ARALIN 15
Sino si Jesus?
Si Jesus ang isa sa pinakakilalang tao sa kasaysayan. Pero maraming tao ang hindi talaga nakakakilala kay Jesus, at iba-iba ang ideya nila tungkol sa kaniya. Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaniya?
1. Sino si Jesus?
Si Jesus ay isang makapangyarihang espiritu sa langit. Siya ang pinakaunang nilalang ng Diyos na Jehova. Kaya tinawag siyang “panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Tinawag siya ng Bibliya na “kaisa-isang Anak” ng Diyos kasi siya lang ang direktang ginawa ni Jehova. (Juan 3:16) Kasama siya ni Jehova nang lalangin ang lahat ng iba pang bagay. (Basahin ang Kawikaan 8:30.) Napakalapít ng kaugnayan ni Jesus kay Jehova. Bilang tagapagsalita ng Diyos, sinabi niya ang mensahe at instruksiyon ni Jehova kaya tinawag siyang “ang Salita.”—Juan 1:14.
2. Bakit bumaba si Jesus sa lupa?
Mga 2,000 taon na ang nakakalipas, gumawa si Jehova ng himala gamit ang banal na espiritu. Inilipat niya ang buhay ni Jesus sa sinapupunan ng dalagang si Maria kaya naging tao si Jesus. (Basahin ang Lucas 1:34, 35.) Bumaba si Jesus sa lupa para maging Mesiyas, o Kristo, at para iligtas ang mga tao.a Lahat ng hula sa Bibliya tungkol sa Mesiyas ay natupad sa kaniya. Kaya nalaman ng mga tao na siya “ang Kristo, ang Anak ng buháy na Diyos.”—Mateo 16:16.
3. Nasaan na ngayon si Jesus?
Nang mamatay si Jesus bilang tao, binuhay siyang muli bilang espiritu at bumalik sa langit. Doon, “binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon.” (Filipos 2:9) Kaya ngayon, napakataas ng posisyon ni Jesus—pangalawa kay Jehova.
PAG-ARALAN
Kilalanin pa si Jesus at alamin kung bakit napakahalaga na makilala siya.
4. Hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat
Itinuturo ng Bibliya na makapangyarihang nilalang sa langit si Jesus, pero kailangan pa rin niyang sumunod sa kaniyang Diyos at Ama, si Jehova. Bakit natin nasabi iyan? Panoorin ang VIDEO para malaman kung bakit itinuturo ng Bibliya na magkaiba si Jesus at ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.
Matutulungan tayo ng sumusunod na mga teksto para maintindihan ang kaugnayan ni Jesus kay Jehova. Basahin ang bawat teksto. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong.
Basahin ang Lucas 1:30-32.
Ano ang sinabi ng anghel tungkol sa kaugnayan ni Jesus sa Diyos na Jehova, ang “Kataas-taasan”?
Basahin ang Mateo 3:16, 17.
Nang bautismuhan si Jesus, ano ang sinabi ng tinig mula sa langit?
Kanino kayang boses iyon?
Basahin ang Juan 14:28.
Sino ang mas matanda at mas may awtoridad? Ang ama o ang anak?
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang tawagin niya si Jehova na Ama niya?
Basahin ang Juan 12:49.
Inisip ba ni Jesus na iisa lang sila ng Ama niya? Ano sa tingin mo?
5. Pinatunayan ni Jesus na siya ang Mesiyas
Maraming hula sa Bibliya ang tutulong sa mga tao na malaman kung sino ang Mesiyas—ang pinili ng Diyos para iligtas ang mga tao. Panoorin ang VIDEO para makita ang ilang hula na natupad kay Jesus nang bumaba siya sa lupa.
Basahin ang sumusunod na mga hula sa Bibliya. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong.
Basahin ang Mikas 5:2 para malaman kung saan ipapanganak ang Mesiyas.b
Natupad ba ang hulang ito nang ipanganak si Jesus?—Mateo 2:1.
Basahin ang Awit 34:20 at Zacarias 12:10 para makita ang detalyadong mga hula tungkol sa kamatayan ng Mesiyas.
Natupad ba ang mga hulang ito?—Juan 19:33-37.
Sa tingin mo, makokontrol ba ni Jesus ang katuparan ng mga hulang ito?
Ano ang pinapatunayan nito tungkol kay Jesus?
6. Makikinabang tayo kapag nakilala natin si Jesus
Sinasabi ng Bibliya kung bakit napakahalaga na makilala si Jesus at malaman ang papel niya sa layunin ng Diyos. Basahin ang Juan 14:6 at 17:3. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit napakahalagang makilala si Jesus?
MAY NAGSASABI: “Hindi naniniwala kay Jesus ang mga Saksi ni Jehova.”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Si Jesus ay makapangyarihang espiritu. Siya ang Anak ng Diyos at ang Mesiyas.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit tinawag si Jesus na “panganay sa lahat ng nilalang”?
Ano ang ginagawa ni Jesus bago siya bumaba sa lupa?
Paano natin nalaman na si Jesus ang Mesiyas?
TINGNAN DIN
Alamin kung bakit si Jesus ang Mesiyas.
“Pinatutunayan Ba ng mga Hula sa Bibliya na si Jesus ang Mesiyas?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Literal bang ipinanganak ng Diyos si Jesus kung paanong ipinapanganak ang isang tao? Alamin ang itinuturo ng Bibliya.
“Bakit Tinawag na Anak ng Diyos si Jesus?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Alamin kung bakit hindi itinuturo ng Bibliya ang Trinidad.
Basahin kung paano nagbago ang buhay ng isang babae pagkatapos niyang pag-aralan ang itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jesus.
“Kung Bakit Binago ng Isang Babaing Judio ang Paniniwala Niya” (Gumising!, Mayo 2013)
a Tatalakayin sa Aralin 26 at 27 kung bakit kailangang iligtas ang mga tao at kung paano ito ginawa ni Jesus.
b Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 2 para malaman ang hula tungkol sa eksaktong pagdating ng Mesiyas sa lupa.