Malapit Na ang Araw ng Paghuhukom ni Jehova!
“Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.”—ZEFANIAS 1:14.
1. Anong babala ang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Zefanias?
ANG Diyos na Jehova ay malapit nang kumilos laban sa mga balakyot. Makinig! Ganito ang kaniyang babala: “Papawiin ko ang makalupang tao . . . lilipulin ko ang mga tao mula sa ibabaw ng lupain.” (Zefanias 1:3) Ang mga salitang iyan ng Soberanong Panginoong Jehova ay binigkas sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, marahil ang kaapu-apuhan ng tapat na si Haring Hezekias. Ang kapahayagang iyon, na ginawa noong kaarawan ng mabuting hari na si Josias, ay hindi nagbadya ng mabuti para sa mga balakyot na naninirahan sa lupain ng Juda.
2. Bakit ang mga ginawa ni Josias ay hindi nakapigil sa araw ng paghuhukom ni Jehova?
2 Ang panghuhula ni Zefanias ay walang pagsalang nagpalaki sa kamalayan ng kabataang si Josias hinggil sa pangangailangang alisin ang maruming pagsamba sa Juda. Subalit ang mga ginawa ng hari na pag-aalis sa huwad na relihiyon mula sa lupain ay hindi pumawi sa lahat ng kabalakyutan ng mga tao o nagbayad-sala sa mga kasalanan ng kaniyang lolo, si Haring Manases, na ‘pumuno sa Jerusalem ng dugong walang-sala.’ (2 Hari 24:3, 4; 2 Cronica 34:3) Kaya, ang araw ng paghuhukom ni Jehova ay tiyak na darating.
3. Paano tayo nakatitiyak na maaaring makaligtas sa “araw ng galit ni Jehova”?
3 Gayunman, may mga makaliligtas sa kakila-kilabot na araw na iyon. Kaya naman nanghimok ang propeta ng Diyos: “Bago ang batas ay magsilang ng anuman, bago ang araw ay dumaang gaya ng ipa, bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:2, 3) Taglay sa isipan ang pag-asang makaligtas sa araw ng paghuhukom ni Jehova, isaalang-alang natin ang aklat ng Zefanias sa Bibliya. Isinulat ito sa Juda bago ang 648 B.C.E. at ito ay bahagi ng “makahulang salita” ng Diyos na dapat na buong-pusong bigyang-pansin nating lahat.—2 Pedro 1:19.
Iniunat ni Jehova ang Kaniyang Kamay
4, 5. Paano natupad ang Zefanias 1:1-3 sa mga balakyot sa Juda?
4 “Ang salita ni Jehova” kay Zefanias ay nagpasimula sa babalang binanggit sa bandang unahan. Ipinahayag ng Diyos: “ ‘Walang pagsalang papawiin ko ang lahat ng bagay mula sa ibabaw ng lupa,’ ang sabi ni Jehova. ‘Papawiin ko ang makalupang tao at ang hayop. Papawiin ko ang lumilipad na nilalang sa langit at ang mga isda sa dagat, at ang mga katitisuran kasama ng mga balakyot; at lilipulin ko ang mga tao mula sa ibabaw ng lupain,’ ang sabi ni Jehova.”—Zefanias 1:1-3.
5 Oo, wawakasan ni Jehova ang labis na kabalakyutan sa lupain ng Juda. Sino ang gagamitin ng Diyos upang ‘pawiin ang lahat ng bagay mula sa ibabaw ng lupa’? Yamang lumilitaw na si Zefanias ay nanghula noong bandang pasimula ng pamamahala ni Haring Josias, na nagsimula noong 659 B.C.E., ang makahulang mga salitang iyon ay natupad sa pagkatiwangwang ng Juda at ng kabisera nito, ang Jerusalem, sa kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. Nang panahong iyon, ‘pinawi’ ang mga balakyot sa Juda.
6-8. Ano ang inihula sa Zefanias 1:4-6, at paano natupad ang hulang iyon sa sinaunang Juda?
6 Sa paghula sa gagawin ng Diyos laban sa huwad na mga mananamba, ang Zefanias 1:4-6 ay nagsasabi: “Iuunat ko ang aking kamay laban sa Juda at laban sa lahat ng tumatahan sa Jerusalem, at lilipulin ko mula sa dakong ito ang mga nalalabi ng Baal, ang pangalan ng mga saserdote ng mga banyagang diyos pati na ang mga saserdote, at yaong mga yumuyukod sa hukbo ng langit sa ibabaw ng mga bubong, at yaong mga yumuyukod, na nananata ng mga sumpa kay Jehova at nananata ng mga sumpa sa pamamagitan ni Malcam; at yaong mga lumalayo sa pagsunod kay Jehova at hindi humahanap kay Jehova at hindi sumasangguni sa kaniya.”
7 Iniunat ni Jehova ang kaniyang kamay laban sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem. Determinado siya na lipulin ang mga mananamba ng diyos ng pag-aanak ng mga Canaanita na si Baal. Ang iba’t ibang lokal na mga diyos ay tinawag na mga Baal sapagkat ang kanilang mga mananamba ay nag-aakalang sila ang may hawak at may impluwensiya sa partikular na mga lugar. Halimbawa, may Baal na sinamba ang mga Moabita at mga Midianita sa Bundok ng Peor. (Bilang 25:1, 3, 6) Sa buong Juda, lilipulin ni Jehova ang mga saserdote ni Baal, gayundin ang di-tapat na mga saserdoteng Levita na lumabag sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipagsamahan sa kanila.—Exodo 20:2, 3.
8 Lilipulin din ng Diyos ang mga ‘yumuyukod sa hukbo ng langit,’ na maliwanag na nagsasagawa ng astrolohiya at sumasamba sa araw. (2 Hari 23:11; Jeremias 19:13; 32:29) Ang galit ng Diyos ay pakakawalan din sa mga nagtatangkang paghaluin ang tunay na pagsamba at ang huwad na relihiyon sa pamamagitan ng ‘pananata ng mga sumpa kay Jehova at sa pamamagitan ni Malcam.’ Ang Malcam ay posibleng isa pang pangalan para kay Molec, ang pangunahing diyos ng mga Ammonita. Kalakip sa pagsamba kay Molec ang paghahain ng bata.—1 Hari 11:5; Jeremias 32:35.
Malapit Na ang Wakas ng Sangkakristiyanuhan!
9. (a) Ano ang kasalanan ng Sangkakristiyanuhan? (b) Di-gaya ng mga di-tapat sa Juda, ano ang dapat nating gawin nang may determinasyon?
9 Maaaring lubos na ipaalaala sa atin ng lahat ng ito ang tungkol sa Sangkakristiyanuhan, na punô ng huwad na pagsamba at astrolohiya. At tunay ngang kasuklam-suklam ang kaniyang papel sa pagsasakripisyo ng milyun-milyong buhay sa altar ng digmaan na suportado ng mga klero! Huwag nawa tayong maging kagaya kailanman ng mga di-tapat sa Juda, na ‘lumayo sa pagsunod kay Jehova,’ anupat nawalan ng interes at hindi na naghahanap pa sa kaniya o naghahangad ng kaniyang patnubay. Sa halip, panatilihin natin ang ating katapatan sa Diyos.
10. Paano mo ipaliliwanag ang makahulang kahulugan ng Zefanias 1:7?
10 Ang sumunod na mga salita ng propeta ay angkop kapuwa sa mga manggagawa ng kasamaan sa Juda at sa mga balakyot sa ating panahon. Sinasabi sa Zefanias 1:7: “Tumahimik ka sa harap ng Soberanong Panginoong Jehova; sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, sapagkat si Jehova ay naghanda ng isang hain; pinabanal niya ang kaniyang mga inanyayahan.” Lumilitaw na ang “mga inanyayahan” na ito ay ang mga Caldeo na kaaway ng Juda. Ang “hain” ay ang Juda mismo, pati na ang kabiserang lunsod nito. Gayon ipinahayag ni Zefanias ang layunin ng Diyos na puksain ang Jerusalem, at ang hulang ito ay tumutukoy rin sa pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan. Sa katunayan, yamang napakalapit na ngayon ng araw ng paghuhukom ng Diyos, ang lahat sa daigdig ay dapat na ‘tumahimik sa harap ng Soberanong Panginoong Jehova’ at makinig sa kaniyang sinasabi sa pamamagitan ng “munting kawan” ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus at ng kanilang mga kasamahan, ang kaniyang “ibang mga tupa.” (Lucas 12:32; Juan 10:16) Pagkalipol ang naghihintay sa lahat ng hindi makikinig at samakatuwid ay naninindigan laban sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Awit 2:1, 2.
Malapit Na—Isang Araw ng Pagpapalahaw!
11. Ano ang pinakadiwa ng Zefanias 1:8-11?
11 Hinggil sa araw ni Jehova, idinagdag pa ng Zefanias 1:8-11: “ ‘Mangyayari sa araw ng hain kay Jehova na pagtutuunan ko ng pansin ang mga prinsipe, at ang mga anak ng hari, at ang lahat ng nakabihis ng kagayakan ng banyaga. At pagtutuunan ko ng pansin ang lahat ng umaakyat sa plataporma sa araw na iyon, yaong mga pumupuno sa bahay ng kanilang mga panginoon sa pamamagitan ng karahasan at panlilinlang. At magkakaroon sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova, ‘ng ingay ng paghiyaw mula sa Pintuang-daan ng mga Isda, at ng pagpapalahaw mula sa ikalawang purok, at ng malakas na pagbagsak mula sa mga burol. Magpalahaw kayo, kayong mga tumatahan sa Maktes, sapagkat ang lahat ng mga taong negosyante ay pinatahimik; ang lahat ng nagtitimbang ng pilak ay nilipol.’ ”
12. Paanong ang ilan ay nasumpungang “nakabihis ng kagayakan ng banyaga”?
12 Si Haring Josias ay hahalinhan nina Jehoahaz, Jehoiakim, at Jehoiakin. Pagkatapos ay sasapit ang pamamahala ni Zedekias, na sa panahong iyon ay magaganap ang pagkawasak ng Jerusalem. Bagaman napapaharap sa gayong kapahamakan, lumilitaw na hinangad ng ilan na sila ay tanggapin ng karatig na mga bansa sa pamamagitan ng ‘pagbibihis ng kagayakan ng banyaga.’ Gayundin naman, sa iba’t ibang paraan ay ipinakikita ng marami sa ngayon na hindi sila bahagi ng organisasyon ni Jehova. Bilang mga napatunayang bahagi ng organisasyon ni Satanas, sila ay parurusahan.
13. Kasuwato ng hula ni Zefanias, ano ang mangyayari kapag sinalakay ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem?
13 Ang “araw na iyon” ng pagsusulit ng Juda ay katumbas ng araw ni Jehova upang isakatuparan ang hatol sa kaniyang mga kaaway, upang wakasan ang kabalakyutan, at upang patunayan ang kahigitan niya. Sa pagsalakay ng mga taga-Babilonya sa Jerusalem, may paghiyaw na magmumula sa Pintuang-daan ng mga Isda. Malamang na gayon ang ipinangalan dito sapagkat ito ay malapit sa pamilihan ng isda. (Nehemias 13:16) Ang mga hukbo ng Babilonya ay papasok sa lugar na tinatawag na ikalawang purok, at ang “malakas na pagbagsak mula sa mga burol” ay maaaring mangahulugan ng ingay ng papalapit na mga Caldeo. ‘Papalahaw’ ang mga nakatira sa Maktes, marahil doon sa gawing itaas ng Libis ng Tyropoeon. Bakit sila papalahaw? Sapagkat ang pangangalakal, pati na yaong sa ‘mga nagtitimbang ng pilak,’ ay hihinto na roon.
14. Gaano kalawak ang gagawing pagsusuri ng Diyos sa mga nag-aangking mananamba niya?
14 Gaano kalawak ang gagawing pagsusuri ni Jehova sa mga nag-aangking mananamba niya? Ang hula ay nagpapatuloy: “Mangyayari nga na sa panahong iyon ay maingat kong sasaliksikin ang Jerusalem sa pamamagitan ng mga lampara, at pagtutuunan ko ng pansin ang mga taong namumuo sa kanilang latak at nagsasabi sa kanilang puso, ‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.’ At ang kanilang yaman ay magiging ukol sa pangangamkam at ang kanilang mga bahay ay magiging tiwangwang na kaguhuan. At magtatayo sila ng mga bahay, ngunit hindi nila titirhan; at magtatanim sila ng mga ubasan, ngunit hindi nila iinumin ang alak ng mga iyon.”—Zefanias 1:12, 13.
15. (a) Ano ang mangyayari sa mga apostatang saserdote ng Jerusalem? (b) Ano ang naghihintay sa mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon sa ngayon?
15 Pinaghalo ng apostatang mga saserdote ng Jerusalem ang pagsamba kay Jehova at ang huwad na relihiyon. Bagaman sila’y nakadarama ng katiwasayan, hahanapin sila ng Diyos na parang sa pamamagitan ng maliliwanag na lampara na tatagos sa espirituwal na kadiliman na pinanganlungan nila. Walang makatatakas sa pagpapahayag at pagsasakatuparan ng hatol ng Diyos. Yaong mga kampanteng apostatang iyon ay tumining na gaya ng latak sa bandang ilalim ng sisidlan ng alak. Ayaw nilang magambala ng anumang kapahayagan na mamamagitan ang Diyos sa mga gawain ng tao, subalit hindi nila matatakasan ang pagsasakatuparan sa hatol ng Diyos sa kanila. Wala ring matatakasan ang mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon sa ngayon, pati na ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan at yaong mga nag-apostata mula sa pagsamba kay Jehova. Dahil itinatatwa na ito na nga ang “mga huling araw,” sinasabi nila sa kanilang puso, “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.” Maling-mali sila!—2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4, 10.
16. Ano ang mangyayari kapag isinakatuparan ang hatol ng Diyos sa Juda, at paano tayo dapat maapektuhan ng pagkaalam sa bagay na iyon?
16 Ang mga apostata sa Juda ay binabalaan na kakamkamin ng mga taga-Babilonya ang kanilang yaman, ititiwangwang ang kanilang mga tahanan, at kukunin ang mga bunga ng kanilang ubasan. Ang materyal na mga bagay ay mawawalan ng halaga kapag isinakatuparan na ang hatol ng Diyos sa Juda. Gayundin ang mangyayari kapag sumapit na ang araw ng paghuhukom ni Jehova sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Kung gayon, tayo nawa ay magkaroon ng espirituwal na pangmalas at ‘mag-imbak ng mga kayamanan sa langit’ sa pamamagitan ng laging inuuna sa ating buhay ang paglilingkod kay Jehova!—Mateo 6:19-21, 33.
“Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
17. Ayon sa Zefanias 1:14-16, gaano na kalapit ang araw ng paghuhukom ni Jehova?
17 Gaano na kalapit ang dakilang araw ng paghuhukom ni Jehova? Ayon sa Zefanias 1:14-16, ang Diyos ay nagbibigay ng ganitong katiyakan: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali. Ang ugong ng araw ni Jehova ay mapait. Doon ay bumubulalas ng sigaw ang isang makapangyarihang lalaki. Ang araw na iyon ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan, araw ng tambuli at ng babalang hudyat, laban sa mga nakukutaang lunsod at laban sa matataas na toreng panulok.”
18. Bakit hindi tayo dapat maghinuha na matatagalan pa bago maganap ang araw ng paghuhukom ni Jehova?
18 Binabalaan ang makasalanang mga saserdote, mga prinsipe, at mga mamamayan ng Juda na ang “dakilang araw ni Jehova ay malapit na.” Para sa Juda, ang ‘araw ni Jehova ay lubhang minamadali.’ Gayundin sa panahon natin, huwag isipin ng sinuman na ang pagsasakatuparan sa hatol ni Jehova sa balakyot ay matatagalan pa bago maganap. Sa halip, kung paanong mabilis na kumilos ang Diyos sa Juda, gayon niya ‘mamadaliin’ ang araw ng kaniyang paglipol. (Apocalipsis 16:14, 16) Talagang magiging mapait na panahon iyon para sa lahat ng nagwalang-bahala sa mga babala ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang mga Saksi at para sa mga hindi yumakap sa tunay na pagsamba!
19, 20. (a) Ano ang ilang nangyari nang ibuhos ng Diyos ang kaniyang galit sa Juda at Jerusalem? (b) Sa pagsasaalang-alang sa mapamiling pagpuksa na napapaharap sa sistemang ito ng mga bagay, anong mga tanong ang bumabangon?
19 Ang pagbubuhos ng Diyos sa kaniyang galit sa Juda at Jerusalem ay isang “araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos.” Ang mga nangubkob na taga-Babilonya ay nagdulot sa mga naninirahan sa Juda ng maraming pagdurusa, lakip na ang panggigipuspos ng isip sa harap ng kamatayan at pagkapuksa. Ang ‘araw na iyon ng bagyo at ng pagkatiwangwang’ ay isa na may kadiliman, mga ulap, at makapal na karimlan, marahil ay hindi lamang makasagisag kundi literal din, sapagkat ang usok at ang mga bangkay ay nagkalat sa lahat ng dako. Iyon ay “araw ng tambuli at ng babalang hudyat,” subalit walang kabuluhan ang pagbibigay ng mga babala.
20 Ang mga bantay ng Jerusalem ay walang kalaban-laban nang pabagsakin ng mga pambundol ng pader ng mga taga-Babilonya ang “matataas na toreng panulok.” Ang mga kuta ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay magiging walang-saysay rin laban sa mga sandata na nasa makalangit na arsenal ng Diyos, na nakahanda para gamitin niya nang maaga sa mapamiling pagpuksa. Umaasa ka bang makaligtas? Matatag ka na bang nanindigan sa panig ni Jehova, na ‘siyang nagbabantay sa lahat ng umiibig sa kaniya, ngunit siya ring lilipol sa lahat ng balakyot’?—Awit 145:20.
21, 22. Paano matutupad ang Zefanias 1:17, 18 sa ating panahon?
21 Kakila-kilabot nga na araw ng paghuhukom ang inihula sa Zefanias 1:17, 18! “Pipighatiin ko ang mga tao,” sabi ng Diyos na Jehova, “at lalakad silang gaya ng mga taong bulag; sapagkat nagkasala sila laban kay Jehova. At mabubuhos na gaya ng alabok ang kanilang dugo, at gaya ng dumi ang kanilang mga bituka. Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova; kundi sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang sigasig ay lalamunin ang buong lupa, sapagkat magsasagawa siya ng paglipol, isa nga na kahila-hilakbot, sa lahat ng tumatahan sa lupa.”
22 Gaya ng kaniyang ginawa sa mga kaarawan ni Zefanias, si Jehova ay malapit nang magdulot ng kabagabagan sa “lahat ng tumatahan sa lupa,” sa mga tumatangging makinig sa kaniyang babala. Sapagkat sila’y nagkasala laban sa Diyos, sila’y lalakad gaya ng kawawang mga taong bulag, na hindi makasusumpong ng kaligtasan. Sa araw ng paghuhukom ni Jehova, ang kanilang dugo ay “mabubuhos na gaya ng alabok,” na parang isang bagay na walang halaga. Tunay na magiging kahiya-hiya ang kanilang wakas, sapagkat pangangalatin ng Diyos ang mga katawan—maging ang mga lamang-loob—ng mga balakyot na ito sa ibabaw ng lupa, “gaya ng dumi.”
23. Bagaman ang mga manggagawa ng kasamaan ay hindi makatatakas “sa araw ng poot ni Jehova,” anong pag-asa ang ibinibigay ng hula ni Zefanias?
23 Walang sinuman ang makapagliligtas sa mga lumalaban sa Diyos at sa kaniyang bayan. Kahit ang pilak o ginto man ay hindi makapagliligtas sa mga manggagawa ng kasamaan sa Juda, maging ang mga itinagong yaman at mga suhol ay hindi makapaglalaan ng proteksiyon o pagtakas “sa araw ng poot ni Jehova” sa Sangkakristiyanuhan at sa nalalabing bahagi ng sistemang ito ng mga bagay. Sa araw ng pasiyang iyon, ‘ang buong lupa ay lalamunin’ ng apoy ng sigasig ng Diyos habang nililipol niya ang balakyot. Dahil may pananampalataya tayo sa makahulang salita ng Diyos, kumbinsido tayo na nasa dulong bahagi na tayo ngayon ng “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Ang araw ng paghuhukom ni Jehova ay malapit na, at di-magtatagal ay isasakatuparan niya ang paghihiganti sa kaniyang mga kaaway. Gayunman, ang hula ni Zefanias ay talagang nagbibigay ng pag-asa ng kaligtasan. Kung gayon, ano ang hinihiling sa atin kung nais nating makubli sa araw ng galit ni Jehova?
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natupad ang hula ni Zefanias sa Juda at Jerusalem?
• Ano ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan at sa lahat ng balakyot sa ating panahon?
• Bakit hindi natin dapat isipin na matatagalan pa bago maganap ang araw ng paghuhukom ni Jehova?
[Larawan sa pahina 13]
Buong-tapang na ipinahayag ni Zefanias na malapit na ang araw ng paghuhukom ni Jehova
[Credit Line]
Mula sa Self-Pronouncing Edition of the Holy Bible, na naglalaman ng mga bersiyong King James at Revised
[Larawan sa pahina 15]
Dumating ang araw ni Jehova sa Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E.
[Larawan sa pahina 16]
Umaasa ka bang makaligtas kapag pinuksa ng Diyos ang balakyot?