinasabing ito ang lunsod kung saan ginamit ng mga emperador noong ikatlong milenyo B.C.E. sa Babilonia ang titulong “hari ng daigdig.” Ang “The Sumerian King List,” isang sinaunang rekord, bagaman lubhang maalamat, ay naglalaman ng ganitong pangungusap: “Pagkatapos umapaw (sa lupa) ang Baha (at) nang ang paghahari ay (muling) ibaba mula sa langit, ang paghahari ay (unang) nasa Kis.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 265) Sa pagtukoy sa sinaunang lunsod na ito, nagkomento si Propesor Albright: “Malibang ang Kis ang orihinal na Cus ng Gen. 10:8, na talaga namang posible, hindi ito binabanggit sa Bibliya. Anuman ang naging kalagayan, malamang na si Nimrod ang itinuring na unang tagapamahala ng Kis.” (Analytical Concordance to the Bible ni Young, Suplemento sa “Mga Tuklas Kamakailan sa mga Lupain sa Bibliya,” ni W. Albright, 1955, p. 14) Kaya bagaman ang Babilonia nang maglaon ay lubusang napasailalim ng pamumunong Semitiko, waring may ilang katibayan ng kasaysayan na kasuwato ng ulat ng Bibliya tungkol sa pamamahalang Cusita sa lugar na iyon noong sinaunang panahon.
Ang “Lupain ng Cus.” Hindi matiyak ang lokasyon ng “lupain ng Cus” na tinukoy sa Genesis 2:13 bilang ang lupaing napalilibutan noong una ng ilog ng Gihon, isa sa apat na sanga ng “ilog na lumalabas mula sa Eden.” (Gen 2:10) Sa tekstong ito, isinalin ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang salitang Hebreo para sa “Cus” sa pamamagitan ng pangalang Griego na Etiopia. Ang pangalang Cus ay halos naging singkahulugan ng sinaunang Etiopia noong maagang bahagi ng panahon, gayunma’y hindi tahasang masasabi na talagang kumakapit ito sa Genesis 2:13. Iniugnay ni Josephus ang Ilog Gihon sa Nilo, anupat sinunod niya ang salin ng Septuagint. (Jewish Antiquities, I, 39 [i, 3]) Gayunman, ang pagkakaroon ng Gihon at ng mga ilog ng Eufrates at ng Tigris ng iisang pinagmumulan ay talagang hindi nagpapahintulot sa gayong pag-uugnay, malibang ipalagay na ang pangglobong Delubyo ay nagdulot ng napakalalaking pagbabago sa topograpiya ng lugar na iyon.
Dahil dito, ang terminong “Cus” sa Genesis 2:13 ay iniuugnay ng ilang iskolar sa Kassu o mga Kassita ng mga inskripsiyong Asiryano, isang pangkat ng mga tao na di-matiyak ang pinanggalingan na nananahanan sa matalampas na rehiyon ng gitnang Asia. Isang artikulo ni P. English sa Journal of Near Eastern Studies (1959, Tomo XVIII, p. 49-53) ang naghaharap ng katibayan na nagkaroon ng populasyon ng mga Negro noong sinaunang mga panahon sa rehiyon ng TS sulok ng Dagat na Itim at, nang maglaon, sa rehiyon ng Caucasus sa mas dako pang H. Nagpapahiwatig ito na magkaugnay ang mga pangalan ng mga rehiyon ng Abkhazia at ng Khazaria, na tinahanan ng mga tribong iyon, at ang Cus sa Bibliya. Sabihin pa, may posibilidad na ang pagtukoy sa Cus sa Genesis 2:13 ay kumakapit sa isang bahagi ng pamilyang Cusita na hindi nandayuhan patimog kasama ng pangunahing kalipunan ng mga Cusita kundi namayan sa rehiyon ng Asia Minor na inilarawan sa itaas.
May iba pa rin na nagmumungkahi na ang “lupain ng Cus” na napalilibutan ng Gihon ay nasa Peninsula ng Arabia, yamang ang pangalang “Cusan” ay ginagamit bilang katumbas ng “lupain ng Midian” sa Habakuk 3:7, anupat ang Midian sa kabuuan ay nasa kapaligiran ng Gulpo ng ʽAqaba. Posibleng ang Arabeng “Cus” na iyon ang tinutukoy nang ang Midianitang asawa ni Moises na si Zipora ay tawaging isang “Cusita.”—Exo 18:1-5; Bil 12:1.
Pagkatapos ng Tore ng Babel. Kasunod ng pangangalat mula sa Babel dahil sa paggulo sa wika, ang pangunahing kalipunan ng mga inapo ni Cus ay waring nandayuhan patimog. Hindi matiyak kung nakarating sila sa Aprika sa pamamagitan ng pagpasok muna sa Peninsula ng Arabia at pagkatapos ay pagtawid sa makitid na kipot na tinatawag na Bab el-Mandeb o kung namayan muna sila sa Aprika at pagkatapos ay tumawid patungong Arabia, bagaman ang karaniwang pag-uugnay ng “Cus” sa Aprika ay maaaring pabor sa huling nabanggit na pandarayuhan. Ang pangalan ng anak ni Cus na si Seba ay iniuugnay sa S Aprika, samantalang yaong kina Havila, Sabta, Raama, at Sabteca ay karaniwan nang iniuugnay sa mga rehiyon sa Peninsula ng Arabia. (Tingnan ang indibiduwal na mga artikulo sa ilalim ng pangalan ng mga anak ni Cus.) Kapansin-pansin na, samantalang ang mga pangalan ng mga anak na ito ay lumilitaw na pinananatili ng mga tribong nagmula sa kanila, waring hindi ganito ang nangyari sa pangalan ni Nimrod, anupat ang kaniyang pangalan ay lumilitaw sa sinaunang kasaysayan bilang pangalan lamang ng isang indibiduwal. Maaaring ipahiwatig nito na si Nimrod ay nanatiling walang anak.
Bagaman may mga Cusita noon sa Arabia, ang karamihan ng paglitaw ng pangalang Cus sa Bibliya ay malinaw na tumutukoy sa isang rehiyon sa Aprika, at kapag maliwanag ang kaugnayan, isinasalin lamang ng mga tagapagsalin ang “Cus” bilang “Etiopia.” Lagi itong iniuugnay sa Ehipto (Isa 20:3-5; 43:3; Jer 46:7-9) at gayundin sa Libya. (2Cr 12:2, 3; Dan 11:43; Na 3:9) Itinatala ng Isaias 11:11 ang sinaunang heograpikong mga katawagan para sa iba’t ibang rehiyon na patimog mula sa Delta ng Nilo: “Ehipto” (o “Mizraim,” dito, Mababang Ehipto), “Patros” (Mataas na Ehipto), at “Cus” (Nubia-Etiopia). Binabanggit ng Ezekiel 29:10 ang pagkawasak ng Ehipto “mula sa Migdol hanggang sa Seyene at hanggang sa hangganan ng Etiopia [Cus].” Sa gayon, ang Cus o sinaunang Etiopia ay waring nasa ibayo pa ng Seyene (makabagong Aswan) at, ayon sa arkeolohikal na katibayan, nagpatuloy sa T, marahil hanggang sa makabagong Khartoum. Kaya saklaw ng Cus ang makabagong Sudan at ang pinakatimugang bahagi ng makabagong Ehipto. Iminumungkahi na ang “mga ilog ng Etiopia [Cus]” ay ang mga ilog ng Asul at Puting Nilo, na nagsasalubong sa Khartoum, at gayundin ang Ilog Atbara, na sumasanib sa Nilo sa T ng ikalimang talon.—Zef 3:10.
Posibleng ang “mga Arabe na nasa panig ng mga Etiope [Ku·shimʹ]” (2Cr 21:16) ay yaong mga tribong Arabe na nasa TK baybayin ng Peninsula ng Arabia at sa gayon ay nakaharap sa Aprika sa ibayo ng Dagat na Pula.
Ang kalakhan ng lupain ng Cus ay maliwanag na tigang at disyertong lupain. Ang “pook ng mga ilog ng Etiopia” ay inilalarawan bilang ang “lupain ng mga humihiging na kulisap na may mga pakpak” (Isa 18:1), marahil ay tumutukoy sa mga balang na nagkukulupon sa Etiopia at Ehipto; gayunman, iminumungkahi ng ilan na ito ay mga lamok, at itinatawag-pansin naman ng iba na ang salitang Hebreo para sa “humihiging” (tsela·tsalʹ) ay katunog ng pangalang ibinigay ng mga tribong Oromo (isang bayang Hamitiko na naninirahan sa makabagong Etiopia) sa tsetse fly (tsaltsalya). Ang mga produkto ng lupain ay garing, ebano, ginto, mahahalagang bato, bakal, at mga pampabango, at may binabanggit sa Bibliya na “mga mangangalakal ng Etiopia” (Isa 45:14) at “topacio ng Cus.”—Job 28:19.
Kasaysayan Nang Dakong Huli. Ang Cus, o Etiopia, ay nasa ilalim ng pamumuno ng Ehipto noong panahon ng Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto, at nagpatuloy pa ito nang mga 500 taon. Isang kinatawang pinuno na nangangasiwa sa teritoryong ito sa ilalim ng Ehipsiyong Paraon ang nakilala sa titulong “Anak ng Hari ng Kush.” Maliwanag na sa pagtatapos ng ikalawang milenyo B.C.E., ang Etiopia ay nakalaya mula sa kontrol ng Ehipto. Pagkatapos nito, ang kabisera ng Etiopia ay inilagay muna sa Napata, malapit sa ikaapat na talon, at nang dakong huli ay sa Meroë, mga 210 km (130 mi) sa HHS ng Khartoum.
Kabilang sa mga hukbo ni Paraon Sisak na sumalakay sa Juda noong ikalimang taon ni Rehoboam (993 B.C.E.) ang mga mandirigmang Etiope. (2Cr 12:2, 3) Pagkatapos ng ikasampung taon ni Haring Asa, o noong mga 967 B.C.E., nilusob ng Etiopeng si Zera ang Juda kasama ang isang milyong lalaki ngunit lubusan silang natalo sa Maresa.—2Cr 14:1, 9-15; 16:8.
Ipinakikita ng sekular na kasaysayan na noong pagtatapos ng ikawalong siglo B.C.E., nilupig ng Etiopia ang Ehipto at pinamunuan ito nang mga 60 taon. Naganap ito noong “Ikadalawampu’t limang (Etiopeng) Dinastiya,” anupat kabilang sa mga tagapamahala nito si Haring Taharqa, tinatawag na Tirhaka sa Bibliya. Ang haring ito ay umahon laban sa mga hukbo ni Senakerib noong salakayin ng mga ito ang Juda (732 B.C.E.) ngunit, ayon sa mga inskripsiyong Asiryano, natalo siya sa Elteke(h).—2Ha 19:9; Isa 37:8, 9.
Sinalakay ng mga Asiryanong emperador na sina Esar-hadon at Ashurbanipal ang Ehipto noong panahon ng kani-kanilang paghahari, at dahil sa pagkawasak ng Thebes sa Mataas na Ehipto (tinatawag na No-amon sa Na 3:8-10) sa kamay ni Ashurbanipal (mga 684 B.C.E.), lubusang nasupil ang Ehipto at nagwakas din ang pamumuno ng Etiopia sa libis ng Nilo. Ito’y katuparan ng hula na binigkas ng propetang si Isaias mga kalahating siglo bago nito.—Isa 20:3-6.
Sa pagbabaka sa Carkemis noong 625 B.C.E., mga Etiope ang bumubuo sa isang bahagi ng hukbo ni Paraon Neco, na dumanas ng pagkatalo sa mga kamay ni Nabucodonosor. (Jer 46:2, 9) Ang pagsalakay ni Nabucodonosor sa Ehipto nang dakong huli (posibleng 588 B.C.E.) ay nagdulot ng “matitinding kirot” sa Cus at ‘nagpanginig sa nagtitiwala-sa-sariling Etiopia [Cus].’—Eze 29:19; 30:4-9.
Nalupig ng Persianong si Haring Cambyses II (529-522 B.C.E.) ang Ehipto noong mga araw ni Paraon Psamtik III, at ito ang nagbukas ng daan upang ang Etiopia ay mapasailalim ng kontrol ng Persia; sa gayon ay masasabing namahala si Ahasuero (Jerjes I) “mula sa India hanggang sa Etiopia [Cus].” (Es 1:1; 8:9) Bilang katibayan nito, sinabi ni Jerjes sa isang inskripsiyon: “Ito ang mga bansa—bukod pa sa Persia—na pinaghaharian ko . . . India . . . (at) Kush.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 316.
Inihula na ang mga Judeanong tapon ay babalik sa kanilang sariling lupain mula sa malalayong dako, kabilang na rito ang Cus. (Isa 11:11, 12; ihambing ang Zef 3:10.) Sa hula ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan,” binabanggit na ang Etiopia at Libya ay ‘susunod sa mga hakbang’ ng agresibong “hari ng hilaga,” samakatuwid nga, tutugon sa pangunguna nito. (Dan 11:40-43) Ang Etiopia (Cus) ay kabilang din sa balakyot na mga hukbong pandigma ni “Gog ng lupain ng Magog” sa tulad-bagyong pagsalakay nito sa mga muling tinipon ni Jehova “sa huling bahagi ng mga taon.” (Eze 38:2-5, 8) Gayunman, paborableng inihula ng salmista na ang Cus ay mapapabilang sa mga magdadala ng mga kaloob sa Diyos.—Aw 68:29-32.
3. Ang superskripsiyon ng Awit 7 ay nagsasabi na ang awit ay “tungkol sa mga salita ni Cus na Benjaminita.” Wala nang iba pang pagbanggit sa taong ito. Kung ang awit ay kaugnay ng maagang yugto ng kasaysayan ni David, maaaring ang tinutukoy ay isang sumalansang kay David sa korte ni Saul; kung sa isang mas huling yugto naman, ang pangalan ay maaaring ginamit upang matalinghagang tumukoy kay Simei na Benjaminita na sumumpa kay David.—2Sa 16:5-8.