Lumakad na Kasama ng Diyos, at Umani ng Mabuti
“Hangin ang palagi nilang inihahasik, at bagyong hangin ang gagapasin nila.”—OSEAS 8:7.
1. Paano tayo makalalakad na kasama ni Jehova?
MAS ligtas na maglakbay sa isang mapanganib na lugar kung ang mangunguna sa daan ay isang makaranasang giya. Isang katalinuhan na lumakad na kasama ng gayong giya kaysa sa magsolo ka. Sa ilang paraan, inilalarawan nito ang situwasyon natin. Sa diwa, nag-aalok si Jehova na akayin tayo sa pagtawid sa malawak na disyerto ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan. Isang katalinuhan para sa atin na lumakad na kasama niya sa halip na tangkaing lumakad nang nag-iisa. Paano tayo makalalakad na kasama ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay na inilalaan ng kaniyang Salita.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Tinalakay ng naunang artikulo ang simbolikong drama na masusumpungan sa Oseas kabanata 1 hanggang 5. Gaya ng nakita natin, ang dramang iyon ay may mga aral na makatutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos. Talakayin naman natin ngayon ang ilang tampok na bahagi ng Os kabanata 6 hanggang 9. Makatutulong kung magsisimula tayo sa isang sumaryo ng apat na kabanatang ito.
Maikling Sumaryo
3. Ilahad sa maikli ang nilalaman ng Oseas kabanata 6 hanggang 9.
3 Isinugo ni Jehova si Oseas upang humula pangunahin na sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. Ang bansang iyan, na tinatawag din sa pangalan ng pangunahing tribo nito na Efraim, ay tumalikod sa Diyos. Ipinakikita ng Oseas kabanata 6 hanggang 9 na nagpamalas ng kawalang-katapatan ang bayan sa pamamagitan ng paglabag sa tipan ni Jehova at paggawa ng kabalakyutan. (Oseas 6:7) Nagtiwala sila sa makasanlibutang mga alyansa sa halip na manumbalik kay Jehova. Dahil patuloy silang naghahasik ng masama, aani sila ng masama. Sa ibang salita, sasapit sa kanila ang masamang hatol. Subalit mayroon ding nakapagpapasiglang mensahe ang hula ni Oseas. Tiniyak sa bayan na maaari silang manumbalik kay Jehova at pagpakitaan ng awa kung magpapamalas sila ng taos-pusong pagsisisi.
4. Anu-anong praktikal na aral mula sa hula ni Oseas ang isasaalang-alang natin?
4 Mula sa apat na kabanatang ito ng hula ni Oseas, makakakuha tayo ng karagdagang patnubay na tutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos. Isaalang-alang natin ang apat na praktikal na aral: (1) Ipinakikita ang tunay na pagsisisi sa gawa, hindi lamang sa salita; (2) hindi nakalulugod sa Diyos ang basta mga hain lamang; (3) nasasaktan si Jehova kapag tumatalikod sa kaniya ang mga mananamba niya; at (4) upang umani ng mabuti, dapat tayong maghasik ng mabuti.
Kung Paano Ipinakikita ang Tunay na Pagsisisi
5. Ibigay ang diwa ng nakasaad sa Oseas 6:1-3.
5 Maraming itinuturo sa atin ang hula ni Oseas tungkol sa pagsisisi at awa. Sa Oseas 6:1-3, mababasa natin: “Halikayo, at manumbalik tayo kay Jehova, sapagkat siya mismo ay nanluray ngunit pagagalingin niya tayo. Siya ay nananakit, ngunit bibigkisan niya tayo. Bubuhayin niya tayo pagkaraan ng dalawang araw. Sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, at mabubuhay tayo sa harap niya. At makikilala natin, patuloy nating makikilala si Jehova. Gaya ng bukang-liwayway, ang kaniyang paglabas ay matibay na nakatatag. At darating siya sa atin na gaya ng bumubuhos na ulan; gaya ng ulan sa tagsibol na bumabasa sa lupa.”
6-8. Ano ang mali sa pagsisisi ng Israel?
6 Sino ang bumigkas ng mga salitang nakaulat sa mga talatang ito? Sinasabi ng ilan na binigkas ito ng di-tapat na mga Israelita at na kunwa’y nagsisisi ang masuwaying bayan at nananamantala sa awa ng Diyos. Subalit sinasabi naman ng iba na si propeta Oseas daw ang nagsasalita, anupat nagsusumamo sa bayan na manumbalik kay Jehova. Sinuman ang bumigkas ng mga salitang ito, ang mahalagang tanong ay, Nanumbalik ba kay Jehova sa pangkalahatan ang mga mamamayan ng sampung-tribong kaharian ng Israel, anupat nagpakita ng tunay na pagsisisi? Ang sagot ay hindi. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Oseas: “Ano ang gagawin ko sa iyo, O Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, O Juda, yamang ang maibiging-kabaitan ninyo ay parang mga ulap sa umaga at parang hamog na maagang naglalaho?” (Oseas 6:4) Isa ngang nakalulungkot na patotoo ng kalunus-lunos na kalagayan sa espirituwal ng bayan ng Diyos! Ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay halos mawala na—gaya ng hamog sa umaga na madaling naglalaho kapag sumikat ang araw. Bagaman lumilitaw na pakunwaring nagsisisi ang bayan, walang nasumpungang saligan si Jehova para magpakita ng awa. Ano ang naging problema?
7 Hindi talaga mula sa puso ang pagsisisi ng Israel. Ganito ang sinasabi ng Oseas 7:14 tungkol sa hinanakit ni Jehova sa kaniyang bayan: “Hindi sila humingi sa akin ng saklolo mula sa kanilang puso, bagaman patuloy silang nagpapalahaw sa kanilang mga higaan.” Sinasabi pa ng Os 7 talata 16: “Bumalik sila, hindi sa anumang mas mataas”—samakatuwid nga, “hindi sa itinaas na anyo ng pagsamba.” (Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Ang bayan ay hindi handang manumbalik sa itinaas na pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng kinakailangang mga pagbabago upang ayusin ang kanilang kaugnayan sa kaniya. Oo, talagang ayaw nilang lumakad na kasama ng Diyos!
8 May isa pang problema sa pagsisisi ng Israel. Patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan ang bayan—ang totoo, katakut-takot na kasalanan, kasali na ang pandaraya, pamamaslang, pagnanakaw, idolatriya, at pagbuo ng di-matalinong pakikipag-alyansa sa ibang mga bansa. Sa Oseas 7:4, ang bayan ay inihambing sa “hurno,” o pugon ng panadero, maliwanag na dahilan sa masasamang hangaring nag-aalab sa kalooban nila. Dahil sa gayong kalunus-lunos na kalagayan sa espirituwal, karapat-dapat pa kayang kaawaan ang bayan? Hinding-hindi! Sinasabi ni Oseas sa mapaghimagsik na bayan na “aalalahanin [ni Jehova] ang kanilang kamalian” at “pagtutuunan niya ng pansin ang kanilang mga kasalanan.” (Oseas 9:9) Hindi na sila kaaawaan!
9. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita ni Oseas tungkol sa pagsisisi at awa?
9 Habang binabasa natin ang mga salita ni Oseas, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi at awa? Itinuturo sa atin ng babalang halimbawa ng walang-pananampalatayang mga Israelita na upang makinabang sa awa ni Jehova, dapat tayong magpakita ng taos-pusong pagsisisi. Paano ipinakikita ang pagsisising iyon? Si Jehova ay hindi nalilinlang ng mga luha o basta mga salita lamang. Ang tunay na pagsisisi ay ipinakikita sa gawa. Upang tumanggap ng awa, dapat na lubusang talikuran ng manggagawa ng kamalian ang kaniyang makasalanang landasin at iayon ang kaniyang buhay sa matataas na pamantayan ng itinaas na pagsamba kay Jehova.
Hindi Nakalulugod sa Diyos ang Basta mga Hain Lamang
10, 11. Gaya ng inilarawan sa nangyari sa Israel, bakit hindi nakalulugod kay Jehova ang basta mga hain lamang?
10 Talakayin naman natin ngayon ang ikalawang aral na makatutulong sa atin na lumakad na kasama ni Jehova. Ito iyon: Hindi nakalulugod sa Diyos ang basta mga hain lamang. Sinasabi sa Oseas 6:6: “Sa maibiging-kabaitan ako [si Jehova] nalulugod, at hindi sa hain; at sa kaalaman sa Diyos sa halip na sa mga buong handog na sinusunog.” Pansinin na nalulugod si Jehova sa maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig—isang katangian ng puso—at sa kaalaman tungkol sa kaniya. Ngunit marahil ay iniisip mo: ‘Bakit kaya sinasabi ng talatang ito na hindi nalulugod si Jehova sa “hain” at sa “mga buong handog na sinusunog”? Hindi ba’t kahilingan ang mga iyon sa ilalim ng Kautusang Mosaiko?’
11 Ang mga hain at handog ay kahilingan sa ilalim ng Kautusan, ngunit may malubhang problema sa mga kapanahon ni Oseas. Lumilitaw na may mga Israelita na regular sa gayong paghahandog para lamang ipamalas ang pakitang-taong debosyon. Kasabay nito, gumagawa naman sila ng kasalanan. Sa kanilang pagkamakasalanan, ipinakikita nila na walang matapat na pag-ibig ang kanilang puso. Ipinakikita rin nila na itinakwil nila ang kaalaman sa Diyos, sapagkat hindi sila namumuhay kasuwato nito. Kung hindi wasto ang kalagayan ng puso ng bayan at hindi tama ang kanilang paraan ng pamumuhay, ano pa ang halaga ng kanilang mga hain? Kasuklam-suklam sa Diyos na Jehova ang kanilang mga hain.
12. Anong babala ang nilalaman ng Oseas 6:6 para sa mga taong nabubuhay sa ngayon?
12 Ang mga salita ni Oseas ay naglalaman ng babala para sa maraming palasimba sa ngayon. Naghahandog sila sa Diyos sa anyo ng relihiyosong mga gawain. Gayunman, ang kanilang pagsamba ay may kaunting epekto lamang, kung mayroon man, sa kanilang pang-araw-araw na paggawi. Talaga bang kalugud-lugod sa Diyos ang gayong mga tao kung hindi naman sila pinakikilos ng kanilang puso na kumuha ng tumpak na kaalaman sa kaniya at magkapit ng kaalamang iyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa makasalanang mga gawa? Huwag isipin ng sinuman na nakalulugod sa Diyos ang basta relihiyosong mga gawain lamang. Hindi nalulugod si Jehova sa mga taong nagsisikap na makamit ang kaniyang paglingap sa pamamagitan lamang ng isang anyo ng pagsamba sa halip na mamuhay kasuwato ng kaniyang Salita.—2 Timoteo 3:5.
13. Anong uri ng mga hain ang inihahandog natin, ngunit ano ang dapat tandaan tungkol sa halaga ng mga ito?
13 Bilang tunay na mga Kristiyano, tandaan natin na hindi nakalulugod sa Diyos ang basta mga hain lamang. Totoo na hindi tayo naghahandog ng mga haing hayop kay Jehova. Gayunman, ‘naghahandog tayo sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.’ (Hebreo 13:15) Mahalaga na hindi tayo matulad sa makasalanang mga Israelita noong panahon ni Oseas, na nag-aakalang mababayaran natin ang paggawa ng masama sa pamamagitan ng paghahandog ng gayong espirituwal na mga hain sa Diyos. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang kabataang lihim na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Inamin niya nang maglaon: “Dinalasan ko ang paglabas sa larangan, sa pag-aakalang mapagtatakpan nito sa paanuman ang pagkakamali.” Katulad din iyan ng tinangkang gawin ng suwail na mga Israelita. Ngunit ang ating hain ng papuri ay kaayaaya lamang kay Jehova kung kalakip nito ang wastong motibo ng puso at makadiyos na paggawi.
Nasasaktan si Jehova Kapag Iniiwan Siya ng Kaniyang mga Mananamba
14. Ano ang isinisiwalat ng hula ni Oseas tungkol sa nadarama ng Diyos?
14 Ang ikatlong aral na matututuhan natin mula sa Oseas kabanata 6 hanggang 9 ay tungkol sa nadarama ni Jehova kapag tumatalikod sa kaniya ang mga mananamba niya. Ang Diyos ay kapuwa may matatag at magiliw na damdamin. Siya ay may magiliw na damdaming gaya ng kagalakan at habag para sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Subalit kapag hindi nagsisisi ang kaniyang bayan, matatag at tiyak ang kaniyang pagkilos. Dahil labis na nababahala ang Diyos sa ating kapakanan, nagagalak siya kapag may-katapatan tayong lumalakad na kasama niya. “Si Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan,” ang sabi ng Awit 149:4. Ngunit ano ang nadarama ng Diyos kapag hindi tapat ang kaniyang mga lingkod?
15. Ayon sa Oseas 6:7, paano gumawi ang ilang Israelita?
15 Sa pagtukoy sa di-tapat na mga Israelita, sinabi ni Jehova: “Sila, tulad ng makalupang tao, ay lumabag sa tipan. Doon sila nakitungo sa akin nang may kataksilan.” (Oseas 6:7) Ang salitang Hebreo na isinaling ‘makitungo nang may kataksilan’ ay nangangahulugan ding “makitungo nang may panlilinlang, (makitungo) nang di-tapat.” Sa Malakias 2:10-16, ginamit ang gayunding salitang Hebreo upang ilarawan ang di-matapat na paggawi ng mga Israelitang iyon na nagtaksil sa kani-kanilang asawa. Hinggil sa paggamit sa terminong ito sa Oseas 6:7, isang reperensiyang akda ang nagsasabi na ito ay “isang metapora hinggil sa pag-aasawa na nagpapahiwatig ng mga katangian ng personal na ugnayan . . . Ito ay isang personal na situwasyon kung saan pinagtaksilan ang pag-ibig ng isa.”
16, 17. (a) Paano kumilos ang Israel may kaugnayan sa tipan ng Diyos sa bansang iyan? (b) Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa ating mga pagkilos?
16 Itinuring ni Jehova ang Israel bilang kaniyang makasagisag na asawa dahil nakipagtipan siya sa bansa. Kaya nang labagin ng kaniyang bayan ang mga kasunduang nakapaloob sa tipang iyan, para na rin silang nagkasala ng pangangalunya. Ang Diyos ay gaya ng isang tapat na asawang lalaki, ngunit iniwan siya ng kaniyang bayan!
17 Kumusta naman tayo? Nababahala ang Diyos kung lalakad tayong kasama niya o hindi. Makabubuting tandaan natin na “ang Diyos ay pag-ibig” at ang ating mga ikinikilos ay may epekto sa kaniya. (1 Juan 4:16) Kung itataguyod natin ang maling landasin, masasaktan natin si Jehova at tiyak na hindi natin siya mapalulugdan. Ang laging pagsasaisip sa bagay na ito ay maaaring maging mabisang panghadlang laban sa pagpapadaig sa tukso.
Kung Paano Tayo Aani ng Mabuti
18, 19. Anong simulain ang masusumpungan natin sa Oseas 8:7, at paano napatunayang totoo ang simulaing iyon sa mga Israelita?
18 Isaalang-alang naman natin ang ikaapat na aral mula sa hula ni Oseas—kung paano tayo aani ng mabuti. Tungkol sa mga Israelita at sa kahibangan at kawalang-kabuluhan ng kanilang walang-pananampalatayang landasin, sumulat si Oseas: “Hangin ang palagi nilang inihahasik, at bagyong hangin ang gagapasin nila.” (Oseas 8:7) Masusumpungan natin dito ang isang simulaing dapat nating tandaan: May tuwirang kaugnayan ang ginagawa natin ngayon sa mangyayari sa atin sa hinaharap. Paano napatunayang totoo ang simulaing ito sa di-tapat na mga Israelita?
19 Sa pamimihasa sa kasalanan, naghahasik ng masama ang mga Israelitang iyon. Patuloy ba nila itong magagawa nang hindi umaani ng masasamang epekto? Tiyak na hindi nila matatakasan ang masamang hatol. Sinasabi ng Oseas 8:13: “Aalalahanin niya [ni Jehova] ang kanilang kamalian at hihingi ng pagsusulit dahil sa kanilang mga kasalanan.” At sa Oseas 9:17, mababasa natin: “Itatakwil sila ng aking Diyos, sapagkat hindi sila nakinig sa kaniya, at sila ay magiging mga takas sa gitna ng mga bansa.” Pagsusulitin ni Jehova ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan. Dahil naghasik sila ng masama, aani sila ng masama. Isinakatuparan ang hatol ng Diyos sa kanila noong 740 B.C.E., nang pabagsakin ng mga Asiryano ang sampung-tribong kaharian ng Israel at akayin sa pagkabihag ang mga naninirahan doon.
20. Ano ang itinuturo sa atin ng karanasan ng mga Israelita?
20 Ang naranasan ng mga Israelitang iyon ay nagtuturo sa atin ng saligang katotohanan: Aanihin natin ang ating inihahasik. Nagbababala sa atin ang Salita ng Diyos: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Kung maghahasik tayo ng masama, aani tayo ng masama. Halimbawa, yaong mga nagtataguyod ng imoral na paraan ng pamumuhay ay aani ng masasaklap na resulta. Malungkot ang kahihinatnan ng isang di-nagsisising manggagawa ng kamalian.
21. Paano tayo aani ng mabuti?
21 Kung gayon, paano tayo aani ng mabuti? Maaari nating sagutin ang tanong na iyan sa pamamagitan ng simpleng ilustrasyon. Kung gusto ng isang magsasaka na umani ng palay, magtatanim ba siya ng mais? Siyempre hindi! Dapat niyang itanim kung ano ang gusto niyang anihin. Gayundin naman, kung gusto nating umani ng mabuti, dapat tayong maghasik ng mabuti. Gusto mo bang patuloy na umani ng mabuti—isang kasiya-siyang buhay ngayon taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos? Kung oo, dapat kang patuloy na maghasik ng mabuti sa pamamagitan ng paglakad na kasama ng Diyos at pamumuhay na kasuwato ng kaniyang matuwid na mga pamantayan.
22. Anu-anong aral ang natutuhan natin mula sa Oseas kabanata 6 hanggang 9?
22 Mula sa Oseas kabanata 6 hanggang 9, natutuhan natin ang apat na aral na makatutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos: (1) Ipinakikita sa gawa ang tunay na pagsisisi; (2) hindi nakalulugod sa Diyos ang basta mga hain lamang; (3) nasasaktan si Jehova kapag tumatalikod sa kaniya ang mga mananamba niya; at (4) upang umani ng mabuti, dapat tayong maghasik ng mabuti. Paano makatutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos ang huling limang kabanata ng aklat na ito ng Bibliya?
Paano Mo Sasagutin?
• Paano ipinakikita ang tunay na pagsisisi?
• Bakit hindi nakalulugod sa ating makalangit na Ama ang basta mga hain lamang?
• Ano ang nadarama ng Diyos kapag iniiwan siya ng kaniyang mga mananamba?
• Ano ang dapat nating ihasik upang umani tayo ng mabuti?
[Larawan sa pahina 23]
Gaya ng mga ulap sa umaga, naglaho ang matapat na pag-ibig ng Israel
[Larawan sa pahina 23]
Ang masasamang hangarin ng Israel ay nag-aalab na gaya ng isang hurno
[Larawan sa pahina 24]
Bakit itinakwil ni Jehova ang mga hain ng kaniyang bayan?
[Larawan sa pahina 25]
Upang umani ng mabuti, dapat tayong maghasik ng mabuti