KABANATA 14
Natuto Siyang Maging Maawain
1. Paano mailalarawan ang paglalakbay ni Jonas, at ano ang naiisip niya tungkol sa kaniyang destinasyon?
MARAMI pang panahon si Jonas para mag-isip. Mahigit 800 kilometro ang kaniyang lalakarin, na aabot nang mga isang buwan o higit pa. Pero kailangan muna niyang pumili kung aling ruta ang tatahakin niya, ang mas maikli o ang mas ligtas. Saka siya maglalakbay sa mga libis at kabundukan. Malamang na kailangan niyang tawirin ang malawak na Disyerto ng Sirya at ang mga ilog, gaya ng malaking Ilog Eufrates, at humanap ng matutuluyan sa mga bayan at nayon ng Sirya, Mesopotamia, at Asirya. Habang naglalakbay siya, naiisip niya ang kaniyang destinasyon. Sa bawat hakbang, palapit siya nang palapit sa kinatatakutan niyang lunsod—ang Nineve.
2. Paano natutuhan ni Jonas na hindi niya puwedeng takasan ang kaniyang atas?
2 Isang bagay ang natitiyak ni Jonas: Hindi na niya matatakasan ang kaniyang atas. Sinubukan na niya ito noon. Gaya ng nakita natin sa sinundang kabanata, matiyagang tinuruan ni Jehova si Jonas sa pamamagitan ng pagpapasapit ng unos sa dagat at makahimalang pagtatalaga ng isang malaking isda para lulunin siya at iligtas. Pagkaraan ng tatlong araw, iniluwa nito sa dalampasigan si Jonas, na ngayo’y nagbago na at mas masunurin.—Jonas, kab. 1, 2.
3. Anong katangian ang ipinakita ni Jehova kay Jonas, pero anong tanong ang bumabangon?
3 Nang muling papuntahin ni Jehova si Jonas sa Nineve, sumunod ang propeta at nagsimula sa mahabang paglalakbay pasilangan. (Basahin ang Jonas 3:1-3.) Pero lubusan ba siyang nagbago dahil sa disiplina ni Jehova? Halimbawa, pinagpakitaan siya ni Jehova ng awa, iniligtas siya mula sa pagkalunod, pinatawad sa kaniyang pagsuway, at muling binigyan ng pagkakataon upang isagawa ang kaniyang atas. Sa kabila nito, natuto ba si Jonas na maging maawain? Kadalasan, hindi ito madali para sa mga taong di-sakdal. Tingnan ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas.
Nakagugulat na Pagtugon sa Mensahe ng Paghatol
4, 5. Bakit tinukoy ni Jehova ang Nineve na isang “dakilang lunsod,” at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kaniya?
4 Iba ang pangmalas ni Jonas sa Nineve kumpara sa pangmalas ni Jehova. Mababasa natin: “At ang Nineve ay isang lunsod na dakila sa Diyos.” (Jon. 3:3) Sa ulat ni Jonas, tatlong beses na tinukoy ni Jehova ang “Nineve na dakilang lunsod.” (Jon. 1:2; 3:2; 4:11) Bakit kaya dakila, o mahalaga, kay Jehova ang lunsod na ito?
5 Ang Nineve ay isang sinaunang lunsod at isa sa mga lunsod na itinatag ni Nimrod pagkatapos ng Baha. Napakalawak nito at sumasakop sa iba pang mga lunsod, at aabutin nang tatlong araw kung lalakarin ito mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. (Gen. 10:11; Jon. 3:3) Kahanga-hanga ang Nineve, na may mariringal na templo, matitibay na pader at iba pang mga gusali. Ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit mahalaga sa Diyos na Jehova ang lunsod. Ang mahalaga sa kaniya ay ang mga tao. Napakaraming naninirahan noon sa Nineve. Kahit masasama sila, mahal sila ni Jehova. Mahalaga sa kaniya ang buhay ng tao at nakikita niya na bawat isa ay puwedeng magsisi at magbago.
6. (a) Ano ang maaaring ikinatakot ni Jonas sa Nineve? (Tingnan din ang talababa.) (b) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jonas sa isinagawa niyang pangangaral?
6 Nang makarating si Jonas sa Nineve, malamang na lalo siyang natakot dahil sa napakalaking populasyon nito na mahigit 120,000.a Maghapon siyang naglakad hanggang sa pinakamataong lugar sa lunsod, marahil ay naghahanap ng angkop na lugar kung saan niya ihahayag ang kaniyang mensahe. Paano niya sila makakausap? Marunong ba siyang magsalita ng wikang Asiryano? Naghimala ba si Jehova para makapagsalita siya ng wikang ito? Hindi natin alam. Maaaring nagsalita si Jonas sa wikang Hebreo at gumamit ng isang tagapagsalin. Anuman ang naging sitwasyon, simple lang ang kaniyang mensahe at malamang na hindi ito magugustuhan ng karamihan: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay gigibain.” (Jon. 3:4) Buong-tapang at paulit-ulit siyang nagbabala. Sa paggawa nito, nagpakita siya ng kahanga-hangang lakas ng loob at pananampalataya, mga katangiang kailangan ng mga Kristiyano ngayon higit kailanman.
Simple lang ang mensahe ni Jonas at malamang na hindi ito magugustuhan ng karamihan
7, 8. (a) Paano tumugon ang mga Ninevita sa mensahe ni Jonas? (b) Ano ang ginawa ng hari ng Nineve bilang tugon sa mensahe ni Jonas?
7 Nakuha ni Jonas ang atensiyon ng mga Ninevita. Tiyak na inaasahan niyang magagalit ang mga tao at sasaktan siya dahil sa kaniyang mensahe. Pero iba ang nangyari. Nakinig ang mga tao! Mabilis na kumalat ang mensahe ni Jonas. Di-nagtagal, usap-usapan na sa buong lunsod ang inihula niyang kapahamakan. (Basahin ang Jonas 3:5.) Lahat ay nagsisi at nag-ayuno, mayama’t mahirap, mahina’t malakas, matanda’t bata. Nabalitaan agad ito ng hari.
8 Tumugon din ang hari sa mensahe ni Jonas. Dahil sa matinding takot sa Diyos, tumindig siya mula sa kaniyang trono, naghubad ng kaniyang maringal na kasuutan, nagsuot ng magaspang na tela gaya ng ginawa ng kaniyang bayan, at ‘umupo pa nga sa abo.’ Kasama ng kaniyang “mga dakila,” o mga maharlika, ipinag-utos niya na ang lahat ay mag-ayuno. Iniutos din niya na ang lahat ay magsuot ng telang-sako, pati na ang mga alagang hayop.b Mapagpakumbaba niyang inamin na ang kaniyang bayan ay naging masama at marahas. Umaasa ang hari na maaawa ang tunay na Diyos kapag nakita silang nagsisisi, at sinabi niya: ‘Talikuran sana ng Diyos ang kaniyang nag-aapoy na galit, upang hindi tayo malipol.’—Jon. 3:6-9.
9. Ano ang pinag-aalinlanganan ng mga kritiko tungkol sa mga Ninevita, pero paano natin nalaman na mali ang mga kritiko?
9 Pinag-aalinlanganan ng ilang kritiko kung talagang mabilis na nagsisi ang mga Ninevita. Gayunman, sinasabi ng mga iskolar ng Bibliya na hindi nakapagtataka ang gayong reaksiyon para sa sinaunang mga taong mapamahiin at madaling magbago. Bukod diyan, alam nating mali ang gayong mga kritiko, dahil sinabi mismo ni Jesu-Kristo na nagsisi ang mga Ninevita. (Basahin ang Mateo 12:41.) Alam niya iyon dahil nasaksihan niya ang mga pangyayari mula sa langit. (Juan 8:57, 58) Ang totoo, hindi natin dapat isipin na imposibleng magsisi ang mga tao—gaano man sila kasamâ sa tingin natin. Si Jehova lang ang nakababasa ng puso.
Ang Pagkakaiba ng Awa ng Diyos at ng Pagiging Sobrang Higpit ng Tao
10, 11. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova nang magsisi ang mga Ninevita? (b) Bakit tayo nakatitiyak na hindi nagkamali si Jehova sa naging hatol niya?
10 Ano ang naging reaksiyon ni Jehova nang magsisi ang mga Ninevita? Ayon sa ulat ni Jonas: “Nakita ng tunay na Diyos ang kanilang mga gawa, na tinalikuran nila ang kanilang masamang lakad; sa gayon ay ikinalungkot ng tunay na Diyos ang kapahamakan na sinalita niyang pangyayarihin sa kanila; at hindi niya iyon pinangyari.”—Jon. 3:10.
11 Nangangahulugan ba iyan na naisip ni Jehova na nagkamali siya sa naging hatol niya sa Nineve? Hindi naman. Ipinaliliwanag ng Bibliya na sakdal ang katarungan ni Jehova. (Basahin ang Deuteronomio 32:4.) Nakita niyang nagbago ang mga taong iyon kaya humupa ang kaniyang matuwid na galit laban sa Nineve at hindi na niya sila kailangang parusahan. Sa pagkakataong iyon, puwede siyang magpakita ng awa.
12, 13. (a) Paano ipinakikita ni Jehova na siya ay makatuwiran, maawain, at marunong bumagay sa sitwasyon? (b) Bakit hindi mali ang hula ni Jonas?
12 Si Jehova ay hindi isang Diyos na sobrang higpit, walang malasakit, at mabagsik gaya ng madalas na paglalarawan sa kaniya ng mga lider ng relihiyon. Sa halip, siya ay makatuwiran, maawain, at marunong bumagay sa sitwasyon. Kapag ipinasiya niyang parusahan ang masasama, ginagamit muna niya ang kaniyang mga kinatawan sa lupa para magbabala, dahil gusto niya silang magsisi at magbago, gaya ng ginawa ng mga Ninevita. (Ezek. 33:11) Sinabi ni Jehova kay propeta Jeremias: “Sa sandaling magsalita ako laban sa isang bansa at laban sa isang kaharian upang bunutin iyon at ibagsak iyon at wasakin iyon, at ang bansang iyon ay tumalikod nga mula sa kasamaan nito na laban doon ay nagsalita ako, ikalulungkot ko rin ang kapahamakan na inisip kong ilapat doon.”—Jer. 18:7, 8.
Gusto ng Diyos na magsisi at magbago ang masasama, gaya ng ginawa ng mga Ninevita
13 Mali ba ang hula ni Jonas? Hindi, dahil nagsilbi pa rin itong babala. Binabalaan ang mga Ninevita dahil sa kanilang kasamaan, pero nagbago sila. Kung babalik ang mga Ninevita sa kanilang masasamang gawain, ilalapat ng Diyos sa kanila ang gayunding hatol. Iyan nga ang nangyari nang maglaon.—Zef. 2:13-15.
14. Ano ang reaksiyon ni Jonas nang kaawaan ni Jehova ang Nineve?
14 Ano ang reaksiyon ni Jonas nang hindi dumating ang kapahamakan sa panahong inaasahan niya? Mababasa natin: “Gayunman ay lubhang di-kalugud-lugod iyon kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” (Jon. 4:1) Nanalangin pa nga si Jonas na parang itinutuwid ang Makapangyarihan-sa-lahat! Ipinahiwatig ni Jonas na mas mabuti pang nanatili na lang siya sa kaniyang bahay. Sinabi niya na sa simula pa lang, alam na niyang hindi pupuksain ni Jehova ang Nineve, at ginamit pa niya itong dahilan kung bakit siya tumakas patungong Tarsis. Pagkatapos, hiniling niyang mamatay na siya dahil mas mabuti pa raw iyon kaysa sa mabuhay siya.—Basahin ang Jonas 4:2, 3.
15. (a) Bakit masamang-masama ang loob ni Jonas? (b) Paano pinakitunguhan ni Jehova ang kaniyang nababagabag na propeta?
15 Ano ang bumabagabag kay Jonas? Hindi natin alam ang nasa isip niya, pero alam natin na inihayag ni Jonas sa lahat ng Ninevita na may sasapit na kapahamakan. Naniwala sila sa kaniya. At ngayon, walang darating na kapahamakan. Natatakot ba siyang tuyain o tawaging bulaang propeta? Anuman ang nasa isip niya, hindi siya natuwa na nagsisi ang mga tao o na kinaawaan sila ni Jehova. Sa halip, masamang-masama ang loob niya dahil sa pagkahabag sa sarili at sa pag-aalalang nasira ang kaniyang reputasyon. Pero maliwanag na nakikita ng maawaing Diyos ni Jonas na may mabubuting katangian pa rin ang nababagabag na propetang ito. Sa halip na parusahan si Jonas sa kaniyang kawalang-galang, malumanay na iniharap ni Jehova sa kaniya ang isang mapanuring tanong: “Tama bang mag-init ka sa galit?” (Jon. 4:4) Sumagot ba si Jonas? Walang sinasabi ang Bibliya.
16. Sa anu-anong paraan naipakikita ng isa na hindi siya sang-ayon sa pangmalas ng Diyos, at anong aral ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas?
16 Baka hatulan natin agad si Jonas sa kaniyang ginawa, pero makabubuting tandaan na kung minsan, ang di-sakdal na mga tao ay hindi sang-ayon sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Halimbawa, baka iniisip ng ilan na dapat sana’y hinadlangan ni Jehova ang isang trahedya o pinarusahan niya agad ang masasama o kaya’y winakasan na niya ang sanlibutang ito noon pa man. Ipinaaalaala sa atin ng halimbawa ni Jonas na kapag hindi tayo sang-ayon sa pangmalas ng Diyos na Jehova, ang pangmalas natin ang kailangang baguhin—hindi ang sa Kaniya.
Kung Paano Tinuruan ni Jehova si Jonas
17, 18. (a) Ano ang ginawa ni Jonas pagkaalis niya sa Nineve? (b) Ano ang naging epekto kay Jonas ng mga himala ni Jehova may kaugnayan sa halamang upo?
17 Ang nalulungkot na propeta ay umalis sa Nineve pero hindi siya umuwi. Nagpunta siya sa kabundukan sa gawing silangan kung saan natatanaw ang Nineve. Gumawa siya roon ng isang kubol at naghintay kung ano ang mangyayari sa Nineve. Marahil umaasa pa rin siyang makita ang pagkapuksa nito. Paano kaya tuturuan ni Jehova na maging maawain ang di-mapagpatawad na taong ito?
18 Nang gabing iyon, nagpatubo si Jehova ng isang halamang upo. Nang magising si Jonas, nakita niya ang malagong halaman. Ang malalapad na dahon nito ay di-hamak na mas malilim kaysa sa kaniyang maliit na kubol. Ikinatuwa niya iyon. “Si Jonas ay lubhang nagsaya” dahil sa halaman, marahil iniisip niyang ang makahimalang paglitaw nito ay tanda ng pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, pinatubo iyon ni Jehova hindi lang para bigyan siya ng lilim at pawiin ang kaniyang di-makatuwirang galit. Gusto niyang abutin ang puso ni Jonas. Kaya gumawa ang Diyos ng iba pang mga himala. Nagtalaga siya ng isang uod para pinsalain at patayin ang halaman. Pagkatapos, nagpahihip siya ng “nakatitigang na hanging silangan” hanggang sa halos ‘himatayin’ na si Jonas dahil sa init. Labis itong ikinalungkot ni Jonas at muling hiniling sa Diyos na mamatay na sana siya.—Jon. 4:6-8.
19, 20. Paano nangatuwiran si Jehova kay Jonas may kaugnayan sa halamang upo?
19 Minsan pang tinanong ni Jehova si Jonas kung tama bang magalit siya, ngayon naman ay dahil sa pagkamatay ng halamang upo. Sa halip na magsisi, ikinatuwiran ni Jonas: “Tama nga na mag-init ako sa galit, hanggang sa kamatayan.” Panahon na para sabihin ni Jehova kay Jonas ang mahalagang aral.—Jon. 4:9.
20 Nangatuwiran ang Diyos at sinabi kay Jonas na nanghinayang ang propeta nang mamatay ang isang halamang tumubo sa magdamag, gayong hindi naman ito itinanim o pinatubo ni Jonas. Saka sinabi ng Diyos bilang pagtatapos: “Sa ganang akin, hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, bukod pa sa maraming alagang hayop?”—Jon. 4:10, 11.c
21. (a) Anong mahalagang aral ang itinuro ni Jehova kay Jonas? (b) Paano makatutulong sa atin ang ulat tungkol kay Jonas para masuring mabuti ang ating sarili?
21 Nauunawaan mo ba ang mahalagang aral na itinuro ni Jehova? Walang anumang ginawa si Jonas para lumaki ang halamang iyon. Samantala, si Jehova ang Bukal ng buhay ng mga Ninevita at ang naglalaan para sa kanila, gaya ng ginagawa niya sa lahat ng nilalang sa lupa. Mas pahahalagahan pa ba ni Jonas ang isang halaman kaysa sa buhay ng 120,000 tao, bukod pa sa kanilang mga alagang hayop? Hindi kaya nagiging makasarili si Jonas? Ang totoo, nanghinayang siya sa halaman dahil nakikinabang siya rito. Hindi kaya nagalit siya may kaugnayan sa Nineve udyok ng pagiging makasarili—dahil gusto niyang ipakitang tama siya at ayaw niyang mapahiya? Makatutulong sa atin ang kuwento ni Jonas para masuring mabuti ang ating sarili. Sino ba naman sa atin ang walang tendensiya na maging makasarili? Laking pasasalamat natin na matiyaga tayong tinuturuan ni Jehova na maging di-makasarili, mas madamayin, at mas maawain—gaya niya!
22. (a) Paano nakaapekto kay Jonas ang itinuro ni Jehova tungkol sa pagiging maawain? (b) Anong aral ang dapat matutuhan ng lahat?
22 Pero ang tanong, Natuto ba si Jonas mula sa kaniyang karanasan? Ang aklat ng Jonas ay nagtatapos sa isang tanong mula kay Jehova. Maaaring kinukuwestiyon ng ilang kritiko na hindi sumagot si Jonas. Pero ang totoo, may sagot siya—ang aklat mismo. Ipinakikita ng katibayan na si Jonas ang sumulat ng aklat na ipinangalan sa kaniya. Gunigunihin ang propetang iyon na nakauwi na sa kaniyang bayan at isinusulat ang ulat na ito. Maiisip natin ang isang lalaking mas matanda na, mas malawak ang unawa, at mas mapagpakumbaba, na may-pagsisising iiling-iling habang isinusulat ang kaniyang mga pagkakamali, ang kaniyang pagsuway, at ang pagtanggi niyang magpakita ng awa. Maliwanag na isang mahalagang aral ang natutuhan ni Jonas kay Jehova. Natuto siyang maging maawain. Kumusta naman tayo?—Basahin ang Mateo 5:7.
a Tinatayang ang Samaria, ang kabisera ng sampung-tribong kaharian ng Israel, ay may mga 20,000 hanggang 30,000 mamamayan noong panahon ni Jonas—wala pang sangkapat ng populasyon ng Nineve. Marahil ang Nineve ang pinakamalaking lunsod sa daigdig noong kasikatan nito.
b Waring kakatwa ang detalyeng ito, ngunit may ganitong mga pangyayari noong sinaunang panahon. Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus, nang ipagdalamhati ng sinaunang mga Persiano ang pagkamatay ng isang popular na heneral, isinama nila sa pagdadalamhati ang kanilang mga alagang hayop.
c Nang sabihin ng Diyos na hindi alam ng mga taong iyon ang pagkakaiba ng kanan sa kaliwa, ipinakikita niyang wala silang kaalam-alam sa kaniyang mga pamantayan.