“Huwag Nawang Lumaylay ang Iyong mga Kamay”
“Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay. Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas.”—ZEFANIAS 3:16, 17.
1. Ano ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya hinggil sa hula ni Zefanias?
HIGIT pa ang nasasaklaw ng hula ni Zefanias bukod sa unang katuparan nito noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E. Sa kaniyang komentaryo sa Zefanias, ganito ang isinulat ni Propesor C. F. Keil: “Ang hula ni Zefanias . . . ay hindi lamang nagsisimula sa isang kapahayagan ng pansansinukob na paghatol sa buong sanlibutan, na doo’y nagmula ang hatol na sasapit sa Juda dahil sa mga kasalanan nito, at sa buong sanlibutan ng mga bansa dahil sa poot nito sa bayan ni Jehova; subalit tumutukoy ito sa buong dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”
2. Anong pagkakatulad ang umiiral sa pagitan ng mga kalagayan noong kaarawan ni Zefanias at sa sitwasyon sa loob ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon?
2 Sa ngayon, ang hudisyal na pasiya ni Jehova ay ang tipunin ang mga bansa para sa mas malawakang pagkapuksa kaysa noong kaarawan ni Zefanias. (Zefanias 3:8) Ang mga bansang iyon na nag-aangking Kristiyano ay lalo nang napakasama sa paningin ng Diyos. Kung papaanong ang Jerusalem ay nagbayad ng malaki dahil sa pagiging di-tapat kay Jehova, gayundin na ang Sangkakristiyanuhan ay tiyak na mananagot sa Diyos dahil sa labis na kahalayan nito. Ang banal na mga kahatulan na ipinahayag laban sa Juda at Jerusalem noong kaarawan ni Zefanias ay mas matinding kumakapit sa mga simbahan at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Kanila ring dinumhan ang dalisay na pagsamba dahil sa kanilang lumalapastangan sa Diyos na mga doktrina, na marami ay may paganong pinagmulan. Inihain nila sa modernong altar ng digmaan ang milyun-milyon sa kanilang malulusog na anak na lalaki. Karagdagan pa, ang tinaguriang Kristiyanismo ay hinaluan ng mga mamamayan ng antitipikong Jerusalem ng astrolohiya, espiritismo, at kahalayan sa sekso, na nagpapagunita ng pagsamba kay Baal.—Zefanias 1:4, 5.
3. Ano ang masasabi hinggil sa maraming sekular na lider at pulitikal na mga pamahalaan sa ngayon, at ano ang inihula ni Zefanias?
3 Gustung-gusto ng marami sa pulitikal na mga lider ng Sangkakristiyanuhan na sila’y prominente sa simbahan. Subalit tulad ng “mga prinsipe” ng Juda, marami sa kanila ang nagsasamantala sa mga tao tulad ng “mga leong umuungal” at gutom na gutom na “mga lobo.” (Zefanias 3:1-3) Ang pulitikal na mga tagasunod ng gayong mga tao ay ‘nagpupunô ng karahasan at panlilinlang sa bahay ng kanilang mga panginoon.’ (Zefanias 1:9) Palasak ang pagbibigay ng suhol at ang katiwalian. Kung tungkol sa mga pulitikal na pamahalaan sa loob at sa labas ng Sangkakristiyanuhan, dumarami sa kanila ang ‘nag-aastang mahangin’ laban sa bayan ni Jehova ng mga hukbo, ang kaniyang mga Saksi, anupat pinakikitunguhan sila bilang isang hamak na “sekta.” (Zefanias 2:8; Gawa 24:5, 14) Hinggil sa lahat ng gayong pulitikal na mga lider at sa kanilang mga tagasunod, ganito ang inihula ni Zefanias: “Ang kanilang pilak ni ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng mainit na galit ni Jehova; ngunit sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang sigasig ang buong lupa ay lalamunin, sapagkat siya ay gagawa ng pagpawi, tunay ngang isa na kakila-kilabot, sa lahat ng nananahanan sa lupa.”—Zefanias 1:18.
“Maikubli Kayo sa Araw ng Galit ni Jehova”
4. Ano ang nagpapakita na may mga makaliligtas sa dakilang araw ni Jehova, subalit ano ang kailangan nilang gawin?
4 Hindi lahat ng mamamayan ng Juda ay nalipol noong ikapitong siglo B.C.E. Gayundin naman, may mga makaliligtas sa dakilang araw ni Jehova. Tungkol sa kanila ay ganito ang sabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias: “Bago magsilang ng anumang bagay ang batas, bago dumaan na parang ipa ang araw, bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsagawa ng Kaniyang sariling hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling maikubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:2, 3.
5. Sa panahong ito ng kawakasan, sino ang mga unang tumugon sa babala ni Zefanias, at papaano sila ginamit ni Jehova?
5 Sa panahon ng kawakasan ng sanlibutang ito, ang mga unang tumugon sa makahulang paanyaya ay ang mga nalabi ng espirituwal na mga Israelita, ang mga pinahirang Kristiyano. (Roma 2:28, 29; 9:6; Galacia 6:16) Palibhasa’y hinanap ang katuwiran at kaamuan at nagpakita ng paggalang sa mga hudisyal na pasiya ni Jehova, sila’y napalaya buhat sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at naibalik sa banal na pagsang-ayon noong 1919. Mula noon, at lalo na sapol noong 1922, ang tapat na mga nalabing ito ay walang-takot na nagpapahayag ng mga kahatulan ni Jehova laban sa mga simbahan at sekta ng Sangkakristiyanuhan at laban sa pulitikal na mga bansa.
6. (a) Ano ang inihula ni Zefanias hinggil sa tapat na mga nalabi? (b) Papaano natupad ang hulang ito?
6 Tungkol sa mga tapat na nalabing ito, ganito ang inihula ni Zefanias: “Tiyak na aking hahayaang maiwan sa gitna ninyo ang isang bayang mapagpakumbaba at mababa, at sila’y aktuwal na manganganlong sa pangalan ni Jehova. Kung tungkol sa mga nalabi ng Israel, sila’y hindi gagawa ng kalikuan, ni magsasalita man ng kasinungalingan, ni makasusumpong man sa kanilang mga bibig ng isang mapandayang dila; sapagkat sila mismo ay kakain at aktuwal na hihigang nakaunat, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Zefanias 3:12, 13) Laging pinatitingkad ng mga pinahirang Kristiyanong ito ang pangalan ni Jehova, ngunit lalo nang gayon noong 1931, nang tanggapin nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Sa pamamagitan ng pagtatampok ng usapin tungkol sa soberanya ni Jehova, pinarangalan nila ang banal na pangalan, at ito ay napatunayang isang kanlungan para sa kanila. (Kawikaan 18:10) Sila’y saganang pinakain ni Jehova sa espirituwal na paraan, at sila’y nananahanan nang walang takot sa isang espirituwal na paraiso.—Zefanias 3:16, 17.
“Isang Pangalan at Isang Kapurihan Sa Gitna ng Lahat ng mga Bayan”
7, 8. (a) Ano pang hula ang natupad sa mga nalabi ng espirituwal na Israel? (b) Ano ang naunawaan ng milyun-milyong tao, at ano ang inyong sariling nadarama hinggil dito?
7 Hindi nakubli ang malapit na kaugnayan ng mga nalabi sa pangalan ni Jehova at sa matuwid na mga simulain ng kaniyang Salita. Nakita ng taimtim na mga tao ang kaibahan sa pagitan ng paggawi ng mga nalabi at ng katiwalian at pagpapaimbabaw ng pulitikal at relihiyosong mga pinuno ng sanlibutang ito. Pinagpala ni Jehova “ang mga nalabi ng [espirituwal] na Israel.” Binigyang-dangal niya sila ng isang pribilehiyo na taglayin ang kaniyang pangalan, at pinapangyari niyang magkaroon sila ng mainam na reputasyon sa gitna ng mga bayan sa lupa. Ito ay gaya ng inihula ni Zefanias: “ ‘Sa panahong iyon ay aking dadalhin kayo, maging sa panahon ng aking pagtitipon sa inyo nang sama-sama. Sapagkat gagawin ko kayong isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, kapag aking ibinalik ang inyong mga bihag sa harap ng inyong mga mata,’ sabi ni Jehova.”—Zefanias 3:20.
8 Sapol noong 1935, literal na milyun-milyong tao ang nakaunawa na ang pagpapala ni Jehova ay nasa mga nalabi. Maligaya nilang sinusundan ang espirituwal na mga Judiong ito, o mga Israelita, anupat nagsasabi: “Sasama kami sa inyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo.” (Zacarias 8:23) Minamalas ng “ibang mga tupa” na ito ang mga pinahirang nalabi bilang “ang tapat at maingat na alipin,” na inatasan ni Kristo “sa lahat ng kaniyang [makalupang] mga pag-aari.” May pasasalamat na nakikibahagi sila sa espirituwal na pagkaing inihanda ng uring alipin “sa tamang panahon.”—Juan 10:16; Mateo 24:45-47.
9. Anong “wika” ang natutuhang salitain ng milyun-milyong tao, at sa anong dakilang gawain naglilingkod “nang balikatan” ang mga ibang tupa kasama ng mga pinahirang nalabi?
9 Kasama ng mga nalabi, ang milyun-milyong ibang tupa na ito ay natututong mamuhay at magsalita kasuwato ng “dalisay na wika.”a Ganito ang inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Zefanias: “Kung magkagayon ay bibigyan ko ang mga bayan ng pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang mapaglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Oo, ang mga ibang tupa ay nagkakaisang naglilingkod kay Jehova “nang balikatan” kasama ng mga pinahirang miyembro ng “munting kawan” sa apurahang gawain ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Lucas 12:32; Mateo 24:14.
“Ang Araw ni Jehova ay Darating”
10. Tungkol sa ano laging kumbinsido ang mga pinahirang nalabi, at ano, bilang isang uri, ang kanilang makikita nang buháy?
10 Palaging isinasaisip ng mga pinahirang nalabi ang kinasihang pangungusap ni apostol Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi. Gayunman ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw.” (2 Pedro 3:9, 10) Hindi nagkaroon ng anumang alinlangan ang mga miyembro ng tapat na uring alipin tungkol sa pagdating ng araw ni Jehova sa ating panahon. Ang araw na iyon ay magsisimula sa pagpapatupad ng mga hatol ng Diyos laban sa Sangkakristiyanuhan, ang antitipikong Jerusalem, at sa natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila.—Zefanias 1:2-4; Apocalipsis 17:1, 5; 19:1, 2.
11, 12. (a) Anong iba pang bahagi ng hula ni Zefanias ang natupad sa mga nalabi? (b) Papaano tinugon ng mga pinahirang nalabi ang panawagan, “Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay”?
11 Nagagalak ang tapat na mga nalabi na sila’y nakalaya noong 1919 buhat sa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Naranasan nila ang katuparan ng hula ni Zefanias: “Humiyaw ka nang may kagalakan, O anak na babae ng Sion! Bumulalas ka sa kasiyahan, O Israel! Magsaya ka at magbunyi nang buong puso, O anak na babae ng Jerusalem! Inalis ni Jehova ang kahatulan sa iyo. Itinaboy niya ang iyong mga kaaway. Ang hari ng Israel, si Jehova, ay nasa gitna mo. Hindi mo na katatakutan pa ang kalamidad. Sa araw na iyon ay masasabi sa Jerusalem: ‘Huwag kang matakot, O Sion. Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay. Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas.’ ”—Zefanias 3:14-17.
12 Taglay ang paninindigan at saganang patotoo na si Jehova ay nasa gitna nila, walang-takot na humayo ang mga pinahirang nalabi sa pagtupad ng kanilang banal na atas. Ipinangaral nila ang mabuting balita ng Kaharian at ipinahayag ang mga kahatulan ni Jehova laban sa Sangkakristiyanuhan, sa nalalabing bahagi ng Babilonyang Dakila, at sa buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Sa kabila ng lahat ng kahirapan, sa nakalipas na mga dekada mula noong 1919, sinusunod nila ang banal na utos: “Huwag kang matakot, O Sion. Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay.” Hindi sila naglubay sa pamamahagi ng bilyun-bilyong tract, magasin, aklat, at mga buklet na naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Sila’y naging isang halimbawa na nakapagpapasigla ng pananampalataya para sa mga ibang tupa na, mula noong 1935, ay nagkalipumpon sa kanilang tabi.
“Huwag Nawang Lumaylay Ang Iyong mga Kamay”
13, 14. (a) Bakit umurong ang ilang Judio buhat sa paglilingkod kay Jehova, at papaano ito nahayag? (b) Ano ang hindi isang katalinuhan na gawin natin, at sa anong gawain hindi natin dapat na hayaang lumaylay ang ating mga kamay?
13 Habang ‘nananatili tayong naghihintay’ sa dakilang araw ni Jehova, papaano tayo makakakuha ng praktikal na tulong buhat sa hula ni Zefanias? Una, dapat tayong mag-ingat na huwag maging gaya ng mga Judio noong kaarawan ni Zefanias na umurong buhat sa pagsunod kay Jehova dahil nag-alinlangan sila tungkol sa pagkanalalapit ng araw ni Jehova. Hindi naman laging ipinahahayag sa madla ng mga Judiong iyon ang kanilang mga pag-aalinlangan, ngunit ang kanilang landasin ng pagkilos ay nagsisiwalat na sila’y talagang hindi naniniwala na ang dakilang araw na iyan ni Jehova ay malapit na. Nagbuhos sila ng pansin sa pagkakamal ng kayamanan sa halip na manatiling naghihintay kay Jehova.—Zefanias 1:12, 13; 3:8.
14 Hindi ngayon ang panahon upang mag-ugat sa ating mga puso ang pag-aalinlangan. Hindi isang katalinuhan na ipagpaliban sa ating isip o puso ang pagdating ng araw ni Jehova. (2 Pedro 3:1-4, 10) Dapat nating iwasan na umurong buhat sa pagsunod kay Jehova o ‘hayaang lumaylay ang ating mga kamay’ sa paglilingkuran sa kaniya. Kasali rito ang hindi “paggawa na may kamay na walang-sikap” sa ating pangangaral ng “mabuting balita.”—Kawikaan 10:4; Marcos 13:10.
Pinaglalabanan ang Kawalang-Interes
15. Ano ang maaaring magpabagal sa ating kamay sa paglilingkuran kay Jehova, at papaano patiunang sinabi ang suliraning ito sa hula ni Zefanias?
15 Ikalawa, dapat tayong maging listo laban sa nakapagpapahinang epekto ng kawalang-interes. Sa maraming bansa sa Kanluran, ang pagwawalang-bahala tungkol sa espirituwal na mga bagay ay maaaring maging isang sanhi ng pagkasira ng loob ng ilang mangangaral ng mabuting balita. Ang gayong kawalang-interes ay umiral noong kaarawan ni Zefanias. Ganito ang ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Ako’y magbibigay-pansin sa mga lalaki na . . . nagsasabi sa kanilang puso, ‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.’ ” (Zefanias 1:12) Sa pagsulat hinggil sa talatang ito sa Cambridge Bible for Schools and Colleges, sinabi ni A. B. Davidson na iyon ay tumutukoy sa mga tao na “nagpakababa sa kawalang-interes o maging sa di-paniniwala hinggil sa anumang pakikialam ng nakatataas na kapangyarihan sa mga gawain ng sangkatauhan.”
16. Anong kaisipan ang taglay ng maraming miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, subalit anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ni Jehova?
16 Ang kawalang-interes ang siyang malaganap na saloobin sa ngayon sa maraming panig ng lupa, lalo na sa mas nakaririwasang mga bansa. Maging ang mga miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay talagang hindi naniniwala na ang Diyos na Jehova ay makikialam sa mga gawain ng tao sa ating kaarawan. Ang ating mga pagsisikap na ipaabot sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ay kanilang pinagkikibitan ng balikat alinman sa pamamagitan ng alanganing ngiti o ng maikling tugon na “Hindi ako interesado!” Sa ganitong mga kalagayan, talagang isang hamon ang pagtitiyaga sa gawaing pagpapatotoo. Sinusubok nito ang ating pagbabata. Subalit sa pamamagitan ng hula ni Zefanias, pinalalakas ni Jehova ang kaniyang tapat na bayan, anupat sinasabi: “Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay. Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya dahil sa iyo nang may pagsasaya. Siya’y tatahimik sa kaniyang pag-ibig. Siya’y magagalak sa iyo taglay ang maliligayang sigaw.”—Zefanias 3:16, 17.
17. Anong mainam na halimbawa ang dapat tularan ng mga baguhan na kabilang sa mga ibang tupa, at papaano?
17 Isang katotohanan sa modernong-panahong kasaysayan ng bayan ni Jehova na ang mga nalabi, gayundin ang mga nakatatanda na kabilang sa mga ibang tupa, ay gumanap ng isang napakalaking gawaing pagtitipon sa mga huling araw na ito. Lahat ng tapat na mga Kristiyanong ito ay nagpakita ng pagbabata sa nakalipas na mga dekada. Hindi nila hinayaang masiraan sila ng loob dahil sa kawalang-interes ng karamihan sa Sangkakristiyanuhan. Kaya huwag nawang manghina ang loob ng mga baguhan sa mga ibang tupa dahil sa kawalang-interes sa espirituwal na mga bagay na lubhang palasak ngayon sa maraming lupain. Huwag nawa nilang hayaan na ‘lumaylay ang kanilang mga kamay,’ o magmabagal. Gamitin sana nila ang lahat ng pagkakataon upang iharap Ang Bantayan, Gumising!, at iba pang maiinam na publikasyon na pantanging dinisenyo upang tulungan ang mga taong tulad-tupa na matutuhan ang katotohanan tungkol sa araw ni Jehova at ang mga kasunod na pagpapala.
Humayo Habang Hinihintay ang Dakilang Araw!
18, 19. (a) Anong pampatibay-loob na magbata ang masusumpungan natin sa Mateo 24:13 at Isaias 35:3, 4? (b) Papaano tayo pagpapalain kung nagkakaisa tayong humahayo sa paglilingkuran kay Jehova?
18 Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Kaya, walang “mahinang mga kamay” o ‘gumigiray na mga tuhod’ habang hinihintay natin ang dakilang araw ni Jehova! (Isaias 35:3, 4) Ganito ang may-katiyakang sinasabi ng hula ni Zefanias hinggil kay Jehova: “Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas.” (Zefanias 3:17) Oo, ililigtas ni Jehova ang “malaking pulutong” hanggang sa huling bahagi ng “malaking kapighatian,” kapag iniutos niya sa kaniyang Anak na durugin ang pulitikal na mga bansa na nananatiling “nag-aastang mahangin” laban sa kaniyang bayan.”—Apocalipsis 7:9, 14; Zefanias 2:10, 11; Awit 2:7-9.
19 Habang papalapit ang dakilang araw ni Jehova, harinawang tayo’y humayong masigasig, na naglilingkod sa kaniya “nang balikatan”! (Zefanias 3:9) Sa paggawa nito, tayo mismo at marami pang iba ay mapapahanay sa mga ‘maikukubli sa araw ng galit ni Jehova’ at makasasaksi sa pagpapabanal ng kaniyang sagradong pangalan.
[Talababa]
a Para sa lubusang pagtalakay tungkol sa “dalisay na wika,” tingnan Ang Bantayan, Abril 1, 1991, pahina 20-5, at Mayo 1, 1991, pahina 10-20.
Sa Pagrerepaso
◻ Sa anu-anong paraan na ang relihiyosong kalagayan sa loob ng Sangkakristiyanuhan ay katumbas niyaong sa kaarawan ni Zefanias?
◻ Papaano nahahawig sa maraming pulitikal na mga lider sa ngayon ang sekular na “mga prinsipe” noong panahon ni Zefanias?
◻ Anong mga pangako sa Zefanias ang natupad sa mga nalabi?
◻ Ano ang naunawaan ng milyun-milyong tao?
◻ Bakit hindi natin dapat na hayaang lumaylay ang ating mga kamay sa paglilingkuran kay Jehova?
[Mga larawan sa pahina 15]
Tulad ni Zefanias, ang tapat na nalabi ng mga pinahirang Kristiyano ay walang-takot na naghahayag ng mga kahatulan ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 18]
Hindi hinayaan ng “ibang mga tupa” na masiraan sila ng loob dahil sa kawalang-interes ng mga tao