Ang Nararapat na Dako sa Ating Buhay ng Pagsamba kay Jehova
“Sa buong araw ay pagpapalain kita, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, maging magpakailanman.”—AWIT 145:2.
1. Kung tungkol sa pagsamba, ano ang hinahanap ni Jehova?
“AKONG si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:5) Narinig ni Moises ang pahayag na iyan mula kay Jehova, at nang maglaon ay inulit niya ito habang nakikipag-usap sa bansang Israel. (Deuteronomio 5:9) Napakaliwanag sa isipan ni Moises na inaasahan ng Diyos na Jehova na ang Kaniyang mga lingkod ay bukod-tanging sasamba sa Kaniya.
2, 3. (a) Ano ang nagpatunay sa mga Israelita na ang nangyari malapit sa Bundok Sinai ay di-pangkaraniwan? (b) Anu-anong katanungan ang ating susuriin kung tungkol sa pagsamba ng mga Israelita at ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon?
2 Habang nagkakampo malapit sa Bundok Sinai, ang mga Israelita at ang “karamihang sama-sama” na kasama nilang umalis sa Ehipto ay nakasaksi ng isang bagay na naiiba. (Exodo 12:38) Hindi iyon katulad ng pagsamba sa mga diyos ng Ehipto, na ngayo’y napahiya dahil sa sampung kasakunaan, o salot. Kasabay ng pagpapadama ni Jehova kay Moises ng kaniyang pagkanaroroon, isang nakapanghihilakbot na kababalaghan ang naganap: kulog, kidlat, at nakabibinging tunog ng tambuli na nagpanginig sa lahat sa kampamento. Pagkatapos ay nagkaroon ng apoy at usok habang ang buong kabundukan ay yumayanig. (Exodo 19:16-20; Hebreo 12:18-21) Kung kakailanganin ng sinumang Israelita ang higit pang katibayan na ang nagaganap ay totoong di-pangkaraniwan, iyan ay malapit nang maganap. Di-nagtagal, bumaba si Moises mula sa bundok pagkatapos na tanggapin ang pangalawang kopya ng mga batas ng Diyos. Ayon sa kinasihang ulat, “ang balat ng mukha [ni Moises] ay nagliliwanag at [ang bayan] ay natakot na lumapit sa kaniya.” Tunay, isang karanasang di-malilimot at kahima-himala!—Exodo 34:30.
3 Para sa tinaguriang bansang iyan ng Diyos, walang dapat ipag-alinlangan kung tungkol sa dakong kinalalagyan ng pagsamba kay Jehova. Siya ang kanilang Tagapagligtas. Utang nila sa kaniya ang kanila mismong buhay. Siya rin ang kanilang Tagapagbigay-batas. Subalit nanatili bang nasa unang dako ang pagsamba nila kay Jehova? At kumusta naman ang modernong-panahong mga lingkod ng Diyos? Saang dako sa kanilang buhay naroroon ang pagsamba kay Jehova?—Roma 15:4.
Ang Pagsamba ng Israel kay Jehova
4. Ano ang pagkakaayos ng kampamento ng Israel noong sila’y pansamantalang nanirahan sa ilang, at ano ang nasa gitna ng kampamento?
4 Kung tatanawin mo buhat sa itaas ang nagkakampong Israel sa ilang, ano kaya ang iyong makikita? Isang malaki, ngunit maayos na hanay ng mga tolda na naglalaman ng marahil tatlong milyon o higit pang mga tao, na pinagbukud-bukod ayon sa tatlong-tribong mga pangkat sa hilaga, timog, silangan, at kanluran. Kung pagmamasdang mabuti, mapapansin mo rin marahil ang isa pang pangkat mas malapit sa gitna ng kampamento. Ang apat na mas maliliit na grupong ito ng mga tolda ay siyang tinitirhan ng mga pamilya ng tribo ni Levi. Sa gitna mismo ng kampamento, sa isang lugar na hinarangan ng tela, ay may isang kakaiba ang pagkakaayos. Ito ang “tolda ng kapisanan,” o tabernakulo, na itinayo ng may “matalinong-pusong” mga Israelita ayon sa plano ni Jehova.—Bilang 1:52, 53; 2:3, 10, 17, 18, 25; Exodo 35:10.
5. Sa anong layunin nagsilbi ang tabernakulo sa Israel?
5 Sa bawat isa sa humigit-kumulang na 40 pinaglagyan ng kampamento sa panahon ng kanilang paglalakbay sa ilang, nagtayo ang Israel ng tabernakulo, at iyon ang naging pinakasentro ng kanilang pagkakampo. (Bilang, kabanata 33) Angkop lamang na si Jehova ay ilarawan ng Bibliya bilang nakikipanahanan sa gitna ng kaniyang bayan sa gitna mismo ng kanilang kampamento. Napuspos ng kaniyang kaluwalhatian ang tabernakulo. (Exodo 29:43-46; 40:34; Bilang 5:3; 11:20; 16:3) Ganito ang komento ng aklat na Our Living Bible: “Ang naililipat na dambanang ito ang siyang pinakamahalaga, yamang ito ang naging pinakasentro ng pagsasama-sama ng mga tribo ukol sa relihiyon. Sa gayo’y patuloy na pinagkaisa sila nito sa mahabang mga taon ng pagpapagala-gala sa disyerto at pinapangyari ang nagkakaisang pagkilos.” Bukod pa sa roon, ang tabernakulo ay nagsilbing isang palagiang pagunita na ang pagsamba ng mga Israelita sa kanilang Maylikha ay siyang pinakamahalaga sa kanilang buhay.
6, 7. Anong kayarian para sa pagsamba ang ipinalit sa tabernakulo, at papaano iyon naglingkod sa bansang Israel?
6 Pagdating ng mga Israelita sa Lupang Pangako, ang tabernakulo ay patuloy na naging pinakasentro ng pagsamba ng Israel. (Josue 18:1; 1 Samuel 1:3) Nang maglaon, nagmungkahi si Haring David na magtayo ng isang permanenteng kayarian. Ito na nga ang templo, na pagkaraa’y itinayo ng kaniyang anak na si Solomon. (2 Samuel 7:1-10) Sa pagpapasinaya nito ay may bumabang ulap upang ipahiwatig ang pagsang-ayon ni Jehova sa gusaling iyon. “Matagumpay na nakapagtayo ako ng isang bahay na may matayog na tirahan para sa iyo,” ang panalangin ni Solomon, “ng isang matatag na dako upang iyong tahanan sa panahong walang takda.” (1 Hari 8:12, 13; 2 Cronica 6:2) Ang bagong-tayóng templo ay naging sentro ngayon para sa pagsamba ng bansa.
7 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng Israelitang lalaki ay pumupunta noon sa Jerusalem upang dumalo sa maligayang pagdiriwang sa templo bilang pagpapasalamat sa mga pagpapala ng Diyos. Angkop lamang, ang pagsasama-samang ito ay tinawag na “mga takdang kapistahan ni Jehova,” na nakapako ang isipan sa pagsamba sa Diyos. (Levitico 23:2, 4) Ang tapat na mga babae ay dumalo rin kasama ng iba pang miyembro ng pamilya.—1 Samuel 1:3-7; Lucas 2:41-44.
8. Papaano pinatunayan ng Awit 84:1-12 ang kahalagahan ng pagsamba kay Jehova?
8 Maliwanag na kinilala ng kinasihang salmista kung gaano kahalaga ang pagsamba sa kanilang buhay. “Kay inam ng iyong dakilang tabernakulo, O Jehova ng mga hukbo!” ang awit ng mga anak ni Korah. Tiyak na hindi isang gusali lamang ang kanilang pinapupurihan. Sa halip, itinaas nila ang kanilang mga tinig bilang papuri sa Diyos na Jehova, na ipinahahayag: “Ang aking sariling puso at ang akin mismong laman ay sumisigaw sa galak sa buháy na Diyos.” Ang paglilingkod ng mga Levita ay nagdulot sa kanila ng malaking kagalakan. “Maligaya yaong tumatahan sa iyong bahay!” ang pahayag nila. “Sila’y patuloy na pumupuri sa iyo.” Sa katunayan, ang buong Israel ay makaaawit: “Maligaya ang mga lalaki na ang kalakasan ay nasa iyo, na ang mga puso ay siyang daan. . . . Sila’y magsisilakad sa kalakasa’t kalakasan; bawat isa’y nagpapakita sa Diyos sa Sion.” Bagaman ang paglalakbay sa Jerusalem ng isang Israelita ay mahaba at nakapapagod, nababawi ang kaniyang lakas kapag narating na niya ang kabisera. Puspos ng kagalakan ang kaniyang puso habang ipinahahayag niya ang kaniyang pribilehiyo ng pagsamba kay Jehova: “Sapagkat isang araw sa iyong mga looban ay mas mabuti kaysa isang libo saanman. Aking minagaling na tumayo sa pintuan sa bahay ng aking Diyos kaysa magpalipat-lipat sa mga tolda ng kabalakyutan. . . . O Jehova ng mga hukbo, maligaya ang taong tumitiwala sa iyo.” Isinisiwalat ng mga kapahayagang ito na inuuna ng mga Israelita ang pagsamba kay Jehova.—Awit 84:1-12.
9. Ano ang nangyari sa bansang Israel nang ito’y mabigong mapanatiling nasa unahan ang pagsamba kay Jehova?
9 Nakalulungkot, nabigo ang Israel na panatilihin sa unahan ang tunay na pagsamba. Pinahintulutan nilang pahinain ng pagsamba sa huwad na mga diyos ang kanilang sigasig kay Jehova. Sa gayon, pinabayaan sila ni Jehova sa kanilang mga kaaway, anupat hinayaan silang dalhin bilang bihag sa Babilonya. Nang sila’y pabalikin sa kanilang sariling bayan pagkaraan ng 70 taon, pinaglaanan ni Jehova ang Israel ng nakapupukaw na mga tagubilin mula sa tapat na mga propetang sina Hagai, Zacarias, at Malakias. Pinakilos ng saserdoteng si Ezra at ni Gobernador Nehemias ang bayan ng Diyos upang muling itayo ang templo at muling itatag ang tunay na pagsamba roon. Subalit habang lumilipas ang mga siglo, muli na namang isinaisantabi ng bansa ang tunay na pagsamba.
Unang-Siglong Sigasig Para sa Tunay na Pagsamba
10, 11. Saang dako naroroon ang pagsamba kay Jehova sa buhay ng mga taong tapat nang si Jesus ay nasa lupa?
10 Sa takdang panahon ni Jehova, lumitaw ang Mesiyas. Ang tapat na mga tao ay umaasa kay Jehova para sa kaligtasan. (Lucas 2:25; 3:15) Makahulugang inilarawan ng ulat ng Ebanghelyo ni Lucas ang 84-na-taóng-gulang na si Ana bilang isang balo “na hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.”—Lucas 2:37.
11 “Ang aking pagkain,” sabi ni Jesus, “ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Alalahanin ang reaksiyon ni Jesus nang harapin niya ang mga tagapagpalit ng salapi sa templo. Itinaob niya ang kanilang mga mesa gayundin ang mga bangkô niyaong mga negosyanteng nagtitinda ng mga kalapati. Isinalaysay ni Marcos: “Hindi hinahayaan [ni Jesus] na ang sinuman ay magdala ng kagamitan sa templo, ngunit patuloy siyang nagtuturo at nagsasabi: ‘Hindi ba nasusulat, “Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa”? Subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.’ ” (Marcos 11:15-17) Oo, ni hindi man lamang pumayag si Jesus na daanan ng sinuman ang looban ng templo upang makapagmadali kapag may dinadalang mga bagay-bagay tungo sa kabilang panig ng lunsod. Ang mga ikinilos ni Jesus ay nagpapatibay lamang sa kaniyang payo na ibinigay noon: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos].” (Mateo 6:33) Iniwanan tayo ni Jesus ng isang kahanga-hangang huwaran sa pagbibigay kay Jehova ng bukod-tanging pagsamba. Tunay na isinagawa niya ang kaniyang ipinangaral.—1 Pedro 2:21.
12. Papaano ipinakita ng mga alagad ni Jesus na inuna nila ang pagsamba kay Jehova?
12 Nagpakita rin si Jesus ng isang tularan para sundin ng kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng paraan ng kaniyang pagtupad sa kaniyang atas na palayain ang inapi, subalit nagtapat, na mga Judio mula sa mga pasaning dulot ng mga gawain ng huwad na relihiyon. (Lucas 4:18) Bilang pagsunod sa utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila, ang sinaunang mga Kristiyano ay buong-tapang na nagpahayag ng kalooban ni Jehova may kaugnayan sa kanilang binuhay-muling Panginoon. Lugod na lugod si Jehova dahil inuna nila ang pagsamba sa Kaniya. Kaya naman, makahimalang pinalaya ng anghel ni Jehova mismo sina apostol Pedro at apostol Juan mula sa pagkapiit at pinatalastasan sila: “Humayo kayo, at, pagtayo sa templo, ay patuloy na salitain ninyo sa mga tao ang lahat ng mga pananalita tungkol sa buhay na ito.” Palibhasa’y muling napasigla, sila’y sumunod. Bawat araw, kapuwa sa templo sa Jerusalem at sa bahay-bahay “nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 1:8; 4:29, 30; 5:20, 42; Mateo 28:19, 20.
13, 14. (a) Mula noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano, ano ang sinubukan nang gawin ni Satanas sa mga lingkod ng Diyos? (b) Ano ang patuloy na ginawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos?
13 Habang tumitindi ang pagsalansang sa kanilang pangangaral, inutusan ng Diyos ang kaniyang tapat na mga alagad na sumulat ng napapanahong payo. “Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan [kay Jehova], sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo,” ang isinulat ni Pedro di-nagtagal pagkaraan ng 60 C.E. “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila. Subalit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” Tiyak na nabuhayang-muli ng loob ang sinaunang mga Kristiyano sa mga pananalitang ito. Alam nila na pagkatapos na sila’y magdusa nang ilang panahon, tatapusin din ng Diyos ang kanilang pagsasanay. (1 Pedro 5:7-10) Sa pagtatapos ng mga araw ng Judiong sistema ng mga bagay, itinaas ng mga Kristiyano ang maibiging pagsamba kay Jehova sa isang panibagong antas.—Colosas 1:23.
14 Gaya ng inihula ni apostol Pablo, ang apostasya, isang pagtalikod mula sa tunay na pagsamba, ay lumitaw. (Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3) Napakarami ng mga naipong ebidensiya ng pangyayaring ito sa huling mga dekada noong unang siglo. (1 Juan 2:18, 19) Nagtagumpay si Satanas sa paghahasik ng di-tunay na mga Kristiyano sa gitna ng mga tunay, anupat napakahirap makilala ang “mga panirang-damo” mula sa tulad-trigong mga Kristiyano. Gayunman, sa paglipas ng mga siglo, inuna ng ilan ang pagsamba sa Diyos, kahit na manganib ang kanilang buhay. Ngunit sa huling mga dekada ng “itinakdang panahon ng mga bansa” saka lamang tinipong-muli ng Diyos ang kaniyang mga lingkod upang itaas ang tunay na pagsamba.—Mateo 13:24-30, 36-43; Lucas 21:24.
Mataas na Pagsamba kay Jehova sa Ngayon
15. Mula noong 1919, papaano natupad ang Isaias 2:2-4 at Mikas 4:1-4?
15 Noong 1919, binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang pinahirang nalabi upang isagawa ang isang tahasan at pambuong-daigdig na kampanya sa pagpapatotoo na siyang nagpataas sa pagsamba sa tunay na Diyos. Sa pagdagsa ng simbolikong “ibang tupa” mula 1935 hanggang sa kasalukuyan, ang paghugos ng mga tao na umakyat sa “bundok ng bahay ni Jehova” sa espirituwal na paraan ay dumami nang dumami. Noong taon ng paglilingkod ng 1993, 4,709,889 Saksi ni Jehova ang pumuri sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa iba na makisama sa mataas na pagsamba sa kaniya. Tunay na ibang-iba sa napakababang kalagayan sa espirituwal ng sektang mga “burol” ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na kitang-kita sa Sangkakristiyanuhan!—Juan 10:16; Isaias 2:2-4; Mikas 4:1-4.
16. Ano ang kailangang gawin ng lahat ng lingkod ng Diyos may kaugnayan sa inihula sa Isaias 2:10-22?
16 Itinuturing ng mga tagasunod ng huwad na relihiyon ang kanilang mga simbahan at katedral at maging ang kanilang mga pari bilang “matayog,” anupat iniuukol sa kanila ang mariringal na titulo at karangalan. Ngunit pansinin ang inihula ni Isaias: “Ang mga tinging mapagmataas ng makalupang tao ay dapat na maging mababa, at ang pagmamataas ng mga tao ay dapat yumuko; at si Jehova lamang ang dapat ilagay sa itaas sa araw na iyon.” Kailan mangyayari ito? Sa panahon ng napipintong dakilang kapighatian kapag ‘ang walang-kabuluhang mga diyos mismo ay napawing lubos.’ Dahil sa napipinto na ang kakila-kilabot na panahong iyan, kailangang suriing mabuti ng lahat ng mga lingkod ng Diyos kung saang dako sa kanilang buhay naroroon ang pagsamba kay Jehova.—Isaias 2:10-22.
17. Papaano ipinakita ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon na inuuna nila ang pagsamba kay Jehova?
17 Bilang isang pandaigdig na kapatiran, kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang sigasig sa pangangaral ng Kaharian. Ang kanilang pagsamba ay hindi basta relihiyon lamang, na pinaglalaanan ng mga isang oras sa isang linggo. Hindi, kundi iyon ang lahat-lahat sa kanilang buong buhay. (Awit 145:2) Tunay, noong isang taon ay mahigit na 620,000 Saksi ang nagsaayos ng kanilang pamumuhay upang makibahagi nang buong panahon sa Kristiyanong ministeryo. Ang iba ay tiyak na hindi nagkulang sa pagsamba kay Jehova. Kitang-kita ito kapuwa sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap at sa kanilang pangangaral sa madla, bagaman kailangan nilang magsikap sa hanapbuhay dahil sa kanilang pananagutan sa pamilya.
18, 19. Magpakita ng mga halimbawa ng pagpapalakas-loob na natanggap mo mula sa pagbabasa ng mga kasaysayan ng buhay ng mga Saksi.
18 Ang mga kasaysayan ng buhay ng mga Saksi na napalathala sa Ang Bantayan ay naglalaan ng malalim na unawa sa mga paraan ng iba’t ibang kapatid na inuna sa kanilang buhay ang pagsamba kay Jehova. Isang batang kapatid na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova noong siya’y anim na taóng gulang ang may tunguhin na maglingkod bilang misyonera. Kayong mga kabataang kapatid, anong tunguhin ang maaari ninyong piliin na siyang tutulong sa inyo upang manatiling pinakamahalaga sa inyong buhay ang pagsamba kay Jehova?—Tingnan ang artikulong “Pagtataguyod sa Isang Tunguhin sa Edad na Anim na Taon,” sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1992, pahina 26-30.
19 Isang balong nakatatandang kapatid na babae ang naglaan ng isa pang halimbawa ng paglalagay ng pagsamba kay Jehova sa nararapat na dako. Natamo niya mula sa kaniyang mga natulungang makaalam ng katotohanan ang maraming pagpapalakas-loob upang makapagbata. Sila ang kaniyang “pamilya.” (Marcos 3:31-35) Kung nasa ganito kang kalagayan, tatanggapin mo ba ang suporta at tulong ng mga nakababata sa kongregasyon? (Pakisuyong alamin kung papaano inihayag ni Sister Winifred Remmie ang kaniyang sarili sa “Ako ay Tumugon sa Panahon ng Pag-aani,” inilathala sa Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1992, pahina 21-3.) Kayong buong-panahong mga lingkod, ipakita na talagang inuuna ninyo sa inyong buhay ang pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng buong-pagpapakumbabang paglilingkod kung saan kayo naatasan, anupat handang magpasakop sa teokratikong patnubay. (Pakisuyong alamin ang halimbawa ni Brother Roy Ryan, ayon sa pagkakasalaysay sa artikulong “Ang Mahigpit na Pagkapit sa Organisasyon ng Diyos,” sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1991, pahina 24-7.) Tandaan na kapag inuna natin ang pagsamba kay Jehova, matitiyak natin na pangangalagaan niya tayo. Hindi tayo kailangang mabalisa kung saanman manggagaling ang mga pangangailangan sa buhay. Inilalarawan ito ng mga karanasan nina Sister Olive at Sister Sonia Springate.—Tingnan ang artikulong “Aming Hinanap Muna ang Kaharian,” sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1994, pahina 20-5.
20. Anong matatalinong katanungan ang nararapat nating itanong ngayon sa ating mga sarili?
20 Sa gayon, para sa bawat isa, hindi ba nararapat na tanungin ang ating mga sarili ng ilang matatalinong katanungan? Saang dako naroroon sa aking buhay ang pagsamba kay Jehova? Nasusunod ko ba ang aking pag-aalay na gawin ang kalooban ng Diyos sa abot ng aking makakaya? Saang bahagi ng buhay maaari akong sumulong? Ang isang masinsinang pagsasaalang-alang sa susunod na artikulo ay magbibigay ng pagkakataon upang pag-isipang mabuti kung papaano natin magagamit ang ating tinatangkilik kaayon sa ating pinili bilang pinakamahalaga sa ating buhay—ang pagsamba sa Soberanong Panginoon na si Jehova, ang ating maibiging Ama.—Eclesiastes 12:13; 2 Corinto 13:5.
Sa Pagrerepaso
◻ Kung tungkol sa pagsamba, ano ang hinahanap ni Jehova?
◻ Sa ano nagsisilbi ang tabernakulo bilang pagunita?
◻ Noong unang siglo C.E., sinu-sino ang kilalang mga halimbawa ng pagiging masigasig sa tunay na pagsamba, at papaano?
◻ Mula noong 1919, papaano naitaas ang pagsamba kay Jehova?