Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang dahilan kung kaya ang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” ay dumarating sa “bahay” ng tunay na pagsamba?—Hagai 2:7.
Sa pamamagitan ni propeta Hagai, inihula ni Jehova: “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.” (Hagai 2:7) Ang pag-uga ba sa “lahat ng mga bansa” ang dahilan kung kaya tinatanggap ng “mga kanais-nais na bagay” ng mga bansa—mga tapat-pusong indibiduwal—ang tunay na pagsamba? Ang sagot ay hindi.
Tingnan natin kung ano ang umuuga, o yumayanig, sa mga bansa at kung ano ang ibinubunga nito. Sinasabi ng Bibliya na “nagkakagulo ang mga bansa at ang mga liping pambansa ay patuloy na bumubulung-bulong ng walang-katuturang bagay.” (Awit 2:1) Ang “walang-katuturang bagay” na patuloy nilang ‘binubulung-bulong,’ o binubulay-bulay, ay ang pagpapanatili ng kanilang sariling soberanya. Wala nang higit na makapagpapauga sa kanila kundi ang anumang nagiging banta sa kanilang pamamahala.
Ang pandaigdig na pangangaral hinggil sa itinatag na Kaharian ng Diyos na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang naging mismong banta sa mga bansa. Sa katunayan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ni Jesu-Kristo ang ‘dudurog at wawasak sa lahat ng mga kahariang ito na gawa ng tao.’ (Daniel 2:44) Ang mensahe ng paghatol na kalakip sa ating pangangaral ay nagpapayanig sa mga bansa. (Isaias 61:2) At lalong tumitindi ang pag-uga habang lumalawak at nag-iibayo ang pangangaral. Ano ang ipinahihiwatig ng pag-ugang inihula sa Hagai 2:7?
Sa Hagai 2:6, mababasa natin: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lamang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa.’ ” Sa pagsipi sa talatang ito, isinulat ni apostol Pablo: “Nangako siya, na sinasabi: ‘At minsan pa nga ay yuyugyugin ko hindi lamang ang lupa kundi gayundin ang langit.’ Ngayon ang pananalitang ‘At minsan pa nga’ ay nangangahulugan ng pag-aalis sa mga bagay na niyayanig bilang mga bagay na ginawa, upang ang mga bagay na hindi niyayanig [ang Kaharian] ay manatili.” (Hebreo 12:26, 27) Oo, ang buong kasalukuyang sistema ng mga bagay ay dudurugin upang bigyang-daan ang bagong sanlibutang gagawin ng Diyos.
Naaakit ang tapat-pusong mga tao sa tunay na pagsamba hindi dahil sa inuuga, o niyayanig ang mga bansa. Ang gawaing nagpápalapít sa kanila kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya ay yaon ding gawaing nagpapauga sa mga bansa, samakatuwid nga, ang pandaigdig na pangangaral hinggil sa itinatag na Kaharian ng Diyos. Dahil sa paghahayag ng ‘masayang pabalita tungkol sa walang-hanggang mabuting balita,’ ang mga wastong nakaayon ay naaakit sa pagsamba sa tunay na Diyos.—Apocalipsis 14:6, 7.
Ang mensahe ng Kaharian ay mensahe ng paghatol at pagliligtas. (Isaias 61:1, 2) Dalawang bagay ang ibinubunga ng pandaigdig na pangangaral sa mensaheng ito: ang pag-uga sa mga bansa at ang pagdating ng mga kanais-nais na bagay ng mga bansa sa ikaluluwalhati ni Jehova.