Aklat ng Bibliya Bilang 28—Oseas
Manunulat: Si Oseas
Saan Isinulat: Sa Distrito ng Samaria
Natapos Isulat: Pagkaraan ng 745 B.C.E.
Panahong Saklaw: Bago ang 804–pagkaraan ng 745 B.C.E.
1, 2. (a) Ano kung minsan ang tawag sa huling 12 aklat ng mga Kasulatang Hebreo? (b) Ano ang nalalaman tungkol kay Oseas, at kanino ipinatutungkol ang kaniyang hula?
ANG huling 12 aklat ng mga Kasulatang Hebreo ay karaniwang tinutukoy na “mga pangalawahing propeta.” Waring mas angkop ang katawagan na karaniwan sa Alemanya, “maliliit na propeta,” pagkat tiyak na hindi pangalawa sa halaga ang mga aklat na ito, bagaman ang pinagsamang haba ay wala pang kalahati ng Isaias o Jeremias. Sa Bibliyang Hebreo, iisang tomo ang mga ito at tinawag na “Ang Labindalawa.” Malamang na ang ganitong katipunán ay sa layuning maingatan ang mga ito, yamang ang nag-iisang maliit na balumbon ay napakadaling mawala. Gaya ng bawat isa sa 12 aklat, ang unang aklat ay ipinangalan sa manunulat, si Oseas, isang maikling anyo ng Hosaias, nangangahulugang “Iniligtas ni Jah; Si Jah Ay Nagligtas.”
2 Sa aklat na may pangalan niya, kakaunti ang sinasabi tungkol kay Oseas maliban sa siya ay anak ni Beeri. Ang mga hula niya’y halos patungkol lamang sa Israel, at pahapyaw lamang nababanggit ang Juda; at bagaman hindi binabanggit ni Oseas ang Jerusalem, ang Ephraim na pangunahing tribo ng Israel ay 37 beses tinutukoy sa pangalan at ang kabisera ng Israel, ang Samaria, ay 6 na beses.
3. Gaano katagal humula si Oseas, at sino pa ang ibang propeta nang panahong ito?
3 Ayon sa unang talata, si Oseas ay matagal na naging propeta ni Jehova, mula sa pagtatapos ng paghahari ni Jeroboam II ng Israel hanggang kay Ezekias ng Juda. Hindi ito lalampas sa 804 B.C.E. at hanggang sa pagkaraan ng 745 B.C.E., di-kukulangin sa 59 na taon. Tiyak na ang pagiging propeta niya ay sumaklaw ng maraming taon sa paghahari nina Jeroboam II at Ezekias. Nang panahong ito sina Amos, Isaias, Mikas, at Oded ay naglingkod din bilang tapat na mga propeta ni Jehova.—Amos 1:1; Isa. 1:1; Mik. 1:1; 2 Cron. 28:9.
4. Anong mga pagsipi at makahulang katuparan ang tumitiyak sa pagiging-tunay ng Oseas?
4 Ang pagiging-tunay ng hula ay tinitiyak ng maraming pagsipi dito ng mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. Sumipi mismo si Jesus sa Oseas 10:8 nang hinahatulan ang Jerusalem: “Sasabihin nila sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’ ” (Luc. 23:30) Ang talata ring ito ay bahagyang sinisipi sa Apocalipsis 6:16. Sumipi si Mateo sa Oseas 11:1 upang ipakita ang katuparan ng hulang: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.” (Mat. 2:15) Natupad ang hula ni Oseas sa pagsasauli ng buong Israel pagkat marami mula sa sampung-tribong kaharian ay sumama sa Juda bago ito nabihag at ang mga inapo nila ay kabilang sa mga nagbalik mula sa pagkakatapon. (Ose. 1:11; 2 Cron. 11:13-17; 30:6-12, 18, 25; Ezra 2:70) Mula noong panahon ni Ezra, ang aklat ay mayroon nang wastong dako sa Hebreong kanon, bilang “ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Oseas.”—Ose. 1:2.
5. Pinarusahan ni Jehova ang Israel dahil sa anong kataksilan?
5 Bakit isinugo ni Jehova si Oseas bilang propeta sa Israel? Dahil sa kataksilan nila at pagkahawa sa pagsamba kay Baal, labag sa tipan ni Jehova. Sa Lupang Pangako ang Israel ay naging bayan ng mga magsasaka, kaya ginaya nila hindi lamang ang paraan ng pamumuhay ng mga Cananeo kundi maging ang pagsamba nito kay Baal, isang diyos na sumagisag sa mabungang mga puwersa ng kalikasan. Noong panahon ni Oseas ang Israel ay lubusan nang tumalikod sa pagsamba kay Jehova tungo sa isang magulong seremonya ng paglalasing at ng mahalay na pagsiping sa mga patutot sa templo. Iniukol ng Israel kay Baal ang kasaganaan. Sila’y naglilo kay Jehova, hindi naging marapat sa kaniya, at sa gayo’y dapat parusahan. Ipakikita ni Jehova na ang materyal nilang ariarian ay hindi mula kay Baal, kaya isinugo niya si Oseas upang magbabala sa ibubunga ng kanilang di-pagsisisi. Nang mamatay si Jeroboam II, dinanas ng Israel ang pinakamahirap na yugto nito. Naghari ang lagim at maraming pinunò ang napatay, hanggang sa mabihag sila ng Asirya noong 740 B.C.E. Nang panahong yaon, dalawang pangkat ang naglaban, ang isa’y gustong maki-alyansa sa Ehipto, at ang ikalawa ay sa Asirya. Alinman sa dalawa ay hindi nagtiwala kay Jehova.
6. Ano ang masasabi tungkol sa estilo ng pagsulat ni Oseas?
6 Makulay ang estilo ng pagsulat ni Oseas. Madalas siya ay magiliw at sensitibo sa pananalita at malimit niyang idiin ang kagandahang-loob at awa ni Jehova. Pinahalagahan niya ang bawat kaliit-liitang tanda ng pagsisisi. Kung minsan ang pananalita niya’y pabigla-bigla at mapusok. Ang kakulangan ng indayog ay pinupunan niya ng puwersa at kapangyarihan. Nagpapahayag siya ng matinding damdamin, at biglang nagbabago ang diwa ng pagsasalita niya.
7. Ano ang inilalarawan ng kataksilan at pagbabalik-loob ni Gomer?
7 Sa pasimula pa lamang ng kaniyang paghula, inutusan na si Oseas na kumuha ng “asawang mapakiapid.” (1:2) Tiyak na may layunin si Jehova dito. Ang Israel ay naging gaya ng taksil na asawa kay Jehova at naging mapakiapid. Gayunma’y mamahalin niya ito at sisikaping maibalik. Ito’y wastong mailalarawan ni Gomer, asawa ni Oseas. Lumilitaw na pagkaraang isilang ang kaniyang panganay, siya’y nagtaksil at nagkaanak sa pagkakasala. (2:5-7) Makikita ito sa ulat na nagsasabing siya “ay nanganak sa kaniya [Oseas] ng isang lalaki” subalit hindi na tinutukoy ang propeta kaugnay ng dalawa pang anak. (1:3, 6, 8) Waring binabanggit ng kabanata 3, talata 1-3 na binawi ni Oseas si Gomer at biniling gaya ng alipin, kasuwato ng pagtanggap muli ni Jehova sa kaniyang bayan matapos nilang pagsisihan ang kanilang mapangalunyang landasin.
8. Anong mga pangalan ang halinhinang ginagamit sa aklat?
8 Ang sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga, na tuwirang pinatutungkulan ng hula ni Oseas, ay tinawag ding Ephraim, ang pangunahing tribo ng kaharian. Ang mga pangalang ito, Israel at Ephraim, ay halinhinang ginagamit sa aklat.
NILALAMAN NG OSEAS
9. Ano ang ipinahihiwatig ng pangalan ng mga anak ni Gomer tungkol sa pakikitungo ni Jehova sa Israel?
9 Inilarawan ang pangangalunya ng Israel (1:1–3:5). Ang “asawang mapakiapid” ay nagluwal ng isang lalaki, si Jezreel. Nang maglaon nagsilang pa ito ng dalawa, isang babae, si Lo-ruhamah, ibig sabihin, “[Siya’y] Hindi Kinahabagan,” at isang lalaki, si Lo-ammi, ibig sabihin, “Hindi Ko Bayan.” Ibinigay ni Jehova ang mga pangalang ito upang ipahiwatig na siya’y “hindi na muling mahahabag sa sambahayan ni Israel” at upang idiin ang pagtanggi niya sa kanila. (1:2, 6, 9) Gayunman, ang mga anak ng Juda at Israel, ang “mga anak ng Diyos na buháy,” ay magkakaisa sa ilalim ng isang ulo, “sapagkat magiging dakila ang araw ni Jezreel.” (1:10, 11) Matapos linisin mula sa mapangalunyang pagsamba kay Baal, manunumbalik sila kay Jehova at tatanggapin nila siya bilang asawa. (2:16) Bibigyan ni Jehova ng kapanatagan ang Israel at makikipagtipan sa kanila ng katuwiran, katarungan, kagandahang-loob, kahabagan, at katapatan magpakailanman. Nangako si Jehova kasuwato ng pangalang Jezreel (ibig sabihin, “Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi): “Ihahasik ko sila na gaya ng binhi para sa akin, . . . at sasabihin ko sa kanila na hindi ko bayan: ‘Kayo ay aking bayan’; at sila rin ay magsasabi: ‘Ikaw ang aming Diyos.’ ” (2:23) Gaya ng asawang nagsisisi sa pangangalunya, “ang Israel ay manunumbalik at hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari.’—3:5.
10. Ano ang ibubunga ng pagtatakwil ng bayan sa kaalaman?
10 Makahulang hatol laban sa Ephraim (at Juda) (4:1–14:9). Nasa unang talata ng kabanata 4 ang tagpo para sa kasunod na makahulang mga babala: “Si Jehova ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan ni kaawaan ni kaalaman man tungkol sa Diyos sa lupain.” Ano ang ibubunga nito? “Sapagkat itinakwil ninyo ang kaalaman, itatakwil ko naman kayo bilang saserdote; at palibhasa’y nilimot ninyo ang utos ng inyong Diyos, kalilimutan ko rin ang inyong mga anak,” sabi ni Jehova. (4:1, 6) Espiritu ng pakikiapid ang nagtulak sa Israel upang lumihis. Pagsusulitin ang tulad-patutot na Israel at Juda, ngunit hahanapin nila si Jehova kapag sila’y nasadlak “sa dusa.”—5:15.
11. Anong pagsusumamo ang ginawa ni Oseas sa bayan, ngunit bakit ito kaabahan para sa kanila?
11 Nagsumamo si Oseas: “Manumbalik tayo kay Jehova, pagkat . . . pagagalingin niya tayo.” Nagagalak si Jehova sa kagandahang-loob at sa banal na kaalaman, hindi sa hain at handog na susunugin, subalit ang kagandahang-loob ng Ephraim at Juda ay “gaya ng hamog na dagling napapawi.” (6:1, 4) Ang Ephraim ay “gaya ng mangmang na kalapating walang damdamin.” Ang bayan ay humihingi ng tulong sa Ehipto at sa Asirya at hindi kay Jehova. (7:11) Sa aba nila. Bakit? Sila ay naglilimayon, nagbabalak ng masama, lumalabag sa tipan ni Jehova, at sumusuway sa utos niya. “Yamang hangin ang kanilang inihahasik, ipu-ipo naman ang kanilang aanihin.” (8:7) Aalalahanin ni Jehova ang kanilang kamalian at bibigyang-pansin ang kanilang mga kasalanan. “Sila’y magiging mga takas sa gitna ng mga bansa.” (9:17) Ang Israel ay isang masamang baging na may pusong mapagpaimbabaw. Sa halip na maghasik ng binhi sa katuwiran at umani ng kagandahang-loob, ang Israel ay nagtanim ng kabalakyutan at umani ng kalikuan. “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak,” sabi ni Jehova. (11:1) Oo, mahal niya ang Israel mula sa pagkabata, subalit gumanti sila ng kasinungalingan at pandaraya. Nagpayo si Jehova: “Magbalik-loob ka sa Diyos, ingatan mo ang kagandahang-loob at ang katarungan; palagi kang umasa sa iyong Diyos.”—12:6.
12. (a) Ano ang sinusuma ni Oseas sa ika-13 kabanata? (b) Anong pagsasauli ang ipinangako?
12 Sa ika-13 kabanata, sinusuma ni Oseas ang unang pangako ng Israel at ang maibiging pangangalaga ni Jehova, sampu ng kanilang paglimot at pagtataksil. Nagpahayag si Jehova: “Binigyan kita ng isang hari sa aking galit, at aalisin ko siya sa aking poot.” (13:11) Wala nang pagsasauli: “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila; mula sa kamatayan ay ililigtas ko sila. Nasaan ang iyong tibo, O Kamatayan? Nasaan ang iyong paninira, O Sheol?” (13:14) Gayunman, kalagim-lagim ang tadhana ng mapaghimagsik na Samaria.
13. Anong pagsusumamo ang nagwawakas sa aklat ni Oseas, at sino ang lalakad sa mga daan ni Jehova?
13 Nagtatapos ang aklat sa makabagbag-damdaming pagsamo: ‘O Israel, manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, sapagkat natisod ka sa iyong pagkakamali. Humingi ka ng tawad, at ihandog na parang batang toro ng iyong mga labi. Pagpapakitaan ka ni Jehova ng awa at pag-ibig. Siya’y magiging gaya ng hamog, at ikaw ay yayabong na gaya ng lila at ng punong olibo.’ Mauunawaan ito ng mga matalino at pantas: “Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matuwid, at doon magsisilakad ang mga ganap; ngunit doo’y matitisod ang mga mananalansang.”—14:1-6, 9.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
14. Anong wastong mga katuparan ng hula ni Oseas ang dapat pansinin?
14 Ang aklat ni Oseas ay nagpapatibay-pananampalataya sa kinasihang mga hula ni Jehova. Lahat ng inihula ni Oseas tungkol sa Israel at Juda ay nagkatotoo. Ang Israel ay tinalikdan ng kaniyang mangingibig na mga idolatrosong bansa at inani niya ang ipu-ipo ng pagkalipol mula sa Asirya noong 740 B.C.E. (Ose. 8:7-10; 2 Hari 15:20; 17:3-6, 18) Gayunman, inihula ni Oseas na si Jehova ay maaawa sa Juda at ililigtas ito, hindi sa pamamagitan ng hukbong militar. Natupad ito nang patayin ng anghel ni Jehova ang 185,000 Asiryano na nagbabanta sa Jerusalem. (Ose. 1:7; 2 Hari 19:34, 35) Sa kabila nito, ang Juda ay napalakip sa paghatol ng Oseas 8:14: “Magsusugo ako ng apoy sa kaniyang mga lungsod at susupukin nito ang mga kuta ng bawat isa,” isang hula na nagkaroon ng malagim na katuparan nang wasakin ni Nabukodonosor ang Juda at Jerusalem noong 609-607 B.C.E. (Jer. 34:6, 7; 2 Cron. 36:19) Natupad ang mga hula ng pagsasauli nang tipunin ni Jehova ang Juda at Israel, at ‘sila’y nagsilabas sa lupain’ ng pagkakatapon noong 537 B.C.E.—Ose. 1:10, 11; 2:14-23; 3:5; 11:8-11; 13:14; 14:1-9; Ezra 2:1; 3:1-3.
15. Papaano ikinakapit ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ang mga pagsipi nila sa aklat ni Oseas?
15 Kapaki-pakinabang ding isaalang-alang ang mga pagtukoy sa mga hula ni Oseas na ginawa ng mga sumulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego. Halimbawa, ikinakapit ni Pablo ang Oseas 13:14 sa pagkabuhay-na-muli: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” (1 Cor. 15:55) Sa pagdiriin sa di-na-sana nararapat na awa ni Jehova sa mga sisidlan ng awa, si Pablo ay sumisipi sa Oseas 1:10 at 2:23: “Gaya ng sinasabi niya sa Oseas: ‘Tatawagin kong “aking bayan” ang hindi ko bayan, at “iniibig” ang hindi dating iniibig; at sa mga dakong sinabi sa kanila, “Kayo’y hindi ko bayan,” doo’y tatawagin silang “mga anak ng Diyos na buháy.” ’ ” (Roma 9:25, 26) Ipinaliwanag din ni Pedro ang mga talatang ito sa pagsasabing: “Sapagkat nang unang panahon ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan ng Diyos; kayo noon ay hindi kinaawaan, ngunit ngayon ay kinaawaan.”—1 Ped. 2:10.
16. Anong mga salita ni Oseas ang inulit ni Jesus upang ipakita ang mga kahilingan ni Jehova sa pagsamba?
16 Kaya ang hula ni Oseas ay natutupad hindi lamang sa pagbabalik ng isang nalabi noong panahon ni Zorobabel, kundi sa maawaing pagtitipon ni Jehova sa espirituwal na nalabi na naging ‘minamahal na mga anak ng Diyos na buhay.’ Kinasihan si Oseas upang makita ang mga kahilingan ukol dito. Hindi ito anyo ng pagsamba na may pormal na seremonya, kundi ayon sa pananalita ng Oseas 6:6 (na inulit ni Jesus sa Mateo 9:13 at 12:7): “Sa kagandahang-loob ay nagagalak ako, hindi sa hain; at sa kaalaman ng Diyos nang higit kaysa handog na susunugin.”
17. (a) Ano ang dapat gawin ng sinomang natisod tungo sa espirituwal na pangangalunya? (b) Anong nakagagalak na pangako ng Kaharian ang nilalaman ng Oseas?
17 Ipinakita ng ilustrasyon ng mapangalunyang asawa na matingkad na isinadula ng sariling buhay ni Oseas na si Jehova ay napopoot sa mga tumatalikod sa kaniya at nagkakasala ng espirituwal na pangangalunya dahil sa idolatriya at huwad na pagsamba. Ang mga natisod ng pagkakamali ay dapat manumbalik kay Jehova sa tunay na pagsisisi at ‘ihandog na parang batang toro ang kanilang labi.’ (Ose. 14:2; Heb. 13:15) Magagalak sila kasama ng mga nalabi ng espirituwal na mga anak ni Israel sa katuparan ng pangako ng Kaharian sa Oseas 3:5: “Pagkatapos nito ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at sila’y magsisilapit nang may panginginig kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga kaarawan.”