Si Jehova ay Isang Diyos na May Mahabang Pagtitiis
“Si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.”—EXODO 34:6.
1, 2. (a) Sinu-sino ang nakinabang noon sa mahabang pagtitiis ni Jehova? (b) Ano ang katuturan ng salitang “mahabang pagtitiis”?
ANG mga tao noong panahon ni Noe, ang mga Israelitang naglalakbay sa iláng kasama ni Moises, ang mga Judio na buháy noong nasa lupa si Jesus—sila’y pawang namuhay sa magkakaibang kalagayan. Ngunit ang lahat ay nakinabang mula sa iisang kaayaayang katangian ni Jehova—ang mahabang pagtitiis. Para sa ilan, nangahulugan ito ng kanilang buhay mismo. At ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay maaari ring mangahulugan ng ating buhay.
2 Ano ba ang mahabang pagtitiis? Kailan ito ipinamamalas ni Jehova, at bakit? Ang “mahabang pagtitiis” ay binigyang-katuturan bilang “ang matiyagang pagbabata sa mali o sa pagpukaw ng galit, lakip ang pagtangging isuko ang pag-asa na bubuti ang nasirang kaugnayan.” Kung gayon, ang katangiang ito ay may layunin. Partikular na binibigyang-pansin nito ang kapakanan ng isa na siyang sanhi ng di-kanais-nais na situwasyon. Gayunman, ang pagkakaroon ng mahabang pagtitiis ay hindi nangangahulugan ng pagkunsinti sa mali. Kapag naisakatuparan na ang layunin ng mahabang pagtitiis o kapag wala nang dahilan upang pagtiisan pa ang situwasyon, natatapos na ang mahabang pagtitiis.
3. Ano ba ang layunin ng mahabang pagtitiis ni Jehova, at ano ang hangganan nito?
3 Bagaman maaaring magpamalas ng mahabang pagtitiis ang mga tao, si Jehova ang sukdulang halimbawa ng katangiang ito. Sa mga nagdaang taon simula nang sirain ng kasalanan ang kaugnayan ni Jehova at ng kaniyang nilalang na tao, nagpamalas na ng matiyagang pagbabata ang ating Maylalang at naglaan ng paraan na sa pamamagitan niyaon ay mapauunlad ng mga nagsisising tao ang kanilang kaugnayan sa kaniya. (2 Pedro 3:9; 1 Juan 4:10) Subalit kapag naisagawa na ng kaniyang mahabang pagtitiis ang layunin nito, kikilos na ang Diyos laban sa mga kusang gumagawa ng kamalian, anupat wawakasan ang kasalukuyang balakyot na sistema.—2 Pedro 3:7.
Kasuwato ng Pangunahing mga Katangian ng Diyos
4. (a) Paano ipinahahayag ang ideya ng mahabang pagtitiis sa Kasulatang Hebreo? (Tingnan din ang talababa.) (b) Paano inilarawan ni propeta Nahum si Jehova, at ano ang isinisiwalat nito tungkol sa mahabang pagtitiis ni Jehova?
4 Sa Kasulatang Hebreo, ang ideya ng mahabang pagtitiis ay ipinahahayag ng dalawang salitang Hebreo na literal na nangangahulugang “haba ng mga butas ng ilong” at isinasalin na “mabagal sa pagkagalit” sa Bagong Sanlibutang Salin.a Tungkol sa mahabang pagtitiis ng Diyos, sinabi ni propeta Nahum: “Si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan, at sa anumang paraan ay hindi magpipigil si Jehova sa pagpaparusa.” (Nahum 1:3) Kung gayon, ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay hindi isang tanda ng kahinaan at ito ay may hangganan. Ang bagay na ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ay kapuwa mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan ay nagpapakita na ang kaniyang mahabang pagtitiis ay bunga ng may-layuning pagpipigil. Mayroon siyang kapangyarihang magparusa, ngunit kusa niyang pinipigil na gawin ito agad upang mabigyan ng pagkakataong magbago ang manggagawa ng kamalian. (Ezekiel 18:31, 32) Samakatuwid, ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay isang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig, at ipinakikita nito ang kaniyang karunungan sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan.
5. Sa paanong paraan kasuwato ng mahabang pagtitiis ni Jehova ang kaniyang katarungan?
5 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay kasuwato rin ng kaniyang katarungan at katuwiran. Inihayag niya ang kaniyang sarili kay Moises bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit [o mahabang pagtitiis] at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Exodo 34:6) Pagkaraan ng ilang taon, si Moises ay umawit ng papuri kay Jehova: “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Oo, ang awa, mahabang pagtitiis, katarungan, at pagkamatapat ni Jehova ay pawang nagkakasuwato at nagtutulungan.
Ang Mahabang Pagtitiis ni Jehova Bago ang Baha
6. Anong kapansin-pansing katibayan ng mahabang pagtitiis ang ipinamalas ni Jehova sa mga inapo nina Adan at Eva?
6 Permanenteng pinutol ng paghihimagsik nina Adan at Eva ang kanilang napakahalagang kaugnayan sa kanilang maibiging Maylalang, si Jehova. (Genesis 3:8-13, 23, 24) Ang paghiwalay na ito ay nakaapekto sa kanilang mga supling, na nagmana ng kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan. (Roma 5:17-19) Bagaman ang unang mag-asawang tao ay mga kusang nagkasala, pinahintulutan sila ni Jehova na magkaroon ng mga anak. Nang maglaon, maibigin niyang inilaan ang paraan na sa pamamagitan niyaon ay maipagkakasundong-muli sa kaniya ang mga inapo nina Adan at Eva. (Juan 3:16, 36) Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin. Lalo pa nga, kung gayon, yamang ipinahayag na tayong matuwid ngayon sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na maliligtas tayo mula sa poot sa pamamagitan niya. Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lalo pa nga, ngayong tayo ay naipagkasundo na, na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay.”—Roma 5:8-10.
7. Paano nagpakita ng mahabang pagtitiis si Jehova bago ang Baha, at bakit makatuwiran ang pagpuksa sa salinlahi noong bago ang Baha?
7 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay nakita noong panahon ni Noe. Mahigit sa isang siglo bago ang Baha, “nakita ng Diyos ang lupa at, narito! ito ay sira, sapagkat sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.” (Genesis 6:12) Gayunman, sa loob ng limitadong panahon, nagpamalas ng mahabang pagtitiis si Jehova sa sangkatauhan. Sinabi niya: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Genesis 6:3) Naglaan ng panahon ang 120 taóng iyon upang magkaroon ng pamilya ang tapat na si Noe at—nang mabatid ang utos ng Diyos—upang makapagtayo ng isang arka at mabigyan ng babala ang kaniyang mga kapanahon hinggil sa dumarating na Baha. Sumulat si apostol Pedro: “Ang pagtitiis [isang katangian na may kaugnayan sa mahabang pagtitiis] ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang arka, na doon ay iilang tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:20) Totoo, yaong mga hindi kabilang sa mismong sambahayan ni Noe ay ‘hindi nagbigay-pansin’ sa kaniyang pangangaral. (Mateo 24:38, 39) Ngunit sa pagpapangyari na makapagtayo ng arka si Noe at makapaglingkod sa loob marahil ng ilang dekada bilang “isang mangangaral ng katuwiran,” nagbigay si Jehova sa mga kapanahon ni Noe ng sapat na pagkakataon upang magsisi sa kanilang mararahas na landasin at bumaling sa paglilingkod sa Kaniya. (2 Pedro 2:5; Hebreo 11:7) Ang pagpuksa sa balakyot na salinlahing iyon nang dakong huli ay lubos na makatuwiran.
Ang Ulirang Pagpapamalas ng Mahabang Pagtitiis sa Israel
8. Paano ipinamalas ang mahabang pagtitiis ni Jehova sa bansang Israel?
8 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova sa Israel ay tumagal nang mahigit pa sa 120 taon. Sa kabuuan ng kanilang mahigit sa 1,500 taóng kasaysayan bilang piniling bayan ng Diyos, mangilan-ngilan lamang ang yugto ng panahon na hindi sinubok ng mga Israelita ang sukdulan ng mahabang pagtitiis ng Diyos. Ilang linggo lamang pagkatapos ng makahimalang pagliligtas sa kanila mula sa Ehipto, bumaling sila sa pagsamba sa idolo, anupat nagpakita ng matinding kawalan ng paggalang sa kanilang Tagapagligtas. (Exodo 32:4; Awit 106:21) Sa mga sumunod na dekada, ang mga Israelita ay nagreklamo tungkol sa pagkain na makahimalang inilalaan ni Jehova sa disyerto, nagbulung-bulungan laban kina Moises at Aaron, nagsalita laban kay Jehova, at nakiapid sa mga pagano, anupat nakibahagi pa nga sa pagsamba kay Baal. (Bilang 11:4-6; 14:2-4; 21:5; 25:1-3; 1 Corinto 10:6-11) May katuwiran naman si Jehova kung nilipol niya ang kaniyang bayan, ngunit sa halip ay nagpamalas siya ng mahabang pagtitiis.—Bilang 14:11-21.
9. Paano napatunayan na isang Diyos ng mahabang pagtitiis si Jehova noong panahon ng mga Hukom at noong panahon ng mga hari?
9 Noong panahon ng mga Hukom, paulit-ulit na nasadlak sa idolatriya ang mga Israelita. Kapag ginawa nila ang gayon, pinababayaan sila ni Jehova sa kanilang mga kaaway. Ngunit kapag nagsisi sila at humingi ng tulong sa kaniya, nagpapamalas siya ng mahabang pagtitiis at nagbabangon ng mga hukom upang iligtas sila. (Hukom 2:17, 18) Noong panahon ng mahabang yugto ng mga hari, iilang hari lamang ang nagpamalas ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. At maging sa ilalim ng tapat na mga hari, malimit na pinaghahalo ng mga tao ang tunay at ang huwad na pagsamba. Kapag nagbangon si Jehova ng mga propeta upang magbabala laban sa kawalang-katapatan, karaniwan nang pinipili ng mga tao na makinig sa tiwaling mga saserdote at huwad na mga propeta. (Jeremias 5:31; 25:4-7) Sa katunayan, inusig ng mga Israelita ang tapat na mga propeta ni Jehova at pinatay pa nga ang ilan sa mga ito. (2 Cronica 24:20, 21; Gawa 7:51, 52) Gayunpaman, patuloy na nagpamalas ng mahabang pagtitiis si Jehova.—2 Cronica 36:15.
Hindi Natapos ang Mahabang Pagtitiis ni Jehova
10. Kailan umabot sa sukdulan ang mahabang pagtitiis ni Jehova?
10 Gayunman, ipinakikita ng kasaysayan na may hangganan ang mahabang pagtitiis ng Diyos. Noong 740 B.C.E., pinahintulutan niya na ibagsak ng mga Asiryano ang sampung-tribong kaharian ng Israel at ipatapon ang mga mamamayan nito. (2 Hari 17:5, 6) At sa katapusan ng sumunod na siglo, pinayagan niya na sakupin ng mga taga-Babilonya ang dalawang-tribong kaharian ng Juda at wasakin ang Jerusalem lakip na ang templo nito.—2 Cronica 36:16-19.
11. Paano nagpamalas ng mahabang pagtitiis si Jehova kahit noong isinasagawa niya ang kaniyang mga hatol?
11 Gayunman, kahit noong isinasagawa ang kaniyang mga hatol laban sa Israel at Juda, hindi nalimutan ni Jehova na magpamalas ng mahabang pagtitiis. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, inihula ni Jehova ang pagsasauli sa kaniyang piniling bayan. Sinabi niya: “Ayon sa pagtatapos ng pitumpung taon sa Babilonya ay ibabaling ko sa inyo ang aking pansin, at pagtitibayin ko sa inyo ang aking mabuting salita sa pagpapabalik sa inyo sa dakong ito. At hahayaan kong ako ay masumpungan ninyo . . . At pipisanin ko ang inyong kalipunan ng mga bihag at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at mula sa lahat ng mga dako kung saan ko kayo ipinanabog.”—Jeremias 29:10, 14.
12. May kaugnayan sa pagdating ng Mesiyas, paano masasabi na pinatnubayan ng Diyos ang pagbabalik ng nalabing Judio sa Juda?
12 May nalabi mula sa mga ipinatapong Judio na talagang nakabalik sa Juda at nagpanauli ng pagsamba kay Jehova sa muling itinayong templo sa Jerusalem. Sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova, ang nalabing ito ay magiging tulad ng “hamog mula kay Jehova,” na nagdudulot ng kaginhawahan at kasaganaan. Sila rin ay magiging matatapang at malalakas na tulad ng “isang leon sa gitna ng mga hayop sa kagubatan.” (Mikas 5:7, 8) Ang huling pananalitang ito ay maaaring natupad noong panahon ng mga Macabeo nang palayasin ng mga Judio na nasa ilalim ng pamilya ng mga Macabeo ang kanilang mga kaaway mula sa Lupang Pangako at muling inialay ang templo, na nilapastangan noon. Sa gayon, ang lupain at ang templo ay naingatan upang ang iba pang tapat na nalabi ay malugod na makasasalubong sa Anak ng Diyos kapag dumating siya roon bilang Mesiyas.—Daniel 9:25; Lucas 1:13-17, 67-79; 3:15, 21, 22.
13. Kahit na pagkatapos patayin ng mga Judio ang kaniyang Anak, paano patuloy na nagpamalas si Jehova ng mahabang pagtitiis sa kanila?
13 Kahit na pagkatapos patayin ng mga Judio ang kaniyang Anak, patuloy na nagpamalas si Jehova ng mahabang pagtitiis sa kanila sa loob ng tatlo at kalahating taon pa, na ipinagkakaloob sa kanila ang bukod-tanging pagkakataon na matawag upang maging bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham. (Daniel 9:27)b Bago at pagkatapos ng taóng 36 C.E., tinanggap ng ilang Judio ang panawagang ito, at dahil dito, gaya ng pagkasabi rito ni Pablo nang maglaon, “may nalabi na lumitaw ayon sa isang pagpili dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan.”—Roma 11:5.
14. (a) Noong 36 C.E., kanino ipinaabot ang pribilehiyo na maging bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham? (b) Paano ipinahayag ni Pablo ang kaniyang damdamin tungkol sa paraan ng pagpili ni Jehova sa mga miyembro ng espirituwal na Israel?
14 Noong 36 C.E., ang pribilehiyo na maging bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham ay ipinaabot sa kauna-unahang pagkakataon sa mga hindi Judio at hindi rin mga proselita. Sinumang tumugon ay nakatanggap din ng di-sana-nararapat na kabaitan at mahabang pagtitiis ni Jehova. (Galacia 3:26-29; Efeso 2:4-7) Sa pagpapahayag ng matinding pagpapahalaga sa karunungan at layunin na nasa likod ng lipos-ng-awa na mahabang pagtitiis ni Jehova, na sa pamamagitan niyaon ay nailuwal niya ang kabuuang bilang ng mga tinawag upang bumuo sa espirituwal na Israel, naibulalas ni Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Roma 11:25, 26, 33; Galacia 6:15, 16.
Mahabang Pagtitiis Alang-alang sa Kaniyang Pangalan
15. Ano ang pangunahing dahilan ng mahabang pagtitiis ng Diyos, at anong usapin ang nangailangan ng panahon upang malutas?
15 Bakit nagpapamalas ng mahabang pagtitiis si Jehova? Pangunahin na upang dakilain ang kaniyang banal na pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang pagkasoberano. (1 Samuel 12:20-22) Ang moral na usapin na ibinangon ni Satanas may kinalaman sa paraan ng paggamit ni Jehova sa Kaniyang pagkasoberano ay nangailangan ng panahon upang malutas sa kasiya-siyang paraan sa harap ng lahat ng nilalang. (Job 1:9-11; 42:2, 5, 6) Kaya naman, nang ang bayan niya ay sinisiil sa Ehipto, sinabi ni Jehova kay Paraon: “Sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.”—Exodo 9:16.
16. (a) Paano pinangyari ng mahabang pagtitiis ni Jehova na maihanda ang isang bayan ukol sa kaniyang pangalan? (b) Paano pakababanalin ang pangalan ni Jehova at ipagbabangong-puri ang kaniyang pagkasoberano?
16 Ang mga sinabi ni Jehova kay Paraon ay sinipi nang ipaliwanag ni apostol Pablo ang papel ng mahabang pagtitiis ng Diyos sa pagluwalhati sa Kaniyang banal na pangalan. At pagkatapos ay sumulat si Pablo: “Ngayon, kung ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda ukol sa kaluwalhatian, samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa, ano ngayon? Gaya rin ito ng sinasabi niya sa Oseas: ‘Yaong hindi ko bayan ay tatawagin kong “aking bayan.” ’ ” (Roma 9:17, 22-25) Dahil nagpamalas ng mahabang pagtitiis si Jehova, nakakuha siya ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan” mula sa mga bansa. (Gawa 15:14) Sa ilalim ng kanilang Ulo, si Jesu-Kristo, ang “mga banal” na ito ay mga tagapagmana ng Kaharian na gagamitin ni Jehova upang pakabanalin ang Kaniyang dakilang pangalan at upang ipagbangong-puri ang Kaniyang pagkasoberano.—Daniel 2:44; 7:13, 14, 27; Apocalipsis 4:9-11; 5:9, 10.
Ang Mahabang Pagtitiis ni Jehova ay Nagbubunga ng Kaligtasan
17, 18. (a) Sa pamamagitan ng paggawa ng ano pinupuna natin si Jehova nang di-namamalayan sa kaniyang pagpapamalas ng mahabang pagtitiis? (b) Paano tayo pinasisigla na malasin ang mahabang pagtitiis ni Jehova?
17 Mula sa orihinal at kapaha-pahamak na pagkasadlak ng sangkatauhan sa kasalanan hanggang sa ngayon, ipinamamalas ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang Diyos na may mahabang pagtitiis. Ang kaniyang mahabang pagtitiis bago ang Baha ay naglaan ng panahon upang maibigay ang nararapat na babala at maitayo ang gagamitin sa pagliligtas. Ngunit umabot sa sukdulan ang kaniyang pagtitiis, at dumating ang Baha. Gayundin naman sa ngayon, si Jehova ay nagpapamalas ng napakahabang pagtitiis, at ito ay tumatagal nang higit pa kaysa sa maaaring inaasahan ng ilan. Gayunman, hindi iyan dahilan para mawalan ng pag-asa. Ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan ng pagpuna sa mahabang pagtitiis ng Diyos. Nagtanong si Pablo: “Hinahamak mo ba ang kayamanan ng kaniyang kabaitan at pagtitimpi at mahabang pagtitiis, sapagkat hindi mo alam na ang kabaitan ng Diyos ay nagsisikap na akayin ka sa pagsisisi?”—Roma 2:4.
18 Walang isa man sa atin ang maaaring makaalam kung gaano kahabang pagtitiis ng Diyos ang kailangan natin upang matiyak na taglay natin ang kaniyang pagsang-ayon para maligtas. Pinapayuhan tayo ni Pablo na “patuloy [na] gumawa ukol sa [ating] sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.” (Filipos 2:12) Sumulat si apostol Pedro sa mga kapuwa Kristiyano: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Pedro 3:9.
19. Sa anong paraan natin maaaring samantalahin ang mahabang pagtitiis ni Jehova?
19 Samakatuwid, huwag nawa tayong mainip sa paraan ng pangangasiwa ni Jehova sa mga bagay-bagay. Sa halip, sundin natin ang karagdagang payo ni Pedro at ‘ituring ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.’ Kaninong kaligtasan? Kaligtasan natin at, sa malawak na diwa, ng di-mabilang na iba pa na kailangan pa ring makarinig ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (2 Pedro 3:15; Mateo 24:14) Tutulungan tayo nito na mapahalagahan ang saganang pagpapamalas ni Jehova ng mahabang pagtitiis at mapakikilos tayo na magpamalas ng mahabang pagtitiis sa ating pakikitungo sa iba.
[Mga talababa]
a Sa Hebreo, ang salita para sa “ilong” o “butas ng ilong” (ʼaph) ay kadalasang ginagamit sa makasagisag na paraan para sa galit. Ito ay dahilan sa malakas na paghinga o paghingasing ng isang nagngangalit na tao.
b Para sa karagdagang paliwanag hinggil sa hulang ito, tingnan ang aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, pahina 191-4, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang ibig sabihin sa Bibliya ng salitang “mahabang pagtitiis”?
• Paano ipinamalas ni Jehova ang kaniyang mahabang pagtitiis bago ang Baha, pagkatapos ng pagkabihag sa Babilonya, at noong unang siglo C.E.?
• Sa anong mahahalagang dahilan ipinamamalas ni Jehova ang mahabang pagtitiis?
• Paano natin dapat malasin ang mahabang pagtitiis ni Jehova?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mahabang pagtitiis ni Jehova bago ang Baha ay nagbigay ng sapat na pagkakataon sa mga tao upang magsisi
[Larawan sa pahina 10]
Pagkaraang bumagsak ang Babilonya, nakinabang ang mga Judio sa mahabang pagtitiis ni Jehova
[Larawan sa pahina 11]
Noong unang siglo, kapuwa ang mga Judio at mga di-Judio ay nakinabang sa mahabang pagtitiis ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 12]
Sinasamantala ng mga Kristiyano sa ngayon ang mahabang pagtitiis ni Jehova