Natuto si Jonas Tungkol sa Awa ni Jehova
MAY atas si Jehova para sa kaniyang propetang si Jonas. Noon ay ikasiyam na siglo B.C.E, at si Jeroboam II ang naghahari sa Israel. Si Jonas ay buhat sa Gat-hefer, isang lunsod sa Zabulon. (Josue 19:10, 13; 2 Hari 14:25) Isinusugo ng Diyos si Jonas sa kabisera ng Asirya na Nineve, mahigit na 800 kilometro sa gawing hilagang-silangan ng kaniyang bayang tinubuan. Kaniyang bibigyang-babala ang mga taga-Nineve na sila ay pupuksain ng Diyos.
Maaaring naisip ni Jonas: ‘Bakit ako paroroon sa lunsod at bansang iyon? Hindi man lamang sila nakatalaga sa Diyos. Ang uhaw-sa-dugong mga Asiryanong iyon ay hindi kailanman nakipagtipan kay Jehova na gaya ng mga Israelita. Aba, baka isipin ng mga tao sa balakyot na bansang iyan na isang banta ang aking babala at baka sakupin nila ang Israel! Hindi ako! Hindi ako pupunta. Tatakbo ako sa Joppe at maglalayag patungo sa kabilang direksiyon—hanggang sa Tarshish, deretso hanggang sa kabilang dulo ng Malaking Dagat. Iyan ang gagawin ko!’—Jonas 1:1-3.
Panganib sa Dagat!
Di-nagtagal at si Jonas ay nasa Joppe sa baybayin ng Mediteraneo. Nagbayad siya ng pamasahe at sumakay sa isang barko patungong Tarshish, karaniwan nang iniuugnay sa Espanya, mahigit sa 3,500 kilometro sa gawing kanluran ng Nineve. Nang nasa dagat na, pumunta sa kubyerta sa ibaba ang pagod na propeta at siya’y nakatulog. Maya-maya, nagpasapit si Jehova ng isang malakas na hangin sa dagat, at bawat nanghihilakbot na marinero ay humingi ng saklolo sa kani-kaniyang diyos. Gayon na lamang ang paggiwang ng barko at pagsiklot dito ng alon anupat inihagis sa dagat ang kargada upang gumaan ang sasakyan. Gayunman, waring tiyak na ang pagkawasak ng barko, at narinig ni Jonas ang naibulalas ng natarantang kapitan: “Anong nangyayari sa iyo, matutulugin? Bumangon ka, tumawag ka sa iyong diyos! Baka sakaling ipakita ng tunay na Diyos na siya ay nagmamalasakit sa atin, at hindi tayo malipol.” Bumangon si Jonas at naparoon sa itaas na kubyerta.—Jonas 1:4-6.
“Halikayo, at magpalabunutan tayo,” sabi ng mga marinero, “upang malaman natin kung dahil kanino dumating ang kalamidad na ito sa atin.” Ang palabunot ay napunta kay Jonas. Gunigunihin ang kaniyang pagkabalisa nang sabihin ng mga magdaragat: “Sabihin mo sa amin, pakisuyo, dahil kanino dinaranas namin ang kalamidad na ito? Ano ang iyong trabaho, at saan ka nanggaling? Ano ang iyong lupain, at tagasaang bayan ka?” Sinabi ni Jonas na siya ay isang Hebreo na sumasamba kay “Jehova na Diyos ng mga langit” at na siya ay may mapitagang takot sa “Isa na gumawa ng dagat at ng tuyong lupa.” Humampas sa kanila ang unos dahil siya ay tumatakas buhat sa harapan ni Jehova sa halip na masunuring dalhin ang mensahe ng Diyos sa Nineve.—Jonas 1:7-10.
Nagtanong ang mga magdaragat: “Ano ang dapat naming gawin sa iyo, upang pumayapa ang dagat para sa amin?” Habang lalong nagiging maunos ang dagat, sinabi ni Jonas: “Ako’y buhatin ninyo at ihagis sa dagat, at ang dagat ay magiging payapa para sa inyo; sapagkat batid ko na dahil sa akin kung kaya dumating sa inyo ang malaking unos na ito.” Yamang hindi nais na ihulog sa dagat ang lingkod ni Jehova anupat ito’y tiyak na mamamatay, sinikap ng mga lalaki na gumaod na mainam patungo sa tuyong lupa. Palibhasa’y nabigo, dumaing ang mga magdaragat: “Ngayon, O Jehova, pakisuyo, huwag nawa kaming malipol dahil sa kaluluwa ng lalaking ito! At huwag mong ilagay sa amin ang dugo ng inosente, yamang ikaw mismo, O Jehova, ang gumawa ayon sa kung ano ang iyong kinalulugdan!”—Jonas 1:11-14.
Itinapon sa Dagat!
At inihagis nga ng mga magdaragat si Jonas sa dagat. Habang lumulubog siya sa umaalimpuyong dagat, nagsimulang huminto ang pagngangalit nito. Nang makita ito, ‘ang mga lalaki ay nagsimulang matakot na lubha kay Jehova, at sa gayo’y naghandog sila ng hain sa kaniya at nagbitiw ng mga panata.’—Jonas 1:15, 16.
Nang takpan ng tubig si Jonas, tiyak na siya ay nananalangin. Sumunod ay nadama niyang naaanod siya sa isang waring malambot na tubo habang dumudulas siya patungo sa isang mas malaking butas. Ang nakapagtataka, nakahihinga pa rin siya! Habang inaalis ang mga damong-dagat na pumulupot sa kaniyang ulo, natagpuan ni Jonas ang kaniyang sarili sa isang totoong kakaibang lugar. Gayon nga sapagkat “nagtalaga si Jehova ng isang malaking isda upang lulunin si Jonas, anupat si Jonas ay napasa panloob na bahagi ng isda sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.”—Jonas 1:17.
Ang Taimtim na Panalangin ni Jonas
Sa tiyan ng higanteng isda, nagkaroon ng panahon si Jonas upang manalangin. Ang ilan sa kaniyang mga salita ay nahahawig sa ilang awit. Nang dakong huli ay isinulat ni Jonas ang kaniyang mga panalangin na nagpapahayag kapuwa ng kawalang-pag-asa at pagsisisi. Halimbawa, para sa kaniya waring ang tiyan ng isda ay magiging Sheol, ang kaniyang libingan. Kaya nanalangin siya: “Sa aking kabagabagan ay tumawag ako kay Jehova, at siya’y nagsimulang sumagot sa akin. Mula sa tiyan ng Sheol ay humingi ako ng tulong. Narinig mo ang aking tinig.” (Jonas 2:1, 2) Dalawang Awit ng Pag-akyat—malamang na inawit ng mga Israelita na patungo sa Jerusalem para sa taunang mga kapistahan—ang nagpapahayag ng katulad ng mga kaisipan.—Awit 120:1; 130:1, 2.
Sa paggunita sa kaniyang pagbaba sa dagat, nanalangin si Jonas: “Nang ihagis mo [Jehova] ako sa kalaliman, patungo sa puso [gitna] ng dagat, kung magkagayon ang isang pinakailog ay pumalibot sa akin. Lahat ng iyong daluyong at iyong mga alon—ang mga ito ay nagdaan sa ibabaw ko.”—Jonas 2:3; ihambing ang Awit 42:7; 69:2.
Natakot si Jonas na ang kapalit ng kaniyang pagsuway ay ang pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos at na hindi na niya kailanman makikita pa ang templo ng Diyos. Nanalangin siya: “Kung tungkol sa akin, sinabi ko, ‘Ako’y pinalayas mula sa harap ng iyong mga mata! Paano ko makikitang muli ang iyong banal na templo?’ ” (Jonas 2:4; ihambing ang Awit 31:22.) Gayon na lamang kalubha ang kalagayan ni Jonas anupat nasabi niya: “Pinalibutan ako ng katubigan hanggang sa kaluluwa [nanganib ang kaniyang buhay]; ang matubig na kalaliman ay patuloy na kumulong sa akin. Ang mga panirang-damo [sa dagat] ay pumulupot sa aking ulo.” (Jonas 2:5; ihambing ang Awit 69:1.) Gunigunihin ang kalagayan ni Jonas, sapagkat sinabi pa niya: “Sa ibaba ng mga bundok ay lumusong ako [sa loob ng isda]. Kung tungkol sa lupa, ang mga panghalang nito [tulad niyaong sa isang libingan] ay nasa akin sa panahong walang-takda. Ngunit buhat sa hukay ay iniahon mo ang aking buhay [sa ikatlong araw], O Jehova na aking Diyos.”—Jonas 2:6; ihambing ang Awit 30:3.
Bagaman siya ay nasa tiyan ng isda, hindi naisip ni Jonas: ‘Gayon na lamang ang aking panlulumo anupat hindi ako makapanalangin.’ Sa halip, nanalangin siya: “Nang manlambot ang aking kaluluwa sa loob ko [halos mamatay], si Jehova ang Isa na naalaala ko [sa pananampalataya, bilang ang Isa na di-mapapantayan sa kapangyarihan at awa]. Nang magkagayon ay dumating sa iyo ang aking panalangin, sa iyong banal na templo.” (Jonas 2:7) Buhat sa makalangit na templo, narinig at iniligtas ng Diyos si Jonas.
Bilang pagtatapos ay nanalangin si Jonas: “Kung para sa mga nag-iingat ng mga idolo ng kawalang-katotohanan [sa pamamagitan ng pagtitiwala sa walang-buhay na mga imahen ng huwad na mga diyos], iniwan nila ang kanilang sariling maibiging-kabaitan [nang talikuran ang Isa na nagpapamalas ng katangiang ito]. Ngunit kung para sa akin, taglay ang tinig ng pasasalamat ay maghahain ako sa iyo [Diyos na Jehova]. Kung ano ang aking ipinanata [sa panahong ito o sa ibang pagkakataon], aking tutuparin. Ang kaligtasan ay nauukol kay Jehova.” (Jonas 2:8, 9; ihambing ang Awit 31:6; 50:14.) Palibhasa’y batid na tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, iniukol ng nagsisising propeta (tulad nina Haring David at Solomon na nauna sa kaniya) ang kaligtasan kay Jehova.—Awit 3:8; Kawikaan 21:31.
Sumunod si Jonas
Pagkatapos na magbulay-bulay at manalangin nang taimtim, nadama ni Jonas na siya’y pilit na inilalabas buhat sa pinakatubo na kaniyang dinaanan. Sa wakas, ibinuga siya sa tuyong lupa. (Jonas 2:10) Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kaniyang pagkakaligtas, sinunod ni Jonas ang salita ng Diyos: “Tumindig ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ipahayag sa kaniya ang paghahayag na sinasalita ko sa iyo.” (Jonas 3:1, 2) Humayo si Jonas patungo sa kabisera ng Asirya. Nang malaman niya kung anong araw na, natanto niya na nasa loob siya ng tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw. Tinawid ng propeta ang Ilog Eufrates sa malaking kurbada nito pakanluran, naglakbay pasilangan patawid sa hilagang Mesopotamia, sumapit sa Ilog Tigris, at sa wakas ay nakarating sa dakilang lunsod.—Jonas 3:3.
Pumasok si Jonas sa Nineve, isang malaking lunsod. Naglakad siya sa lunsod sa loob ng isang araw at saka ipinahayag: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay ibabagsak.” Si Jonas ba ay makahimalang pinagkalooban ng kaalaman sa wika ng mga taga-Asirya? Hindi natin alam. Ngunit kahit na siya ay nagsalita sa Hebreo at may isa na nagsalin, nagbunga ang kaniyang paghahayag. Ang mga tao sa Nineve ay nagsimulang manampalataya sa Diyos. Nagtakda sila ng pag-aayuno at nagsuot ng telang-sako, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakamababa sa kanila. Nang makarating ang balita sa hari ng Nineve, tumayo siya mula sa kaniyang trono, hinubad ang kaniyang opisyal na kasuutan, tinakpan ang kaniyang sarili ng telang-sako, at umupo sa mga abo.—Jonas 3:4-6.
Anong laking pagkagulat ni Jonas! Nagsugo ang hari ng mga opisyal taglay ang mensahe: “Huwag titikim ng anupaman ang sinumang tao at domestikong hayop, pangkat ng hayop at kawan. Huwag silang kakain. Huwag silang iinom kahit na tubig. At sila’y magtakip sa sarili ng telang-sako, ang tao at ang domestikong hayop; at magsitawag sila sa Diyos na may lakas at manumbalik, ang bawat isa buhat sa kaniyang masamang daan at buhat sa karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung ang tunay na Diyos ay tatalikod at aktuwal na ikalulungkot at ititigil ang kaniyang nag-aapoy na galit, upang hindi tayo malipol?”—Jonas 3:7-9.
Sinunod ng mga taga-Nineve ang dekreto ng kanilang hari. Nang makita ng Diyos na sila’y tumalikod mula sa kanilang masamang daan, ikinalungkot niya ang kalamidad na sinabi niyang pangyayarihin niya sa kanila, kaya hindi niya pinapangyari iyon. (Jonas 3:10) Dahil sa kanilang pagsisisi, kapakumbabaan, at pananampalataya, ipinasiya ni Jehova na hindi na pasapitin sa kanila ang nilayong kahatulan.
Ang Nainis na Propeta
Lumipas ang apatnapung araw at walang nangyari sa Nineve. (Jonas 3:4) Palibhasa’y natanto na hindi mapupuksa ang mga taga-Nineve, si Jonas ay lubhang nayamot at nag-init sa galit at nanalangin: “Ah, ngayon, O Jehova, hindi ba isang pangyayari ito sa akin, nang ako ay nasa aking sariling lupain? Iyan ang dahilan kung bakit ako humayo at tumakbo palayo sa Tarshish; sapagkat alam ko na ikaw ay isang Diyos na magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan, at nalulungkot sa kalamidad. At ngayon, O Jehova, kunin mo, pakisuyo, ang aking kaluluwa mula sa akin, sapagkat ang aking pagkamatay ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buhay.” Tumugon ang Diyos sa pamamagitan ng tanong na ito: “Tama bang ikaw ay mag-init sa galit?”—Jonas 4:1-4.
Dahil diyan, nagmamatigas na lumabas ng bayan si Jonas. Sa gawing silangan, nagtayo siya ng isang kubol upang makaupo siya sa lilim nito hanggang sa makita niya kung ano ang mangyayari sa lunsod. Si Jehova naman ay madamaying ‘nagtalaga ng isang halamang botelyang-upo, anupat ito ay tumubo nang mataas kay Jonas, upang maging lilim sa ibabaw ng kaniyang ulo at iligtas siya buhat sa kapaha-pahamak na kalagayang ito.’ Kay laking tuwa ni Jonas sa halamang botelyang-upo! Ngunit nagtalaga ang Diyos ng isang uod upang saktan ang halaman sa pagbubukang-liwayway, at ito’y nagsimulang malanta. Di-nagtagal at ito’y ganap na natuyo. Nagsugo rin ang Diyos ng nakatitigang na hangin mula sa silangan. Ang araw ay tumama ngayon sa ulo ng propeta, anupat siya ay halos himatayin. Patuloy niyang hinihiling na sana’y mamatay na siya. Oo, paulit-ulit na sinabi ni Jonas: “Ang aking pagkamatay ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buhay.”—Jonas 4:5-8.
Nagsalita ngayon si Jehova. Tinanong niya si Jonas: “Tama bang magalit ka dahil sa halamang botelyang-upo?” Sumagot si Jonas: “Tama lamang na ako’y mag-init sa galit, hanggang sa punto ng kamatayan.” Sa diwa, sinabi ngayon ni Jehova sa propeta: ‘Nanghinayang ka sa halamang botelyang-upo. Ngunit hindi ikaw ang nagpagal o nagpalaki nito. Ito’y tumubo at naglaho gaya ng isang hamak na tubo sa gabi.’ Nangatuwiran pa ang Diyos: ‘Sa ganang akin, hindi ba ako dapat manghinayang sa dakilang lunsod ng Nineve, na tinatahanan ng 120,000 kalalakihan na hindi nakaaalam ng pagkakaiba sa pagitan ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa, bukod pa sa domestikong mga hayop?’ (Jonas 4:9-11) Maliwanag kung ano ang tamang sagot.
Si Jonas ay nagsisi at nabuhay upang isulat ang aklat sa Bibliya na nagtataglay ng pangalan niya. Paano niya nalaman na ang mga magdaragat ay natakot kay Jehova, naghandog sa Kaniya ng hain, at nagbitiw ng mga panata? Maaaring sa pamamagitan ng banal na pagkasi o marahil sa templo buhat sa isa sa mga marinero o mga pasahero.—Jonas 1:16; 2:4.
Ang “Tanda ni Jonas”
Nang humingi ang mga eskriba at Fariseo kay Jesu-Kristo ng isang tanda, sinabi niya: “Ang isang balakyot at mapangalunyang salinlahi ay patuloy na naghahanap ng isang tanda, ngunit walang tanda ang ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas na propeta.” Sinabi pa ni Jesus: “Sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng pagkalaki-laking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, gayundin ang Anak ng tao ay mapapasa-puso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi.” (Mateo 12:38-40) Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula pagkalubog ng araw. Namatay si Jesus nang Biyernes ng hapon, Nisan 14, 33 C.E. Inilagay ang kaniyang katawan sa isang libingan bago lumubog ang araw. Ang Nisan 15 ay nagsimula nang gabing iyon at natapos hanggang paglubog ng araw noong Sabado, ang ikapito at huling araw ng sanlinggo. Nang panahong iyon ay nagsimula ang Nisan 16 at umabot hanggang sa paglubog ng araw na tinatawag nating Linggo. Dahil dito, si Jesus ay patay at nasa libingan sa loob ng isang maikling yugto ng panahon ng Nisan 14, nakalibing sa buong araw ng Nisan 15, at ginugol ang magdamag ng Nisan 16 sa libingan. Nang pumaroon sa libingan ang ilang kababaihan sa kinaumagahan ng Linggo, siya ay binuhay-muli na.—Mateo 27:57-61; 28:1-7.
Si Jesus ay nasa libingan sa mga bahagi ng tatlong araw. Sa gayon ay natanggap ng kaniyang mga kaaway ang “tanda ni Jonas,” ngunit sinabi ni Kristo: “Ang mga tao ng Nineve ay babangon sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at papatawan ito ng hatol; sapagkat sila ay nagsisi sa ipinangaral ni Jonas, ngunit, narito! isang higit pa kaysa kay Jonas ang narito.” (Mateo 12:41) Totoong-totoo naman! Nasa gitna ng mga Judio si Jesu-Kristo—isang propetang higit na dakila kaysa kay Jonas. Bagaman si Jonas ay sapat nang tanda para sa mga taga-Nineve, si Jesus ay nangaral taglay ang nakahihigit na awtoridad at suportang patotoo kaysa sa tinaglay ng propetang iyon. Gayunman, ang mga Judio sa pangkalahatan ay hindi sumampalataya.—Juan 4:48.
Bilang isang bansa ay hindi mapagpakumbabang tinanggap ng mga Judio ang Propetang lalong dakila kaysa kay Jonas, at hindi sila sumampalataya sa Kaniya. Ngunit kumusta naman ang kanilang mga ninuno? Sila man ay hindi nanampalataya at hindi nagpakumbaba. Sa katunayan, maliwanag na sinugo ni Jehova si Jonas sa Nineve upang ipakita ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng nagsising mga taga-Nineve at ng matitigas-ulong mga Israelita, na talaga namang walang pananampalataya at pagpapakumbaba.—Ihambing ang Deuteronomio 9:6, 13.
Kumusta naman si Jonas mismo? Natutuhan niya kung gaano kadakila ang awa ng Diyos. Isa pa, ang tugon ni Jehova sa pagrereklamo ni Jonas tungkol sa habag na ipinakita sa nagsising mga taga-Nineve ay dapat humadlang sa atin buhat sa pagrereklamo kapag ang ating makalangit na Ama ay nagpaabot ng awa sa mga tao sa ating kaarawan. Oo, magalak tayo na libu-libo bawat taon ang bumabaling kay Jehova taglay ang pananampalataya at mapagpakumbabang puso.