“Magbigkis sa Inyong mga Sarili ng Kababaan ng Pag-iisip”
“Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 PEDRO 5:5.
1, 2. Anong dalawang magkasalungat na pag-iisip ang may malalim na epekto sa paggawi ng tao?
KABILANG sa mga itinatawag-pansin sa atin ng Salita ng Diyos ang dalawang magkasalungat na pag-iisip. Ang dalawang ito ay parehong may malalim na epekto sa paggawi ng tao. Ang isa ay inilalarawan na “kababaan ng pag-iisip.” (1 Pedro 5:5) Ayon sa isang diksyunaryo, ang “mababa” ay nangangahulugang “mapagpakumbaba sa paggawi o saloobin: malaya mula sa mapaggiit-sa-sarili na pagmamapuri.” Ang kababaan ng pag-iisip ay singkahulugan ng kapakumbabaan, at sa pangmalas ng Diyos, ito ay isang totoong kanais-nais na katangian.
2 Pagmamapuri naman ang kabaligtaran. Binigyang-katuturan ito na “labis-labis na pagtingin sa sarili,” anupat nagiging “mapagmataas.” Ito’y nakasentro sa sarili, at naghahangad ito ng materyal, makasarili, at iba pang kapakinabangan anuman ang maging masamang epekto nito sa iba. Binanggit ng Bibliya ang isang bunga nito: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” Sinasabi nito na ang “pagpapaligsahan sa isa’t isa” ay “paghahabol sa hangin” sapagkat sa kamatayan, “wala siyang anumang matatangay.” Ang gayong pagmamapuri ay talagang hindi kanais-nais sa pangmalas ng Diyos.—Eclesiastes 4:4; 5:15; 8:9.
Ang Nangingibabaw na Espiritu ng Sanlibutan
3. Ano ang nangingibabaw na espiritu ng sanlibutan?
3 Alin sa dalawang pag-iisip ang makikita sa sanlibutan sa ngayon? Ano ba ang nangingibabaw na espiritu ng sanlibutan? Ganito ang sabi ng World Military and Social Expenditures 1996: “Wala nang iba pang nakaulat na siglo ang makapapantay sa ika-20 pagdating sa mabangis na . . . karahasan.” Ang pakikipagtunggali para sa kapangyarihang pampulitika at pangkabuhayan—gayundin ang pagpapaligsahan ng mga bansa, relihiyon, tribo, at mga lahi—ay pumatay na ng mahigit sa 100 milyong tao sa siglong ito. Ang makasariling paggawi ng mga indibiduwal ay naging palasak din naman. Sinabi ng Chicago Tribune: “Kasali sa mga sakit ng lipunan ang walang-patumanggang karahasan, pang-aabuso sa mga bata, diborsiyo, paglalasing, AIDS, pagpapatiwakal ng mga tin-edyer, droga, mga gang sa kalye, panghahalay, mga anak sa labas, aborsiyon, pornograpya, . . . pagsisinungaling, pandaraya, katiwalian sa pulitika . . . Iwinaksi ang tama at mali bilang moral na mga ideya.” Kaya naman, nagbabala ang UN Chronicle: “Gumuguho na ang mga lipunan.”
4, 5. Paano eksaktong inilarawan ng hula ng Bibliya tungkol sa ating kapanahunan ang espiritu ng sanlibutan?
4 Pambuong-daigdig ang mga kalagayang ito. Iyan mismo ang inihula ng Bibliya para sa ating kapanahunan: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri.”—2 Timoteo 3:1-4.
5 Iyan ang eksaktong paglalarawan sa nangingibabaw na espiritu ng sanlibutan. Ito ang mapag-imbot na saloobing ako-muna. Ang pagpapaligsahan ng mga bansa ay masasalamin sa pagpapaligsahan ng mga indibiduwal. Halimbawa, sa mga paligsahan sa palakasan, maraming atleta ang naghahangad na maging numero uno gaano mang pinsala sa emosyon o sa pisikal pa nga ang idulot nito sa iba. Ang ganitong makasariling saloobin ay pinasisigla sa mga bata at nagpapatuloy sa maraming pitak ng buhay ng isang nasa hustong gulang. Nagbubunga ito ng “mga awayan, alitan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi.”—Galacia 5:19-21.
6. Sino ang nagtataguyod ng kaimbutan, at ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa ganitong takbo ng pag-iisip?
6 Ipinakikita ng Bibliya na masasalamin sa makasariling saloobin ng sanlibutang ito “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Hinggil sa impluwensiya ni Satanas sa mga taong nabubuhay sa mapanganib na mga huling araw na ito, inihula ng Bibliya: “Kaabahan para sa lupa . . . sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:9-12) Kaya pinag-ibayo niya at ng mga kasama niyang demonyo ang kanilang pagsisikap na magtaguyod ng isang mapag-imbot na takbo ng pag-iisip sa sangkatauhan. At ano naman ang nadarama ni Jehova sa gayong saloobin? Sinasabi ng kaniyang Salita: “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.”—Kawikaan 16:5.
Si Jehova ay Nasa mga Mapagpakumbaba
7. Paano minamalas ni Jehova ang mga mapagpakumbaba, at ano ang itinuturo niya sa kanila?
7 Sa kabilang dako naman, pinagpapala ni Jehova yaong mga may kababaan ng pag-iisip. Sa isang awit para kay Jehova, sinabi ni Haring David: “Ililigtas mo ang mapagpakumbabang bayan; ngunit ang iyong mga mata ay laban sa mga palalo, upang maibaba mo sila.” (2 Samuel 22:1, 28) Kaya naman, nagpapayo ang Salita ng Diyos: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Yaong mapagpakumbabang humahanap kay Jehova ay tinuturuan niya na maglinang ng espiritu na lubhang naiiba sa sanlibutang ito. “Ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.” (Awit 25:9; Isaias 54:13) Ang daang iyan ay daan ng pag-ibig. Iyon ay salig sa paggawa ng tama alinsunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ayon sa Bibliya, ang ganitong may-simulaing pag-ibig ay ‘hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, . . . hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito.’ (1 Corinto 13:1-8) Nahahayag din ito sa kababaan ng pag-iisip.
8, 9. (a) Ano ang pinagmulan ng may-simulaing pag-ibig? (b) Gaano kahalaga na tularan ang pag-ibig at kapakumbabaan na ipinamalas ni Jesus?
8 Natutuhan ni Pablo at ng iba pang Kristiyano noong unang siglo ang ganitong uri ng pag-ibig mula sa mga turo ni Jesus. At natutuhan naman ito ni Jesus mula sa kaniyang Ama, si Jehova, na tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Batid ni Jesus na kalooban ng Diyos para sa kaniya ang mabuhay ayon sa batas ng pag-ibig, at gayon nga ang ginawa niya. (Juan 6:38) Iyan ang dahilan kung bakit nahabag siya sa mga naaapi, sa mahihirap, sa mga makasalanan. (Mateo 9:36) Sinabi niya sa kanila: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.”—Mateo 11:28, 29.
9 Ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang kahalagahan ng pagtulad sa kaniyang pag-ibig at kapakumbabaan nang sabihin niya sa kanila: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kitang-kita na sila’y hiwalay sa makasariling sanlibutang ito. Kaya naman masasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Hindi, hindi nila tinutularan ang mapagmapuri at mapag-imbot na espiritu ng sanlibutan ni Satanas. Sa halip, tinutularan nila ang espiritu ng pag-ibig at kapakumbabaan na ipinakita ni Jesus.
10. Ano ang ginagawa ni Jehova sa mga mapagpakumbaba sa ating panahon?
10 Inihula ng Salita ng Diyos na sa mga huling araw na ito, titipuning sama-sama ang mga mapagpakumbaba sa isang pangglobong lipunan na nakasalig sa pag-ibig at pagpapakumbaba. Kaya naman, sa gitna ng isang daigdig na nagiging lalong mapagmapuri, ang bayan ni Jehova ay nagpapakita ng naiibang saloobin—ang kababaan ng pag-iisip. Sinasabi nila: “Umahon tayo sa bundok ni Jehova [ang matayog na tunay na pagsamba sa kaniya], . . . at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:2, 3) Ang mga Saksi ni Jehova ang siyang bumubuo ng pangglobong lipunang ito na lumalakad sa mga landas ng Diyos. Kasali sa kanila ang isang lumalawak na “malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Ang malaking pulutong na ito ay binubuo ngayon ng milyun-milyong tao. Paano sila sinasanay ni Jehova upang maging mapagpakumbaba?
Natututong Magtaglay ng Kababaan ng Pag-iisip
11, 12. Paano nagpapamalas ng kababaan ng pag-iisip ang mga lingkod ng Diyos?
11 Ang espiritu ng Diyos na gumagana sa kaniyang nakahandang bayan ay nagpapangyari sa kanila na matutong daigin ang masamang espiritu ng sanlibutan at saka ipamalas ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Nahahayag ito sa “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Upang tulungan silang malinang ang mga katangiang ito, pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na huwag maging “egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.”—Roma 12:3.
12 Sinasabihan ng Salita ng Diyos ang mga tunay na Kristiyano na huwag gumawa “ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba [sa mga lingkod ng Diyos] ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.” (Filipos 2:3, 4) “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) Oo, “ang pag-ibig ay nagpapatibay” sa iba sa pamamagitan ng mga salita at gawang walang-kaimbutan. (1 Corinto 8:1) Nagtataguyod ito ng pagtutulungan, hindi ng pagpapaligsahan. Walang dako sa mga lingkod ni Jehova ang saloobing ako-muna.
13. Bakit dapat matutuhang taglayin ang kababaan ng pag-iisip, at paano ito natututuhan ng isa?
13 Gayunman, dahil sa minanang di-kasakdalan, hindi tayo isinilang na taglay ang kababaan ng pag-iisip. (Awit 51:5) Kailangang matutuhan ang katangiang ito. At maaaring mahirap ito para sa mga hindi naturuan sa daan ni Jehova mula pa sa pagkabata ngunit tumanggap lamang nito nang dakong huli sa kanilang buhay. Nagkaroon na sila ng personalidad na hinubog sa mga saloobin ng matandang sanlibutang ito. Kaya kailangan nilang matutuhang ‘alisin ang lumang personalidad na naaayon sa kanilang dating landasin ng paggawi’ at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22, 24) Sa tulong ng Diyos, magagawa ng mga taimtim ang hinihiling niya sa kanila: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.”—Colosas 3:12.
14. Paano nagsalita si Jesus laban sa paghahangad na iangat ang sarili?
14 Kinailangang matutuhan iyan ng mga alagad ni Jesus. Sila’y nasa hustong gulang na nang sila’y maging mga alagad niya at nagtaglay ng makasanlibutang espiritu ng pakikipagpaligsahan sa gitna nila. Nang maghangad ng katanyagan para sa kaniyang mga anak ang ina ng dalawa sa kanila, sinabi ni Jesus: “Ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa [mga tao] at ang mga dakilang tao ay humahawak ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging ministro ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo. Kung paanong ang Anak ng tao [si Jesus] ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:20-28) Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag silang gumamit ng mga titulo upang iangat ang kanilang sarili, idinagdag niya: “Lahat kayo ay magkakapatid.”—Mateo 23:8.
15. Anong saloobin ang dapat taglayin niyaong mga nagnanais manungkulan bilang tagapangasiwa?
15 Ang isang tunay na tagasunod ni Jesus ay isang lingkod, oo, isang alipin sa kapuwa mga Kristiyano. (Galacia 5:13) Lalo itong totoo sa mga nagnanais na maging kuwalipikadong tagapangasiwa sa kongregasyon. Hindi sila kailanman dapat makipagpaligsahan para sa katanyagan o kapangyarihan; hindi sila dapat ‘mamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.’ (1 Pedro 5:3) Sa katunayan, ang makasariling saloobin ay nagpapahiwatig na ang isang lalaki ay hindi karapat-dapat mangasiwa. Makapipinsala sa kongregasyon ang gayong tao. Totoo, angkop lamang na ‘umabot sa katungkulan ng tagapangasiwa,’ ngunit dapat na ito’y udyok ng hangaring paglingkuran ang iba pang Kristiyano. Ang katungkulang ito ay hindi isang posisyon ng katanyagan o kapangyarihan, sapagkat yaong mga nangangasiwa ay dapat na kabilang sa mga totoong may kababaan ng pag-iisip sa kongregasyon.—1 Timoteo 3:1, 6.
16. Bakit tinuligsa si Diotrefes sa Salita ng Diyos?
16 Itinawag pansin sa atin ni apostol Juan ang tungkol sa isang tao na may maling pangmalas, anupat sinabi: “Ako ay may isinulat sa kongregasyon, ngunit si Diotrefes, na gustong magtaglay ng unang dako sa gitna nila, ay hindi tumatanggap ng anuman mula sa amin nang may paggalang.” Ang taong ito ay walang-galang na nakitungo sa iba sa pagsisikap na iangat ang sarili niyang katayuan. Sa halip, pinakilos ng espiritu ng Diyos si Juan upang ilakip sa Bibliya ang isang pagtuligsa kay Diotrefes dahil sa saloobin nitong ako-muna.—3 Juan 9, 10.
Ang Tamang Saloobin
17. Paano ipinamalas nina Pedro, Pablo, at Bernabe ang kababaan ng pag-iisip?
17 Maraming halimbawa sa Bibliya ng tamang saloobin, ng kababaan ng pag-iisip. Nang pumasok si Pedro sa tahanan ni Cornelio, ang lalaking ito ay “sumubsob sa paanan [ni Pedro] at nangayupapa sa kaniya.” Ngunit sa halip na tanggapin ang labis na papuri, “itinayo siya ni Pedro, na sinasabi: ‘Tumindig ka; ako mismo ay isang tao rin.’ ” (Gawa 10:25, 26) Nang sina Pablo at Bernabe ay nasa Listra, pinagaling ni Pablo ang isang lalaking ipinanganak na pilay. Bunga nito, sinabi ng mga pulutong na ang mga apostol na ito ay mga diyos. Gayunman, “pinunit [nina Pablo at Bernabe] ang kanilang mga panlabas na kasuutan at lumuksong patungo sa pulutong, na sumisigaw at nagsasabi: ‘Mga lalaki, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may gayunding mga kahinaan gaya ninyo.’ ” (Gawa 14:8-15) Ang mapagpakumbabang mga Kristiyanong ito ay ayaw tumanggap ng kaluwalhatian mula sa mga tao.
18. Taglay ang kapakumbabaan, ano ang sinabi ng isang makapangyarihang anghel kay Juan?
18 Nang si apostol Juan ay bigyan ng “isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo,” iyon ay inihatid ng isang anghel. (Apocalipsis 1:1) Dahil sa kapangyarihan ng isang anghel, mauunawaan natin kung bakit nasindak si Juan, sapagkat isang anghel ang pumuksa ng 185,000 Asiryano sa isang gabi lamang. (2 Hari 19:35) Inilahad ni Juan: “Nang aking marinig at makita, sumubsob ako upang sumamba sa harap ng mga paa ng anghel na nagpapakita sa akin ng mga bagay na ito. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid . . . Sambahin mo ang Diyos.’ ” (Apocalipsis 22:8, 9) Tunay na may kababaan ng pag-iisip ang makapangyarihang anghel na ito!
19, 20. Ipakita ang pagkakaiba ng kapalaluan ng mananakop na mga Romanong heneral at ng kababaan ng pag-iisip ni Jesus.
19 Si Jesus ang pinakamainam na halimbawa ng isa na may kababaan ng pag-iisip. Siya ang bugtong na Anak ng Diyos, ang magiging Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Nang iharap niya ang kaniyang sarili sa mga tao bilang gayon, hindi niya ginawa iyon na gaya ng ginagawa ng mananakop na mga heneral noong panahon ng mga Romano. Sila’y binibigyan ng malalaking parada—mga prusisyon—at sumasakay sa mga karo na napapalamutian ng ginto at garing, na hinihila ng mapuputing kabayo, at maging ng mga elepante, leon, o tigre. Sa mga prusisyon ay naroroon ang mga manunugtog na umaawit ng mga awit ng tagumpay, kasama ang mga kariton na puno ng mga samsam at malalaking karosa na naglalarawan ng mga eksena sa labanan. Naroroon din ang mga bihag na hari, prinsipe, at mga heneral, kasama ng kani-kanilang pamilya, na kadalasa’y hinuhubaran upang hiyain sila. Ang mga okasyong ito ay lipos ng pagmamapuri at kapalaluan.
20 Ibang-iba iyan sa paraan ng paghaharap ni Jesus ng kaniyang sarili. Handa siya na mapagpakumbabang sumailalim sa katuparan ng hula tungkol sa kaniya, na ang sabi: “Narito! Ang iyong hari mismo ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno.” Siya’y mapagpakumbabang sumakay sa isang hayop na pantrabaho, hindi sa isang karo na hinihila ng mariringal na hayop para sa parada. (Zacarias 9:9; Mateo 21:4, 5) Anong ligaya ng mga taong mapagpakumbaba na si Jesus ang magiging hinirang ni Jehova bilang Hari sa buong lupa sa bagong sanlibutan, isa na talagang may kababaan ng pag-iisip, mapagpakumbaba, maibigin, madamayin at maawain!—Isaias 9:6, 7; Filipos 2:5-8.
21. Ano ang hindi ipinahihiwatig ng kababaan ng pag-iisip?
21 Ang ideya na isang kahinaan ang kapakumbabaan ay pinabubulaanan ng bagay na sina Jesus, Pedro, Pablo, at ang iba pang lalaki at babae na may pananampalataya noong panahon ng Bibliya ay may kababaan ng pag-iisip. Sa halip, nagpapakita ito ng tibay ng pagkatao, sapagkat ang mga ito ay malalakas ang loob at masisigasig. Taglay ang katatagan ng isip at kalooban, nagbata sila ng matitinding pagsubok. (Hebreo, kabanata 11) At ngayon, kapag ang mga lingkod ni Jehova ay may kababaan ng pag-iisip, taglay nila ang katulad na katatagan dahil sinusuhayan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Kaya naman, hinihimok tayo: “Kayong lahat ay magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba. Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon.”—1 Pedro 5:5, 6; 2 Corinto 4:7.
22. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
22 May isa pang positibong aspekto ang kababaan ng pag-iisip na kailangang ipamalas ng mga lingkod ng Diyos. Iyon ang isa na tumutulong nang malaki para pasiglahin ang espiritu ng pag-ibig at pagtutulungan sa mga kongregasyon. Oo, ito ay isang mahalagang sangkap sa kababaan ng pag-iisip. Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
Bilang Repaso
◻ Ilarawan ang nangingibabaw na espiritung ito ng sanlibutan.
◻ Paano nililingap ni Jehova yaong may kababaan ng pag-iisip?
◻ Bakit dapat matutong magtaglay ng kababaan ng pag-iisip?
◻ Sinu-sino ang ilang halimbawa sa Bibliya ng mga taong nagpamalas ng kababaan ng pag-iisip?
[Larawan sa pahina 15]
Sinabi ng anghel kay Juan: “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang”