KAARAWAN
Ang araw o anibersaryo ng kapanganakan ng isa; sa Hebreo, yohm hul·leʹdheth (Gen 40:20) at sa Griego, ge·neʹsi·a (Mat 14:6; Mar 6:21).
Noon, ang mga Hebreo ay nag-iingat ng mga rekord ng taon kung kailan isinilang ang isa, gaya ng ipinakikita ng mga ulat ng talaangkanan at kronolohiya sa Bibliya. (Bil 1:2, 3; Jos 14:10; 2Cr 31:16, 17) Espesipikong binanggit ang mga edad ng mga Levita, mga saserdote, at mga hari. (Bil 4:3; 8:23-25; 2Ha 11:21; 15:2; 18:2) Totoo rin ito sa kaso ni Jesus.—Luc 2:21, 22, 42; 3:23.
Ayon sa Kasulatan, ang araw ng pagsilang ng isang sanggol ay kadalasan nang ipinagsasaya at ipinagpapasalamat ng mga magulang, at makatuwiran naman ito, yamang “narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.” (Aw 127:3; Jer 20:15; Luc 1:57, 58) Gayunman, walang pahiwatig sa Kasulatan na ang tapat na mga mananamba ni Jehova ay nagdiwang ng kanilang kaarawan, na isang paganong kaugalian.
Dalawa lamang ang pagdiriwang ng kaarawan na tuwirang binanggit sa Bibliya, yaong kay Paraon ng Ehipto (noong ika-18 siglo B.C.E.) at kay Herodes Antipas (noong unang siglo C.E.). Magkahawig ang dalawang ulat sapagkat sa mga okasyong iyon ay parehong may malaking piging at pagkakaloob ng pabor; ang mga iyon ay kapuwa nagpapaalaala ng pagpatay. Sa unang okasyon ay pinugutan ng ulo ang punong magtitinapay ni Paraon at sa ikalawa naman ay si Juan na Tagapagbautismo.—Gen 40:18-22; 41:13; Mat 14:6-11; Mar 6:21-28.
Sa Oseas 7:5, bagaman ang pananalitang “sa araw ng ating hari” ay posibleng tumutukoy sa isang piging ng kaarawan ng apostatang hari ng Israel kung kailan ‘pinagkasakit ng mga prinsipe ang kanilang sarili dahil sa alak,’ posible rin na tumutukoy ito sa araw ng anibersaryo ng pagluklok niya sa trono na mayroon ding gayong mga kasayahan.
Nang ang mga anak na lalaki ni Job ay ‘magdaos ng isang piging sa bahay ng bawat isa sa kani-kaniyang araw,’ hindi dapat ipalagay na ipinagdiriwang nila noon ang kanilang mga kaarawan. (Job 1:4) Sa talatang ito, ang “araw” ay isinalin mula sa salitang Hebreo na yohm at tumutukoy sa yugto ng panahon mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Sa kabilang dako, ang salitang “kaarawan” ay isang tambalan ng mga salitang Hebreo na yohm (araw) at hul·leʹdheth. Ang pagkakaiba ng “araw” at ng kaarawan ng isa ay mapapansin sa Genesis 40:20, kung saan lumilitaw ang dalawang pananalitang ito: “At nang ikatlong araw [yohm] ay kaarawan ni Paraon [sa literal, “ang araw (yohm) ng kapanganakan (hul·leʹdheth) ni Paraon”].” Kaya tiyak na ang Job 1:4 ay hindi tumutukoy sa isang kaarawan, na maliwanag na siya namang tinutukoy sa Genesis 40:20. Waring isang pampamilyang pagtitipon (posibleng isang kapistahan sa tagsibol o sa pag-aani) ang idinaos ng pitong anak na lalaki ni Job at sa panahon ng pagpipiging na ginanap nang buong sanlinggo, ang mga ito ay naghalinhinan sa pagiging punong-abala ng piging sa kani-kaniyang sariling bahay at “sa kani-kaniyang araw.”
Nang itatag ang Kristiyanismo, ang pangmalas sa pagdiriwang ng kaarawan ay hindi nagbago. Pinasinayaan ni Jesus ang isang Memoryal, hindi ng kaniyang kapanganakan, kundi ng kaniyang kamatayan, sa pagsasabi: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc 22:19) Kung hindi ipinagdiwang o inalaala ng unang mga Kristiyano ang kaarawan ng kanilang Tagapagligtas, lalo na ngang hindi nila ipagdiriwang ang kanilang sariling araw ng kapanganakan. Ang istoryador na si Augustus Neander ay sumulat: “Ang ideya ng pagdiriwang ng kaarawan ay malayung-malayo sa mga konsepto ng mga Kristiyano ng yugtong iyon.” (The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries, isinalin ni H. J. Rose, 1848, p. 190) “Iginigiit ni Origen [isang manunulat noong ikatlong siglo C.E.] . . . na ‘sa lahat ng mga taong banal sa Kasulatan, walang sinuman ang iniulat na naghanda ng salu-salo o nagdaos ng malaking piging sa kaniyang kaarawan. Mga makasalanan lamang (tulad nina Paraon at Herodes) ang nagpapakasaya sa araw ng kapanganakan nila sa daigdig na ito.’”—The Catholic Encyclopedia, 1913, Tomo X, p. 709.
Kung gayon, maliwanag na ang masayang pagdiriwang ng mga kaarawan ay hindi nagmula sa Hebreo o sa Griegong Kasulatan. Karagdagan pa, sinasabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1882, Tomo I, p. 817) na para sa mga Judio “ang mga pagdiriwang ng kaarawan ay bahagi ng idolatrosong pagsamba . . . , at malamang na ito’y dahil sa idolatrosong mga ritwal na isinasagawa sa mga pagdiriwang na iyon bilang parangal sa itinuturing na mga patrong diyos ng araw kung kailan isinilang ang isa.”