ASNO
[sa Heb., chamohrʹ; ʼa·thohnʹ, “asnong babae”; ʽaʹyir, “hustong-gulang na asno”; sa Gr. oʹnos; o·naʹri·on, “batang asno”].
Isang hayop na matigas ang kuko at kapamilya ng kabayo, ngunit naiiba sa kabayo dahil ito ay mas maliit, mas maikli ang kilíng, mas mahahaba ang tainga, at mas maiikli ang balahibo sa buntot, anupat tanging ang dulong kalahati ng buntot nito ang may mahahabang balahibo. Yamang mas matatag ito kaysa sa kabayo dahil sa maliliit at matatalas na kuko nito, mas kaya ng asno ang baku-bako at bulubunduking kalupaan na pangkaraniwan sa Palestina. Bagaman naging kasabihan ang kahangalan at kasutilan ng asno, ito’y itinuturing na mas matalino kaysa sa kabayo, at isa itong matiyaga at matiising nilalang na madalas abusuhin ng tao tulad ng iba pang mga hayop.
Ang asno (Equus asinus) ay matagal nang naglilingkod sa tao bilang hayop na pantrabaho, pambiyahe, at panghila, anupat una itong binanggit sa Kasulatan may kaugnayan kay Abraham. (Gen 12:16; 22:3; Jos 15:18; 2Cr 28:15; Isa 30:24) Maliwanag na nasa isip ni Jacob ang mabigat na gawain ng asno sa pagdadala ng pasan nang ihalintulad niya ang kaniyang anak na si Isacar sa hayop na ito. (Gen 49:14) Sa kabilang dako, binanggit ang seksuwal na pagnanasa ng mga asno may kaugnayan sa pagpapatutot ng kaharian ng Juda sa mga bansa.—Eze 23:20.
Sa isa sa kaniyang mga pangitain, nakita ng propetang si Isaias ang “isang karong pandigma na may mga asno.” (Isa 21:7) Ipinahihiwatig nito na ginamit din ang mga asno sa pakikipagdigma, malamang na bilang mga hayop na pangkarga, kung hindi man sinakyan din ng mga mandirigma patungo sa aktuwal na labanan. May kinalaman dito, kapansin-pansin na binanggit ng Griegong istoryador na si Herodotus (IV, 129) na gumamit ng mga asno ang hukbong Persiano.
Ayon sa Kautusan, ang asno ay isang maruming hayop. Kaya naman yamang ang lahat ng panganay ay kay Jehova at ang panganay ng isang asno ay hindi maaaring ihain, alinman sa dapat itong tubusin sa pamamagitan ng paghahalili rito ng isang tupa o dapat baliin ang leeg nito.—Exo 13:13; 34:20.
Bagaman marumi, ang mga asno ay kinain sa Samaria dahil sa tindi ng taggutom noong panahong kubkubin ni Haring Ben-hadad ang lunsod, at maging ang bahagi na halos hindi kinakain, ang ulo ng asno na mabuto at walang gaanong laman, ay naging parang luhong pagkain na nagkakahalaga ng 80 pirasong pilak (kung siklo, $176).—2Ha 6:24, 25.
Itinatakda sa kautusan ng Diyos ang pakikitungo nang may kabaitan sa mga alagang hayop, gaya ng asno. Ang isang asno na nakalugmok sa ilalim ng pasan nito ay dapat kalagan, at hindi dapat pagtuwanging magkasama ang isang asno at isang toro. (Exo 23:5; Deu 22:10) Palibhasa’y mas maliit ito, mas mahina at may naiibang ugali, ang asno ay tiyak na mahihirapan sa gayong di-pantay na pagtutuwang.
Malamang na nagkaroon ng napakaraming asno ang mga Israelita, yamang sa kanilang kampanya lamang laban sa mga Midianita ay nakakuha sila ng 61,000 asno bilang samsam sa digmaan. (Bil 31:3, 32-34) Ipinahihiwatig ng malimit na pagbanggit sa hayop na ito sa Kasulatan na halos lahat ng sambahayan ay may alagang asno. (Deu 5:21; 22:4; 1Sa 12:3) Ipinakikita rin ito ng bagay na may isang asno sa bawat anim na tao (hindi kabilang ang mga alipin at mga mang-aawit) na bumalik kasama ni Zerubabel mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Ezr 2:1, 2, 64-67; Ne 7:66-69) Ang pagkilala ng asno sa dako nito may kaugnayan sa may-ari nito ay ginamit na halimbawa upang sawayin ang di-tapat na Israel dahil sa hindi nito pagkilala kay Jehova.—Isa 1:3.
Kapag namatay ang asno, basta na lamang ito kinakaladkad palabas ng lunsod at itinatapon sa bunton ng basura. Kaya naman nang ihula ng propeta ng Diyos na magiging hamak ang mapagmapuri at walang-pananampalatayang si Jehoiakim, na anak ni Josias at hari ng Juda, sinabi niya: “Ililibing siyang gaya ng paglilibing sa asnong lalaki, na kinakaladkad at itinatapon, sa labas ng mga pintuang-daan ng Jerusalem.”—Jer 22:19.
Kapuwa ang mga lalaki at babae, maging ang prominenteng mga Israelita, ay sumasakay sa asno. (Jos 15:18; Huk 5:10; 10:3, 4; 12:14; 1Sa 25:42) Si Solomon, na anak ni David, ay sumakay sa mulang-babae ng kaniyang ama, isang mestisang supling ng lalaking asno, patungo sa dako kung saan siya papahiran bilang hari. (1Ha 1:33-40) Samakatuwid, napakaangkop nga na tinupad ni Jesus, bilang isa na mas dakila kaysa kay Solomon, ang hula ng Zacarias 9:9 sa pamamagitan ng pagsakay, hindi sa kabayo, kundi sa bisiro ng isang asno “na hindi pa kailanman nauupuan ng sinuman sa sangkatauhan.”—Luc 19:30, 35.
Ipinapalagay ng ilan na nagkakaiba-iba ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa hayop na sinakyan ni Jesus sa kaniyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Ipinahihiwatig nina Marcos (11:7), Lucas (19:35), at Juan (12:14, 15) na ang sinakyan ni Jesus ay isang bisiro o batang asno, ngunit wala silang binanggit kung naroon din ang isang mas matandang asno. Gayunman, isinulat ni Mateo (21:7) na ‘dinala ng mga alagad ang asno at ang bisiro nito, at ipinatong nila sa mga ito ang kanilang mga panlabas na kasuutan, at inupuan niya ang mga ito.’ Tiyak na hindi umupo si Jesus sa dalawang hayop, kundi sa ibabaw ng mga kasuutan na ipinatong sa bisiro. Maliwanag, yamang hindi siya sumakay sa asno, kundi sa halip ay sa bisiro nito, hindi na binanggit nina Marcos, Lucas, at Juan sa kanilang mga ulat na naroon din ang magulang na asno.
Mailap na Asno. Ang mailap na asno [sa Heb., ʽa·rohdhʹ; sa Aramaiko, ʽaradhʹ] ay naiiba sa alagang asno, hindi dahil sa hitsura nito, kundi dahil ito ay mailap at mahirap supilin. Katugmang-katugma ito ng paglalarawan ng Bibliya sa isang hayop na waring ‘kinalagan ng mga tali.’—Job 39:5.
Ang mailap na asno (Equus hemionus) ay naninirahan sa disyertong kapatagan at sa lupain ng asin, na malayo sa kaguluhan ng bayan. Likas itong umiiwas sa mga lugar na tinitirahan ng tao, kaya “ang mga ingay ng manghuhuli ay hindi nito naririnig.” Hindi naman ito dahil mahina ang pandinig ng mailap na asno. Ang totoo, napakaingat nito dahil sa matalas nitong pandinig, paningin, at pang-amoy. Kung tatangkaing hulihin ng isang tao ang hayop na ito, mabilis itong tatakas. Ang maiilap na asno ay laging nagpapagala-gala sa paghahanap ng luntiang pananim, anupat naggagalugad maging sa kabundukan sa paghahanap ng makakain. Kinakain nila ang lahat ng uri ng luntiang halaman, anupat nginangatngat pati ang ugat ng mga ito. Kumakain din sila ng asin. (Job 39:5-8) Dahil mas gusto ng mailap na asno ang malaya at pagala-galang buhay na malayo sa mga tinatahanan ng tao, nagiging mas makahulugan ang binanggit sa ulat na nanahanan si Nabucodonosor kasama ng mga hayop na ito noong panahon ng kaniyang pitong-taóng pagkabaliw.—Dan 5:21; tingnan ang SEBRA.