FEATURE
Ang Tiro
ANG kasaysayan ng Tiro ay nagsisilbing isang mahusay na halimbawa ng katuparan ng mga hula sa Bibliya. Una, ang lunsod na nasa mismong kontinente ay bumagsak; pagkatapos, ang pulong lunsod ay winasak. Kapuwa inihula ang mga pangyayaring ito.
Noong mga araw ni David at ni Solomon, may mapayapang ugnayan sa pagitan ng Israel at Tiro. (1Cr 14:1; 1Ha 9:10, 11) Ngunit ang mga taga-Tiro ay mga mananamba nina Melkart at Astarte. Abalang-abala ang Tiro sa komersiyo. Habang umuunlad ito, lalo naman itong nagiging palalo. Naging mananalansang ito ni Jehova, at humula ang mga propeta ni Jehova ng kapahamakan para sa Tiro.
Kinubkob ni Nabucodonosor II ang lunsod. Pagkaraan ng maraming taon, parang wala nang kabuluhan ang magpatuloy pa siya. Ngunit nagtiyaga siya hanggang sa bumagsak ang Tiro pagkatapos ng 13 taon, sa gayon ay natupad ang hula sa Bibliya na nagsabing siya ang lulupig dito.—Eze 26:7-12.
Nang maglaon, si Zacarias ay muling humula ng pagkawasak ng Tiro, ngunit para naman ito sa pulong lunsod. Upang marating ito, hinakot ni Alejandrong Dakila ang mga guho ng lunsod na nasa mismong kontinente upang makagawa ng isang daanan; nagtayo siya ng pagkalaki-laking mga toreng pangubkob. Bagaman ang mga pader ng Tiro ay may taas na 46 na m (150 piye), ang hula ay natupad.—Zac 9:3, 4; Eze 26:4, 12.