Patibayin ang Ating Pagtitiwala sa Pagkamatuwid ng Diyos
“Upang ang iyong pagtitiwala ay mapasa kay Jehova ay nagbigay ako sa iyo ng kaalaman.”—KAWIKAAN 22:19.
1, 2. (a) Bakit nagtitiwala kay Jehova ang mga Saksi ni Jehova? (Kawikaan 22:19) (b) Ano ang nagpapakita na kailangang patibayin ng ilang indibiduwal ang kanilang pagtitiwala kay Jehova?
PINAGPALA ang mga tunay na Kristiyano sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Sila’y maibiging pinaglalaanan ng “tapat at maingat na alipin” ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Ang kaalamang natamo nila ay naglalaan sa kanila ng matibay na pundasyon na pagsasaligan ng kanilang pagtitiwala sa Diyos. Kaya naman, bilang isang grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng pambihirang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang pagkamatuwid.
2 Subalit lumilitaw na bilang mga indibiduwal, baka kailangang patibayin ng ilang Saksi ang gayong pagtitiwala. Sa pana-panahon ay nakatatanggap ang Samahan ng mga liham na nagpapahayag ng pag-aalinlangan sa mga paliwanag na ibinibigay sa mga publikasyon nito. Ang ganitong mga pag-aalinlangan ay maaaring reaksiyon sa mga pagbabago sa pagkaunawa, o maaaring may kinalaman ang mga ito sa mga bagay na nakaaapekto sa nagtatanong, lalo na sa emosyonal na paraan.—Ihambing ang Juan 6:60, 61.
3. Ano ang maaaring mangyari maging sa tapat na mga lingkod ni Jehova, at bakit?
3 Maging ang mga tunay na lingkod ni Jehova ay nakakaranas ng katotohanan ng Eclesiastes 9:11: “Ako ay bumalik upang makita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” Paano ito maaaring maging totoo sa isang pinalawak, o espirituwal na diwa? Baka may kilala tayong mga Kristiyano na mabilis sa pagkakapit ng payo ng Bibliya, magaling sa pagtatanggol sa katotohanan, matalino sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, at masigasig sa pagsasaliksik ng tumpak na kaalaman. Gayunman, dahil sa “panahon at di-inaasahang pangyayari,” baka nakikita ngayon ng ilan na limitado na ang kanilang kakayahan bunga ng isang aksidente o ng katandaan. Baka iniisip nila kung sila’y makapapasok pa sa bagong sanlibutan ng Diyos nang hindi na daranas pa ng kamatayan.
4, 5. Bakit walang anumang dahilan ang mga Kristiyano para mawalan ng tiwala sa pagkamatuwid ni Jehova?
4 Kapag namatay ang kabiyak ng isang Kristiyano, matindi ang kirot at pangungulila. Baka maraming taon o mga dekada pa nga na sila’y magkasamang naglingkod kay Jehova bilang mag-asawa. Batid ng naulilang kabiyak na pinapatid na ng kamatayan ang tali ng pag-aasawa.a (1 Corinto 7:39) Ngayon, upang hindi manghina ang kaniyang pagtitiwala, dapat niyang kontrolin ang kaniyang damdamin.—Ihambing ang Marcos 16:8.
5 Tunay ngang isang katalinuhan na ituring ang kamatayan ng isang kabiyak, magulang, anak, o malapit na kaibigang Kristiyano bilang isang pagkakataon upang ipakita ang pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova! Bagaman nangungulila, makapagtitiwala tayo na si Jehova ay matuwid. Makapagtitiwala tayo na lahat ng magtatamo ng buhay na walang hanggan—maging iyon man ay sa pamamagitan ng pagkaligtas o ng pagkabuhay-muli—ay magiging maligaya. Tungkol sa Diyos, ganito ang sabi ng salmista: “Binubuksan mo ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buháy. Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa. Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat niyaong tumatawag sa kaniya sa katotohanan. Kaniyang tutuparin ang pagnanasa ng mga natatakot sa kaniya, at kaniyang pakikinggan ang kanilang paghingi ng tulong, at kaniyang ililigtas sila.”—Awit 145:16-19.
Kapag Nadaramang Nagdusa Nang Walang-Saysay
6, 7. (a) Bakit maaaring ang ilang Saksi na nagdusa noon ay may iba na ngayong pagkaunawa? (b) Bakit hindi natin dapat ituring na di-matuwid si Jehova sa pagpapahintulot ng gayong pagdurusa noon?
6 Noon, nagdusa ang ilang Saksi dahil sa pagtangging makibahagi sa isang gawain na maaaring ngayon ay pinahihintulutan na ng kanilang budhi. Halimbawa, maaaring ito ang kanilang naging desisyon mga taon na ang nakalipas may kinalaman sa ilang uri ng paglilingkod bilang sibilyan. Baka nadarama ngayon ng isang kapatid na ipinahihintulot na ng kaniyang budhi na gawin ang bagay na iyon nang hindi nilalabag ang kaniyang Kristiyanong neutralidad hinggil sa kasalukuyang sistema ng mga bagay.
7 Kawalang-katuwiran ba sa bahagi ni Jehova na pahintulutan siyang magdusa dahil sa pagtanggi sa isang bagay na ngayon ay maaari na niyang gawin nang walang masamang ibubunga? Hindi ganiyan ang iisipin ng marami na nakaranas ng gayon. Sa halip, sila’y nagagalak na nagkaroon sila ng pagkakataong maipakita nang hayagan at sa maliwanag na paraan na sila’y determinadong maging matatag sa isyu ng pansansinukob na soberanya. (Ihambing ang Job 27:5.) Anong dahilan mayroon ang sinuman para pagsisihan ang ginawa niyang pagsunod sa kaniyang budhi upang manindigang matatag sa panig ni Jehova? Sa pamamagitan ng matapat na pagtataguyod sa mga simulaing Kristiyano ayon sa pagkaunawa rito o sa pamamagitan ng pagtugon sa udyok ng budhi, sila’y napatunayang karapat-dapat na maging mga kaibigan ni Jehova. Tiyak, isang katalinuhan na iwasan ang isang landasin na makababagabag sa budhi ng isa o malamang na maging katitisuran ng iba. Hinggil dito maaari nating isipin ang halimbawa ni apostol Pablo.—1 Corinto 8:12, 13; 10:31-33.
8. Bakit ang mga Judiong Kristiyano, na dating nanghahawakan sa Batas, ay walang dahilan upang pag-alinlanganan ang pagkamatuwid ni Jehova?
8 Upang mapalugdan si Jehova, kinailangang sundin ng mga Judio ang Sampung Utos at gayundin ang halos 600 iba pang mga batas. Nang maglaon, sa ilalim ng kaayusang Kristiyano, ang pagsunod sa mga batas na ito ay hindi na kahilingan sa mga naglilingkod kay Jehova, maging sa mga likas na Judio. Kasali sa mga batas na wala nang bisa yaong may kinalaman sa pagtutuli, pangingilin ng Sabbath, paghahain ng mga hayop, at pag-iwas sa ilang ipinagbabawal na pagkain. (1 Corinto 7:19; 10:25; Colosas 2:16, 17; Hebreo 10:1, 11-14) Ang mga Judio—pati na ang mga apostol—na naging mga Kristiyano ay pinalaya na mula sa obligasyong tupdin ang mga batas na kinailangan nilang sundin noong sila’y nasa ilalim ng tipang Batas. Nagreklamo ba sila na ang kaayusan ng Diyos ay di-matuwid dahil hiniling sa kanila noon ang mga bagay na hindi na ngayon kailangan? Hindi, ikinagalak nila ang pinalawak na pagkaunawa sa mga layunin ni Jehova.—Gawa 16:4, 5.
9. Ano ang nangyari sa ilang Saksi, ngunit bakit wala silang dahilan upang magsisi?
9 Sa modernong panahon, may ilang Saksi na naging napakahigpit sa kanilang pangmalas sa kung ano ang kanilang gagawin o hindi gagawin. Dahil dito kung kaya higit silang nagdusa kaysa sa iba. Pagkaraan, ang lumagong kaalaman ay nakatulong sa kanila na palawakin pa ang kanilang pangmalas sa mga bagay-bagay. Ngunit wala silang dahilan na pagsisihan ang dati nilang ginawa na kasuwato ng kanilang budhi, kahit na ito’y malamang na nagdulot ng karagdagang pagdurusa. Tunay na kapuri-puri na ipinamalas nila ang kanilang pagkukusa na magdusa dahil sa katapatan kay Jehova, upang ‘gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita.’ Pinagpapala ni Jehova ang ganiyang uri ng makadiyos na debosyon. (1 Corinto 9:23; Hebreo 6:10) Taglay ang malalim na unawa, sumulat si apostol Pedro: “Kung, kapag gumagawa kayo ng mabuti at nagdurusa kayo, ay binabata ninyo iyon, ito ay isang bagay na kaayaaya sa Diyos.”—1 Pedro 2:20.
Matuto kay Jonas
10, 11. Paano nagpakita si Jonas ng kawalan ng pagtitiwala kay Jehova (a) nang bigyan ng atas na pumunta sa Nineve? (b) nang hindi pinuksa ng Diyos ang mga taga-Nineve?
10 Nang atasang pumunta sa Nineve, hindi pinahalagahan ni Jonas ang pagtitiwala ni Jehova sa kaniya. Pagkatapos ng nakatatakot na karanasang bunga ng kaniyang pag-aatubiling sumunod, natauhan si Jonas, natanto ang kaniyang pagkakamali, tinanggap ang kaniyang atas sa ibang bansa, at binabalaan ang mga taga-Nineve tungkol sa napipintong pagkapuksa. Pagkatapos ay nangyari ang di-inaasahan: Dahil sa nagsisi ang mga taga-Nineve, ipinasiya ni Jehova na huwag nang ituloy ang pagpuksa sa kanila.—Jonas 1:1–3:10.
11 Ang reaksiyon ni Jonas? Palibhasa’y naghinanakit, nagreklamo siya sa Diyos sa panalangin. Ang buod ng kaniyang hinaing ay: ‘Nakini-kinita ko na ganito ang mangyayari. Kaya nga sa simula pa lamang ay ayaw ko nang pumunta sa Nineve. Ngayon, pagkatapos ng lahat ng dinanas ko, pati na ang pangingilabot at kahihiyan nang ako’y lulunin ng isang malaking isda, at pagkatapos ng aking pagpapagal na babalaan ang mga taga-Nineve tungkol sa napipintong pagpuksa, ito pa ang napala ko! Walang-saysay ang lahat ng aking pagpapagal at pagdurusa! Mabuti pang namatay na lamang ako!’—Jonas 4:1-3.
12. Ano ang maaari nating matutuhan sa karanasan ni Jonas?
12 May sapat bang dahilan si Jonas para magreklamo? Naging di-matuwid ba si Jehova sa pagpapaabot ng awa sa nagsising mga nagkasala? Ang totoo, dapat sana’y nagalak si Jonas; sampu-sampung libong tao ang maliligtas mula sa pagkalipol! (Jonas 4:11) Ngunit ang kaniyang kawalang-galang at pagrereklamo ay nagpakita na wala siyang matibay na pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova. Masyado niyang iniisip ang sarili at hindi ang iba. Matuto nawa tayo kay Jonas sa pamamagitan ng paglalagay ng ating sarili at ng ating personal na damdamin sa pangalawahing dako. Nawa’y maging kumbinsido tayo na ang pagtalima kay Jehova, pagsunod sa pangungunang inilalaan sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon at ang pagtanggap sa kaniyang mga pasiya, ang siyang nararapat na gawin. Kumbinsido tayo na “magiging mabuti ang kalalabasan niyaong mga natatakot sa tunay na Diyos.”—Eclesiastes 8:12.
Ngayon Na ang Panahon Para Patibayin ang Ating Pagtitiwala!
13. Paano nating lahat mapatitibay ang ating pagtitiwala kay Jehova?
13 Ang pagpapatibay ng tiwala kay Jehova ang siyang matalinong landasin. (Kawikaan 3:5-8) Mangyari pa, higit pa ang dapat nating gawin kaysa basta manalangin na tulungan tayo ni Jehova na lalong lumalim ang ating pagtitiwala. Lumalalim ang pagtitiwala batay sa tumpak na kaalaman, kaya dapat nating ugaliin sa araw-araw ang personal na pag-aaral ng Bibliya, pagbabasa kapuwa ng Bibliya at ng mga babasahing nagpapaliwanag sa Bibliya. Mahalaga ang regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano, gayundin ang mabuting paghahanda at pakikibahagi hangga’t maaari. Ang kinaugaliang pamamahagi sa iba ng katotohanan ng Bibliya, samantalang mataktikang napagtatagumpayan ang mga pagtutol, ay nagpapatibay rin ng ating tiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita. Kaya naman tayo ay nagiging lalong malapit sa kaniya sa araw-araw.
14. Bakit malapit nang kailanganin ng bayan ng Diyos na magtiwala kay Jehova nang higit kailanman?
14 Hindi na magtatagal, biglang sisiklab ang pinakamatinding panahon ng kapighatian na sasapit kailanman sa sangkatauhan. (Mateo 24:21) Kapag nangyari iyon, higit kailanman ay kakailanganin ng mga lingkod ng Diyos ang pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova at sa patnubay na inilalaan ng kaniyang organisasyon. Sa makasagisag na paraan, sa panahong iyon ay buong-pagtitiwalang susundin nila ang utos ng Diyos: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” (Isaias 26:20) Nakapasok na sila sa ligtas na kapaligiran ng mahigit sa 85,000 kongregasyon sa 232 lupain. Anuman ang maaaring idagdag pa sa utos na “pumasok ka sa iyong mga loobang silid,” makapagtitiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova na isagawa iyon.
15. Paano idiniriin sa 1998 ang tungkol sa pagtitiwala, at bakit tama lamang ito?
15 Mahalaga na patibayin natin ngayon ang ating pagtitiwala. Kung walang pagtitiwala sa ating mga kapatid na Kristiyano, sa organisasyon ni Jehova at, higit sa lahat, kay Jehova mismo, imposibleng makaligtas. Kaya angkop na angkop nga na ngayong 1998, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay paulit-ulit na pinaaalalahanan, sa pamamagitan ng mga salita sa kanilang taunang teksto, na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas”! (Roma 10:13) Dapat tayong patuloy na magtiwala sa bagay na ito. Kung makadama tayo ng kahit bahagyang pag-aalinlangan sa pagtitiwalang ito, dapat nating sikaping ituwid ito ngayon, oo, ngayon.
Magiging Matuwid ang Paghatol ni Jehova
16. Ano ang maaaring mangyari sa pagtitiwala kung hindi ito pasusulungin, at paano natin maiiwasang mangyari ito?
16 Sa Hebreo 3:14, binabalaan ang pinahirang mga Kristiyano: “Tayo ay talagang nagiging mga kabahagi sa Kristo tangi lamang kung hihigpitan natin ang ating paghawak sa pagtitiwalang tinaglay natin sa pasimula nang matatag hanggang sa wakas.” Sa simulain, kumakapit din ang mga salitang ito sa mga Kristiyano na may makalupang pag-asa. Maaaring masira ang pagtitiwalang taglay noong una kung hindi ito pasusulungin. Tunay ngang mahalaga na magpatuloy tayo sa pagkuha ng tumpak na kaalaman, sa gayo’y pinatitibay ang pundasyon na kinasasaligan ng ating pagtitiwala!
17. Bakit tayo makapagtitiwala na kung tungkol sa kaligtasan, hahatol si Jesus sa wastong paraan?
17 Malapit nang suriin ni Kristo ang lahat ng bansa upang kaniyang ‘mapagbukud-bukod ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.’ (Mateo 25:31-33) Makapagtitiwala tayo na si Kristo ay magiging matuwid sa paghatol kung sino ang karapat-dapat na iligtas. Binigyan siya ni Jehova ng karunungan, malalim na unawa, at iba pang kinakailangang katangian para “hatulan ang tinatahanang lupa sa katuwiran.” (Gawa 17:30, 31) Manalig sana tayo kagaya ni Abraham, na nagsabi: “Malayong mangyari sa iyo [Jehova] na ikaw ay gagawi sa ganitong paraan upang patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot anupat kailangang mangyari sa taong matuwid ang gaya ng sa balakyot! Malayong mangyari sa iyo. Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?”—Genesis 18:25.
18. Bakit hindi tayo dapat na labis na mabahala tungkol sa maaaring hindi natin nalalaman sa ngayon?
18 Taglay ang ganap na pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova, hindi tayo kailangang mabahala tungkol sa paghanap ng sagot sa mga tanong na gaya ng: ‘Paano hahatulan ang mga sanggol at maliliit na bata? Maaari kayang marami pang tao ang hindi naabot ng mabuting balita kapag dumating ang Armagedon? Paano naman ang mga may karamdaman sa isip? Paano na ang . . . ?’ Totoo, sa kasalukuyan ay baka hindi natin alam kung paano lulutasin ni Jehova ang mga isyung ito. Gayunman, gagawin niya ito sa isang matuwid at maawaing paraan. Hindi natin kailanman dapat pag-alinlanganan iyan. Sa katunayan, baka mamangha at malugod tayo na makitang nilulutas niya ang mga ito sa paraan na hindi man lamang natin kailanman naisip.—Ihambing ang Job 42:3; Awit 78:11-16; 136:4-9; Mateo 15:31; Lucas 2:47.
19, 20. (a) Bakit hindi mali na magbangon ng makatuwirang mga tanong? (b) Kailan ilalaan ni Jehova ang kinakailangang mga kasagutan?
19 Hindi tinututulan ng organisasyon ni Jehova ang taimtim at napapanahong mga tanong, gaya ng may-kamaliang inaangkin ng ilang mananalansang. (1 Pedro 1:10-12) Gayunman, nagpapayo ang Bibliya na iwasan natin ang mangmang at haka-hakang mga tanong. (Tito 3:9) Ang pagbabangon ng makatuwirang mga tanong at pagsasaliksik sa Salita ng Diyos at Kristiyanong mga publikasyon upang masumpungan ang maka-Kasulatang mga sagot ay magpapalawak ng ating tumpak na kaalaman at sa gayo’y makapagpapatibay ng ating pagtitiwala kay Jehova. Sinusunod ng organisasyon ang halimbawa ni Jesus. Iniwasan niyang magkomento sa mga tanong kapag hindi pa sumasapit ang angkop na panahon nito para masagot. Nagpaliwanag siya: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo makakayang batahin ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Inamin din niya na may ilang bagay na hindi niya mismo nalalaman nang panahong iyon.—Mateo 24:36.
20 Marami pang isisiwalat si Jehova. Tunay ngang isang katalinuhan na maghintay sa kaniya, anupat nagtitiwalang ihahayag niya ang kaniyang mga layunin sa tamang panahon. Makapagtitiwala tayo na kapag dumating ang panahong itinakda ni Jehova, magagalak tayong tamuhin ang karagdagang malalim na unawa sa kaniyang mga daan. Oo, gagantimpalaan tayo, kung lubusan tayong magtitiwala kay Jehova at sa organisasyon na kaniyang ginagamit. Tinitiyak sa atin ng Kawikaan 14:26: “Sa pagkatakot kay Jehova ay may matibay na pagtitiwala, at magkakaroon ng kanlungan para sa kaniyang mga anak.”
[Talababa]
a Tingnan ang The Watchtower, Oktubre 15, 1967, pahina 638; Ang Bantayan, Hunyo 1, 1987, pahina 30.
Ano sa Palagay Ninyo?
◻ Bakit hindi isang katalinuhan na hayaang sirain ng damdamin ang ating pagtitiwala kay Jehova?
◻ Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas?
◻ Bakit napakahalaga ng pag-aaral sa Bibliya at pagdalo sa pulong?
[Larawan sa pahina 16]
Bagaman nangungulila, makapagtitiwala tayo na si Jehova ay matuwid
[Mga larawan sa pahina 18]
Nakatitiyak ka ba na pinagtitiwalaan mo si Jehova?