ARALING ARTIKULO 4
Bakit Tayo Dumadalo sa Memoryal?
“Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—LUC. 22:19.
AWIT 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak
NILALAMANa
1-2. (a) Kailan natin lalo nang naaalala ang namatay nating mahal sa buhay? (b) Ano ang ginawa ni Jesus noong gabi bago siya mamatay?
KAHIT matagal nang namatay ang mga mahal natin sa buhay, naaalala pa rin natin sila. At karaniwan nang naaalala natin sila sa anibersaryo ng kamatayan nila.
2 Taon-taon, isa tayo sa milyon-milyong nagtitipon sa anibersaryo ng kamatayan ng isa sa pinakamamahal natin—si Jesu-Kristo. (1 Ped. 1:8) Ginagawa natin ito dahil inaalala natin na ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. (Mat. 20:28) Sa katunayan, gusto ni Jesus na alalahanin ng mga tagasunod niya ang kamatayan niya. Noong gabi bago siya mamatay, nagsaayos siya ng isang espesyal na hapunan at iniutos niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”b—Luc. 22:19.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Ang maliit na bilang ng dumadalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay may pag-asang mabuhay sa langit. Pero dumadalo rin sa Memoryal ang milyon-milyon na may pag-asang mabuhay sa lupa. Tatalakayin natin sa artikulong ito kung bakit pinananabikan ng dalawang grupong ito na dumalo sa Memoryal taon-taon. Aalamin din natin kung ano ang pakinabang natin sa pagdalo. Talakayin muna natin kung bakit dumadalo ang mga pinahiran.
KUNG BAKIT DUMADALO ANG MGA PINAHIRAN
4. Bakit nakikibahagi ang mga pinahiran sa tinapay at alak sa Memoryal?
4 Taon-taon, nananabik ang mga pinahiran na dumalo sa Memoryal para makibahagi sa tinapay at alak. Bakit? Para masagot iyan, tingnan natin ang nangyari noong huling gabi ni Jesus dito sa lupa. Pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, pinasimulan ni Jesus ang tinatawag ngayon na Hapunan ng Panginoon. Ipinasa niya ang tinapay at alak sa 11 tapat na apostol niya at sinabihan silang kumain at uminom. Binanggit sa kanila ni Jesus ang tungkol sa dalawang tipan, o kasunduan—ang bagong tipan at ang tipan para sa Kaharian.c (Luc. 22:19, 20, 28-30) Dahil sa mga tipang ito, naging posible para sa mga apostol at sa iba pang limitadong bilang ng mga tao na maging mga hari at saserdote sa langit. (Apoc. 5:10; 14:1) Ang natitirang mga pinahirand lang, na kabilang sa dalawang tipang ito, ang puwedeng makibahagi sa tinapay at alak sa Memoryal.
5. Ano ang alam ng mga pinahiran tungkol sa pag-asa na ibinigay sa kanila?
5 Ito pa ang isang dahilan kung bakit gustong-gusto ng mga pinahiran na dumalo sa Memoryal: Pagkakataon ito para mapag-isipan nila ang kanilang pag-asa. Binigyan sila ni Jehova ng napakagandang pag-asa—ang magkaroon ng imortal na buhay at di-nabubulok na katawan sa langit, ang maglingkod na kasama ng niluwalhating si Jesu-Kristo at ng iba pa na kabilang sa 144,000, at higit sa lahat, ang makita mismo ang Diyos na Jehova! (1 Cor. 15:51-53; 1 Juan 3:2) Alam ng mga pinahiran na inanyayahan sila para magkaroon ng ganiyang pag-asa sa langit. Pero bago sila tanggapin sa langit, dapat silang manatiling tapat hanggang kamatayan. (2 Tim. 4:7, 8) Masayang-masaya talaga ang mga pinahiran na pag-isipan ang kanilang makalangit na pag-asa. (Tito 2:13) Kumusta naman ang “ibang mga tupa”? (Juan 10:16) Bakit sila dumadalo sa Memoryal?
KUNG BAKIT DUMADALO ANG IBANG MGA TUPA
6. Bakit dumadalo ang ibang mga tupa sa Memoryal taon-taon?
6 Dumadalo ang ibang mga tupa sa Memoryal, hindi para makibahagi sa tinapay at alak, kundi para magmasid. Noong 1938, inanyayahan sa unang pagkakataon ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa na dumalo sa Memoryal. Sinabi ng The Watchtower ng Marso 1, 1938: “Tama lang na dumalo ang [ibang mga tupa] sa gayong pulong at magmasid. . . . Panahon din ito ng pagsasaya para sa kanila at dapat talaga silang magsaya.” Gaya ng mga naiimbitahan sa seremonya ng kasal na masayang nagmamasid, masaya rin ang ibang mga tupa na dumalo at magmasid sa Memoryal.
7. Bakit pinananabikan ng ibang mga tupa ang pahayag sa Memoryal?
7 Pinag-iisipan din ng ibang mga tupa ang kanilang pag-asa. Sabik na sabik silang mapakinggan ang pahayag sa Memoryal, kasi nakapokus ito sa gagawin ni Kristo at ng 144,000 na kasama niyang mamamahala para sa tapat na mga tao sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari. Sa ilalim ng pangunguna ng Haring si Jesu-Kristo, tutulong ang mga tagapamahalang iyon sa langit para gawing paraiso ang lupa at gawing perpekto ang lahat ng masunuring tao. Siguradong kapana-panabik para sa milyon-milyong tagapagmasid sa Memoryal na isipin ang katuparan ng mga hula sa Bibliya, gaya ng makikita sa Isaias 35:5, 6; 65:21-23; at Apocalipsis 21:3, 4. Kapag ini-imagine nila ang sarili nila at ang mga mahal nila sa buhay sa bagong sanlibutan, tumitibay ang kanilang pananampalataya sa pag-asa nila sa hinaharap at ang determinasyon nila na patuloy na paglingkuran si Jehova.—Mat. 24:13; Gal. 6:9.
8. Ano ang isa pang dahilan kung bakit dumadalo sa Memoryal ang ibang mga tupa?
8 Pag-usapan natin ang isa pang dahilan kung bakit dumadalo sa Memoryal ang ibang mga tupa. Gusto nilang ipakita ang pag-ibig at suporta nila para sa mga pinahiran. Inihula ng Salita ng Diyos na magkakaroon ng malapít na ugnayan ang mga pinahiran at ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa. Paano? Tingnan natin ang ilang halimbawa.
9. Ano ang ipinapakita ng hula sa Zacarias 8:23 tungkol sa damdamin ng ibang mga tupa sa mga pinahiran?
9 Basahin ang Zacarias 8:23. Napakaganda ng pagkakalarawan ng hulang ito tungkol sa damdamin ng ibang mga tupa sa kanilang mga kapatid na pinahiran. Ang mga salitang “isang Judio” at “sa inyo” ay tumutukoy sa isang grupo—ang natitirang mga pinahiran. (Roma 2:28, 29) Ang “10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay tumutukoy sa ibang mga tupa. ‘Mahigpit silang nakahawak’ sa mga pinahiran. Ibig sabihin, tapat silang sumasama sa mga pinahiran sa dalisay na pagsamba. Kaya naman dumadalo ang ibang mga tupa sa Memoryal para ipakitang malapít ang kaugnayan nila sa mga pinahiran.
10. Paano tinupad ni Jehova ang hula sa Ezekiel 37:15-19, 24, 25?
10 Basahin ang Ezekiel 37:15-19, 24, 25. Tinupad ni Jehova ang hulang ito nang pagkaisahin niya ang mga pinahiran at ibang mga tupa. May dalawang patpat na binabanggit sa hula. Ang mga may pag-asang mabuhay sa langit ay gaya ng patpat “para kay Juda” (ang tribo kung saan pinipili ang mga hari sa Israel), at ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay gaya ng patpat “ni Efraim.”e Pagkakaisahin ni Jehova ang dalawang grupong ito para gawin silang “iisang patpat.” Ibig sabihin, nagkakaisa silang naglilingkod sa ilalim ng isang Hari, si Kristo Jesus. Taon-taon, dumadalo ang mga pinahiran at ibang mga tupa sa Memoryal, hindi bilang magkahiwalay na grupo, kundi bilang “iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.”—Juan 10:16.
11. Ano ang pangunahing paraan para maipakita ng “mga tupa” na binanggit sa Mateo 25:31-36, 40 na sinusuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo?
11 Basahin ang Mateo 25:31-36, 40. Ang “mga tupa” na binabanggit dito ni Jesus ay tumutukoy sa mga matuwid sa panahon ng wakas. Sila rin ang ibang mga tupa na may pag-asang mabuhay sa lupa. Matapat nilang sinusuportahan ang natitirang mga kapatid ni Kristo. Ipinapakita nila ito pangunahin na, sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila para maisagawa ang isang napakalaking atas—ang pangangaral at paggawa ng alagad sa buong mundo.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
12-13. Paano pa ipinapakita ng ibang mga tupa na sinusuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo?
12 Taon-taon, mga ilang linggo bago ang Memoryal, ipinapakita ng ibang mga tupa na sinusuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo. Lubusan silang nakikibahagi sa isang kampanya sa buong mundo para imbitahan sa Memoryal ang mga interesado. (Tingnan ang kahong “Nagpaplano Ka Ba Para sa Memoryal?”) Tinitiyak din nila na maidaraos ng lahat ng kongregasyon sa buong mundo ang Memoryal, kahit walang pinahiran sa karamihan ng kongregasyon. Masayang-masaya ang ibang mga tupa na suportahan ang mga kapatid ni Kristo sa ganitong mga paraan. Alam ng mga tupang ito na ang ginagawa nila para sa mga pinahiran ay itinuturing ni Jesus na parang sa kaniya na rin nila ginagawa.—Mat. 25:37-40.
13 Ano pa ang ilang dahilan kung bakit tayo dumadalo sa Memoryal anuman ang pag-asa natin?
KUNG BAKIT TAYO DUMADALO
14. Paano ipinakita ni Jehova at ni Jesus ang dakilang pag-ibig nila sa atin?
14 Nagpapasalamat tayo sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus sa atin. Ipinapakita ni Jehova ang pag-ibig niya sa atin sa maraming paraan. Pero ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa atin ay nang isugo niya ang kaniyang pinakamamahal na Anak para magdusa at mamatay para sa atin. (Juan 3:16) Alam din natin na ganoon na lang tayo kamahal ni Jesus dahil kusang-loob niyang ibinigay ang buhay niya para sa atin. (Juan 15:13) Hindi natin matutumbasan ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Pero maipapakita nating nagpapasalamat tayo sa kanila sa paraan ng pamumuhay natin araw-araw. (Col. 3:15) At dumadalo tayo sa Memoryal para mapag-isipan ang pag-ibig nila sa atin at maipakita ang pag-ibig natin sa kanila.
15. Bakit parehong pinapahalagahan ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa ang regalong pantubos?
15 Napakahalaga sa atin ng regalong pantubos. (Mat. 20:28) Pinapahalagahan ng mga pinahiran ang pantubos, dahil ito ang daan para magkaroon sila ng pag-asang mabuhay sa langit. Nanampalataya sila sa sakripisyo ni Kristo, kaya ipinahayag silang matuwid ni Jehova at inampon bilang kaniyang mga anak. (Roma 5:1; 8:15-17, 23) Nagpapasalamat din ang ibang mga tupa sa pantubos. Dahil nananampalataya sila sa itinigis na dugo ni Kristo, mayroon silang malinis na katayuan sa harap ng Diyos, nakakagawa sila ng sagradong paglilingkod sa kaniya, at may pag-asa silang “lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apoc. 7:13-15) Kaya para maipakita ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa ang kanilang pagpapahalaga sa pantubos, dumadalo sila sa Memoryal taon-taon.
16. Ano ang isa pang dahilan kung bakit tayo dumadalo sa Memoryal?
16 Ang isa pang dahilan kung bakit tayo dumadalo sa Memoryal ay dahil gusto nating sundin si Jesus. Anuman ang pag-asa natin sa hinaharap, gusto nating sundin ang utos ni Jesus noong gabing pasimulan niya ang Memoryal: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—1 Cor. 11:23, 24.
KUNG PAANO TAYO NAKIKINABANG SA PAGDALO
17. Paano nakakatulong ang Memoryal para lalo tayong mapalapít kay Jehova?
17 Lalo tayong napapalapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Gaya ng natutuhan natin, nagbibigay sa atin ng pagkakataon ang Memoryal para pag-isipan ang tiyak na pag-asang ibinigay sa atin ni Jehova at bulay-bulayin ang dakilang pag-ibig na ipinakita niya sa atin. (Jer. 29:11; 1 Juan 4:8-10) Kapag pinag-iisipan natin ang mga ito, lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at tumitibay ang kaugnayan natin sa kaniya.—Roma 8:38, 39.
18. Paano nakakatulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa halimbawa ni Jesus?
18 Napapakilos tayo na tularan ang halimbawa ni Jesus. (1 Ped. 2:21) Ilang araw bago ang Memoryal, binabasa natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa huling linggo ni Jesus sa lupa, kamatayan niya, at pagkabuhay-muli. At sa gabi ng Memoryal, ipinapaalala ng pahayag kung gaano tayo kamahal ni Jesus. (Efe. 5:2; 1 Juan 3:16) Habang binabasa at binubulay-bulay natin ang sakripisyo ni Jesus, napapakilos tayong “patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon.”—1 Juan 2:6.
19. Paano tayo mananatili sa pag-ibig ng Diyos?
19 Nagiging mas determinado tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos. (Jud. 20, 21) Mananatili tayo sa pag-ibig ng Diyos kung gagawin natin ang lahat para sundin siya, pabanalin ang pangalan niya, at pasayahin ang puso niya. (Kaw. 27:11; Mat. 6:9; 1 Juan 5:3) Kapag dumadalo tayo sa Memoryal, mas nagiging determinado tayo na mamuhay araw-araw na parang sinasabi natin kay Jehova, ‘Gusto kong manatili sa pag-ibig mo magpakailanman!’
20. Ano ang magagandang dahilan kung bakit dumadalo tayo sa Memoryal?
20 Sa langit man o sa lupa ang pag-asa nating mabuhay sa hinaharap, may magaganda tayong dahilan para dumalo sa Memoryal. Kapag nagtitipon-tipon tayo taon-taon sa panahong iyon, inaalala natin ang kamatayan ng isa na minamahal natin, si Jesu-Kristo. At higit sa lahat, inaalala natin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig—ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova nang ibigay niya ang kaniyang Anak bilang pantubos. Sa taóng ito, gaganapin ang Memoryal sa gabi ng Biyernes, Abril 15, 2022. Mahal natin si Jehova at ang kaniyang Anak, kaya sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesus, wala nang ibang pinakamahalagang gawin kundi ang dumalo sa Memoryal.
AWIT 16 Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Pinahiran
a Sa langit man o sa paraisong lupa ang pag-asa natin, nananabik tayong dumalo sa Memoryal taon-taon. Tatalakayin sa artikulong ito ang mga dahilan kung bakit tayo dumadalo sa Memoryal at kung paano tayo makikinabang sa pagdalo.
b Isinalin ang mga salitang ito na “Gawin ninyo ito bilang paggunita sa akin” (Today’s English Version) at “Gawin ninyo ito bilang memoryal para sa akin” (The Jerusalem Bible).
c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa bagong tipan at sa tipan para sa Kaharian, tingnan ang artikulong “Kayo ay Magiging ‘Isang Kaharian ng mga Saserdote’” sa Oktubre 15, 2014, isyu ng Bantayan, p. 15-17.
d KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pananalitang natitirang mga pinahiran ay tumutukoy sa pinahirang mga Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa.
e Para sa higit pang impormasyon sa hula tungkol sa dalawang patpat sa Ezekiel kabanata 37, tingnan ang Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova, p. 130-135, par. 3-17.