Malapit Na ang Araw ni Jehova
“Dinggin ninyo ito, ninyong matatandang lalaki, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahanan sa lupain.”—JOEL 1:2.
1, 2. Dahil sa anong situwasyon sa Juda kung kaya kinasihan ni Jehova si Joel na bigkasin ang kaniyang mapuwersang hula?
“SA ABA ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating na parang kagibaan mula sa Makapangyarihan-sa-Lahat!” Isang totoong kahindik-hindik na kapahayagan! Iyan ang mensahe ng Diyos na binigkas ng kaniyang propetang si Joel.
2 Ang mga salitang iyon ng Joel 1:15 ay isinulat sa Juda, malamang na noong mga taóng 820 B.C.E. Ang lupain noon ay nagagayakan ng luntiang mga burol. Sagana ang mga bungang-kahoy at butil. Malawak at maberde ang mga pastulan. Subalit may malaking problema. Naging palasak ang pagsamba kay Baal sa Jerusalem at sa lupain ng Juda. Ang bayan ay nagpakasasa sa walang-taros na paglalasingan sa harap ng huwad na diyos na ito. (Ihambing ang 2 Cronica 21:4-6, 11.) Pahihintulutan kaya ni Jehova na magpatuloy pa ang lahat ng ito?
3. Tungkol sa ano nagbabala si Jehova, at para sa ano dapat maghanda ang mga bansa?
3 Maliwanag ang naging sagot dito ng aklat ni Joel sa Bibliya. Ipagbabangong-puri ng Diyos na Jehova ang kaniyang soberanya at pakababanalin ang kaniyang sagradong pangalan. Malapit na noon ang dakilang araw ni Jehova. Sa panahong iyon ay hahatulan ng Diyos ang lahat ng bansa sa “mababang kapatagan ni Jehosapat.” (Joel 3:12) Hayaang maghanda sila upang makipagdigma sa Isa na Makapangyarihan-sa-Lahat, si Jehova. Tayo rin naman ay nakaharap sa dakilang araw ni Jehova. Kaya suriin nating mabuti ang mga makahulang salita ni Joel para sa ating kaarawan at noong una.
Pagsalakay ng mga Kulisap
4. Gaano katindi ang pangyayaring ibinababala ni Joel?
4 Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, sinasabi ni Jehova: “Dinggin ninyo ito, ninyong matatandang lalaki, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahanan sa lupain. Nagkaroon ba nito sa inyong mga kaarawan, o sa mga kaarawan ng inyong mga ninuno? Isaysay ninyo ito sa inyong mga anak, at saysayin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi.” (Joel 1:2, 3) Ang matatanda at ang buong bayan ay makaaasang may darating na bagay na hindi pa nangyayari sa buong buhay nila o sa kaarawan ng kanilang mga ninuno. Ito’y magiging totoong katangi-tangi anupat isasaysay ito hanggang sa ikatlong salinlahi! Ano ba ang pambihirang pangyayaring ito? Upang malaman, ipagpalagay nating tayo’y nasa kaarawan ngayon ni Joel.
5, 6. (a) Ilarawan ang salot na inihula ni Joel. (b) Sino ang Pinagmumulan ng salot na iyon?
5 Pakinggan! Naririnig ni Joel ang isang hugong mula sa malayo. Nagdidilim ang langit, at ang kakila-kilabot na hugong na iyon ay lumalakas habang lumalaganap ang kadiliman sa himpapawid. Pagkatapos ay bumaba ang isang tulad-usok na ulap. Ito’y isang hukbo ng milyun-milyong kulisap. At kaylaking pagkawasak ang idinudulot nito! Tingnan ngayon ang Joel 1:4. Ang sumasalakay na mga kulisap ay hindi lamang mga nandarayuhang balang na may pakpak. Mayroon pang iba! May dumarating din na mga kuyog ng gutóm na mga balang na gumagapang at mga walang pakpak. Dala ng hangin, biglang dumarating ang mga balang, at ang hugong nila ay tulad niyaong sa mga karo. (Joel 2:5) Palibhasa’y matatakaw, madaling nagagawang ilang ng milyun-milyon sa kanila ang isang mistulang paraiso.
6 May gumagala ring mga higad—na siyang uod na nagiging mariposa o paruparo. Kayang gutayin ng malalaking kulumpon ng matatakaw na higad ang mga dahon nang isa-isa, pira-piraso, hanggang sa halos wala nang matirang berde sa halaman. At ang maiiwan ng mga ito, kakainin naman ng mga balang. At ang maiiwan ng mga balang, sisimutin naman ng maliliksing ipis. Ngunit pansinin ito: Sa Joel kabanata 2, talatang 11, tinatawag ng Diyos ang hukbong ito ng mga balang na “kaniyang puwersang militar.” Oo, siya ang Pinagmumulan ng salot ng mga balang na wawasak sa lupain at magdudulot ng matinding taggutom. Kailan? Karaka-raka bago dumating “ang araw ni Jehova.”
“Gumising Kayo, Kayong mga Lasenggo”!
7. (a) Ano ang kalagayan ng mga relihiyosong lider ng Juda? (b) Paanong ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon ay nasa kalagayang katulad niyaong sa mga relihiyosong lider ng Juda?
7 Palibhasa’y isang kadusta-dustang grupo, ang mga relihiyosong lider ng Juda ang tinutukoy nang bigkasin ang utos: “Gumising kayo, kayong mga lasenggo, at magsihagulhol kayo ng panangis; at magsiangal kayo, lahat kayong manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak, sapagkat nahiwalay sa inyong bibig.” (Joel 1:5) Oo, ang espirituwal na mga lasenggo ng Juda ay sinabihang “gumising,” magpakatinô. Ngunit huwag isiping ito’y sinaunang kasaysayan lamang. Sa mismong panahong ito, bago ang dakilang araw ni Jehova, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay punô ng matamis na alak sa makasagisag na paraan anupat halos hindi nila namamalayan ang utos na ito mula sa Kataas-taasan. Anong laking pagkamangha nila kapag bigla silang nagising mula sa kanilang espirituwal na pagkalango sa pamamagitan ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova!
8, 9. (a) Paano inilarawan ni Joel ang mga balang at ang epekto ng salot ng mga ito? (b) Sa ngayon, kanino lumalarawan ang mga balang?
8 Tingnan ang malaking hukbong iyon ng mga balang! “May isang bansang sumampa sa aking lupain, makapangyarihan at walang bilang. Ang ngipin nito ay mga ngipin ng leon, at may pangang tulad sa leon. Ginawa nitong isang bagay na panggigilalasan ang aking punong-ubas, at tuod na lamang ang aking puno ng igos. Tinalupan nitong malinis at itinapon. Ang maliliit na sanga niyao’y naging maputi. Humagulhol ka, na parang birheng nabibigkisan ng telang-sako dahil sa asawa ng kaniyang kabataan.”—Joel 1:6-8.
9 Ito ba’y hula lamang hinggil sa “isang bansa” ng mga balang, isang kulumpon ng mga balang, na sumasalakay sa Juda? Hindi, ito’y may mas malawak na kahulugan. Kapuwa sa Joel 1:6 at Apocalipsis 9:7, ang bayan ng Diyos ay inilalarawan bilang mga balang. Ang modernong hukbo ng mga balang ay walang iba kundi ang puwersang militar ng pinahirang mga balang ni Jehova, na ngayon ay sinasamahan ng mga 5,600,000 “ibang mga tupa” ni Jesus. (Juan 10:16) Hindi ba kayo nagagalak na mapabilang sa malaking pulutong na ito ng mga mananamba ni Jehova?
10. Ano ang epekto sa Juda ng salot ng mga balang?
10 Sa Joel 1:9-12, mababasa natin ang epekto ng salot ng mga balang. Nagdulot ng lubusang pagkawasak sa lupain ang sunud-sunod na mga kuyog. Dahil sa kakulangan ng butil, alak, at langis, ang di-tapat na mga saserdote ay hindi makapagpatuloy sa kanilang tungkulin. Maging ang lupa ay nagdadalamhati rin, sapagkat inubos ng mga balang ang butil nito, at ang mga punungkahoy ay iniwang walang bunga. Palibhasa’y nasira ang mga punong-ubas, wala nang alak para sa mga mananambang iyon ni Baal na palainom ng alak, na bukod dito ay mga espirituwal na lasenggo rin naman.
“Dagukan ang Inyong Dibdib, Kayong mga Saserdote”
11, 12. (a) Sino ang nag-aangking mga saserdote ng Diyos sa ngayon? (b) Paano naaapektuhan ng modernong-panahong salot ng mga balang ang mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan?
11 Pakinggan ang mensahe ng Diyos para sa mga suwail na saserdoteng iyon: “Magbigkis kayo, at dagukan ang inyong dibdib, kayong mga saserdote. Humagulhol kayo, kayong mga ministro ng dambana.” (Joel 1:13) Sa unang katuparan ng hula ni Joel, ang mga saserdoteng Levita ang naglilingkod noon sa dambana. Ngunit paano naman sa pangwakas na katuparan? Sa ngayon, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ang umaangkin ng awtoridad na maglingkod sa dambana ng Diyos, na nagsasabing sila ang kaniyang mga ministro, ang kaniyang “mga saserdote.” Subalit, ano ang nangyayari ngayong lumulusob na ang modernong-panahong mga balang ng Diyos?
12 Kapag nakikita ng “mga saserdote” ng Sangkakristiyanuhan ang pagkilos ng bayan ni Jehova at naririnig ang kanilang babala hinggil sa kahatulan ng Diyos, sila’y balisang-balisa. Dinadagukan nila ang kanilang dibdib sa pagkasiphayo at nagagalit dahil sa mapangwasak na epekto ng mensahe ng Kaharian. At humahagulhol sila habang unti-unti silang tinatakasan ng kanilang mga kawan. Dahil sa natiwangwang ang kanilang mga pastulan, hayaan silang magpalipas ng gabi na suot ang telang-sako, na tinataghuyan ang pagkalugi nila. Di na magtatagal, mawawalan na rin sila ng trabaho! Sa katunayan, sinabihan sila ng Diyos na magdalamhati buong magdamag sapagkat ang katapusan nila ay malapit na.
13. Ang Sangkakristiyanuhan ba sa kabuuan ay tutugon nang may pagsang-ayon sa babala ni Jehova?
13 Ayon sa Joel 1:14, ang tanging pag-asa nila ay kung sila’y magsisisi at hihingi “ng saklolo kay Jehova.” Maaasahan ba nating babaling kay Jehova ang lahat ng uring klero sa Sangkakristiyanuhan? Tiyak na hindi! May mga indibiduwal na kabilang sa kanila na maaaring tumugon sa babala ni Jehova. Ngunit ang matinding pagkagutom sa espirituwal ng mga relihiyosong lider na ito at ng kanilang mga parokyano bilang isang grupo ay magpapatuloy. Inihula ni propeta Amos: “ ‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, kagutom, hindi sa tinapay, at kauhawan, hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Sa kabilang dako, kaylaking pasasalamat naman natin dahil sa mayamang espirituwal na piging na maibiging inilalaan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”!—Mateo 24:45-47.
14. Palatandaan ng anong bagay na darating ang salot ng mga balang?
14 Ang salot ng mga balang ay isang palatandaan noon at ngayon ng bagay na darating. Ng ano? Maliwanag na sinasabi sa atin ni Joel: “Sa aba ng araw na iyon; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating na parang kagibaan mula sa Isang Makapangyarihan-sa-lahat!” (Joel 1:15) Ang pambuong-daigdig na pananalakay ng hukbo ng mga balang ng Diyos sa ngayon ay maliwanag na nagpapakita na ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova ay malapit na. Tiyak, lahat ng matuwid-pusong tao ay nasasabik na sa pantanging araw na iyon ng pagsusulit kapag inilapat na ang hatol ng Diyos sa mga balakyot at nagtagumpay na si Jehova bilang Pansansinukob na Soberano.
15. Dahil sa malungkot na kalagayan ng lupain, paano tumutugon yaong nakikinig sa mga banal na babala?
15 Gaya ng ipinakikita ng Joel 1:16-20, nawala ang pagkain sa sinaunang Juda. Gayundin ang kagalakan. Ang mga kamalig ay nakatiwangwang, at ang mga imbakan ay bagsak. Dahil sa kakulangan ng pastulan bunga ng pananalanta ng mga balang sa mga pananim, ang mga baka ay nagpagala-gala sa kalituhan at ang mga kawan ng tupa ay nagkamatay. Kaysaklap na kalamidad! Sa gitna ng gayong kalagayan, kumusta naman si Joel? Ayon sa talatang 19, sinabi niya: “Sa iyo, O Jehova, ako ay tatawag.” Gayundin sa ngayon, marami ang nagbibigay-pansin sa banal na mga babala at tumatawag nang may pananampalataya sa Diyos na Jehova.
“Ang Araw ni Jehova ay Dumarating”
16. Bakit dapat mabagabag ang “nananahanan sa lupain”?
16 Pakinggan ang utos na ito mula sa Diyos: “Hipan ninyo ang tambuli sa Sion, O mga tao, at humiyaw ng sigaw ng digmaan sa aking banal na bundok. Hayaang mabagabag ang lahat ng nananahanan sa lupain.” (Joel 2:1) Bakit gayon ang dapat na maging reaksiyon nila? Sumasagot ang hula: “Sapagkat ang araw ni Jehova ay dumarating, sapagkat ito’y malapit na! Ito’y araw ng kadiliman at pangungulimlim, araw ng mga ulap at pagsasalimuot ng dilim, gaya sa liwanag ng bukang-liwayway na namumukadkad sa mga bundok.” (Joel 2:1, 2) Talagang may pagkaapurahan kailanma’t binabanggit ang dakilang araw ni Jehova.
17. Paano naapektuhan ng salot ng mga balang ang lupain at ang mga tao sa Juda?
17 Isipin na lamang ang matinding epekto ng pangitain ng propeta habang ang mistulang hardin ng Eden ay pinaging tiwangwang ng di-mapigilang mga balang. Pakinggan ang paglalarawan sa hukbo ng mga balang: “Ang anyo nito ay gaya ng anyo ng mga kabayo, at tumatakbo silang gaya ng mabikas na kabayo. Gaya sa ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok ay lumulukso sila, tulad ng hugong ng isang nagliliyab na apoy na sumusupok ng pinaggapasan. Gaya ito ng isang makapangyarihang bayan, na nakahanay sa pagbabaka. Dahil dito, ang mga bayan ay mapapasa masisidhing kirot. Ang lahat ng mukha ay tiyak na mamumutla sa pagkabagabag.” (Joel 2:4-6) Sa panahon ng salot ng mga balang noong araw ni Joel, ang pagkahapis ng mga mananamba ni Baal ay lumubha, at mababakas sa kanilang mga mukha ang silakbo ng pag-aagam-agam.
18, 19. Paanong ang gawain ng bayan ng Diyos sa ngayon ay katulad niyaong sa salot ng mga balang?
18 Walang nakapigil sa organisado at walang-pagod na mga balang. Sila’y tumakbong “parang malalakas na lalaki” at umakyat pa nga sa mga pader. Kung ‘ang ilan sa kanila ay matumba sa pagsagupa sa mga armas, yaong iba ay hindi nagbabago ng landas.’ (Joel 2:7, 8) Anong tingkad na makahulang larawan ng kasalukuyang hukbo ng Diyos ng makasagisag na mga balang! Ang hukbo ng mga balang ni Jehova sa ngayon ay lagi rin namang pasulong sa unahan. Walang “pader” ng pagsalansang ang nakahahadlang sa kanila. Hindi nila ikinokompromiso ang kanilang katapatan sa Diyos kundi handa nilang harapin ang kamatayan, gaya ng ginawa ng libu-libong Saksi na ‘natumba sa pagsagupa sa mga armas’ dahil sa pagtanggi nilang saluduhan si Hitler sa panahon ng rehimeng Nazi ng Alemanya.
19 Ang modernong-panahong hukbo ng mga balang ng Diyos ay nagbigay ng lubusang pagpapatotoo sa “lunsod” ng Sangkakristiyanuhan. (Joel 2:9) Ito’y nagawa na nila sa buong daigdig. Hanggang ngayon ay inaakyat nila ang lahat ng mga hadlang, pinapasok ang milyun-milyong tahanan, nilalapitan ang mga tao sa lansangan, kinakausap sila sa telepono, at nakikipag-ugnayan sa kanila sa anumang paraang posible habang ipinahahayag nila ang mensahe ni Jehova. Sa katunayan, sila’y nakapamahagi na ng bilyun-bilyong publikasyon sa Bibliya at patuloy na namamahagi ng maraming-marami pa sa kanilang walang-humpay na ministeryo—kapuwa sa madla at sa bahay-bahay.—Gawa 20:20, 21.
20. Sino ang nasa likod ng modernong-panahong mga balang, at ano ang mga resulta?
20 Ipinakikita ng Joel 2:10 na ang isang napakalaking kuyog ng mga balang ay tulad ng isang ulap na magpapakulimlim sa araw, buwan, at mga bituin. (Ihambing ang Isaias 60:8.) Mapag-aalinlanganan pa ba kung sino ang nasa likod ng puwersang militar na ito? Sa kabila ng hugong ng mga kulisap, naririnig natin ang ganitong pananalita ng Joel 2:11: “Lalakasan ni Jehova ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang puwersang militar, sapagkat ang kaniyang kampamento ay totoong malaki. Sapagkat siya na tumutupad ng kaniyang salita ay makapangyarihan; sapagkat ang araw ni Jehova ay dakila at kakila-kilabot, at sinong makatatagal sa ilalim nito?” Oo, isinusugo na ngayon ng Diyos na Jehova ang kaniyang puwersang militar ng mga balang—bago dumating ang kaniyang dakilang araw.
“Si Jehova ay Hindi Mabagal”
21. Ano ang magiging resulta kapag ‘ang araw ni Jehova ay dumating na gaya ng isang magnanakaw’?
21 Tulad ni Joel, si apostol Pedro ay bumanggit ng dakilang araw ni Jehova. Sumulat siya: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento dahil sa matinding init ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” (2 Pedro 3:10) Sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas na Diyablo, ang balakyot na namamahalang “mga langit” ay nagpupuno sa “lupa,” alalaong baga’y, sa sangkatauhang hiwalay sa Diyos. (Efeso 6:12; 1 Juan 5:19) Ang makasagisag na mga langit at lupang ito ay hindi makaliligtas sa init ng galit ng Diyos sa dakilang araw ni Jehova. Sa halip, ang mga ito ay hahalinhan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
22, 23. (a) Paano tayo dapat tumugon sa maawaing pagpapakita ni Jehova ng pagtitiis? (b) Paano tayo dapat tumugon sa pagkanalalapit ng araw ni Jehova?
22 Dahil sa lahat ng kasalukuyang mga kaabalahan at pagsubok sa ating pananampalataya, posibleng makalimutan natin ang pagkaapurahan ng ating panahon. Ngunit habang patuloy na sumusulong sa unahan ang makasagisag na mga balang, maraming tao ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Bagaman naglaan ang Diyos ng panahon ukol dito, ang kaniyang pagkamatiisin ay hindi natin dapat ipagkamali sa pagiging mabagal. “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Pedro 3:9.
23 Habang ating hinihintay ang dakilang araw ni Jehova, isapuso nawa natin ang mga salita ni Pedro na nakaulat sa 2 Pedro 3:11, 12: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na dahil sa matinding init ay matutunaw!” Tiyak na kabilang sa ganitong mga paggawi at gawa ang pag-agapay natin sa hukbo ng mga balang ni Jehova sa pamamagitan ng palagian at makabuluhang pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bago dumating ang wakas.—Marcos 13:10.
24, 25. (a) Paano kayo tumutugon sa pribilehiyo ng pakikibahagi sa gawain ng hukbo ng mga balang ni Jehova? (b) Anong makahulugang tanong ang ibinangon ni Joel?
24 Ang hukbo ng mga balang ng Diyos ay hindi titigil sa gawain nito hanggang sa pagsiklab ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Ang mismong pag-iral ng ganitong di-mapigilang puwersa ng mga balang ay isang kamangha-manghang katibayan na malapit na nga ang araw ni Jehova. Hindi ba kayo nagagalak na maglingkod na kasama ng pinahirang mga balang ng Diyos at ng kanilang mga kasamahan sa pangwakas na pagsalakay bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova?
25 Talagang magiging dakila ang araw ni Jehova! Hindi nakapagtatakang bumangon ang tanong: “Sino ang makatatagal sa ilalim nito?” (Joel 2:11) Ang tanong na ito at ang marami pang iba ay tatalakayin sa susunod na dalawang artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit nagbabala si Jehova tungkol sa isang salot ng mga kulisap sa Juda?
◻ Sa modernong-panahong katuparan ng hula ni Joel, sino ang mga balang ni Jehova?
◻ Paano tumutugon ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa salot ng mga balang, at paano makaliligtas ang ilan sa kanila sa ibubunga nito?
◻ Gaano na kalawak ang salot ng mga balang nitong ika-20 siglo, at hanggang kailan ito magpapatuloy?
[Larawan sa pahina 9]
Ang salot ng mga kulisap ay isang palatandaan ng mas malubhang bagay na darating
[Credit Line]
Tuod: FAO photo/G. Singh
[Larawan sa pahina 10]
Ang Diyos na Jehova ang siyang nasa likod ng modernong-panahong salot ng mga balang
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Balang: FAO photo/G. Tortoli; kulumpon ng mga balang: FAO photo/Desert Locust Survey