APENDISE
Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas
UPANG tulungan tayong makilala ang Mesiyas, kinasihan ng Diyos na Jehova ang maraming propeta sa Bibliya upang maglaan ng mga detalye tungkol sa pagsilang, ministeryo, at kamatayan ng ipinangakong Tagapagligtas na ito. Ang lahat ng hulang ito sa Bibliya ay natupad kay Jesu-Kristo. Kamangha-mangha ang pagiging tumpak at detalyado ng mga ito. Upang ilarawan ito, isaalang-alang natin ang ilang hula may kaugnayan sa pagsilang at pagkabata ng Mesiyas.
Inihula ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay magiging inapo ni Haring David. (Isaias 9:7) Isinilang nga si Jesus sa angkan ni David.—Mateo 1:1, 6-17.
Humula si Mikas, isa pang propeta ng Diyos, na ang batang ito ay magiging isang tagapamahala sa dakong huli at na isisilang siya sa “Betlehem Eprata.” (Mikas 5:2) Noong panahong isilang si Jesus, may dalawang bayan sa Israel na tinatawag na Betlehem. Matatagpuan ang isa malapit sa Nazaret sa hilagang rehiyon ng bansa, at ang isa naman ay malapit sa Jerusalem sa Juda. Ang Betlehem na malapit sa Jerusalem ay dating tinatawag na Eprata. Si Jesus ay isinilang sa bayang iyan, eksakto gaya ng inihula!—Mateo 2:1.
Sinabi ng isa pang hula sa Bibliya na ang Anak ng Diyos ay tatawagin “mula sa Ehipto.” Dinala ang batang si Jesus sa Ehipto. Iniuwi siya pagkamatay ni Herodes, sa gayo’y natupad ang hula.—Oseas 11:1; Mateo 2:15.
Sa tsart na pinamagatang “Mga Hula May Kaugnayan sa Mesiyas,” ang mga kasulatan na nakatala sa ilalim ng uluhang “Hula” ay naglalaman ng mga detalye hinggil sa Mesiyas. Pakisuyong ihambing ang mga ito sa mga kasulatan na nakatala sa ilalim ng uluhang “Katuparan.” Ang paggawa nito ay lalong magpapatibay ng iyong pananampalataya sa pagiging totoo ng Salita ng Diyos.
Habang sinusuri mo ang mga kasulatang ito, isaisip na ang mga inihula ay isinulat daan-daang taon bago pa isilang si Jesus. Ganito ang sabi ni Jesus: “Kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit tungkol sa akin.” (Lucas 24:44) Gaya ng mapatutunayan mo sa iyong sariling kopya ng Bibliya, natupad nga ang mga ito—sa bawat detalye!