Si Jehova ay Maibigin sa Katarungan
“Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan.”—ISAIAS 61:8.
1, 2. (a) Ano ang kahulugan ng mga salitang “katarungan” at “kawalang-katarungan”? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil kay Jehova at sa kaniyang pagiging makatarungan?
ANG katarungan ay binibigyang-katuturan bilang ‘ang katangian ng pagiging walang pinapanigan at patas, anupat gumagawi kaayon ng katuwiran at kabutihan.’ Ang kawalang-katarungan naman ay ang pagiging di-patas, nagtatangi, at masama, anupat namiminsala sa kapuwa nang walang dahilan.
2 Halos 3,500 taon na ang nakalilipas, ganito ang isinulat ni Moises hinggil kay Jehova, ang Soberano ng Sansinukob: “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Makalipas ang mahigit 700 taon, kinasihan ng Diyos si Isaias na isulat ang mga salitang ito: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan.” (Isaias 61:8) Pagkatapos, noong unang siglo, ibinulalas ni Pablo: “May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang magkagayon!” (Roma 9:14) At nang siglo ring iyon, sinabi naman ni Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Oo, “si Jehova ay maibigin sa katarungan.”—Awit 37:28; Malakias 3:6.
Laganap ang Kawalang-Katarungan
3. Paano nagsimula ang kawalang-katarungan sa lupa?
3 Nawawala na ngayon ang katarungan. Maaari tayong maging biktima ng kawalang-katarungan sa lahat ng pitak ng buhay—sa ating pinagtatrabahuhan, sa paaralan, sa ating pakikitungo sa mga opisyal, at sa iba pang paraan—maging sa loob ng pamilya. Pero hindi na bago ang gayong kawalang-katarungan. Nararanasan na ito ng mga tao mula pa nang maghimagsik at lumabag sa batas ang ating unang mga magulang, palibhasa’y inudyukan sila ng mapaghimagsik na espiritung nilalang na naging Satanas na Diyablo. Talagang hindi makatarungang abusuhin nina Adan, Eva, at Satanas ang kanilang kalayaang magpasiya, isang kamangha-manghang regalo mula kay Jehova. Ang maling paggawi nila ay nagdulot ng napakatinding pagdurusa at kamatayan sa buong sangkatauhan.—Genesis 3:1-6; Roma 5:12; Hebreo 2:14.
4. Gaano na katagal nararanasan ng mga tao ang kawalang-katarungan?
4 Mga 6,000 taon nang nararanasan ng mga tao ang kawalang-katarungan mula nang maganap ang paghihimagsik sa Eden. Hindi ito nakapagtataka sapagkat si Satanas ang diyos ng sanlibutang ito. (2 Corinto 4:4) Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan, isang maninirang-puri at salansang kay Jehova. (Juan 8:44) Noon pa man, siya na ang nasa likod ng sobrang kawalang-katarungan. Halimbawa, dahil na rin sa napakasamang impluwensiya ni Satanas bago ang Baha noong panahon ni Noe, nakita ng Diyos na “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” (Genesis 6:5) Ganiyan din ang situwasyon noong panahon ni Jesus. Sinabi niya: “Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan,” samakatuwid nga, ang sarili nitong nakapipighating mga problema, gaya ng kawalang-katarungan. (Mateo 6:34) Tamang-tama ang sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”—Roma 8:22.
5. Bakit mas marami ang kawalang-katarungan sa ngayon kaysa noon?
5 Malaon na ngang nararanasan ng mga tao ang masasamang bagay dahil sa sobrang kawalan ng katarungan. Pero mas malala pa ang situwasyon sa ngayon. Bakit? Sapagkat ang kasalukuyang masamang sistemang ito ng mga bagay ay nasa “mga huling araw” na nito sa loob ng maraming dekada, anupat nararanasan natin ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” habang papalapit na ang wakas nito. Inihula ng Bibliya na sa yugtong ito ng kasaysayan, ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang masasamang ugaling gaya ng mga ito ang dahilan ng lahat ng uri ng kawalang-katarungan.
6, 7. Anong sukdulang kawalang-katarungan ang dinaranas ng mga tao sa ating panahon?
6 Sa nakalipas na sandaang taon, umabot na sa sukdulan ang kawalang-katarungan. Ang isang dahilan ay sapagkat sa mga panahong ito naganap ang napakaraming digmaan. Halimbawa, tinataya ng ilang istoryador na noong Digmaang Pandaigdig II lamang, mga 50 milyon hanggang 60 milyon katao ang namatay, karamihan sa mga ito ay mga sibilyan—inosenteng mga lalaki, babae, at mga bata. Mula nang matapos ang digmaang iyon, milyun-milyon pa ang namatay sa iba’t ibang labanan, at muli, karamihan sa mga ito ay sibilyan. Si Satanas ang nagtutulak sa mga tao na gumawa ng gayong kawalang-katarungan dahil sa kaniyang matinding galit, palibhasa’y alam niyang malapit na siyang lubusang talunin ni Jehova. Sinasabi ng hula ng Bibliya: “Ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
7 Sa kasalukuyan, mga isang trilyong dolyar ang ginagastos ng militar taun-taon sa buong daigdig. Daan-daang milyon katao ang nagdarahop, kaya isip-isipin na lamang ang magiging pakinabang kung gagamitin sana ang lahat ng salaping iyon sa mga bagay na nagtataguyod ng kapayapaan. Mga isang bilyon katao ang walang sapat na makain, samantalang ang iba naman ay nananagana. Ayon sa nakuhang impormasyon ng United Nations, mga limang milyong bata ang namamatay sa gutom taun-taon. Talaga ngang di-makatarungan! Isip-isipin din ang maraming sanggol na ipinalalaglag—tinatayang mga 40 milyon hanggang 60 milyon taun-taon! Nakapanghihilakbot ngang kawalan ng katarungan!
8. Sa anong paraan lamang makakamit ng mga tao ang tunay na katarungan?
8 Hindi malutas ng mga taong tagapamahala ang mabibigat na problemang nagpapahirap sa sangkatauhan sa ngayon; ni bubuti man ang situwasyon kahit magsikap pa ang mga tao. Inihula ng Salita ng Diyos na sa ating panahon, “ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:13) Bahagi na ng lipunan ang kawalang-katarungan kaya hindi na ito malulutas ng mga tao. Tanging ang Diyos ng katarungan lamang ang makalulutas nito. Tanging siya lamang ang makapag-aalis kay Satanas, sa mga demonyo, at sa masasamang tao.—Jeremias 10:23, 24.
Natural Lamang na Mabahala
9, 10. Bakit nasiraan ng loob si Asap?
9 Noon, maging ang ilang manunulat ng Bibliya ay nagtataka kung bakit hindi kaagad namagitan ang Diyos sa mga gawain ng tao at hindi niya agad pinairal ang tunay na katarungan at katuwiran. Kuning halimbawa ang isang lalaki noong panahon ng Bibliya. Mababasa sa superskripsiyon ng Awit 73 ang pangalang Asap, na maaaring tumutukoy sa prominenteng manunugtog na Levita noong namamahala si Haring David o sa mga manunugtog sa sambahayan, na pinangangasiwaan ni Asap bilang ulo sa panig ng ama. Si Asap at ang kaniyang mga inapo ay kumatha ng maraming musika na ginamit sa pangmadlang pagsamba. Pero may pagkakataong nanghina sa espirituwal ang kumatha ng awit na ito. Nakita niyang yumayaman ang masasamang tao, at napansin niyang tila kadalasan nang kontento sila sa kanilang buhay, anupat walang anumang problema.
10 Mababasa natin: “Nainggit ako sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot. Sapagkat wala silang nakamamatay na mga hapdi; at ang kanilang tiyan ay matataba. Wala man lamang sila sa kabagabagan ng taong mortal, at hindi sila sinasalot na katulad ng ibang mga tao.” (Awit 73:2-8) Pero nang dakong huli, napag-isip-isip ng manunulat na iyon ng Bibliya na mali ang gayong negatibong saloobin. (Awit 73:15, 16) Sinikap ng salmista na baguhin ang kaniyang kaisipan, pero hindi niya lubusang maunawaan kung bakit hindi naparurusahan ang masasamang tao sa mali nilang ginagawa, samantalang ang mga taong matuwid naman ay kadalasan nang nagdurusa.
11. Ano ang natanto ng salmistang si Asap?
11 Nang maglaon, natanto ng sinaunang tapat na lalaking iyon ang kahihinatnan ng masasamang tao—na itutuwid ni Jehova ang mga bagay-bagay sa dakong huli. (Awit 73:17-19) Sumulat si David: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”—Awit 37:9, 11, 34.
12. (a) Ano ang layunin ni Jehova may kinalaman sa labis na kasamaan at kawalang-katarungan? (b) Ano ang masasabi mo sa solusyong iyan hinggil sa kawalang-katarungan?
12 Talagang layunin ni Jehova na alisin sa lupa ang labis na kasamaan at ang kakambal nitong kawalang-katarungan sa kaniyang takdang panahon. Iyan ang dapat na laging isaisip maging ng tapat na mga Kristiyano. Pupuksain ni Jehova ang mga sumasalungat sa kaniyang kalooban, at gagantimpalaan niya ang mga namumuhay kaayon nito. “Ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao. Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa. Magpapaulan siya sa mga balakyot ng mga bitag, apoy at asupre at nakapapasong hangin . . . Sapagkat si Jehova ay matuwid; iniibig niya ang matuwid na mga gawa.”—Awit 11:4-7.
Isang Makatarungang Bagong Sanlibutan
13, 14. Bakit iiral ang katuwiran at katarungan sa bagong sanlibutan?
13 Kapag winasak na ni Jehova ang di-makatarungang sistemang ito ng mga bagay na kontrolado ni Satanas, paiiralin na Niya ang maluwalhating bagong sanlibutan. Pamamahalaan ito ng makalangit na Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. Ang labis na kasamaan at kawalang-katarungan ay mapapalitan ng katuwiran at katarungan, at sa panahong iyon ay masasagot ang panalangin sa ganap na diwa nito: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
14 Sinasabi ng Bibliya kung anong uri ng pamamahala ang maaasahan natin, isang pamamahala na pinananabikan ngayon ng tapat-pusong mga tao. Sa gayo’y lubusan nang matutupad ang sinasabi ng Awit 145:16: “Binubuksan mo [Diyos na Jehova] ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” Bukod diyan, sinasabi sa Isaias 32:1: “Narito! Isang hari [si Kristo Jesus sa langit] ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe [mga kinatawan ni Kristo sa lupa], mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.” May kinalaman sa haring si Jesu-Kristo, inihula ng Isaias 9:7: “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” Nakikini-kinita mo ba ang iyong sarili na namumuhay bilang sakop ng makatarungang pamamahalang iyon?
15. Ano ang gagawin ni Jehova para sa sangkatauhan sa bagong sanlibutan?
15 Sa bagong sanlibutan ng Diyos, wala na tayong dahilan para sabihin pa ang nasa Eclesiastes 4:1: “Ako ay nagbalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.” Totoo, mahirap gunigunihin ng ating di-sakdal na isipan kung gaano kaganda ang buhay sa bagong sanlibutang iyon ng katuwiran. Wala nang kasamaan; sa halip, ang bawat araw ay mapupunô ng mabubuting bagay. Oo, itutuwid ni Jehova ang lahat ng mali, at gagawin niya ito nang higit pa sa ating inaasahan. Angkop ngang kasihan ng Diyos na Jehova si apostol Pedro na isulat: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran”!—2 Pedro 3:13.
16. Paano masasabing naitatag na ang “mga bagong langit,” at sa anong diwa inihahanda ang “bagong lupa” sa ngayon?
16 Oo, ang “mga bagong langit,” ang makalangit na pamahalaan ng Diyos na pinamumunuan ni Kristo, ay naitatag na. Ang mga bubuo sa pundasyon ng “bagong lupa,” ang bagong makalupang lipunan na binubuo ng mga taong matuwid, ay tinitipon na sa mga huling araw na ito. Halos pitong milyon na sila sa di-kukulangin 235 lupain, at kabilang sila sa mga 100,000 kongregasyon. Natututuhan ng milyun-milyong ito ang matuwid at makatarungang mga daan ni Jehova, kaya naman nabubuklod sila ng Kristiyanong pag-ibig sa buong daigdig. Ang kanilang pagkakaisa ang pinakakapansin-pansin at namamalagi sa kasaysayan ng daigdig, pagkakaisang hindi nararanasan ng mga sakop ni Satanas. Ang gayong pag-ibig at pagkakaisa ay patikim pa lamang ng darating na kamangha-manghang panahon sa bagong sanlibutan ng Diyos, na pamamahalaan sa makatuwiran at makatarungang paraan.—Isaias 2:2-4; Juan 13:34, 35; Colosas 3:14.
Mabibigo ang Pagsalakay ni Satanas
17. Bakit tiyak na mabibigo ang panghuling pagsalakay ni Satanas sa bayan ni Jehova?
17 Malapit nang sumalakay si Satanas at ang kaniyang kampon para lipulin ang mga mananamba ni Jehova. (Ezekiel 38:14-23) Bahagi ito ng tinatawag ni Jesus na “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Magtatagumpay kaya ang pagsalakay ni Satanas? Hindi. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila; ngunit kung tungkol sa supling ng mga balakyot, sila ay tiyak na lilipulin. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:28, 29.
18. (a) Ano ang magiging reaksiyon ng Diyos kapag sumalakay si Satanas sa Kaniyang bayan? (b) Bakit nakatulong sa iyo ang pagrerepaso sa impormasyong ito mula sa Bibliya hinggil sa tagumpay ng katarungan?
18 Ang pinakahuling paglapastangang magagawa ni Satanas at ng kaniyang kampon ay ang kanilang pagsalakay sa mga lingkod ni Jehova. Inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Zacarias: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Para itong pagsundot sa mata ni Jehova. Agad siyang kikilos upang alisin ang mga kaaway. Sa lahat ng tao sa lupa, ang mga lingkod ni Jehova ang pinakamaibigin, pinakamapayapa, pinakamasunurin sa batas, at lubos na nagkakaisa. Kaya talagang walang dahilan at di-makatarungan ang pagsalakay na iyon sa kanila. Hindi ito pahihintulutan ng Isa na lubhang “maibigin sa katarungan.” Kapag kumilos na siya alang-alang sa kanila, ganap nang mapupuksa ang mga kaaway ng kaniyang bayan, magtatagumpay ang katarungan, at maliligtas ang mga sumasamba sa tanging tunay na Diyos. Kagila-gilalas at kapana-panabik ngang mga pangyayari ang malapit nang maganap!—Kawikaan 2:21, 22.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit napakalaganap ng kawalang-katarungan?
• Paano lulutasin ni Jehova ang problema hinggil sa kawalang-katarungan sa lupa?
• Ano ang nakaantig sa iyo sa pag-aaral na ito hinggil sa tagumpay ng katarungan?
[Larawan sa pahina 23]
Laganap ang kasamaan bago ang Baha, at lalo pa itong lumalaganap sa “mga huling araw”
[Larawan sa pahina 24, 25]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang labis na kasamaan ay mapapalitan ng katarungan at katuwiran