“Manatili Kayong Naghihintay sa Akin”
“‘Kaya manatili kayong naghihintay sa akin,’ ang kapahayagan ni Jehova.”—ZEFANIAS 3:8.
1. Anong babala ang ibinigay ni propeta Zefanias, at bakit interesado rito ang mga taong nabubuhay sa ngayon?
“MALAPIT NA ang dakilang araw ni Jehova.” Ito ang babalang hiyaw na binigkas ni propeta Zefanias noong kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E. (Zefanias 1:14) Sa loob ng 40 o 50 taon, natupad ang hula nang ang araw ng pagsasagawa ng mga kahatulan ni Jehova ay sumapit sa Jerusalem at sa mga bansang iyon na humamon sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng pagmamaltrato sa kaniyang bayan. Bakit interesado rito ang mga tao na nabubuhay sa pagtatapos ng ika-20 siglo? Nabubuhay tayo sa panahon na ang panghuling “dakilang araw” ni Jehova ay mabilis na dumarating. Katulad noong panahon ni Zefanias, ang “nag-aapoy na galit” ni Jehova ay maglalagablab na laban sa modernong-panahong katumbas ng Jerusalem—ang Sangkakristiyanuhan—at sa lahat ng bansa na nagmamaltrato sa bayan ni Jehova at humahamon sa kaniyang pansansinukob na soberanya.—Zefanias 1:4; 2:4, 8, 12, 13; 3:8; 2 Pedro 3:12, 13.
Zefanias—Isang Saksing May Lakas ng Loob
2, 3. (a) Ano ang nalalaman natin tungkol kay Zefanias, at ano ang nagpapahiwatig na siya ay isang may lakas ng loob na saksi ni Jehova? (b) Anong mga bagay ang nagpapangyaring matiyak natin ang panahon at lugar ng panghuhula ni Zefanias?
2 Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol kay propeta Zefanias, na ang pangalan (Hebreo, Tsephan·yah’) ay nangangahulugang “Ikinubli (Iningatan) ni Jehova.” Gayunman, di-tulad ng mga ibang propeta, inilaan ni Zefanias ang kaniyang talaangkanan hanggang sa ikaapat na salinlahi, mula kay “Hezekias.” (Zefanias 1:1; ihambing ang Isaias 1:1; Jeremias 1:1; Ezekiel 1:3.) Ito’y lubhang di-pangkaraniwan kung kaya kinilala ng maraming komentarista na ang kaniyang ninuno ay ang tapat na si Haring Hezekias. Kung siya nga, si Zefanias kung gayon ay mula sa maharlikang angkan, at ito’y lalong magpapatindi sa kaniyang mahigpit na pagtuligsa sa mga prinsipe ng Juda at nagpakita na siya ay isang may lakas ng loob na saksi at propeta ni Jehova. Ang kaniyang malawak na kaalaman sa topograpiya ng Jerusalem at sa kung ano ang nagaganap sa maharlikang korte ay nagpapahiwatig na maaaring ipinahayag niya ang mga kahatulan ni Jehova doon sa kabisera mismo.—Tingnan ang Zefanias 1:8-11, talababa (sa Ingles).
3 Kapansin-pansin din ang bagay na, bagaman ipinahayag ni Zefanias ang mga kahatulan ng Diyos laban sa sibilyang “mga prinsipe” ng Juda (mga maharlika, o pinuno ng mga tribo) at sa “mga anak ng hari,” kailanman ay hindi niya binanggit ang hari mismo sa kaniyang mga pagbatikos.a (Zefanias 1:8; 3:3) Nagpapahiwatig ito na ang kabataang si Haring Josias ay nagpakita na noon ng likas na pagkahilig sa dalisay na pagsamba, bagaman, dahil sa sitwasyon na tinuligsa ni Zefanias, maliwanag na hindi pa niya sinisimulan ang kaniyang mga reporma sa relihiyon. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na nanghula si Zefanias sa Juda noong mga unang taon ni Josias, na naghari mula noong 659 hanggang 629 B.C.E. Ang mapuwersang panghuhula ni Zefanias ay tiyak na nagpalawak sa kabatiran ni Josias tungkol sa idolatriya, karahasan, at katiwalian na palasak sa Juda nang panahong iyon at nagpasigla sa kaniyang kampanya nang dakong huli laban sa idolatriya.—2 Cronica 34:1-3.
Mga Dahilan ng Nag-aapoy na Galit ni Jehova
4. Sa anong mga salita ipinahayag ni Jehova ang kaniyang galit laban sa Juda at Jerusalem?
4 May mabuting dahilan si Jehova para magalit sa mga lider at mga mamamayan ng Juda at sa kabiserang lunsod nito na Jerusalem. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, ganito ang sabi niya: “Iuunat ko ang aking mga kamay laban sa Juda at laban sa lahat ng nananahanan sa Jerusalem, at puputulin ko mula sa dakong ito ang mga nalabi ng Baal, ang pangalan ng mga saserdote ng banyagang diyos kasama ng mga saserdote, at yaong mga yumuyukod sa ibabaw ng bubong sa hukbo ng mga langit, at yaong mga yumuyukod, anupat gumagawa ng ipinanatang sumpa kay Jehova at gumagawa ng ipinanatang sumpa kay Malcam.”—Zefanias 1:4, 5.
5, 6. (a) Ano ang relihiyosong situwasyon sa Juda noong panahon ni Zefanias? (b) Ano ang kalagayan ng mga sibilyang lider ng Juda at ng kanilang mga nasasakupan?
5 Ang Juda ay nadumhan ng mahahalay na ritwal sa pag-aanak na bahagi ng pagsamba kay Baal, makademonyong astrolohiya, at pagsamba sa paganong Diyos na si Malcam. Kung si Malcam ay siya ring si Molech, gaya ng ipinahihiwatig ng iba, kung gayon ay kasali sa huwad na pagsamba sa Juda ang karima-rimarim na paghahain ng mga bata. Ang gayong relihiyosong mga gawain ay kasuklam-suklam sa paningin ni Jehova. (1 Hari 11:5, 7; 14:23, 24; 2 Hari 17:16, 17) Lalo nila siyang ginalit yamang ang mga idolatroso ay gumagawa pa rin ng mga sumpa sa pangalan ni Jehova. Hindi na hahayaan pa ni Jehova ang gayong relihiyosong karumihan at lilipulin niya kapuwa ang pagano at apostatang mga saserdote.
6 Isa pa, ang mga sibilyang lider ay masasama. Ang kaniyang mga prinsipe ay tulad ng hayok na “mga leong umuungal,” at ang kaniyang mga hukom ay maihahalintulad sa gutom na gutom na “mga lobo.” (Zefanias 3:3) Ang kanilang mga nasasakupan ay nagkasala ng “pagpuno ng karahasan at panlilinlang sa bahay ng kanilang mga panginoon.” (Zefanias 1:9) Palasak ang materyalismo. Marami ang nagsasamantala sa situwasyon upang magkamal ng kayamanan.—Zefanias 1:13.
Mga Pag-aalinlangan Tungkol sa Araw ni Jehova
7. Gaano katagal na nanghula si Zefanias bago “ang dakilang araw ni Jehova,” at ano ang espirituwal na kalagayan ng maraming Judio?
7 Gaya ng naunawaan na natin, ang kapaha-pahamak na relihiyosong kalagayan noong kaarawan ni Zefanias ay nagpapakita na ginanap niya ang kaniyang gawain bilang saksi at propeta bago simulan ni Haring Josias ang kaniyang kampanya laban sa idolatriya, humigit-kumulang noong 648 B.C.E. (2 Cronica 34:4, 5) Malamang, kung gayon, na si Zefanias ay nanghula nang di-kukulangin sa 40 taon bago “ang dakilang araw ni Jehova” ay sumapit sa kaharian ng Juda. Sa pagitan nito, maraming Judio ang nag-alinlangan at ‘umurong’ sa paglilingkod kay Jehova, anupat nagwalang-bahala. Binabanggit ni Zefanias yaong mga “hindi humanap kay Jehova at hindi sumangguni sa kaniya.” (Zefanias 1:6) Maliwanag, ang mga tao sa Juda ay walang-interes, anupat walang anumang ginagawa para sa Diyos.
8, 9. (a) Bakit sisiyasatin ni Jehova ang “mga taong namumuo sa ibabaw ng kanilang mga latak”? (b) Sa anu-anong paraan bibigyang-pansin ni Jehova ang mga mamamayan ng Juda at ang kanilang sibilyan at relihiyosong mga lider?
8 Ipinaalam ni Jehova ang kaniyang layunin upang siyasatin yaong nag-aangkin na sila’y kaniyang bayan. Kabilang sa kaniyang tinaguriang mga mananamba, hahanapin niya yaong sa kanilang puso ay nag-aalinlangan sa kaniyang kakayahan o layunin na makialam sa mga gawain ng tao. Sinabi niya: “Magaganap sa panahong iyon na aking sasaliksiking maingat ang Jerusalem sa pamamagitan ng mga lampara, at bibigyan ko ng pansin ang mga taong namumuo sa ibabaw ng kanilang mga latak at nagsasabi sa kanilang puso, ‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.’ ” (Zefanias 1:12) Ang pananalitang “mga taong namumuo sa ibabaw ng kanilang mga latak” (isang pagbanggit tungkol sa paggawa ng alak) ay tumutukoy sa mga nanahimik na lamang, tulad ng mga latak sa ilalim ng tangke, at hindi ibig na magambala ng anumang kapahayagan ng napipintong pakikialam ng Diyos sa mga gawain ng sangkatauhan.
9 Bibigyang-pansin ni Jehova ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ang kanilang mga saserdote na naghalo ng paganismo sa pagsamba sa kaniya. Kung nakadarama sila ng katiwasayan, na para bang natatakpan ng kadiliman ng gabi sa loob ng mga pader ng Jerusalem, hahanapin niya sila sa pamamagitan ng maliliwanag na lampara na makatatagos sa espirituwal na kadiliman na kanilang pinagkanlungan. Yayanigin niya sila sa kanilang relihiyosong pagwawalang-bahala, una sa pamamagitan ng nakasisindak na mga mensahe ng kahatulan, pagkatapos ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kahatulang iyon.
“Malapit Na ang Dakilang Araw ni Jehova”
10. Papaano inilarawan ni Zefanias “ang dakilang araw ni Jehova”?
10 Kinasihan ni Jehova si Zefanias upang ipahayag: “Malapit na ang dakilang araw ni Jehova. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang nagmamadali. Ang ugong ng araw ni Jehova ay mapait.” (Zefanias 1:14) Mapapait na araw nga ang napipinto para sa lahat—mga saserdote, prinsipe, at sa bayan—na tumangging makinig sa babala at bumalik sa dalisay na pagsamba. Sa paglalarawan ng araw na iyan ng pagsasagawa ng kahatulan, nagpapatuloy ang hula: “Ang araw na iyon ay isang araw ng mainit na galit, isang araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, isang araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, isang araw ng kadiliman at ng kakulimliman, isang araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan, isang araw ng tambuli at ng babalang hudyat, laban sa nakukutaang mga lunsod at laban sa matataas na toreng panulok.”—Zefanias 1:15, 16.
11, 12. (a) Anong kahatulang mensahe ang ipinahayag laban sa Jerusalem? (b) Maililigtas ba ng materyal na kasaganaan ang mga Judio?
11 Sa loob ng mga dekadang mabilis na daraan, sasalakayin ng mga hukbo ng Babilonya ang Juda. Hindi makatatakas ang Jerusalem. Ang mga bahaging pamahayan at pangnegosyo nito ay mawawasak. “ ‘Magaganap sa araw na iyon,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘ang ingay ng paghiyaw buhat sa Pintuang-daan ng Isda, at ng pagpapalahaw mula sa ikalawang sangkapat, at ng malakas na pagbagsak mula sa mga burol. Pumalahaw kayo, kayong mga nananahanan sa Maktesh [isang bahagi ng Jerusalem], sapagkat ang lahat ng tao na mga negosyanteng lalaki ay pinatahimik; lahat niyaong tumitimbang ng pilak ay pinutol.’ ”—Zefanias 1:10, 11, talababa (sa Ingles).
12 Palibhasa’y ayaw maniwala na malapit na ang araw ni Jehova, maraming Judio ang labis na nasangkot sa mauunlad na negosyo. Subalit sa pamamagitan ng kaniyang tapat na propetang si Zefanias, inihula ni Jehova na ang kanilang kayamanan ay magiging bagay na “inagaw sa dahas at ang kanilang mga bahay ay para sa tiwangwang na kaguhuan.” Hindi sila iinom ng alak na kanilang ginawa, at “ni ang kanilang pilak man ni ang kanilang ginto [ay] makapagliligtas sa kanila sa araw ng mainit na galit ni Jehova.”—Zefanias 1:13, 18.
Hinatulan ang Ibang Bansa
13. Anong kahatulang mensahe ang ipinahayag ni Zefanias laban sa Moab, Ammon, at Asirya?
13 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, ipinahayag din ni Jehova ang kaniyang galit laban sa mga bansa na nagmaltrato sa kaniyang bayan. Ganito ang sabi niya: “ ‘Narinig ko ang pandurusta ng Moab at ang mapang-abusong mga salita ng mga anak ni Ammon, na kanilang ipinandusta sa aking bayan at patuloy na nag-astang mahangin laban sa kanilang teritoryo. Kaya nga, kung paanong ako’y buháy,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘ang Moab mismo ay magiging gaya ng Sodoma, at ang mga anak ni Ammon ay gaya ng Gomorra, isang dakong pagmamay-ari ng mga kulitis, at isang hukay ng asin, at isang tiwangwang na kaguhuan, maging hanggang sa panahong walang-takda. . . . At kaniyang iuunat ang kaniyang kamay pahilaga, at kaniyang wawasakin ang Asirya. At gagawin niyang isang tiwangwang na kaguhuan ang Nineve, isang walang-tubig na pook tulad ng ilang.’ ”—Zefanias 2:8, 9, 13.
14. Ano ang ebidensiya na ang mga banyagang bansa ay ‘nag-astang mahangin’ laban sa mga Israelita at sa kanilang Diyos, si Jehova?
14 Matagal nang kaaway ng Israel ang Moab at ang Ammon. (Ihambing ang Hukom 3:12-14.) Ang Batong Moabita, na nasa Louvre Museum sa Paris, ay nagtataglay ng sulat na may mapaghambog na pangungusap ng Moabitang si Haring Mesa. May pagmamapuri niyang inilahad ang pagkuha sa ilang Israelitang lunsod sa tulong ng kaniyang diyos na si Chemosh. (2 Hari 1:1) Si Jeremias, na kapanahon ni Zefanias, ay bumanggit tungkol sa pagsakop ng mga Ammonita sa Israelitang teritoryo ng Gad sa pangalan ng kanilang diyos na si Malcam. (Jeremias 49:1) Kung tungkol sa Asirya, kinubkob at sinakop ni Haring Shalmaneser V ang Samaria mga isang siglo bago ang panahon ni Zefanias. (2 Hari 17:1-6) Pagkaraan ng sandaling panahon, sinalakay ni Haring Sennacherib ang Juda, sinakop ang maraming nakukutaang mga lunsod nito, at pinagbantaan pa nga ang Jerusalem. (Isaias 36:1, 2) Talaga namang nag-astang mahangin ang tagapagsalita ng hari ng Asirya laban kay Jehova nang iginigiit ang pagsuko ng Jerusalem.—Isaias 36:4-20.
15. Papaano hihiyain ni Jehova ang mga diyos ng mga bansa na nag-astang mahangin laban sa kaniyang bayan?
15 Binabanggit ng Awit 83 ang ilang bansa, kasali ang Moab, Ammon, at Asirya, na nag-astang mahangin laban sa Israel, at may paghahambog na nagsabi: “Halikayo at ating pawiin sila buhat sa pagiging isang bansa, upang ang pangalan ng Israel ay hindi na maalaala pa.” (Awit 83:4) May lakas ng loob na ipinahayag ni propeta Zefanias na ang lahat ng mapagmataas na mga bansang ito at ang kanilang mga diyos ay hihiyain ni Jehova ng mga hukbo. “Ito ang tataglayin nila sa halip ng kanilang pagmamapuri, sapagkat sila’y nandusta at patuloy na nag-astang mahangin laban sa bayan ni Jehova ng mga hukbo. Si Jehova ay magiging kakila-kilabot laban sa kanila; sapagkat tiyak na pangangayayatin niya ang lahat ng mga diyos sa lupa, at ang mga tao ay yuyukod sa kaniya, bawat isa buhat sa kaniyang dako, lahat ng pulo ng mga bansa.”—Zefanias 2:10, 11.
“Manatili Kayong Naghihintay”
16. (a) Para kanino isang pinagmumulan ng kagalakan ang pagsapit ng araw ni Jehova, at bakit? (b) Ano ang pumupukaw na panawagan para sa mga tapat na nalabing ito?
16 Samantalang ang espirituwal na pananamlay, pag-aalinlangan, idolatriya, katiwalian, at materyalismo ay laganap sa mga lider at sa maraming mamamayan ng Juda at Jerusalem, maliwanag na may ilang tapat na Judio na nakinig sa mga babalang hula ni Zefanias. Ikinalungkot nila ang karima-rimarim na mga gawain ng mga prinsipe, hukom, at mga saserdote ng Juda. Ang mga kapahayagan ni Zefanias ay pinagmumulan ng kaaliwan para sa mga tapat na ito. Sa halip na maging sanhi ng panggigipuspos, ang pagsapit ng araw ni Jehova ay isang pinagmumulan ng kagalakan para sa kanila, sapagkat pahihintuin nito ang gayong kasuklam-suklam na mga gawain. Pinakinggan ng mga tapat na nalabing ito ang pumupukaw na panawagan ni Jehova: “ ‘Kaya manatili kayong naghihintay sa akin,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagtindig sa pagsamsam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit.’ ”—Zefanias 3:8.
17. Kailan at papaano nagsimulang matupad sa mga bansa ang mga kahatulang mensahe ni Zefanias?
17 Yaong mga nakinig sa babalang iyan ay hindi nagulat. Marami ang nanatiling buháy upang makita ang katuparan ng hula ni Zefanias. Noong 632 B.C.E., ang Nineve ay nasakop at nawasak ng nagsanib na mga taga-Babilonya, Medo, at ng mga pangkat buhat sa hilaga, marahil ang mga taga-Scythia. Ganito ang inilahad ng istoryador na si Will Durant: “Isang hukbo ng mga taga-Babilonya sa ilalim ni Nabopolassar ang nakiisa sa hukbo ng mga Medo sa ilalim ni Cyaxares at sa isang pangkat ng mga taga-Scythia buhat sa Caucasus, at magaan at mabilis na nabihag nila ang mga balwarte ng hilaga sa kamangha-manghang paraan. . . . Sa isang dagok ang Asirya ay nabura sa kasaysayan.” Ito ang eksaktong inihula ni Zefanias.—Zefanias 2:13-15.
18. (a) Papaano isinakatuparan sa Jerusalem ang banal na kahatulan, at bakit? (b) Papaano natupad ang hula ni Zefanias hinggil sa Moab at Ammon?
18 Maraming Judio na nanatiling naghihintay kay Jehova ay nabuhay rin upang makita ang pagpapatupad ng kaniyang mga kahatulan sa Juda at Jerusalem. Tungkol sa Jerusalem, ganito ang hula ni Zefanias: “Kaabahan sa kaniya na nagrerebelde at dinudumhan ang kaniyang sarili, ang mapaniil na lunsod! Hindi siya nakinig sa isang tinig; hindi siya tumanggap ng disiplina. Hindi siya nagtiwala kay Jehova. Hindi siya lumapit sa kaniyang Diyos.” (Zefanias 3:1, 2) Dahil sa kaniyang pagiging di-tapat, ang Jerusalem ay dalawang ulit na kinubkob ng mga taga-Babilonya at sa wakas ay nasakop at nawasak noong 607 B.C.E. (2 Cronica 36:5, 6, 11-21) Kung tungkol naman sa Moab at Ammon, ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang mga taga-Babilonya ay nakipagdigma at nanakop sa kanila noong ikalimang taon pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem. Kasunod nito ay hindi na sila umiral, gaya ng inihula.
19, 20. (a) Papaano ginantimpalaan ni Jehova yaong nanatiling naghihintay sa kaniya? (b) Bakit nasasangkot tayo sa mga pangyayaring ito, at ano ang isasaalang-alang sa kasunod na artikulo?
19 Ang katuparan nito at ng iba pang detalye ng hula ni Zefanias ay isang nakapagpapatibay-pananampalatayang karanasan para sa mga Judio at di-Judio na nanatiling naghihintay kay Jehova. Kabilang sa mga nakaligtas sa pagkawasak ng Juda at Jerusalem ay sina Jeremias, ang Etiopeng si Ebed-melech, at ang sambahayan ni Jonadab, ang Rekabita. (Jeremias 35:18, 19; 39:11, 12, 16-18) Ang tapat na mga Judiong napatapon at ang kanilang mga supling, na patuloy na naghintay kay Jehova, ay naging bahagi ng maliligayang nalabi na nakalaya buhat sa Babilonya noong 537 B.C.E. at nagsibalik sa Juda upang muling itatag ang dalisay na pagsamba.—Ezra 2:1; Zefanias 3:14, 15, 20.
20 Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa ating panahon? Sa maraming paraan ang sitwasyon noong kaarawan ni Zefanias ay katumbas ng kasuklam-suklam na mga bagay na nagaganap ngayon sa Sangkakristiyanuhan. Bukod dito, ang iba’t ibang saloobin ng mga Judio nang panahong iyon ay may pagkakahawig sa mga saloobin na masusumpungan sa ngayon, kung minsan maging sa gitna ng bayan ni Jehova. Ito ang mga tatalakayin sa kasunod na artikulo.
[Talababa]
a Lumilitaw na ang pananalitang “mga anak ng hari” ay tumutukoy sa lahat ng maharlikang mga prinsipe, yamang ang sariling mga anak ni Josias ay napakababata pa nang panahong iyon.
Bilang Repaso
◻ Ano ang relihiyosong sitwasyon sa Juda noong kaarawan ni Zefanias?
◻ Anong mga kalagayan ang umiiral sa mga sibilyang lider, at ano ang saloobin ng maraming tao?
◻ Papaano nag-astang mahangin ang mga bansa laban sa bayan ni Jehova?
◻ Anong babala ang ibinigay ni Zefanias sa Juda at sa ibang bansa?
◻ Papaano ginantimpalaan yaong nanatiling naghihintay kay Jehova?
[Larawan sa pahina 9]
Pinatutunayan ng Batong Moabita na si Haring Mesa ng Moab ay nangusap ng mapandustang mga salita laban sa sinaunang Israel
[Credit Line]
Batong Moabita: Musée du Louvre, Paris
[Larawan sa pahina 10]
Bilang suporta sa hula ni Zefanias, ang cuneiform na tapyas na ito ng Babylonian Chronicle ay nag-uulat ng pagwasak sa Nineve ng pinagsanib na mga hukbo
[Credit Line]
Tapyas na Cuneiform: Sa kagandahang-loob ng The British Museum